Iginagalang Mo ba ang Kanilang Dignidad?
TINIPON na parang mga hayop at inilulan sa napakarumi at napakabahong mga barko, ang mga katutubong Aprikano ay parang mga kargadang ipinadala sa mga lupain ng Amerika. Halos kalahati sa kanila ang inaasahang mamamatay bago pa man makarating sa kanilang patutunguhan. Buong-kalupitang pinaghiwa-hiwalay ang mga pamilya, upang hindi na kailanman magkita pang muli. Ang pangangalakal ng mga alipin ay isa sa pinakamadidilim na yugto sa di-makataong pagtrato ng tao sa kaniyang kapuwa. Naganap ang iba pang katulad na pangyayari nang buong kalupitang pangingibabawan ng makapangyarihang mga mananakop ang walang kalaban-labang mga katutubo.
Ang paghuhubad sa tao ng kaniyang dangal ay maaaring mas malupit pa kaysa sa pisikal na pananakit. Ito’y sumisira ng kalooban ng isang tao. Bagaman ang pang-aalipin ay inalis na sa maraming lupain, ang paghamak sa dignidad ng tao ay nagpapatuloy pa rin sa ngayon, marahil sa mas tusong mga paraan.
Sa kabilang panig, sinisikap ng tunay na mga Kristiyano na sundin ang payo ni Jesu-Kristo na ‘ibigin ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang sarili.’ Kaya naman, itinatanong nila sa kanilang sarili, ‘Iginagalang ko ba ang personal na dignidad ng iba?’—Lucas 10:27.
Inilarawan ang Dignidad
Ang dignidad, ayon sa isang diksyunaryo, ay ang katangian o kalagayan ng pagiging karapat-dapat, pinararangalan, o pinahahalagahan. Tunay na isang angkop na paglalarawan sa katayuan ng Pansansinukob na Soberano, ang Diyos na Jehova! Sa katunayan, paulit-ulit na iniuugnay ng Kasulatan si Jehova at ang kaniyang soberanya sa dignidad. Sina Moises, Isaias, Ezekiel, Daniel, apostol Juan, at ang iba pa ay nagkapribilehiyong pagkalooban ng kinasihang mga pangitain ng Kataas-taasan at ng kaniyang makalangit na looban, at ang paglalarawan sa mga ito ay palaging nagtataglay ng kagila-gilalas na karingalan at dignidad. (Exodo 24:9-11; Isaias 6:1; Ezekiel 1:26-28; Daniel 7:9; Apocalipsis 4:1-3) Sa isang panalangin ng papuri, sinabi ni Haring David: “Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kapangyarihan at ang kagandahan at ang pagtatagumpay at ang dignidad; sapagkat lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa ay iyo.” (1 Cronica 29:11) Tunay, wala nang higit na karapat-dapat sa karangalan at pagtatangi kaysa sa Diyos na Jehova mismo.
Sa paglalang sa tao ayon sa kaniyang larawan at wangis, pinagkalooban ni Jehova ang mga tao ng isang antas ng karangalan, paggalang sa sarili, at dignidad. (Genesis 1:26) Kung gayon, sa ating pakikitungo sa iba, kailangang iukol natin sa bawat isa ang nararapat na karangalan at paggalang. Kapag ginagawa natin ito, tayo, sa diwa, ay kumikilala sa Pinagmumulan ng dignidad ng tao, ang Diyos na Jehova.—Awit 8:4-9.
Dignidad sa mga Ugnayang Pampamilya
Sa ilalim ng pagkasi, si apostol Pedro, isang taong may asawa, ay nagpayo sa mga Kristiyanong asawang lalaki na pag-ukulan ang kani-kanilang asawa ng “karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan.” (1 Pedro 3:7; Mateo 8:14) “Sa kabilang dako naman,” payo ni apostol Pablo, “ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Kung gayon, sa pag-aasawa, hinihiling ng Bibliya na parangalan at igalang ng mag-asawa ang personal na dignidad ng bawat isa. Sa anu-anong paraan maipamamalas ito?
Kung paanong binubuhay ng tubig ang isang lumalaking halaman, ang magiliw na pananalita at kabaitan ng mag-asawa sa isa’t isa, sa publiko man o sa pribado, ay magpapayaman sa kanilang matalik na ugnayan. Sa kabaligtaran, ang mabalasik at mapang-insultong pagbatikos o mapang-uyam na panghihiya, gaya ng madalas marinig sa mga komedyang palabas sa TV, ay nakapipinsala. Maaari nitong ipadama sa isa na siya’y walang halaga, anupat manlumo siya, at maghinanakit pa nga; maaari pa ngang masugatan nito ang damdamin na hindi madaling maghilom.
Ang paggalang sa personal na dignidad ng iba ay nangangahulugan din na tinatanggap natin sila kung ano sila, na hindi sinisikap na hubugin sila ayon sa isang pinapangarap na huwaran o di-makatuwirang ihambing sila sa iba. Ito ay lalo nang mahalaga sa mga mag-asawa. Kapag ang pag-uusap at pagpapahayag ay malaya at maalwan at walang sinuman ang natatakot na siya’y mapintasan o maliitin, lalong magiging malapit ang isa’t isa. Kapag ang isang tao ay makakakilos nang natural sa isang pagsasama, kung gayon ang tahanan ay tunay na magiging isang kanlungan mula sa malupit at di-kanais-nais na sanlibutan sa labas.
Inuutusan ng Kasulatan ang mga anak na igalang at sundin ang kanilang mga magulang. Sa kabilang panig, ang matatalino at maibiging magulang ay dapat na kumilala sa dignidad ng kanilang mga anak. Ang magiliw na komendasyon sa mabuting paggawi, na nilakipan ng matiyagang pagdidisiplina kapag kailangan, ay nakatutulong nang maigi upang mapatibay ang “pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” Kaiinisan lamang nila ang palaging pagpuna, pagsigaw, at pagtawag ng kahiya-hiyang mga bansag gaya ng “tanga” o “hangal.”—Efeso 6:4.
Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong matanda at ama, na nagpapalaki ng tatlong anak na lalaki at tatlong anak na babae: “Sa Kingdom Hall, naglalapat kami ng kinakailangang disiplina sa tahimik na paraan hangga’t maaari. Karaniwang sapat na ang bahagyang pagsiko o isang seryoso at babalang titig. Kung kailangan ang mas seryosong disiplina, ginagawa namin iyon sa loob ng aming tahanan at malayo sa ibang bata. Ngayong malalaki na ang mga bata, kasali sa disiplina ang pagbibigay sa bawat isa ng maibigin at matalinong payo mula sa Salita ng Diyos alinsunod sa kani-kanilang pangangailangan. Sinisikap naming maingatan ang pagiging kompidensiyal sa ganitong personal na mga bagay, sa gayo’y iginagalang ang karapatan ng bawat anak sa kanilang pribadong buhay at dignidad.”
Hindi dapat kaligtaan na kailangan ang mabuting asal sa salita at sa gawa sa loob ng pamilya. Ang pagiging pamilyar sa isa’t isa ay hindi dapat magpangyaring mawala ang mga salitang gaya ng “pakisuyo,” “salamat po,” “ipagpaumanhin ninyo,” at “patawarin ninyo ako.” Mahalaga ang mabuting asal upang mapanatili ang sariling dignidad at maigalang yaong sa iba.
Sa Kristiyanong Kongregasyon
“Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo,” sabi ni Jesus. (Mateo 11:28) Ang mga nasisiraan ng loob, nanlulumo, maging ang mumunting bata, ay pawang naakit kay Jesus. Sila’y nilibak ng mayayabang at mapagmatuwid-sa-sariling mga klerigo at lider ng panahong iyon. Ngunit nasumpungan nila kay Jesus ang isa na nagbibigay sa kanila ng dignidad na nauukol sa kanila.
Bilang pagtulad kay Jesus, nais din naman nating maging isang pinagmumulan ng kaginhawahan sa ating mga kapananampalataya. Nangangahulugan ito ng paghanap ng mga pagkakataon upang patibayin sila sa pamamagitan ng ating pananalita at pagkilos. Laging angkop na maging taimtim na mapagbigay lakip ang may-kabaitan at positibong mga komento sa ating pag-uusap. (Roma 1:11, 12; 1 Tesalonica 5:11) Ipinakikita natin na tayo ay sensitibo sa damdamin ng iba sa pamamagitan ng pagiging maingat sa ating sinasabi at gayundin sa paraan ng pagsasabi natin nito. (Colosas 4:6) Ang angkop na pananamit at wastong asal sa mga pulong Kristiyano ay nagpapaaninaw rin ng taimtim na paggalang sa dignidad ng ating Diyos, sa pagsamba sa kaniya, at sa ating mga kapuwa mananamba.
Iginalang ni Jesus ang dignidad ng mga tao kahit na sa mga pagkakataong pinaglilingkuran niya sila. Kailanma’y hindi niya dinakila ang sarili sa pamamagitan ng paghiya sa iba o paghamak sa kanila. Nang lumapit sa kaniya ang isang ketongin upang mapagaling, hindi niya itinuring na marumi at di-nararapat ang lalaking iyon, ni gumawa man siya ng eksena sa pamamagitan ng pagtawag ng pansin sa kaniyang sarili. Sa halip, nang magsumamo kay Jesus ang isang ketongin, “Panginoon, kung ibig mo lamang, ay mapalilinis mo ako,” Kaniyang binigyang-dangal ang ketongin sa pamamagitan ng pagsasabing, “Ibig ko.” (Lucas 5:12, 13) Tunay na kahanga-hanga para sa atin na hindi lamang tumulong sa mga nangangailangan kundi tiyakin sa kanila na sila’y hindi pabigat kundi sa halip ay ninanais at iniibig! Ang mga mahiyain, nanlulumo, at may kapansanan ay kadalasang kinaliligtaan, nilalayuan, o hinihiya sa sanlibutan. Ngunit dapat silang makasumpong ng tunay na pakikipagkapuwa at pagtanggap kapag kasama nila ang kanilang mga kapatid na Kristiyano. Dapat nating gawin ang ating bahagi upang pagyamanin ang ganitong damdamin.
Inibig ni Jesus ang kaniyang mga alagad bilang “mga sa kaniya” at siya’y “umibig sa kanila hanggang sa wakas” sa kabila ng kanilang mga kahinaan at katangian. (Juan 13:1) Ang tiningnan niya sa kanila ay ang kanilang dalisay na puso at buong-kaluluwang debosyon sa kaniyang Ama. Gayundin naman, hindi natin kailanman dapat paratangan na may imbing motibo ang ating mga kapuwa mananamba dahil lamang sa hindi nila ginagawa ang mga bagay ayon sa ating paraan o dahil sa kinaiinisan natin ang kanilang ugali o personalidad. Ang paggalang sa dignidad ng ating mga kapatid ay magpapakilos sa atin na ibigin at tanggapin sila kung ano sila, anupat nagtitiwalang iniibig din nila si Jehova at naglilingkod sa kaniya taglay ang malinis na motibo.—1 Pedro 4:8-10.
Ang matatanda, lalo na, ay dapat mag-ingat na hindi sila maging sanhi ng di-kinakailangang kabalisahan niyaong mga ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga. (1 Pedro 5:2, 3) Kapag kinakausap ang isang nagkasalang miyembro ng kongregasyon, makabubuti sa matatanda na palambutin ang kanilang pananalita sa pamamagitan ng kabaitan at konsiderasyon at iwasan ang paggamit ng di-kinakailangang mga tanong na humihiya. (Galacia 6:1) Kahit na kailangan ang matinding saway o disiplina, patuloy nilang kikilalanin ang nararapat na dignidad at paggalang sa sarili ng taong nagkasala.—1 Timoteo 5:1, 2.
Panatilihin ang Personal na Dignidad
Yamang nilalang tayo ayon sa larawan at wangis ng Diyos, dapat masalamin sa atin, hangga’t maaari, ang dakilang mga katangian ng Diyos—kasali na ang kaniyang dignidad—sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. (Genesis 1:26) Sa katulad na paraan, ipinahihiwatig sa utos na “ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” ang pangangailangan ng timbang na antas ng personal na dignidad at paggalang sa sarili. (Mateo 22:39) Ang totoo, kung ibig nating tayo’y igalang ng iba at pag-ukulan ng dignidad, dapat nating ipakita na tayo’y karapat-dapat dito.
Ang pag-iingat ng malinis na budhi ay isang mahalagang salik sa pagpapanatili ng paggalang sa sarili at personal na dignidad. Ang nadumhang budhi at hapdi ng kasalanan ay madaling umakay sa pagkadama ng kawalang-halaga, pagkasiphayo, at panlulumo. Kaya naman, kung ang isang tao ay nakagawa ng isang malubhang kasalanan, dapat siyang magsisi kaagad at humingi ng espirituwal na tulong ng matatanda upang tamasahin ang “mga kapanahunan ng pagpapanariwa . . . mula sa persona ni Jehova.” Kasali sa pagpapanariwa ang pagsasauli ng dignidad at paggalang ng isa sa kaniyang sarili.—Gawa 3:19.
Makabubuti pa rin na palaging sikaping ingatan ang ating budhing sinanay sa Bibliya, anupat hindi hinahayaan ang kahit ano na pasamain o pahinain ito. Ang pagpipigil sa sarili sa lahat ng pitak ng ating buhay sa araw-araw—pagkain, pag-inom, pagnenegosyo, paglilibang, pakikitungo sa mga di-kasekso—ay tutulong sa atin na mag-ingat ng malinis na budhi at magpangyari sa atin na magpaaninaw ng kaluwalhatian at dignidad ng Diyos sa ating buhay.—1 Corinto 10:31.
Paano kung hindi mabawasan ang pagkadama ng kasalanan sa ating mga nagawang pagkakamali? O paano kung nagpapatuloy ang mapait na alaala ng dinanas na mga pang-aabuso? Maaari nitong sirain ang ating personal na dignidad at magdulot ng matinding panlulumo. Tunay na nakaaaliw ang mga salita ni Haring David na masusumpungan sa Awit 34:18: “Si Jehova ay malapit doon sa mga may pusong wasak; at inililigtas niya yaong may bagbag na diwa”! Si Jehova ay handa at kusang umaalalay sa kaniyang mga lingkod kapag kailangan nilang harapin ang panlulumo at pagkadama ng kawalang halaga. Ang pagsusumamo sa kaniya lakip ang paghingi ng tulong niyaong mga kuwalipikado sa espirituwal na paraan, tulad ng Kristiyanong mga magulang, matatanda, at iba pang may-gulang sa kongregasyon, ang siyang paraan upang maibalik ang paggalang sa sarili at personal na dignidad.—Santiago 5:13-15.
Sa kabilang panig, kailangan nating mag-ingat na hindi mapagkamalang personal na dignidad ang kahambugan. Ang payo ng Kasulatan ay “huwag mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan, ang bawat isa ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi sa kaniya ng Diyos.” (Roma 12:3) Bagaman angkop na pagyamanin ang paggalang sa sarili, hindi natin gustong labis na pahalagahan ang ating sarili o ipagkamali ang dignidad ng tao sa mapag-imbot at labis na pagsisikap na ginagawa ng ilan upang huwag mapahiya sa harap ng iba.
Oo, kahilingan sa mga Kristiyano na kanilang igalang ang dignidad ng iba. Ang ating mga kapamilya at ang ating kapuwa mga Kristiyano ay pawang mahalaga at nararapat sa ating paggalang, pagpaparangal, at pagpapahalaga. Pinagkalooban ni Jehova ang bawat isa sa atin ng isang antas ng dignidad at karangalan na dapat nating kilalanin at panatilihin. Ngunit higit sa lahat, dapat nating linangin ang taimtim na pagpipitagan sa nakahihigit na dignidad at karingalan ng ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.
[Larawan sa pahina 31]
Maaaring magpakita ng paggalang ang mga kabataan sa mga may kapansanan