Igalang ang Lahat ng Uring mga Tao
“Igalang ninyo ang lahat ng uring mga tao, . . . matakot kayo sa Diyos, igalang ninyo ang hari.”—1 PEDRO 2:17.
1. (a) Bukod sa Diyos at kay Kristo sino ang wastong tumanggap ng karampatang paggalang? (b) Sa anu-anong pitak dapat magpakita ng paggalang sa mga tao ayon sa 1 Pedro 2:17?
NAKITA na natin na tayo ay obligadong magparangal sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Ganiyan ang tama, pantas, at maibiging bagay na dapat gawin. Ngunit ipinakikita rin ng Salita ng Diyos na dapat nating igalang ang mga kapuwa tao. “Igalang ninyo ang lahat ng uring mga tao,” ang sabi sa atin. (1 Pedro 2:17) Yamang ang talatang ito ay nagtatapos sa utos na, “Igalang ninyo ang hari,” ipinahihiwatig nito na dapat igalang yaong mga may karampatang tumanggap nito dahilan sa kanilang katayuan. Sino, kung gayon, ang wastong pag-ukulan natin ng paggalang? Ang dami ng mga karapat-dapat sa paggalang ay maaaring humigit pa kaysa inaakala ng iba. Masasabi natin na may apat na pitak na kung saan kailangang ipakita natin ang paggalang sa mga ibang tao.
Igalang ang Makapulitikang mga Pinunò
2. Papaano natin malalaman na “ang hari” na binanggit sa 1 Pedro 2:17 ay tumutukoy sa sinumang taong hari o makapulitikang pinunò?
2 Ang una sa mga pitak na ito ay may kaugnayan sa makasanlibutang mga pamahalaan. Kailangang igalang natin ang makapulitikang mga pinunò. Nang ipayo ni Pedro na: “Igalang ninyo ang hari,” bakit natin masasabing ang sumasaisip ni Pedro ay makapulitikang mga pinunò? Sapagkat ang tinutukoy niya ay ang kalagayan sa labas ng kongregasyong Kristiyano. Katatapos lamang niya ng pagsasabing: “Pasakop kayo sa bawat likha ng tao: maging sa hari na nakatataas o sa mga gobernador na sinugo niya.” Pansinin, din naman, na ipinakikita ni Pedro na may pagkakaiba ang Diyos at “ang hari,” na nagsasabi: “Matakot kayo sa Diyos, igalang ninyo ang hari.” (1 Pedro 2:13, 14) Samakatuwid, “ang hari” na sa ati’y ipinapayo ni Pedro na igalang ay tumutukoy sa mga taong hari at sa makapulitikang mga pinunò.
3. Sino “ang nakatataas na mga autoridad,” at ano ang sa kanila’y nararapat ibigay?
3 Si apostol Pablo ay may kahawig na utos: “Kayo’y pasakop sa nakatataas na mga autoridad.” Ang “nakatataas na mga autoridad” na ito ay hindi ang Diyos na Jehova o si Jesu-Kristo, kundi sila ay makapulitikang mga pinunò, mga opisyales ng gobyerno. Samantalang isinasaisip ito, sinabi pa ni Pablo: “Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila’y nararapat, . . . paggalang sa dapat igalang.” Oo, silang mga pinayagan ng Diyos na gumanap ng makapulitikang pamamahala ay may karapatang tumanggap ng paggalang.—Roma 13:1, 7.
4. (a) Papaano maipakikita ang paggalang sa makapulitikang mga pinunò? (b) Anong halimbawa ang ipinakita ni apostol Pablo sa pagpapakita ng paggalang sa mga pinunò?
4 Papaano tayo nagpapakita ng paggalang sa makapulitikang mga pinunò? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pakikitungo sa kanila nang may matinding respeto. (Ihambing ang 1 Pedro 3:15.) At dahilan sa kanilang posisyon, ang gayong respeto ay nararapat sa kanila bagaman sila ay mga taong balakyot. Inilarawan ng Romanong historyador na si Tacitus si Gobernador Felix bilang isang taong “nag-aakalang magagawa niya ang anumang gawang masama nang hindi siya parurusahan.” Gayunman ang kaniyang pagtatanggol sa sarili ay sinimulan ni Pablo sa harap ni Felix sa isang paraang magalang. Sa katulad na paraan, magalang na sinabi ni Pablo kay Haring Herodes Agrippa II, “Ikinaliligaya kong lubha na sa harapan mo gagawin ko ang aking pagsasanggalang,” bagaman batid ni Pablo na kinakasama ni Agrippa bilang asawa ang kaniya mismong kapatid na babae. Gayundin, si Pablo ay nagpakita ng paggalang kay Gobernador Festo, at ikinapit sa kaniya ang pananalitang “Ang Iyong Kamahalan,” bagaman si Festo ay isang mananamba sa mga idolo.—Gawa 24:10; 26:2, 3, 24, 25.
5. Sa ano pang paraan ipinakikita ang paggalang sa mga autoridad ng pamahalaan, at papaano nagbibigay ang mga Saksi ni Jehova ng isang mabuting halimbawa sa paggawa nito?
5 Ang isa pang paraan ng pagpapakita natin ng paggalang sa mga opisyales ng pamahalaan ay binanggit ni apostol Pablo nang siya’y sumulat tungkol sa pagbibigay sa mga autoridad ng pamahalaan ng nararapat na ibigay sa kanila. Sinabi niya na ibigay ang “buwis sa dapat buwisan; pataw sa dapat pagbayaran nito.” (Roma 13:7) Ibinibigay ng mga Saksi ni Jehova ang gayong nararapat ibigay saanmang bansa sila naninirahan sa daigdig. Sa Italya ang pahayagang La Stampa ay may sinabing ganito: “Sila ang pinakatapat na mga mamamayan na nanaisin ninuman: hindi sila umiiwas sa pagbabayad ng buwis o pinagtataguan man nila ang di-kombinyenteng sunding mga batas alang-alang sa kanilang sariling pakinabang.” At ang The Post ng Palm Beach, Florida, E.U.A., ay nagsabi tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Sila’y nagbabayad ng kanilang buwis. Sila ang kabilang sa ilan sa pinakamapagtapat na mga mamamayan sa Republika.”
Igalang ang mga Pinagtatrabahuhang Amo
6. Sino pa ang sinasabi ng mga apostol na si Pablo at si Pedro na dapat igalang?
6 Ang ikalawang pitak na kung saan may dapat igalang ay sa ating mga dakong pinagtatrabahuhan. Idiniin kapuwa nina apostol Pablo at Pedro ang kahalagahan ng paggalang ng mga Kristiyano sa mga among pinagtatrabahuhan nila. Si Pablo ay sumulat: “Lahat ng alipin na nasa ilalim ng pamatok ay patuloy na kumilala sa kanilang mga panginoon bilang karapat-dapat sa buong paggalang, upang ang pangalan ng Diyos at ang turo ay huwag malapastangan. At, ang mga may sumasampalatayang mga panginoon ay huwag magpawalang-halaga sa mga ito, dahil sa sila’y mga kapatid. Kundi, sila’y maging mistulang mga alipin.” At sinabi ni Pedro: “Ang mga utusan sa bahay ay pasakop sa kani-kanilang mga panginoon nang may nararapat na pagkatakot, hindi lamang sa mabubuti at makatuwiran, kundi pati sa mga mahihirap palugdan.”—1 Timoteo 6:1, 2; 1 Pedro 2:18; Efeso 6:5; Colosas 3:22, 23.
7. (a) Papaano wastong maikakapit sa ngayon ang payo ng Bibliya na ang “mga alipin” ay magpakita ng paggalang sa “mga panginoon”? (b) Ano ang dapat maingat na sundin ng Kristiyanong mga empleyado na may mga among Kristiyano?
7 Kung sa bagay, hindi na uso ngayon ang mga alipin. Subalit ang mga simulaing sumaklaw sa mga Kristiyano sa isang ugnayang alipin-panginoon ay kapit sa isang ugnayang empleyado-amo. Samakatuwid, ang mga empleyadong Kristiyano ay may pananagutang gumalang maging sa mga among mahirap palugdan. At ano kung ang amo ay nagkataong isa ring kapananampalataya? Sa halip na umasang may matatamong natatanging konsiderasyon o kapakinabangan dahilan sa ugnayang iyan, ang empleyado ay dapat pa ngang lalong maglingkod sa kaniyang among Kristiyano, na hindi ito pinagsasamantalahan sa anumang paraan.
Paggalang sa Loob ng Sambahayan
8, 9. (a) Sino ang kinakailangang igalang ng mga anak? (b) Bakit dapat magpakita ang mga anak ng ganitong paggalang, at papaano nila maipakikita iyon?
8 Ang ikatlong pitak na kung saan nararapat ang paggalang ay sa loob ng sambahayan. Halimbawa, ang mga anak ay obligado na igalang ang kanilang mga magulang. Ito ay hindi lamang isang kahilingan ng Kautusan na ibinigay kay Moises kundi isa ring obligasyon para sa mga Kristiyano. Si apostol Pablo ay sumulat: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyu-inyong mga magulang na nasa Panginoon, sapagkat ito’y matuwid: ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.’ ”—Efeso 6:1, 2; Exodo 20:12.
9 Bakit dapat igalang ng mga anak ang kani-kanilang mga magulang? Dapat nilang igalang dahilan sa bigay-Diyos na autoridad ng mga magulang at gayundin dahilan sa nagawa ng kanilang mga magulang, kaya sila isinilang at ito ang nag-alaga at nagpalaki sa kanila mula sa pagkabata hanggang sa sila’y lumaki. Papaano dapat igalang ng mga anak ang kanilang mga magulang? Gagawin nila ito lalung-lalo na sa pamamagitan ng pagiging masunurin at mapagpasakop sa kanila. (Kawikaan 23:22, 25, 26; Colosas 3:20) Baka kailanganin na sa gayong paggalang ang malalaki nang mga anak ay magbigay ng karagdagang suporta, materyal at espirituwal, sa kanilang matatanda nang mga magulang o mga nunò. Ito’y kailangang tumbasan ng iba pang angkop na mga pananagutan, gaya ng pag-aasikaso sa sariling mga anak at lubusang pakikibahagi sa pagsasamahang Kristiyano at ministeryo sa larangan.—Efeso 5:15-17; 1 Timoteo 5:18; 1 Juan 3:17.
10. Kanino may obligasyon na gumalang ang mga asawang babae, at sa anu-anong paraan nila magagawa ito?
10 Subalit hindi lamang ang mga anak sa loob ng sambahayan ang obligadong magpakita ng paggalang sa mga kasambahay. Ang mga asawang babae ay kailangang gumalang sa kani-kanilang asawa. Sinabi rin ni apostol Pablo na “ang asawang babae ay dapat may matinding paggalang sa kaniyang asawa.” (Efeso 5:33; 1 Pedro 3:1, 2) Ang pagpapakita sa mga asawang lalaki ng “matinding paggalang” ay tunay na pagpapakundangan sa kanila. Sa kaniyang asawang si Abraham ay nagpakita si Sara ng paggalang, nang kaniyang tawagin ito na “panginoon.” (1 Pedro 3:6) Kaya kayong mga asawang babae, tularan ninyo si Sara. Igalang ninyo ang inyu-inyong asawa sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanilang desisyon at makiisa sa kanila upang iyon ay magtagumpay. Sa paggawa ng lahat ng inyong magagawa upang tulungan ang inyu-inyong asawa sa pagbalikat ng kanilang mga pasanin, imbis na pabigatan pa sila sa mga ito, kayo’y nagpapakita sa kanila ng paggalang.
11. Kung tungkol sa pagpapakita ng paggalang, ano ang obligasyon ng mga asawang lalaki, at bakit?
11 Kumusta naman ang mga asawang lalaki? Sila’y pinapayuhan sa Salita ng Diyos: “Kayong mga lalaki, patuloy na makipamahay kayong kasama nila [ng inyu-inyong mga asawang babae] ayon sa pagkakilala, na pakundanganan [igalang] sila na gaya ng marupok na sisidlan, ang babae, yamang kayo rin naman ay mga tagapagmanang kasama nila ng di-sana-nararapat na biyaya ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan.” (1 Pedro 3:7) Tunay nga na iyan ay dapat pag-isipan ng bawat asawang lalaki. Para bang ang asawang babae ay may etiketang “Napakahalaga. Delikado. Hawakan nang buong ingat! Pakundanganan!” Kaya tandaan ng mga asawang lalaki na maliban na kanilang igalang ang kani-kanilang asawa sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng nararapat na konsiderasyon, kanilang isasapanganib ang kanilang kaugnayan sa Diyos na Jehova, sapagkat ang kanilang mga panalangin ay mapipigilan. Oo, kapaki-pakinabang para sa bawat miyembro ng isang sambahayan na igalang ang isa’t isa.
Sa Kongregasyon
12. (a) Sa loob ng kongregasyon sino ang may pananagutan na magpakita ng paggalang? (b) Papaano ipinakita ni Jesus na tumpak naman na ang isa’y tumanggap ng paggalang?
12 Nariyan din ang pananagutan ng bawat isa na magpakita ng paggalang sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Tayo ay pinapayuhan: “Sa paggalang sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Ipinakita ni Jesus sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon na tumpak naman na ang isa’y tumanggap ng paggalang. Kapag inanyayahan sa isang pistahan, ang pinakamababang upuan ang kunin natin, sapagkat kung gayon ang nag-anyaya sa atin ay hihilingan tayo na pumaroon sa isang lalong mataas na upuan, at tayo’y pararangalan sa harap ng lahat ng ating mga kapuwa panauhin. (Lucas 14:10) Ngayon, yamang pinahahalagahan nating lahat ang tayo’y igalang, hindi ba tayo’y dapat magkaroon din ng empatiya at igalang natin ang isa’t isa? Papaano natin ginagawa ito?
13. Ano ang ilang mga paraan na tayo’y makapagpapakita ng paggalang sa mga iba sa kongregasyon?
13 Ang mga kapahayagan ng pagpapahalaga para sa isang gawaing nagawa nang mainam ay kagaya na rin ng pagpapakita ng paggalang. Kaya maigagalang natin ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagbibigay ng komendasyon, maaaring para sa isang pahayag o komento na ibinigay ng sinuman sa harap ng kongregasyon. Bukod dito, ating maigagalang ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagbibihis natin ng kapakumbabaan ng isip sa pakikitungo sa ating mga kapatid na Kristiyano, sa pamamagitan ng pakikitungo sa kanila na taglay ang matinding respeto. (1 Pedro 5:5) Sa gayo’y ipinakikita natin na ating minamahalaga sila bilang mararangal na mga kapuwa lingkod ng Diyos na Jehova.
14. (a) Papaanong ang mga kapatid na lalaki sa kongregasyon ay makapagpapakita ng kaukulang paggalang sa mga kapatid na babae? (b) Ano ang nagpapakita na ang pagbibigay ng mga regalo ay isang paraan ng pagpapakita ng paggalang?
14 Si apostol Pablo ay nagpayo sa kabataang si Timoteo na tratuhin ang nakatatandang mga kapatid na babaing Kristiyano bilang mga ina at ang mga nakababata naman bilang likas na mga kapatid na babae, nang buong kalinisan.” Oo, pagka ang mga kapatid na lalaki ay nag-iingat upang huwag makitungo nang pangit sa kanilang mga kapatid na babaing Kristiyano, gaya ng di-nararapat na pagkamalapít, kanilang iginagalang ang mga ito. Si Pablo ay nagpatuloy sa kaniyang pagsulat: “Igalang mo ang mga babaing balo na aktuwal na mga balo nga.” Ang isang paraan upang maigalang ang isang balong babaing maralita ay sa pamamagitan ng materyal na panustos. Subalit upang maging kuwalipikado para rito siya’y kinakailangan na “pinatotohanan na nakagawa ng mabubuting gawa.” (1 Timoteo 5:2-10) May kaugnayan sa materyal na mga regalo, si Lucas ay sumulat tungkol sa mga tao sa isla ng Malta: “Kami’y kanila ring pinarangalan sa pagbibigay sa amin ng maraming regalo at, nang kami’y maglalayag na, kanilang kinargahan kami ng mga bagay-bagay na kinakailangan namin.” (Gawa 28:10) Samakatuwid ang paggalang ay maipakikita sa pamamagitan ng pagbibigay ng materyal na mga regalo.
15. (a) Kanino tayo may natatanging obligasyon na magpakita ng paggalang? (b) Ano ang isang paraan na tayo’y makapagpapakita ng paggalang sa mga nangunguna?
15 Sa pagpapatuloy ng kaniyang liham kay Timoteo, si Pablo ay sumulat: “Ang [matatanda] na namumunong mabuti ay ariing karapat-dapat sa ibayong karangalan, lalo na silang gumagawang masikap sa pagsasalita at pagtuturo.” (1 Timoteo 5:17) Sa anu-anong paraan maaari nating ariing karapat-dapat sa ibayong karangalan ang matatanda, o mga tagapangasiwa? Sinabi ni Pablo: “Magsitulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Corinto 11:1) Pagka ating sinunod ang mga salita ni Pablo na tularan siya, ating pinararangalan siya. Ito’y kakapit sa mga nangunguna sa atin sa ngayon. Kung tinutularan natin sila sa pamamagitan ng pagsunod natin sa kanilang mga halimbawa, atin ngang pinararangalan sila.
16. Ano ang karagdagang mga paraan na tayo’y nakapagpapakita ng paggalang sa mga nangunguna?
16 Ang isa pang paraan na makapagpapakita tayo ng paggalang sa mga tagapangasiwa ay sa pamamagitan ng pakikinig sa payo: “Maging masunurin sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo, sapagkat kanilang patuloy na binabantayan ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit.” (Hebreo 13:17) Kung papaanong iginagalang ng mga anak ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa kanila, ganoon natin iginagalang ang mga nangunguna sa atin sa pamamagitan ng pagiging masunurin at mapagpasakop sa kanila. At, kung papaanong si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay pinarangalan sa pamamagitan ng materyal na mga kaloob na iniregalo ng mababait na mga taong iyon sa Malta, maraming naglalakbay na mga kinatawan ng Samahan ang malimit pinararangalan sa ganitong paraan. Subalit, mangyari pa, kailanman ay hindi sila dapat manghingi ng gayong mga regalo o ipahiwatig na ang gayong mga regalo ay pahahalagahan o kinakailangan.
17. Ano ang obligasyon ng mga may pribilehiyo ng pangangasiwa kung tungkol sa pagpapakita ng paggalang?
17 Sa kabilang panig, lahat ng mga nasa tungkulin ng pangangasiwa sa organisasyong teokratiko—maging sa lokal na kongregasyon, sa isang sirkito o sa isang distrito bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, sa isa sa mga sangay ng Samahang Watch Tower, o sa loob ng sambahayan—ay may obligasyon na igalang yaong mga nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa. Ito’y nangangailangan na sila’y may empatiya at gayundin pakikiramay sa damdamin ng iba. Sila’y kailangang nalalapitan sa lahat ng oras, yamang kailangan ang kaamuan at kapakumbabaan ng puso at isip, gaya ng sinabi ni Jesus na taglay niya.—Mateo 11:29, 30.
Magpagal sa Paggalang sa Isa’t Isa
18. (a) Ano ang maaaring makahadlang sa atin sa pagpapakita ng paggalang sa mga karapat-dapat? (b) Bakit hindi maipagmamatuwid ang isang negatibo at mapintasing lagay ng isip?
18 Lahat tayo’y nangangailangang masikap na magpagal sa paggalang sa isa’t isa, sapagkat may matinding nakahahadlang sa paggawa natin ng gayon. Ang nakahahadlang na iyan, o balakid, ay ang ating di-sakdal na puso. “Ang hilig ng puso ng tao ay masama na mula pa sa pagkabata,” ang sabi ng Bibliya. (Genesis 8:21) Isa sa mga hilig ng tao na maaaring makapigil sa ating pagpapakita ng kaukulang paggalang sa iba ay ang pagkakaroon ng isang negatibo, mapintasing lagay ng isip. Lahat tayo ay mahihina, di-sakdal na mga tao na nangangailangan ng awa at ng di-sana nararapat na kagandahang-loob ni Jehova. (Roma 3:23, 24) Bilang pagpapahalaga rito, tayo’y pakaingat na huwag itanim sa ating isip ang mga kahinaan ng ating mga kapatid o pag-alinlanganan ang mga motibo ng ating mga kapatid.
19. Ano ang tutulong sa atin upang malabanan ang anumang saloobing negatibo?
19 Ang pangontra sa gayong negatibong kahinaan ay pag-ibig at pagpipigil-sa-sarili. Tayo’y kailangang may simpatiya, tapat, positibo sa pakikitungo sa ating mga kapatid, na ang tinatandaan ay ang kanilang maiinam na mga katangian. Kung may isang bagay na hindi natin naiintindihan, tayo’y maging laging handa na ituring munang walang kasalanan ang ating mga kapatid hangga’t hindi napatutunayan at sundin natin ang payo ni Pedro: “Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng matinding pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Kailangang taglay natin ang ganiyang uri ng pag-ibig upang maigalang natin ang ating mga kapatid gaya ng nararapat sa kanila.
20, 21. (a) Ano ang isa pang hilig na malamang makahadlang sa ating pagpapakita ng paggalang sa isa’t isa? (b) Ano ang tutulong sa atin na madaig ang ganitong hilig?
20 Ang isa pang ugali na malamang na makasagabal sa ating pagpapakita ng kaukulang paggalang sa iba ay ang hilig na maging balat-sibuyas, o labis na pagkamaramdamin. Ang pagiging sensitibo ay may kaniyang dako. Ang mga nasa anumang sining ay kailangang maging sensitibo sa tunog o sa kulay bilang bahagi ng kanilang propesyon. Ngunit ang pagiging labis na sensitibo, o pagkamaramdamin, sa pakikitungo natin sa iba ay isang anyo ng kaimbutan na maaaring numakaw ng ating kapayapaan at humadlang sa atin sa pagpapakita ng paggalang sa iba.
21 Ang nagbibigay sa atin ng mabuting payo may kaugnayan dito ay ang mga salita na nasa Eclesiastes 7:9: “Huwag kang madaling magalit, sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.” Kaya pagpapakita ng kakulangan ng karunungan at mabuting pandamdam, at ng kakulangan ng pag-ibig, na maging labis na sensitibo o maging madaling magalit. Tayo’y kailangang pakaingat sapagkat ang ating makasalanang mga hilig, tulad ng pagiging negatibo, labis na mapamintas, o sobra ang pagkasensitibo, ay baka makahadlang sa atin sa pagpapakita ng paggalang sa lahat ng nararapat igalang.
22. Papaano tayo makabubuo ng sumaryo ng ating obligasyon na magpakita ng paggalang?
22 Tunay, tayo’y maraming dahilan sa pagpapakita ng paggalang sa iba. At, gaya ng ating nakikita, may maraming, maraming paraan upang maipakita ang gayong paggalang. Sa lahat ng oras tayo’y kailangang maging mapagbantay sapagkat baka ang anumang mapag-imbot o negatibong saloobin ay makahadlang sa ating pagpapakita ng paggalang. Lalung-lalo na, tayo’y kailangang maingat na magpakita ng paggalang sa ating mga kasambahay, ang mga asawang lalaki at mga asawang babae sa isa’t isa at mga anak sa kani-kanilang mga magulang. At sa kongregasyon, tayo’y obligadong magpakita ng paggalang sa mga kapuwa natin mananamba at, lalung-lalo na, sa mga tagapangasiwang nagpapagal na mabuti sa gitna natin. Sa lahat ng mga pitak na ito, tayo ay makikinabang kung tayo’y magpapakita ng wastong paggalang sa mga nabanggit na, yamang, gaya ng sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit at papaano tayo magpapakita ng paggalang sa mga autoridad sa pamahalaan?
◻ Anong payo ng Bibliya ang maaaring ikapit sa ugnayang empleyado-amo?
◻ Papaano dapat magpakita ng paggalang sa loob ng sambahayan?
◻ Anong natatanging paggalang ang maaaring ipakita sa loob ng kongregasyon, at bakit?
◻ Papaano madadaig ang mga kahinaan ng tao na hindi paggalang sa iba?