‘Gamitin Nang Wasto ang Salita ng Diyos’
“Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”—2 TIMOTEO 2:15.
1, 2. (a) Bakit kailangan ng mga manggagawa ang mga kagamitan? (b) Ano ang gawain ng mga Kristiyano, at paano nila ipinakikita na hinahanap muna nila ang Kaharian?
KAILANGAN ng mga manggagawa ng kagamitan upang tulungan silang maganap ang trabaho nila. Subalit hindi sapat ang basta pagkakaroon lamang ng kahit anong kagamitan. Kailangan ng manggagawa ang tamang kagamitan, at dapat niyang gamitin ito sa tamang paraan. Halimbawa, kung nagtatayo ka ng masisilungan, at nais mong pakuan ang dalawang tabla para paglapatin ang mga ito, hindi lamang martilyo at mga pako ang kakailanganin mo. Dapat na alam mo kung paano ibaon ang pako sa kahoy nang hindi nababaluktot ang pako. Magiging napakahirap, nakasisiphayo pa nga, ang pagbabaon ng pako sa kahoy kung hindi ka marunong gumamit ng martilyo. Ngunit ang mga kagamitang ginagamit nang wasto ay tumutulong upang maganap natin ang mga gawain nang may kasiya-siyang mga resulta.
2 Bilang mga Kristiyano, may gawain tayong kailangang isakatuparan. Isang napakahalagang gawain ito. Hinimok ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na “hanapin muna ang kaharian.” (Mateo 6:33) Paano natin magagawa ito? Ang isang paraan ay maging masigasig sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Ang isa pang paraan ay gawing matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos ang ating ministeryo. Ang ikatlong paraan naman ay sa pamamagitan ng mabuting paggawi. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Gawa 8:25; 1 Pedro 2:12) Upang maging mabisa at maligaya sa atas na gawaing Kristiyanong ito, kailangan natin ang angkop na mga kagamitan at kaalaman kung paano gamitin nang wasto ang mga ito. Sa bagay na ito, nagpakita ng namumukod-tanging halimbawa bilang manggagawang Kristiyano si apostol Pablo, at hinikayat niyang tumulad sa kaniya ang mga kapananampalataya niya. (1 Corinto 11:1; 15:10) Kung gayon, ano ang matututuhan natin mula kay Pablo, ang ating kamanggagawa?
Si Pablo—Masigasig na Tagapaghayag ng Kaharian
3. Bakit masasabing masigasig na manggagawa ng Kaharian si apostol Pablo?
3 Anong uri ng manggagawa si Pablo? Talagang masigasig siya. Nagpunyagi nang puspusan si Pablo, anupat pinalaganap ang mabuting balita sa malawak na lugar sa palibot ng Mediteraneo. Sa pagbibigay ng dahilan sa kaniyang masiglang paghahayag ng Kaharian, sinabi ng di-nanghihimagod na apostol na ito: “Ngayon, kung ipinapahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon upang maghambog ako, sapagkat ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, sa aba ko kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!” (1 Corinto 9:16) Interesado lamang ba si Pablo sa pagliligtas ng sarili niyang buhay? Hindi. Hindi siya makasariling tao. Sa halip, ninais niyang makinabang din ang iba sa mabuting balita. Sumulat siya: “Ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.”—1 Corinto 9:23.
4. Ano ang pinakamahalagang kagamitan para sa mga manggagawang Kristiyano?
4 Si apostol Pablo ay isang mahinhing manggagawa na nakatatantong hindi siya makaaasa sa kaniyang sariling kasanayan lamang. Kung paanong kailangan ng karpintero ang martilyo, kailangan din ni Pablo ang tamang kagamitan upang maikintal ang katotohanan ng Diyos sa puso ng kaniyang mga tagapakinig. Anong kagamitan ang pangunahing ginamit niya? Ang Salita ng Diyos, ang Banal na Kasulatan. Sa katulad na paraan, ang buong Bibliya ang pangunahing kagamitan na ginagamit natin upang tumulong sa atin na gumawa ng mga alagad.
5. Upang maging mabisang mga ministro, ano ang kailangan nating gawin bukod sa pagsipi ng mga kasulatan?
5 Alam ni Pablo na higit pa sa basta pagsipi lamang ang sangkot sa wastong paggamit ng Salita ng Diyos. Gumamit siya ng “panghihikayat.” (Gawa 28:23) Paano? Matagumpay na ginamit ni Pablo ang nasusulat na Salita ng Diyos upang kumbinsihin ang marami na tanggapin ang katotohanan hinggil sa Kaharian. Nakipagkatuwiranan siya sa kanila. Sa loob ng tatlong buwan sa isang sinagoga sa Efeso, si Pablo ay ‘nagbigay ng mga pahayag at gumamit ng panghihikayat tungkol sa kaharian ng Diyos.’ Bagaman “ang ilan ay patuloy na [n]agmatigas at ayaw maniwala,” nakinig naman ang iba. Bilang resulta ng ministeryo ni Pablo sa Efeso, “patuloy na lumago at nanaig ang salita ni Jehova.”—Gawa 19:8, 9, 20.
6, 7. Paano niluwalhati ni Pablo ang kaniyang ministeryo, at paano rin natin magagawa ito?
6 Bilang masigasig na tagapaghayag ng Kaharian, ‘niluwalhati ni Pablo ang kaniyang ministeryo.’ (Roma 11:13) Paano? Hindi siya interesadong isulong ang kaniyang sarili; ni ikinahiya man niyang hayagang makilala bilang isa sa mga kamanggagawa ng Diyos. Sa halip, minalas niya na isang napakalaking karangalan ang kaniyang ministeryo. Bihasa at mabisang ginamit ni Pablo ang Salita ng Diyos. Naging pangganyak sa iba ang kaniyang mabungang gawain, anupat nakatulong upang maudyukan silang ganapin nang lubus-lubusan ang kanilang ministeryo. Sa ganitong paraan din, naluwalhati ang kaniyang ministeryo.
7 Tulad ni Pablo, maluluwalhati natin ang ating gawain bilang mga ministro sa pamamagitan ng madalas at mabisang paggamit sa Salita ng Diyos. Sa lahat ng pitak ng ating ministeryo sa larangan, dapat nating maging tunguhin na may maibahagi mula sa Kasulatan sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Paano natin ito magagawa nang may panghihikayat? Isaalang-alang ang tatlong mahahalagang paraan: (1) Akayin ang pansin sa Salita ng Diyos sa paraang igagalang ito. (2) Mataktikang ipaliwanag at ikapit ang sinasabi ng Bibliya. (3) Mangatuwiran mula sa Kasulatan sa paraang nakakakumbinsi.
8. Anu-ano ang mga kagamitan natin ngayon sa pangangaral ng Kaharian, at paano mo ginagamit ang mga iyon?
8 May mga kagamitan ang mga tagapaghayag ng Kaharian sa ngayon na wala noong panahon ng ministeryo ni Pablo. Kasama rito ang mga aklat, magasin, brosyur, handbill, tract, at mga rekording na audio at video. Noong nakaraang siglo, ginamit din ang mga testimony card, ponograpo, sound car, at pagsasahimpapawid sa radyo. Siyempre pa, ang pinakamainam nating kagamitan ay ang Bibliya, at kailangan nating gamitin nang mabuti at wasto ang mahalagang kagamitan na ito.
Dapat na Nakasalig sa Salita ng Diyos ang Ating Ministeryo
9, 10. Tungkol sa paggamit ng Salita ng Diyos, ano ang matututuhan natin sa payo ni Pablo kay Timoteo?
9 Paano natin magagamit bilang mabisang kagamitan ang Salita ng Diyos? Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salitang ito na sinabi ni Pablo sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (2 Timoteo 2:15) Ano ang sangkot sa ‘paggamit nang wasto sa salita ng katotohanan’?
10 Ang Griegong salita na isinaling “ginagamit nang wasto” ay literal na nangangahulugang “pumuputol nang tuwid” o “gumawa ng tuwid na daanan.” Ginamit lamang ang terminong iyan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sa paalaala ni Pablo kay Timoteo. Magagamit din ang salitang ito upang ilarawan ang pag-aararo ng tuwid na tudling sa bukirin. Nakahihiya para sa isang bihasang magsasaka kung makapag-araro siya ng baluktot na tudling. Upang maging “manggagawa na walang anumang ikinahihiya,” pinaalalahanan si Timoteo na walang paglihis mula sa totoong mga turo sa Salita ng Diyos ang mapahihintulutan. Hindi dapat hayaan ni Timoteo na hubugin ng kaniyang personal na mga pangmalas ang turo niya. Dapat na sa Kasulatan lamang niya isalig ang kaniyang pangangaral at pagtuturo. (2 Timoteo 4:2-4) Sa ganitong paraan, ang tapat-pusong mga indibiduwal ay maaakay na magtaglay ng pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay, at hindi magkaroon ng makasanlibutang mga pilosopiya. (Colosas 2:4, 8) Totoo rin ito sa ngayon.
Dapat na Mabuti ang Ating Paggawi
11, 12. Ano ang kinalaman ng ating paggawi sa paggamit natin nang wasto sa Salita ng Diyos?
11 Hindi lamang natin dapat gamitin nang wasto ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag ng katotohanan nito. Ang ating paggawi ay dapat na kaayon nito. “[Tayo] ay mga kamanggagawa ng Diyos,” kaya hindi tayo dapat maging mapagpaimbabaw na mga manggagawa. (1 Corinto 3:9) Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Gayunman, ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba? Ikaw, na nagsasabing ‘Huwag mangalunya,’ nangangalunya ka ba? Ikaw, na nagpapahayag ng pagkamuhi sa mga idolo, ninanakawan mo ba ang mga templo?” (Roma 2:21, 22) Kung gayon, bilang makabagong-panahong mga manggagawa ng Diyos, ang isang paraan upang magamit natin nang wasto ang Salita ng Diyos ay sundin ang payong ito: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
12 Anong mga resulta ang maaasahan natin mula sa paggamit nang wasto sa Salita ng Diyos? Isaalang-alang ang maaaring maging kapangyarihan ng nasusulat na Salita ng Diyos sa buhay ng tapat-pusong mga indibiduwal.
May Kapangyarihang Makapagpabago ang Salita ng Diyos
13. Ano ang maaaring ibunga ng pagkakapit ng Salita ng Diyos sa isang tao?
13 Kapag tinanggap bilang may awtoridad, ang mensahe ng Salita ng Diyos ay may malakas na impluwensiyang tumutulong sa mga tao na gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay. Nakita ni Pablo ang bisa ng salita ng Diyos at nasaksihan ang mabuting epekto nito sa naging mga Kristiyano sa sinaunang Tesalonica. Kaya sinabi niya sa kanila: “Pinasasalamatan [din namin] ang Diyos nang walang lubay, sapagkat nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos, na siyang gumagana rin sa inyo na mga mananampalataya.” (1 Tesalonica 2:13) Para sa mga Kristiyanong iyon—sa katunayan, para sa lahat ng tunay na mga tagasunod ni Kristo—hindi maihahambing ang mahinang lohika ng tao sa sukdulang karunungan ng Diyos. (Isaias 55:9) “Tinanggap [ng mga taga-Tesalonica] ang salita sa ilalim ng labis na kapighatian na may kagalakan sa banal na espiritu” at naging mga halimbawa sa ibang mananampalataya.—1 Tesalonica 1:5-7.
14, 15. Gaano kalakas ang kapangyarihan ng mensahe ng Salita ng Diyos, at bakit?
14 Ang Salita ng Diyos ay dinamiko, katulad ng Pinagmulan nito, si Jehova. Mula ito sa “Diyos na buháy,” ang isa na sa pamamagitan ng salita niya ay “nalikha ang langit,” at ang salitang iyan ay palaging ‘nagtatagumpay sa bagay na pinagsusuguan dito.’ (Hebreo 3:12; Awit 33:6; Isaias 55:11) Ganito ang komento ng isang iskolar sa Bibliya: “Hindi inihihiwalay ng Diyos ang sarili niya mula sa kaniyang Salita. Hindi niya ikinakaila ito na para bang isang bagay na kakaiba sa kaniya. . . . Kaya hindi ito isang patay na bagay, na hindi naaapektuhan ng kinalalabasan nito; sapagkat ito ay bigkis ng pakikipagkaisa sa buháy na Diyos.”
15 Gaano kalakas ang kapangyarihan ng mensaheng nagmumula sa Salita ng Diyos? May napakalakas na kapangyarihan ito. Angkop na isinulat ni Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.”—Hebreo 4:12.
16. Gaano kalubos maaaring baguhin ng Salita ng Diyos ang isang tao?
16 Ang mensahe sa nasusulat na Salita ng Diyos ay “mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim.” Kaya ito ay may napakalakas at tumatagos na kapangyarihan anupat nakahihigit ito sa anumang instrumento o kagamitan ng tao. Ang Salita ng Diyos ay tumatagos sa kaloob-loobang mga bahagi ng isang tao at nakapagpapabago sa kaniyang panloob na pagkatao, anupat nakaaapekto sa kung paano siya mag-isip at kung ano ang iniibig niya, at ginagawa siyang isang kaayaaya at makadiyos na manggagawa. Talaga ngang makapangyarihang kagamitan!
17. Ipaliwanag ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos na makapagpabago.
17 Inilalantad ng Salita ng Diyos kung ano talaga ang tunay na pagkatao ng isang indibiduwal kung ihahambing sa kung ano siya ayon sa inaakala niya o sa ipinahihintulot niyang makita ng iba. (1 Samuel 16:7) Kung minsan, naikukubli maging ng balakyot na tao ang kaniyang panloob na pagkatao sa pamamagitan ng pagkukunwaring mabait o banal. Ang mga taong masama ay nagbabalatkayo para sa balakyot na mga layunin. Nagkukunwaring mapagpakumbaba ang mapagmapuring mga tao samantalang minimithing pahangain ang iba. Gayunman, sa pamamagitan ng paghahantad sa talagang nilalaman ng puso, mabisang napakikilos ng Salita ng Diyos ang mapagpakumbabang indibiduwal upang alisin ang lumang personalidad at “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:22-24) Maaari ring baguhin ng mga turo ng Salita ng Diyos ang mga mahiyain upang maging matatapang na mga Saksi ni Jehova at masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian.—Jeremias 1:6-9.
18, 19. Salig sa mga parapong ito o sa personal na karanasan sa paglilingkod sa larangan, ipakita kung paano maaaring baguhin ng katotohanan sa Kasulatan ang saloobin ng isang tao.
18 May mabuting epekto sa mga tao saanman ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos na makapagpabago. Halimbawa, nangaral nang dalawang beses sa isang buwan sa probinsiya ng Kompong Cham ang mga tagapaghayag ng Kaharian na mula sa Phnom Penh, Cambodia. Pagkatapos marinig na magsalita ang ibang mga klerigo laban sa mga Saksi ni Jehova, isinaayos ng isang lokal na pastora na makipagkita sa mga Saksi sa susunod nilang pagdalaw sa probinsiya. Pinagtatanong niya sila tungkol sa pagdiriwang ng mga kapistahan at nakinig siyang mabuti habang nakikipagkatuwiranan sila sa kaniya mula sa Kasulatan. Pagkatapos ay bumulalas siya: “Alam ko na ngayon na hindi totoo ang sinabi ng kapuwa ko mga pastor tungkol sa inyo! Sinabi nila na hindi kayo gumagamit ng Bibliya, pero iyan lamang ang ginamit ninyo ngayong umaga!”
19 Ipinagpatuloy ng babaing ito ang pakikipagtalakayan sa mga Saksi at hindi pinahintulutang makapagpahinto sa kaniya ang mga bantang alisin siya bilang pastora. Ang kaniyang maka-Kasulatang mga pakikipagtalakayan ay binanggit niya sa isang kaibigan, na nagsimula namang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Tuwang-tuwa ang kaibigang iyon sa kaniyang natututuhan anupat sa isa sa mga serbisyo niya sa simbahan, napakilos siyang sabihin, “Halikayo, makipag-aral kayo ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova!” Di-nagtagal pagkalipas nito, umalis siya bilang miyembro ng simbahan. Nagsimulang mag-aral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova ang dating pastora, ang kaniyang kaibigan, at ang iba pa.
20. Paano ipinakikita ng karanasan ng isang babae sa Ghana ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos?
20 Makikita rin ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa nangyari kay Paulina, isang babae sa Ghana. Isang buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian ang nagdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa kaniya sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.a Sangkot si Paulina sa poligamya at nakita niya ang pangangailangang magbago, ngunit marahas siyang sinalansang ng kaniyang asawa at ng lahat ng kamag-anak niya. Sa pamamagitan ng maling pagkakapit ng Mateo 19:4-6, hinikayat siya ng kaniyang lolo, isang hukom sa mataas na hukuman at elder sa simbahan, na huwag gawin iyon. Parang may awtoridad magsalita ang hukom, subalit natanto kaagad ni Paulina na katulad ito ng pagpilipit ni Satanas sa Kasulatan nang tuksuhin niya si Jesu-Kristo. (Mateo 4:5-7) Naalaala niya ang maliwanag na pananalita ni Jesus tungkol sa pag-aasawa, na sa diwa ay nagsasabing nilalang ng Diyos ang mga tao na lalaki at babae, hindi lalaki at mga babae, at ang dalawa, hindi tatlo, ay magiging isang laman. Pinanindigan niya ang kaniyang pasiya at pinagkalooban siya sa wakas ng nakaugaliang diborsiyo mula sa poligamong pag-aasawa. Di-nagtagal, siya ay naging isang maligaya at bautisadong tagapaghayag ng Kaharian.
Patuloy na Gamitin Nang Wasto ang Salita ng Diyos
21, 22. (a) Anong determinasyon ang nais nating taglayin bilang mga tagapaghayag ng Kaharian? (b) Ano ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?
21 Ang nasusulat na Salita ng Diyos ay tunay ngang isang makapangyarihang kagamitan na magagamit natin upang tulungan ang iba na gumawa ng pagbabago sa kanilang buhay nang sa gayon ay maging malapít kay Jehova. (Santiago 4:8) Kung paanong ginagamit ng bihasang manggagawa ang mga kagamitan upang makamtan ang magagandang resulta, maging determinasyon nawa natin na taimtim na pagsikapan ang bihasang paggamit sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, sa ating bigay-Diyos na gawain bilang tagapaghayag ng Kaharian.
22 Paano natin mas mabisang magagamit ang Kasulatan sa ating gawaing paggawa ng alagad? Ang isang paraan ay linangin ang ating kakayahan bilang nakakakumbinsing mga guro. Pakisuyong ituon ang iyong pansin sa susunod na artikulo sapagkat nagmumungkahi ito ng mga paraan upang turuan at tulungan ang iba na tanggapin ang mensahe ng Kaharian.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Naaalaala Mo Ba?
• Anu-anong mga kagamitan ang magagamit ng mga tagapaghayag ng Kaharian?
• Sa anu-anong mga paraan naging halimbawa si Pablo bilang manggagawa ng Kaharian?
• Ano ang sangkot sa paggamit nang wasto sa Salita ng Diyos?
• Gaano kalakas ang kapangyarihan ng nasusulat na Salita ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 10]
Ilang kagamitang ginagamit ng mga Kristiyano sa gawaing paghahayag ng Kaharian