Pananampalataya
Kahulugan: “Ang pananampalataya ay siyang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay, ang maliwanag na patotoo ng mga katunayang hindi nakikita.” (Heb. 11:1) Ang tunay na pananampalataya ay hindi ang pagiging mapaniwalain, alalaong baga’y, ang pagiging handang maniwala sa isang bagay na walang matatag na katibayan o dahil lamang sa gusto ng isa na maniwala dito. Ang tunay na pananampalataya ay nangangailangan ng saligan o batayang kaalaman, kabatiran sa ebidensiya, at pati na ng taos-pusong pagpapahalaga sa kung ano ang ipinakikita ng ebidensiya. Kaya, bagaman imposibleng magkaroon ng tunay na pananampalataya kung walang tumpak na kaalaman, sinasabi ng Bibliya na “sa pamamagitan ng puso” ang isa ay nananampalataya.—Roma 10:10.
Bakit maraming tao ang walang pananampalataya?
Ang pananampalataya ay isang bunga ng espiritu ng Diyos, at malugod na ibinibigay ng Diyos ang kaniyang espiritu sa mga naghahanap nito. (Gal. 5:22; Luc. 11:13) Kaya ang mga taong walang pananampalataya ay hindi naghahangad ng espiritung ito, o kung hinahanap man nila ito ay dahil sa masamang layunin o kaya’y kanilang nilalabanan ang pagkilos nito sa kanilang buhay. Maraming bagay ang nakakaimpluwensiya dito:
Kakulangan ng tumpak na kaalaman sa Bibliya: Ang Bibliya ay produkto ng espiritu ng Diyos, palibhasa ito’y kinasihan ng Diyos. (2 Tim. 3:16, 17; 2 Sam. 23:2) Ang pagkabigong mag-aral nito ay humahadlang sa pagpapalago ng tunay na pananampalataya. Bagaman ang mga miyembro ng mga iglesiya ay may Bibliya, kung ang naituro sa kanila ay mga kaisipan ng tao sa halip na ang Salita ng Diyos, hindi talaga sila magkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Sa paglutas ng mga suliranin sa buhay, nahihilig silang umasa sa sarili nilang mga palagay at niyaong sa ibang tao.—Ihambing ang Mateo 15:3-9.
Nawawalan ng tiwala sa relihiyon: Marami ang nawawalan ng tiwala dahil sa pagpapaimbabaw ng mga iglesiya sa Sangkakristiyanuhan na nangag-aangking nagtuturo ng Salita ng Diyos subali’t hindi namumuhay na kasuwato ng sinasabi nito. Ang iba’y mga dating tagasunod ng isang di-Kristiyanong relihiyon, subali’t nakita nila ang masasamang bunga ng maling mga gawain nito o kaya’y natuklasan na ang kanilang mga paniwala ay hindi talaga nakatulong sa kanila upang harapin ang mga suliranin sa buhay. Palibhasa’y walang tumpak na kaalaman tungkol sa tunay na Diyos, ang gayong mga tao ay umiiwas sa lahat ng bagay na nauugnay sa relihiyon.—Ihambing ang Roma 3:3, 4; Mateo 7:21-23.
Hindi nauunawaan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang masama: Karamihan ng tao ay hindi nakakaunawa kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang masama kaya sinisisi nila siya dahil sa lahat ng masasamang bagay na nangyayari. Hindi nila natatalos na ang hilig ng tao sa paggawa ng masama ay hindi dahil sa kalooban ng Diyos kundi dahil sa kasalanan ni Adan. (Roma 5:12) Maaaring hindi nila nalalaman na umiiral si Satanas na Diyablo at na siya’y may impluwensiya sa mga suliranin ng daigdig, kaya ibinibintang nila sa Diyos ang mga kalikuan na ginagawa ni Satanas. (1 Juan 5:19; Apoc. 12:12) Kung may bahagya man silang kaalaman hinggil sa mga bagay na ito, nadadama nilang mabagal kumilos ang Diyos, sapagka’t hindi nila nauunawaan ang suliranin ng pansansinukob na pamamahala at hindi nila nasasakyan ang bagay na ang pagtitiis ng Diyos magpahanggang sa ngayon ay nagbibigay sa kanila ng di-na-sana nararapat na pagkakataon upang maligtas. (Roma 2:4; 2 Ped. 3:9) Isa pa, hindi nila lubusang nauunawaan na ang Diyos ay nagtakda ng panahon upang lipulin magpakailanman ang lahat ng gumagawa ng masama.—Apoc. 22:10-12; 11:18; Hab. 2:3.
Ang kanilang mga buhay ay pinangingibabawan ng mga hilig at mga saloobing makalaman: Karaniwan na, ang mga tao na walang matibay na pananampalataya ay nabubuyo sa pagtataguyod ng ibang mga kapakanan. Ang iba ay nagsasabi na naniniwala sila sa Bibliya subali’t maaaring hindi naman nila ito lubusang napag-aaralan o kaya’y hindi nila nabubulay-bulay nang may pagpapahalaga ang kanilang nababasa, ang mga dahilan na nasa likuran ng kanilang nababasa, at kung papaano ito kumakapit sa araw-araw na buhay. (Ihambing ang 1 Cronica 28:9.) Sa ilang mga pagkakataon hindi nila napatibay ang kanilang pananampalataya, at sa halip, ay pinahintulutan ang hangarin ukol sa di-matuwid na mga bagay na mangibabaw sa hilig ng kanilang puso anupa’t tuluyan na silang napalayo sa Diyos at sa kaniyang mga daan.—Heb. 3:12.
Papaano makapagtatamo ang isang tao ng pananampalataya?
Roma 10:17: “Ang pananampalataya’y nanggagaling sa pakikinig.” (Ihambing ang Gawa 17:11, 12; Juan 4:39-42; 2 Cronica 9:5-8. Dapat munang suriin ng isa kung ano ang sinasabi ng Bibliya, at mapatitibay niya ang kaniyang pagtitiwala kung maingat niya itong susuriin upang siya’y maging kumbinsido sa pagiging maaasahan nito.)
Roma 10:10: “Sa pamamagitan ng puso ay nananampalataya ang isa.” (Pinalalalim ng isa ang pagkakatimo ng mga bagay na banal sa kaniyang makasagisag na puso sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay upang mapasulong ang pagpapahalaga ukol sa mga bagay na ito.)
Ang pananampalataya ay lumalakas kapag ang isa ay kumikilos kasuwato ng mga pangako ng Diyos at kapag nakikita niya ang ebidensiya ng pagpapala ng Diyos sa kaniyang ginagawa.—Tingnan ang Awit 106:9-12.
Paglalarawan: Marahil ay may kaibigan kayo na tungkol sa kaniya’y maaari ninyong masabi: ‘Nagtitiwala ako sa taong yaon. Maaasahan ko siya sa pagtupad ng kaniyang salita; at kung may suliranin ako, alam ko na tiyak na ako’y tutulungan niya.’ Malayong sabihin ninyo ang ganito hinggil sa isang tao na kakahapon lamang ninyo unang nakilala, hindi ba? Dapat na siya ay isang tao na matagal na ninyong nakasama, isa na nakapagpatunay sa kaniyang pagkamaaasahan sa maraming pagkakataon. Ganoon din kung tungkol sa relihiyosong pananampalataya. Upang magkaroon ng pananampalataya, dapat na gumugol ng panahon upang makilala si Jehova at ang kaniyang mga pamamaraan.
Pananampalataya na may Diyos
Tingnan ang mga pahina 126-133, sa ilalim ng paksang “Diyos.”
Pananampalataya sa pag-asa ukol sa isang matuwid na bagong pamamalakad ng mga bagay
Pagka ang isa ay nagkaroon ng lubusang kabatiran hinggil sa ulat ng pakikitungo ni Jehova sa kaniyang mga lingkod, nagkakaroon siya ng saloobin na katulad niyaong kay Josue, na nagsabi: “Natatalos ninyo ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang nagkulang ni isang salita sa lahat ng mabubuting bagay na sinalita ni Jehovang inyong Diyos. Lahat ay nangatupad sa inyo. Ni isang salita ay walang nagkulang.”—Jos. 23:14.
Ang mga pangako ng Bibliya hinggil sa isasauling kalusugan, pagkabuhay-muli mula sa mga patay, at iba pa, ay napapatibay dahil sa ulat hinggil sa mga himalang ginawa ni Jesu-Kristo. Ang mga ito ay hindi alamat. Basahin ang ulat ng mga Ebanghelyo at tingnan ang ebidensiya ng pagtataglay nito ng palatandaan ng lubusang pagiging-makasaysayan. Nginanganlan ang mga dakong heograpikal; ibinibigay ang pangalan ng mga namamahala noon; naingatan ang maraming ulat mula sa mga aktuwal na nakasaksi. Ang pagbubulay-bulay sa ebidensiyang ito ay maaaring makapagpatibay sa inyong pananampalataya sa mga pangako ng Bibliya.
Pumaroon sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova at sa kanilang malalaking kombensiyon, at personal na saksihan ang katibayan na ang pagkakapit ng payo ng Bibliya ay maaaring makapagpabago ng buhay, na pinakikilos nito ang mga tao upang maging tapat at matuwid sa moral, at na napangyayari nito ang mga tao mula sa lahat ng lahi at bansa na mamuhay at gumawang magkakasama sa espiritu ng tunay na pagkakapatiran.
Mahalaga pa ba ang mga gawa kung ang isa nama’y may pananampalataya?
Sant. 2:17, 18, 21, 22, 26: “Ang pananampalataya, kung walang mga gawa, ay patay sa ganang sarili. Sa kabila nito, ang isa ay magsasabi: ‘May pananampalataya ka, at ako nama’y may gawa. Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang hiwalay sa gawa, at ako naman sa pamamagitan ng aking mga gawa’y ipakikita sa iyo ang aking pananampalataya.’ Hindi ba’t si Abraham na ating ama ay inaring-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa matapos niyang ihandog ang kaniyang anak na si Isaac sa ibabaw ng dambana? Nasaksihan ninyo kung papaanong ang kaniyang pananampalataya ay gumawang kasuwato ng kaniyang mga gawa at sa pamamagitan ng mga gawa ang pananampalataya niya’y pinasakdal. Kaya nga, kung papaanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayon din ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.”
Paglalarawan: May nanliligaw na binata sa isang dalaga, at sinasabi ritong minamahal niya ito. Subali’t kung hindi naman niya ito niyayayang pakasal, ipinakikita ba niya na ang kaniyang pag-ibig ay talagang lubus-lubusan? Sa gayon ding paraan, sa pamamagitan ng mga gawa ay naitatanghal natin ang pagiging-totoo ng ating pananampalataya at pag-ibig. Kung hindi natin sinusunod ang Diyos hindi natin siya tunay na iniibig at wala tayong pananampalataya sa pagiging-matuwid ng kaniyang mga daan. (1 Juan 5:3, 4) Sa kabila nito hindi tayo magiging karapatdapat sa kaligtasan ano man ang ating gawin. Ang buhay na walang-hanggan ay isang kaloob mula sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, at hindi isang kabayaran sa ating mga gawa.—Efe. 2:8, 9.