Natatandaan Mo Ba?
Nakinabang ka ba sa pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Anong malubhang problema ang napapaharap sa ilang Kristiyano matapos magpakasal, at ano ang dapat na pagsikapan nilang gawin?
Baka makita ng ilang Kristiyano na hindi pala sila magkasundo ng kanilang kabiyak. Pero kailangan nilang sikapin na maisalba ang kanilang pagsasama dahil alam nilang hindi solusyon ang di-makakasulatang diborsiyo.—4/15, pahina 17.
• Anu-anong hamon ang maaaring mapaharap sa isang Kristiyanong nasa nursing home?
Baka ang nursing home na tinutuluyan niya ay nasa teritoryo ng ibang kongregasyon na walang nakakakilala sa kaniya. Karamihan sa mga nasa nursing home ay maaaring may naiibang paniniwala at baka hikayatin nila siyang makisali sa mga gawaing may kaugnayan sa relihiyon. Dapat na alam ng mga Kristiyanong kamag-anak at mga miyembro ng kongregasyon ang mga problemang ito upang matulungan at maasikaso siya.—4/15, pahina 25-27.
• Ano ang apat na hakbang na makatutulong sa mag-asawa sa paglutas ng mga problema?
Magtakda ng panahon para pag-usapan ang problema. (Ecles. 3:1, 7) Tapatang sabihin ang iyong opinyon sa magalang na paraan. (Efe. 4:25) Pakinggan at unawain ang damdamin ng iyong asawa. (Mat. 7:12) Pagkasunduan ang solusyon, at magtulungan sa pagsasagawa nito. (Ecles. 4:9, 10)—5/1, pahina 10-12.
• Nang himukin tayo ni Jesus na manalangin para sa kapatawaran ng ating mga pagkakautang, ano ang tinutukoy niya?
Kapag pinaghambing ang Mateo 6:12 at Lucas 11:4, makikita natin na hindi inutang na pera ang nasa isip ni Jesus. Ang tinutukoy niya ay mga kasalanan. Kailangan nating tularan ang Diyos at maging handang magpatawad.—5/15, pahina 9.
• Sa anu-anong komite naglilingkod ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala?
Coordinators’ Committee; Personnel Committee; Publishing Committee; Service Committee; Teaching Committee; Writing Committee.—5/15, pahina 29.
• Paano tayo makatitiyak na inapawan ng tubig ang buong lupa noong panahon ni Noe?
Naniwala si Jesus na naganap ang Baha at na talagang inapawan nito ang buong lupa. May mga babalang nakasaad sa Bibliya na iniugnay sa naganap na pangglobong Baha.—6/1, pahina 8.
• Sa Roma 1:24-32, sino ang mga taong tinutukoy na imoral ang paggawi, mga Judio ba o mga Gentil?
Bagaman ang binanggit na paglalarawan ay maaaring tumukoy kapuwa sa dalawang grupong ito, partikular na tinutukoy rito ni apostol Pablo ang sinaunang mga Israelita na hindi naging masunurin sa Kautusan sa loob ng maraming siglo. Bagaman alam nila ang matuwid na mga batas ng Diyos, hindi sila namuhay ayon dito.—6/15, pahina 29.
• Nasaan ang Tel Arad, at bakit mahalaga ang lugar na ito?
Ang bunton na ito sa Israel na lokasyon ng sinaunang lunsod ng Arad ay nasa gawing kanluran ng Dagat na Patay. Sa bunton na ito nakahukay ang mga arkeologo ng koleksiyon ng mga bibinga na ginagamit na sulatan. Nakasulat sa ilan sa mga bibingang ito ang ilan sa mga pangalang masusumpungan sa Bibliya, at ipinakikita ng mga ito na ang personal na pangalan ng Diyos ay ginamit sa sekular na mga dokumento.—7/1, pahina 23-24.
• Bakit makapagdudulot sa atin ng higit na kagalakan ang pagtatakda ng makatuwirang mga tunguhin?
Kung pilit nating inaabot ang di-makatuwirang mga tunguhin anuman ang maging kapalit, nagdudulot ito sa atin ng labis na tensiyon. Sa kabilang dako, hindi tayo dapat magtakda ng sobrang simpleng mga tunguhin, anupat idinadahilan ang iniisip nating mga limitasyon para maging di-gaanong aktibo sa ministeryo.—7/15, pahina 29.
• Bakit maaaring mahirapan ang mga magulang sa pakikipag-usap sa kanilang mga anak na nagbibinata o nagdadalaga?
Ang ilan sa mga dahilan ay ang pagkamahiyain ng kabataan, at ang kagustuhan niyang magsarili at huwag mapakialaman ng iba. Maaaring kausapin ng mga magulang ang kanilang anak sa palakaibigang paraan sa ordinaryong mga pagkakataon at sikaping unawain kung ano talaga ang gusto niyang sabihin.—8/1, pahina 10-11.