PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Roma 12:2—“Hayaan Ninyong Baguhin ng Diyos ang Inyong Pag-iisip”
“Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, para mapatunayan ninyo sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2, Bagong Sanlibutang Salin.
“Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Roma 12:2
Hindi lang dapat iwasan ng mga taong gustong mapasaya ang Diyos ang masasamang impluwensiya—dapat din nilang baguhin ang kanilang pagkatao. Hindi sila pinipilit ng Diyos na magbago; ginagawa nila ito dahil mahal nila siya at alam nilang ang utos niya ay makatuwiran at kapaki-pakinabang.—Isaias 48:17.
“Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito.” Ang “sistemang ito,” o ang lipunan ng mga tao kasama na ang mga pamantayan, pag-uugali, at paggawi nito, ay hindi kaayon ng pamantayan o kaisipan ng Diyos. (1 Juan 2:15-17) Patuloy nitong iniimpluwensiyahan ang mga tao, at puwede nitong mahubog ang kanilang pag-uugali at pagkatao. Para masamba ang Diyos sa paraang gusto Niya, dapat iwasan ng isang tao ang impluwensiya ng mundo, dahil kung hindi, magkakaroon siya ng mga ugaling hindi gusto ng Diyos at makakasamâ sa kaniya.—Efeso 2:1-3; 4:17-19.
“Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.” Dapat ding sikapin ng isang tao na baguhin ang kaniyang saloobin at panloob na pagkatao. Pansinin na malaking pagbabago ang dapat gawin, kasi ang salitang Griego na isinaling “magbagong-anyo” ay lumalarawan sa pagbabagong gaya ng nangyayari sa isang higad para maging paruparo. Ang mga sumasamba sa Diyos ay dapat magsuot ng “bagong personalidad.”—Efeso 4:23, 24; Colosas 3:9, 10.
“[Patunayan] ninyo sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.” Gusto ng Diyos na maging kumbinsido ang mga mananamba niya sa mga pinaniniwalaan nila. Magiging kumbinsido sila kung pag-aaralan nila ang Bibliya at isasabuhay ito, at kapag naranasan nila ang magandang epekto ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Dahil dito, napapatunayan nila sa kanilang sarili na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ang pinakamabuting gawin.—Awit 34:8.
Konteksto ng Roma 12:2
Mababasa sa Roma kabanata 12 kung ano ang dapat nating gawin para tanggapin ng Diyos ang pagsamba natin. Kasama sa pagsambang iyan ang buong buhay natin, at dapat nating gamitin ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran” sa halip na basta maniwala lang o magpadala sa nararamdaman natin. (Roma 12:1, 3) Makikita sa kabanatang ito ang mga payo kung paano magpapakita ng mga katangian ng Diyos, kung paano makikitungo sa iba, at kung ano ang dapat gawin kapag ginawan tayo ng masama.—Roma 12:9-21.