Mahalaga Kayo sa Paningin ng Diyos!
“Taglay ang isang pag-ibig hanggang sa panahong walang-takda ay inibig kita. Iyan ang dahilan kung bakit inilapit kita sa akin taglay ang maibiging-kabaitan.”—JEREMIAS 31:3.
1. Papaanong ang saloobin ni Jesus sa karaniwang mga tao ng kaniyang kaarawan ay naiiba kaysa roon sa mga Fariseo?
NAKIKITA nila ito sa kaniyang mga mata. Ang taong ito, si Jesus, ay di-maitutulad sa kanilang mga lider ng relihiyon; siya’y nagmamalasakit. Siya’y nahabag sa mga taong ito sapagkat sila’y “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Ang mga lider ng kanilang relihiyon ay dapat sanang naging maibiging mga pastol na kumakatawan sa isang maibigin, maawaing Diyos. Ngunit sa halip, hinamak nila ang karaniwang mga tao bilang manggugulo lamang—at isinumpa!a (Juan 7:47-49; ihambing ang Ezekiel 34:4.) Maliwanag, ang gayong pilipit, di-maka-Kasulatang pagpapalagay ay ibang-iba sa pangmalas ni Jehova sa kaniyang bayan. Sinabi niya sa kaniyang bansa, ang Israel: “Taglay ang isang pag-ibig hanggang sa panahong walang-takda ay inibig kita.”—Jeremias 31:3.
2. Papaano tinangkang kumbinsihin ng tatlong kasamahan ni Job na siya’y walang-halaga sa paningin ng Diyos?
2 Gayunman, tiyak na hindi ang mga Fariseo ang unang nagtangka na kumbinsihin ang mahal na mga tupa ni Jehova na sila’y walang-halaga. Tingnan ang halimbawa ni Job. Para kay Jehova siya’y matuwid at walang-kapintasan, subalit ipinahiwatig ng tatlong “mang-aaliw” na si Job ay isang imoral, balakyot na apostata na mamamatay nang walang anumang bakas na maiiwan. Iginiit nila na hindi pahahalagahan ng Diyos ang anumang katuwiran sa bahagi ni Job, yamang walang tiwala ang Diyos maging sa kaniyang mga anghel at minalas ang langit mismo bilang di-malinis!—Job 1:8; 4:18; 15:15, 16; 18:17-19; 22:3.
3. Anong mga paraan ang ginagamit ni Satanas sa ngayon upang tangkaing kumbinsihin ang mga tao na sila nga’y walang-halaga at hindi kagiliw-giliw?
3 Sa ngayon, ginagamit pa rin ni Satanas ang ‘tusong gawa’ na ito na pagtatangkang kumbinsihin ang mga tao na sila’y hindi iniibig at walang-halaga. (Efeso 6:11, talababa sa Ingles) Totoo, madalas na dinadaya niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasamantala sa kanilang kapalaluan at pagmamalaki. (2 Corinto 11:3) Ngunit nalulugod din siyang lupigin ang paggalang sa sarili ng mga mahihina. Ito’y lalo na nga sa mapanganib na “mga huling araw” na ito. Marami sa ngayon ang lumalaki sa mga pamilyang “walang likas na pagmamahal”; marami ang nakikitungo araw-araw sa mababangis, mga sakim, at matitigas ang ulo. (2 Timoteo 3:1-5) Ang mga taon ng masamang pakikitungo, pang-aapi ng lahi, poot, o pag-abuso ay maaaring makakumbinsi sa gayong mga tao na sila nga’y walang-halaga at hindi kagiliw-giliw. Sumulat ang isang lalaki: “Hindi ko nadamang ako’y umibig o inibig ninuman. Naging napakahirap para sa akin na maniwalang ang Diyos ay tunay ngang may malasakit sa akin.”
4, 5. (a) Bakit salungat sa Kasulatan ang idea ng personal na pagkawalang-halaga? (b) Ano ang isang mapanganib na bunga ng ating paniniwalang walang-halaga ang lahat ng ating pagsisikap?
4 Ang idea ng personal na pagkawalang-halaga ay tumatarak sa puso ng katotohanan ng Salita ng Diyos, ang turo ng pantubos. (Juan 3:16) Kung ang Diyos ay nakapagbayad ng napakataas na halaga—ang mahalagang buhay ng kaniyang sariling Anak—upang ibili tayo ng pagkakataong mabuhay magpakailanman, tiyak na iniibig Niya tayo; tiyak na tayo’y may halaga sa Kaniyang paningin!
5 Isa pa, talaga namang nakasisira ng loob na isiping tayo’y hindi nakalulugod sa Diyos, na ang lahat ng ating pagsisikap ay walang-halaga! (Ihambing ang Kawikaan 24:10.) Sa negatibong pangmalas na ito, kahit ang kapaki-pakinabang na mga pampatibay-loob, na sinadya upang tulungan tayong makapaglingkod pa sa Diyos hangga’t maaari, ay sa halip maaaring magmistulang paghatol para sa ilan. Maaaring waring umaalingawngaw ang ating sariling panloob na pananalig na anuman ang gawin natin ay hindi makasasapat.
6. Ano ang pinakamabisang panlunas sa pag-iisip ng lubhang negatibong mga bagay sa ating mga sarili?
6 Kung nahahalata mo ang gayong negatibong mga damdamin sa iyong sarili, huwag kang masiphayo. Marami sa atin ang labis na pumipintas sa ating mga sarili paminsan-minsan. At tandaan, ang Salita ng Diyos ay sinadya para sa “pagtutuwid ng mga bagay” at para sa “pagtitiwarik ng mga bagay na matibay ang pagkakatatag.” (2 Timoteo 3:16; 2 Corinto 10:4) Isinulat ni apostol Juan: “Sa ganito ay malalaman natin na tayo ay nagmumula sa katotohanan, at mabibigyang-katiyakan natin ang ating mga puso sa harap niya tungkol sa anuman na doon ay patawan tayo ng hatol ng ating mga puso, sapagkat ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:19, 20) Kung gayon, isaalang-alang natin, ang tatlong paraan na doo’y itinuturo sa atin ng Bibliya na tayo nga’y mahalaga kay Jehova.
Pinahahalagahan Ka ni Jehova
7. Papaano itinuro ni Jesus sa lahat ng mga Kristiyano ang tungkol sa kanilang halaga sa paningin ng Diyos?
7 Una, ang Bibliya ay tuwirang nagtuturo na bawat isa sa atin ay may halaga sa paningin ng Diyos. Sabi ni Jesus: “Ang limang maya ay nabibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos. Ngunit maging ang mga buhok ng inyong mga ulo ay bilang na lahat. Huwag kayong matakot; kayo ay mas mahalaga kaysa maraming maya.” (Lucas 12:6, 7) Noong mga panahong iyon, ang maya ang pinakamurang ibon na ipinagbibili bilang pagkain, ngunit walang isa man sa kanila ang hindi pinag-ukulan ng pansin ng Maylalang. Samakatuwid, itinatatag ang saligan para sa isang napakalaking pagkakaiba: Kung tungkol sa mga tao—na pagkahala-halaga—alam ng Diyos ang bawat detalye. Sa wari’y ultimong buhok ng ating mga ulo ay isa-isang binilang!
8. Bakit makatotohanang ipalagay na kayang bilangin ni Jehova ang buhok sa ating mga ulo?
8 Biláng ang buhok? Kung naghihinala kang hindi makatotohanan ang bahaging ito ng ilustrasyon ni Jesus, magmuni-muni: tandang-tanda ng Diyos ang kaniyang tapat na mga lingkod anupat kaya niya silang buhaying-muli—na muli silang lalalangin ayon sa bawat detalye, kasali na ang kanilang masalimuot na mga genetic code at ang lahat ng kanilang mga taon ng alaala at mga karanasan. Ang pagbilang sa ating buhok (na ang karaniwang ulo ay tinutubuan ng mga 100,000) ay simple lamang kung ihahambing!—Lucas 20:37, 38.
Ano ang Nakikita ni Jehova sa Atin?
9. (a) Ano ang ilang katangian na pinahahalagahan ni Jehova? (b) Bakit mo inaakala na ang gayong mga katangian ay mahalaga sa kaniya?
9 Ikalawa, itinuturo sa atin ng Bibliya kung ano ang pinahahalagahan ni Jehova sa atin. Sa simpleng pananalita, siya’y nalulugod sa ating positibong mga katangian at sa ating mga pagsisikap. Sinabi ni Haring David sa kaniyang anak na si Solomon: “Sinasaliksik ni Jehova ang lahat ng puso, at nalalaman niya ang bawat hilig ng kaisipan.” (1 Cronica 28:9) Habang nagsasaliksik ang Diyos sa bilyun-bilyong puso ng mga tao na nasa marahas, punung-puno ng pagkamuhing sanlibutang ito, tiyak na gayon na lamang ang kaniyang kaluguran kapag siya’y nakasusumpong ng isang pusong umiibig sa kapayapaan, katotohanan, at katuwiran! (Ihambing ang Juan 1:47; 1 Pedro 3:4.) Ano ang nangyayari kapag nakasusumpong ang Diyos ng isang pusong nag-uumapaw sa pag-ibig sa kaniya, na nagnanais na matuto ng hinggil sa kaniya at ibahagi ang kaalamang iyon sa iba? Sa Malakias 3:16, sinasabi sa atin ni Jehova na siya’y nakikinig sa mga nagsasabi sa iba ng tungkol sa kaniya at may “isang aklat ng alaala” pa man din para sa lahat “na natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” Ang gayong mga katangian ay mahalaga sa kaniya!
10, 11. (a) Papaanong ang ilan ay may hilig na huwag lubusang maniwala sa katunayan na pinahahalagahan ni Jehova ang kanilang mabubuting katangian? (b) Papaanong ang halimbawa ni Abias ay nagpapakitang pinahahalagahan ni Jehova ang mabubuting katangian sa lahat ng antas?
10 Gayunman, ang pusong mapaghatol-sa-sarili ay maaaring tumanggi sa gayong katunayan ng ating kahalagahan sa paningin ng Diyos. Maaaring pilit na ibinubulong nito, ‘Pero napakarami pang iba riyan na mas uliran sa gayong mga katangian kaysa sa akin. Tiyak na bigung-bigo si Jehova kapag inihahambing niya ako sa kanila!’ Hindi naghahambing si Jehova, ni siya man ay isang mahigpit, may di-nababaling mga pamantayan. (Galacia 6:4) Siya’y may matalas na kakayahang bumasa ng puso, at pinahahalagahan niya ang mabubuting katangian sa lahat ng antas.
11 Halimbawa, nang hatulan ni Jehova na patayin ang buong apostatang dinastiya ni Haring Jeroboam, palisin na parang “dumi,” iniutos Niyang isa lamang sa mga anak na lalaki ng hari, si Abias, ang bibigyan ng isang marangal na libing. Bakit? “Siya’y kinasumpungan ng bagay na mabuti kay Jehova na Diyos ng Israel.” (1 Hari 14:10, 13) Nangangahulugan ba ito na si Abias ay isang tapat na mananamba ni Jehova? Hindi naman, yamang siya’y namatay, gaya ng iba pa niyang balakyot na sambahayan. (Deuteronomio 24:16) Gayunman, pinahalagahan pa rin ni Jehova ang “bagay na mabuti” na nakita niya sa puso ni Abias at kumilos ayon doon. Ganito ang sabi ng Matthew Henry’s Commentary on the Whole Bible: “Kung mayroon mang isang bagay na mabuti-buti naman, iyon ay masusumpungan: Ang Diyos na humahanap nito ay makakakita nito, maging iyon man ay napakaliit, at nalulugod doon.” At huwag kalilimutan na kapag nakasumpong ang Diyos ng kahit napakaliliit na antas ng isang mabuting katangian sa iyo, mapalalaki niya ito habang nagsisikap kang mapaglingkuran siya nang buong-katapatan.
12, 13. (a) Papaano ipinakikita ng Awit 139:3 na pinahahalagahan ni Jehova ang ating mga pagsisikap? (b) Sa anong diwa masasabi na binibistay ni Jehova ang ating mga gawain?
12 Pinahahalagahan ni Jehova ang ating mga pagsisikap sa katulad na paraan. Sa Awit 139:1-3, mababasa natin: “O Jehova, iyong siniyasat ako, at nakilala ako. Iyo mismong nakilala ang aking pag-upo at ang aking pagtindig. Iyong inunawa ang aking pag-iisip mula sa malayo. Iyong sinukat ang aking paglalakbay at ang aking paghiga nang nakaunat, at naging pamilyar ka maging sa lahat ng aking mga lakad.” Samakatuwid ay alam ni Jehova ang lahat ng ating ginagawa. Ngunit higit pa sa basta pagkaalam lamang niya. Sa Hebreo, ang pariralang “naging pamilyar ka maging sa lahat ng aking mga lakad” ay maaari ring mangahulugang “pinakaiingat-ingatan mo ang lahat ng aking mga lakad” o “pinakatatangi-tangi mo ang lahat ng aking mga lakad.” (Ihambing ang Mateo 6:19, 20.) Gayunman, papaano maitatangi ni Jehova ang ating mga lakad kung tayo’y totoong di-sakdal at makasalanan?
13 Kapansin-pansin, ayon sa ilang iskolar, nang isulat ni David na “sinukat” ni Jehova ang kaniyang paglalakbay at mga panahon ng pamamahinga, ang literal na kahulugan sa Hebreo ay “bistayin” o “tahipan.” Isang sangguniang akda ang pumansin: “Ito’y nangangahulugang . . . tahipan ng lahat ng ipa, at itira ang lahat ng butil—upang matipon ang lahat ng mahalaga. Samakatuwid dito’y nangangahulugan na ang Diyos, wika nga, ay bumistay sa kaniya. . . . Isinabog niya ang lahat ng ipa, o lahat ng walang-halaga, at nakita ang natira na siyang tunay at mahalaga.” Ang pusong mapaghatol-sa-sarili ay maaaring magtahip ng ating mga gawa sa salungat na paraan, anupat walang-awang pinupulaan tayo dahil sa mga nakaraang kamalian at pinawawalang-halaga ang ating mabubuting gawa. Subalit pinatatawad ni Jehova ang ating mga kasalanan kung tayo’y taimtim na nagsisisi at lubusang nagsisikap na huwag nang maulit pa ang ating mga kamalian. (Awit 103:10-14; Gawa 3:19) Nagbibistay siya at inaalaala ang ating mabubuting gawa. Sa katunayan, patuloy niyang inaalaala ang mga ito habang tayo’y nananatiling tapat sa kaniya. Itinuturing niya na ang paglimot dito ay isang kalikuan, at siya’y hindi kailanman liko!—Hebreo 6:10.
14. Ano ang nagpapakitang pinahahalagahan ni Jehova ang ating gawain sa Kristiyanong ministeryo?
14 Anu-ano ang ilang mabubuting gawa na pinahahalagahan ng Diyos? Tunay na yao’y anumang bagay na ginagawa natin bilang pagtulad sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (1 Pedro 2:21) Kung gayon, tiyak na ang isang pinakamahalagang gawain ay ang pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa Roma 10:15, mababasa natin: “Kahali-halina ang mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!” Bagaman hindi natin kalimitang iniisip na “kahali-halina” ang ating karaniwang mga paa, ang salitang ginamit dito ni Pablo ay iyon ding ginamit sa salin ng Greek Septuagint upang ilarawan sina Rebeca, Rachel, at Jose—lahat ng tatlong ito na kilala sa kanilang kagandahan. (Genesis 26:7; 29:17; 39:6) Kaya nga ang ating pagiging abala sa paglilingkod sa ating Diyos, si Jehova, ay napakaganda at mahalaga sa kaniyang paningin.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
15, 16. Bakit pinahahalagahan ni Jehova ang ating pagbabata, at papaano binigyang-diin ng mga salita ni Haring David sa Awit 56:8 ang bagay na ito?
15 Ang isa pang katangian na pinahahalagahan ng Diyos ay ang ating pagbabatá. (Mateo 24:13) Tandaan, hangad ni Satanas na talikuran mo si Jehova. Sa bawat araw na ikaw ay nananatiling tapat kay Jehova ay panibagong araw ng iyong pagtulong sa pagbibigay ng kasagutan sa mga panunuya ni Satanas. (Kawikaan 27:11) Kung minsan ang pagbabatá ay hindi madali. Ang mga suliranin sa kalusugan, kapighatian sa pinansiyal, pagkabagabag, at iba pang mga hadlang ay nagpapangyari upang maging isang pagsubok ang bawat araw na magdaan. Ang pagbabatá sa harap ng gayong mga pagsubok ay lalo pa ngang mahalaga sa paningin ni Jehova. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling ni Haring David kay Jehova na imbakin ang kaniyang mga luha sa isang makasagisag na “botelyang balat,” anupat buong-pagtitiwalang nagtanong, “Hindi ba ang mga ito’y nasa iyong aklat?” (Awit 56:8) Oo, pinakaiingat-ingatan at inaalaala ni Jehova ang lahat ng luha at paghihirap na ating binábatá sa pag-iingat ng ating katapatan sa kaniya. Ang mga ito man ay mahalaga sa kaniyang paningin.
16 Kaugnay ng ating mas maiinam na katangian at ng ating mga pagsisikap, napakaliwanag kung gayon na si Jehova ay nakasusumpong sa bawat isa sa atin ng maraming bagay na pahahalagahan! Anuman ang pakikitungo sa atin ng sanlibutan ni Satanas, itinuturing tayo ni Jehova bilang mahahalaga at bahagi ng “kanais-nais na mga bagay sa lahat ng bansa.”—Hagai 2:7.
Kung Ano ang Nagawa Na ni Jehova Upang Ipamalas ang Kaniyang Pag-ibig
17. Bakit dapat tayong makumbinsi ng haing pantubos ni Kristo na iniibig tayo ni Jehova at ni Jesus bilang mga indibiduwal?
17 Ikatlo, labis-labis ang nagawa na ni Jehova upang patunayan ang kaniyang pag-ibig sa atin. Walang-alinlangan, ang haing pantubos ni Kristo ang pinakamabisang sagot sa satanikong kasinungalingan na tayo’y walang-halaga o di-minamahal. Huwag natin kailanman kalilimutan na ang masakit na kamatayang dinanas ni Jesus sa pahirapang tulos at ang mas matinding sakit na binatá ni Jehova habang pinagmamasdan ang kamatayan ng kaniyang pinakamamahal na Anak ay katibayan ng kanilang pag-ibig sa atin. Bukod diyan, ang pag-ibig na iyan ay personal na kumakapit sa atin. Ganiyan ang pangmalas ni apostol Pablo, yamang isinulat niya: “[Ang] Anak ng Diyos . . . [ay] umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.”—Galacia 2:20.
18. Sa anong diwa inilalapit tayo ni Jehova kay Kristo?
18 Napatunayan ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pagtulong sa bawat isa sa atin na samantalahin ang mga pakinabang ng hain ni Kristo. Sinabi ni Jesus sa Juan 6:44: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” Sa pamamagitan ng gawaing pangangaral, na nakarating sa bawat isa sa atin, at sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, na siyang ginagamit ni Jehova upang matulungan tayong unawain at ikapit ang espirituwal na mga katotohanan sa kabila ng ating mga limitasyon at di-kasakdalan, personal na inilalapit tayo ni Jehova sa kaniyang Anak at sa pag-asang buhay na walang-hanggan. Samakatuwid ay masasabi ni Jehova sa atin ang gaya ng sinabi niya sa Israel: “Taglay ang isang pag-ibig hanggang sa panahong walang-takda ay inibig kita. Iyan ang dahilan kung bakit inilapit kita sa akin taglay ang maibiging-kabaitan.”—Jeremias 31:3.
19. Bakit ang pribilehiyo ng panalangin ay dapat na makakumbinsi sa atin ng personal na pag-ibig ni Jehova sa atin?
19 Gayunman, marahil nadarama natin ang pag-ibig ni Jehova sa pinakamatalik na paraan sa pamamagitan ng pribilehiyo ng panalangin. Inaanyayahan niya tayong lahat na “manalangin nang walang lubay” sa kaniya. (1 Tesalonica 5:17) Nakikinig siya! Tinawag pa nga siyang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Hindi niya ipinagkatiwala ang katungkulang ito kaninuman, maging sa kaniyang sariling Anak. Isip-isipin lamang: Ang Maylalang ng uniberso ay humihimok sa atin na lumapit sa kaniya sa panalangin, taglay ang kalayaan sa pagsasalita. Ang iyong pagsusumamo ay maaari pa ngang makapagpakilos kay Jehova na gawin ang hindi na niya dapat na gawin.—Hebreo 4:16; Santiago 5:16; tingnan ang Isaias 38:1-16.
20. Bakit ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay hindi dahilan para sa labis na pagpapahalaga-sa-sarili o egotismo sa ating bahagi?
20 Walang timbang na Kristiyano ang gagamit na dahilan sa gayong katunayan ng pag-ibig at pagpapahalaga ng Diyos upang ituring ang sarili na higit pang mahalaga kaysa nararapat. Sumulat si Pablo: “Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan na ibinigay sa akin ay sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan, ang bawat isa ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi sa kaniya ng Diyos.” (Roma 12:3) Kaya nga habang tayo’y nadadarang sa init ng pag-ibig ng ating makalangit na Ama, hayaang tayo’y maging matino sa pag-iisip at tandaan na ang maibiging-kabaitan ng Diyos ay di-sana-nararapat.—Ihambing ang Lucas 17:10.
21. Anong satanikong kasinungalingan ang dapat nating patuloy na tanggihan, at anong banal na katotohanan ang dapat nating palagiang pakaisiping mabuti?
21 Hayaang pagsikapan ng bawat isa sa atin hangga’t maaari na labanan ang lahat ng mga idea na itinataguyod ni Satanas sa naghihingalong matandang sanlibutang ito. Kasali riyan ang pagtanggi sa kaisipang tayo’y walang-halaga o di-minamahal. Kung ang buhay sa sistemang ito ay nagturo sa iyo na tingnan ang sarili bilang isang hadlang na totoong nakapanghihina ng loob anupat di-kayang daigin kahit ng matinding pag-ibig ng Diyos, o kaya’y napakaliliit ng iyong mabubuting bagay na nagawa anupat di-mapansin kahit ng kaniyang mga matang nakakakita ng lahat, o ang iyong mga kasalanan ay totoong malalaki anupat di-kayang pagtakpan ng kamatayan ng kaniyang pinakamamahal na Anak, ikaw ay naturuan ng isang kasinungalingan. Tanggihan ang gayong mga kasinungalingan taglay ang pagkamuhi na nararapat sa mga ito! Palagian nating isaisip ang kinasihang mga salita ni apostol Pablo sa Roma 8:38, 39: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anumang iba pang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”
[Talababa]
a Sa katunayan, hinamak nila ang mahihirap taglay ang mapanlait na katawagang “ʽam-ha·ʼaʹrets,” o “mga tao ng lupain.” Ayon sa isang iskolar, itinuro ng mga Fariseo na hindi dapat pagkatiwalaan ang mga ito ng mamahaling mga bagay, ni pagtiwalaan ang kanilang mga patotoo, ni istimahin ang mga ito bilang mga panauhin, ni maging mga panauhin nila, ni bumili man sa kanila. Sinabi ng mga lider ng relihiyon na kung ang anak na babae ng isa ay maging asawa ng isa sa mga taong ito, para na rin siyang inilantad sa mabangis na hayop habang nakatali at walang kalaban-laban.
Ano sa Palagay Mo?
◻ Bakit tinatangka ni Satanas na kumbinsihin tayo na tayo’y walang-halaga at hindi iniibig?
◻ Papaano itinuro ni Jesus na pinahahalagahan ni Jehova ang bawat isa sa atin?
◻ Papaano natin malalaman na pinahahalagahan ni Jehova ang ating mabubuting katangian?
◻ Papaano tayo makatitiyak na pinakaiingat-ingatan ni Jehova ang ating mga pagsisikap?
◻ Papaano napatunayan ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa atin bilang mga indibiduwal?
[Larawan sa pahina 13]
Napapansin at naaalaala ni Jehova ang lahat niyaong palaisip sa kaniyang pangalan