Mga Judio
Kahulugan: Gaya ng karaniwang ginagamit ngayon, ang termino ay tumutukoy sa mga tao na may Hebreong pinagmulan at sa iba pa na nakumberte sa Judaismo. Binabanggit din ng Bibliya na may mga Kristiyano na Judio sa espiritu at na sila’y bumubuo sa “Israel ng Diyos.”
Ang mga likas na Judio ba sa ngayon ang siyang piling bayan ng Diyos?
Ito ang paniwala ng maraming Judio. Sinasabi ng Encyclopaedia Judaica (Jerusalem, 1971, Tomo 5, kol. 498): “BAYANG PINILI, isang karaniwang katawagan para sa mga taga-Israel, na nagpapahayag ng paniwala na ang bayang Israel ay may pantangi at kakaibang pakikipag-ugnayan sa pansansinukob na maykapal. Ang paniwalang ito ay pangunahin sa buong kasaysayan ng kaisipang Judio.”—Tingnan ang Deuteronomio 7:6-8; Exodo 19:5.
Marami sa Sangkakristiyanuhan ang may ganito ring paniwala. Ang seksiyong “Relihiyon” ng Journal and Constitution ng Atlanta (Enero 22, 1983, p. 5-B) ay nag-ulat ng ganito: “Salungat sa daan-daang taon nang mga turo ng mga iglesiya na ang Diyos ay ‘nagtakwil sa kaniyang bayang Israel’ at hinalinhan sila ng isang ‘bagong Israel,’ siya [si Paul M. Van Buren, teologo sa Temple University sa Philadelphia] ay nagsasabi na ang mga iglesiya sa ngayon ay naniniwala na ‘ang tipan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Judio ay walang-hanggan. Ang kamanghamanghang pagbalikwas na ito ay ginawa kapuwa ng mga Protestante at Katoliko, sa magkabilang panig ng Atlantiko.’ ” Idinagdag pa ng The New York Times (Pebrero 6, 1983, p. 42): “ ‘May pagkabighani ang mga konserbatibong ebangheliko sa Israel at sa paniwala na lahat ng ginagawa ng Israel ay dapat na tangkilikin, sapagka’t ang Diyos ay nasa panig ng Israel,’ sabi ni Timothy Smith, propesor ng teolohiya sa Johns Hopkins University at isang ebanghelikong Wesleyan.” May ilan sa Sangkakristiyanuhan na umaasa na sa wakas ay makukumberte at maliligtas ang buong likas na Israel. Ang iba ay kumukuha ng pangmalas na mula’t-sapol ay umiral na ang isang di-mapapatid na bigkis sa pagitan ng Diyos at ng Israel, kaya’t nangangatuwiran sila na ang mga Gentil lamang ang nangangailangan ng pagbabalik-loob sa pamamagitan ni Kristo.
Isaalang-alang: Pagkaraan ng pagkakatapon sa Babilonya, nang ang Israel ay naibalik sa kaniyang lupain, inutusan ang mga tao na isauli ang tunay na pagsamba sa kanilang bigay-Diyos na lupain. Ang isa sa kauna-unahang proyekto na pinasimulan ay ang muling pagtatayo ng templo ni Jehova sa Jerusalem. Gayumpaman, mula nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 C.E., ang templo ay hindi na kailanman naitayong-muli. Sa halip, sa dating kinaroroonan ng templo ay nakatayo ngayon ang isang dambanang Islamiko. Kung ang mga Judio, na nagsasabing sila’y nasa ilalim ng Mosaikong Batas, ay nasa Jerusalem ngayon bilang piniling bayan ng Diyos, hindi ba dapat sanang naitayo muli ang templo na nauukol sa kaniyang pagsamba?
Mat. 21:42, 43: “Sinabi ni Jesus sa kanila [sa mga pangulong saserdote at matatandang lalake sa mga Judio sa Jerusalem]: ‘Kailanma’y hindi ba ninyo nabasa sa mga Kasulatan, “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ang siya ngayong naging pangulo sa panulok. Ito’y nagmula mismo kay Jehova, at ito’y kagilagilalas sa ating mga mata”? Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ang Kaharian ng Diyos ay aalisin sa inyo at ipagkakaloob sa isang bayan na nagluluwal ng bunga nito.’ ”
Mat. 23:37, 38: “Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kaniya,—makailang ulit na inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng inahing manok na nagtitipon sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Subali’t kayo ay aayaw nito. Kaya narito! ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.”
Ang tipan ba ng Diyos kay Abraham ay nagbibigay-katiyakan na ang mga Judio ay siya pa ring piling bayan ng Diyos?
Gal. 3:27-29: “Lahat kayo na nangabautismuhan kay Kristo ay isinasakbat si Kristo. Walang magiging Judio ni Griyego man, walang magiging alipin ni malaya man, walang magiging lalake ni babae man; sapagka’t kayong lahat ay iisang persona na kaisa ni Kristo Jesus. Kaya’t kung kayo’y kay Kristo nga, kayo’y tunay na binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa isang pangako.” (Kaya, mula sa pangmalas ng Diyos, ang saligan kung sino nga ang binhi ni Abraham ay hindi na sa pagiging likas na inapo ni Abraham.)
Lahat ba ng mga Judio ay makukumberte upang sumampalataya kay Kristo at magkakamit ng walang-hanggang kaligtasan?
Roma 11:25, 26: “Hindi ko ibig, mga kapatid, na kayo’y manatiling walang-alam hinggil sa banal na lihim na ito, upang kayo’y huwag magmarunong sa inyong sariling paningin: na ang katigasan sa isang bahagi ay naganap sa Israel hanggang sa pumasok ang kabuuang bilang ng mga bansa, at sa paraang ito [“sa ganito’y,” TEV; “kaya,” CC, By; Griyego, houʹtos] ang buong Israel ay maliligtas.” (Pansinin na ang pagliligtas ng “buong Israel” ay magaganap, hindi sa pamamagitan ng pagkakumberte ng lahat ng mga Judio, kundi sa ‘pagpasok’ ng mga tao mula sa mga bansang Gentil. Ganito ang ibang pagkakasalin ng Rom 11 bersikulo 26: “At pagkaraan nito ang nalalabi sa Israel ay maliligtas.” Subali’t ang A Manual Greek Lexicon of the New Testament [Edinburgh, 1937, G. Abbott-Smith, p. 329] ay nagbibigay-kahulugan sa houʹtos bilang “sa paraang ito, dahil dito, kaya.”)
Upang marating ang wastong unawa sa Roma 11:25, 26, dapat din nating isaalang-alang ang naunang mga pangungusap sa Roma: “Siya’y hindi isang Judio kung sa labas lamang, ni ang pagtutuli kaya’y yaong nasa labas na nahahayag sa laman. Datapuwa’t siya ay Judio sa loob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu, at hindi sa nasusulat na titik.” (Rom 2:28, 29) “Hindi lahat ng nagbubuhat sa Israel ay tunay ngang ‘Israel.’ ”—Rom 9:6.
Kailangan ba ng mga Judio na manampalataya kay Jesu-Kristo upang maligtas?
Inihula ng Isaias 53:1-12 na mamamatay ang Mesiyas upang ‘dalhin ang mga kasalanan ng marami at upang mamagitan sa mga mananalansang.’ Sinasabi ng Daniel 9:24-27 na ang pagdating at ang kamatayan ng Mesiyas ay ‘upang wakasan ang pagkakasala at upang patawarin ang kasamaan.’ (JP) Ipinakikita ng dalawang tekstong ito na ang mga Judio ay nangangailangan ng gayong pamamagitan at pagpapatawad. Makakaasa kaya sila na matapos tanggihan ang Mesiyas ay kamtin pa rin ang pagsang-ayon niyaong Nagsugo sa kaniya?
Gawa 4:11, 12: “[Hinggil kay Jesu-Kristo, si apostol Pedro ay napakilos ng banal na espiritu upang sabihin sa mga pinunong Judio at matatandang lalake sa Jerusalem:] Siya ang ‘bato na niwalang-halaga ninyong mga tagapagtayo at na naging pangulo sa panulok.’ Bukod dito, sa kaninomang iba ay walang kaligtasan, sapagka’t walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas.” (Bagaman ang bansa ng likas na Israel ay hindi na nagtatamasa ng pantanging banal na paglingap, ang daan ay bukas pa rin para sa mga indibiduwal na Judio, kung papaanong ito ay bukas sa mga tao ng lahat ng bansa, upang makinabang sa kaligtasan na pinapangyari sa pamamagitan ni Jesus na siyang Mesiyas.)
Katuparan ba ng hula ng Bibliya ang mga pangyayaring nagaganap ngayon sa Israel?
Ezek. 37:21, 22, JP: “Ganito ang sinabi ng Panginoong DIYOS: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroonan, at titipunin ko sila mula sa bawa’t dako, at ibabalik ko sila sa kanilang sariling lupain; at gagawin ko sila na isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel, at isang hari ang maghahari sa kanilang lahat.” (Ang Israel sa ngayon ay hindi isang bansa sa ilalim ng isang hari sa maharlikang angkan ni David. Ang kanilang pamahalaan ay isang republika.)
Isa. 2:2-4, JP: “Mangyayari sa katapusan ng mga araw, na ang bundok ng bahay ng PANGINOON ay matatatag sa ibabaw ng mga bundok, at matataas sa ibabaw ng mga burol; at lahat ng bansa ay magsisihugos doon. At maraming bayan ang magsisiparoon at magsisipagsabi: ‘Halikayo, at tayo’y umahon sa bundok ng PANGINOON, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan Niya tayo ng Kaniyang mga daan, at magsisilakad tayo sa Kaniyang mga landas.’ . . . At kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit; ang bansa ay hindi na magtatangan ng tabak laban sa kapuwa bansa, ni magsisipag-aral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Sa Jerusalem ngayon ay walang “bahay ng Diyos ni Jacob” sa dating kinaroroonan ng templo, nguni’t sa halip, ay isang dambanang Islamiko. At walang ginagawang hakbang ang Israel ni ang kaniyang mga katabing bansa upang “pandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.” Ang kaligtasan nila ay kanilang iniaasa sa paghahandang militar.)
Isa. 35:1, 2, JP: “Ang ilang at ang tuyong lupa ay matutuwa; at ang disyerto ay magagalak, at mamumukadkad na gaya ng rosas. Ito’y mamumulaklak nang sagana, at magagalak, na may saya at awitan; ipagkakaloob sa kaniya ang kaluwalhatian ng Libano, ang karangalan ng Carmel at ng Sharon; makikita nila ang kaluwalhatian ng PANGINOON, ang karangalan ng ating Diyos.” (Kamanghamanghang pagsasauli ng mga kagubatan at mga proyekto sa patubig ang naisagawa nang matagumpay sa Israel. Subali’t ang mga pinuno nito ay hindi nag-uukol ng parangal sa Panginoong Diyos. Gaya ng sinabi ng isang dating punong-ministro, si David Ben-Gurion: “Ang Israel ay determinado . . . na lupigin ang disyerto at gawin itong mabunga sa pamamagitan ng kapangyarihan ng siyensiya at ng espiritu ng isang tagapagbunsod, at baguhin ang bansa upang maging isang moog ng demokrasya.”)
Zac. 8:23, JP: “Mangyayari sa mga araw na yaon, na sampung lalake ang magsisitangan, mula sa lahat ng mga wika ng mga bansa, sila’y magsisitangan sa damit niya na isang Judio, at magsasabi: Sasama kami sa iyo, sapagka’t narinig namin na ang Diyos ay sumasa iyo.” (Sa kaninong Diyos tumutukoy ang hula? Sa wikang Hebreo ang pangalan niya [יהזה, na karaniwang isinasaling Jehova] ay lumilitaw nang mahigit na 130 ulit sa aklat na ito ng Banal na Kasulatan. Sa ngayon, kapag may gumagamit ng pangalang ito, ipinapasiya ba ng mga tao na yaong gumagamit niyaon ay isang Judio? Hindi; sa loob ng maraming dantaon, ang pamahiin ay humadlang sa karamihang mga Judio upang bigkasin ang personal na pangalan ng Diyos. Ang sigalbo ng relihiyosong interes hinggil sa likas na Israel sa ngayon ay hindi umaayon sa hulang ito.)
Papaano, kung gayon, dapat malasin ang mga pangyayaring nagaganap sa makabagong-panahong Israel? Bilang bahagi lamang ng pandaigdig na mga kalagayan na inihula sa Bibliya. Kalakip na rito ang digmaan, katampalasanan, panglalamig ng pag-ibig sa Diyos, at ang pag-ibig sa salapi.—Mat. 24:7, 12; 2 Tim. 3:1-5.
Sa gitna nino natutupad ngayon ang mga hula hinggil sa pagsasauli ng Israel?
Gal. 6:15, 16: “Sapagka’t ang pagtutuli ay walang anoman, ni ang di-pagtutuli, kundi ang isang bagong nilalang. At ang lahat ng magsisilakad nang may kaayusan sa tuntuning ito, ay sumakanila nawa ang kapayapaan at awa, maging sa Israel ng Diyos.” (Kaya, ang “Israel ng Diyos” ay hindi na pinagpapasiyahan salig sa kanilang pakikiayon sa kahilingan na ipinagkaloob kay Abraham na dapat tuliin ang lahat ng lalake sa kaniyang sambahayan. Sa halip, gaya ng isinasaad sa Galacia 3:26-29, yaong mga kalakip ni Kristo at na mga pinahiran-ng-espiritung mga anak ng Diyos ang siyang “tunay na binhi ni Abraham.”)
Jer. 31:31-34: “ ‘Narito! Darating ang araw,’ sabi ni Jehova, ‘na ako’y makikipagtipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ni Juda ng isang bagong tipan . . . At bawa’t isa ay hindi na magtuturo sa kaniyang kasama, at bawa’t isa sa kaniyang kapatid, na magsasabi, “Kilalanin mo si Jehova!” sapagka’t bawa’t isa sa kanila ay makakakilala na sa akin, mula sa pinakamaliit sa kanila hanggang sa pinakadakila sa kanila,’ ang kapahayagan ni Jehova.” (Ang bagong tipan na yaon ay ginawa, hindi sa bansa ng likas ng Israel, kundi sa tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo na siyang pinagkalooban ng pag-asa ng makalangit na buhay. Nang pinasisinayaan ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, iniabot sa kanila ni Jesus ang isang saro ng alak at nagsabi: “Ang sarong ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo.” [1 Cor. 11:25])
Apoc. 7:4: “At narinig ko ang bilang niyaong mga tinatakan, na isang daan at apatnapu’t-apat na libo, na tinatakan mula sa bawa’t angkan ng mga anak ni Israel.” (Subali’t sa sumusunod na mga talata, ay binabanggit ang “tribo ni Levi” at “ang tribo ni Jose.” Ang mga ito ay hindi kalakip sa mga talaan ng 12 tribo ng likas na Israel. Kapunapuna, na bagaman sinasabi na ang mga tao ay “tinatakan mula sa bawa’t angkan,” ang mga tribo ni Dan at Efraim ay hindi binabanggit. [Ihambing ang Bilang 1:4-16.] Ang pagtukoy na ito ay dapat kumapit sa espirituwal na Israel ng Diyos, sa kanila na makikibahagi kay Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 14:1-3.)
Heb. 12:22: “Nagsilapit kayo sa Bundok Sion at sa lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem, at sa laksa-laksang mga anghel.” (Kaya hindi sa makalupang Jerusalem kundi sa “makalangit na Jerusalem” umaasa ang mga tunay na Kristiyano ukol sa katuparan ng mga pangako ng Diyos.)