Maglingkod kay Jehova Taglay ang Kagalakan ng Puso
“Lahat ng mga sumpang ito ay tiyak na darating sa iyo . . . dahil sa bagay na hindi ka naglingkod kay Jehova na iyong Diyos taglay ang pagsasaya at kagalakan ng puso.”—DEUTERONOMIO 28:45-47.
1. Anong katibayan mayroon na yaong naglilingkod kay Jehova ay maliligaya, saanman nila siya paglingkuran?
ANG mga lingkod ni Jehova ay maliligaya, maging sila man ay gumagawa ng kaniyang kalooban sa langit o sa lupa. Ang anghelikong “mga bituing pang-umaga” ay naghiyawan sa galak sa pagkatatag ng lupa, at walang pagsalang ‘gumaganap ng salita ng Diyos’ ang laksa-laksang makalangit na mga anghel taglay ang kagalakan. (Job 38:4-7; Awit 103:20) Ang bugtong na Anak ni Jehova ay isang maligayang “dalubhasang manggagawa” sa langit at nakasumpong ng kaluguran sa paggawa ng banal na kalooban bilang ang taong si Jesu-Kristo sa lupa. Bukod diyan, “dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.”—Kawikaan 8:30, 31; Hebreo 10:5-10; 12:2.
2. Papaano malalaman kung ang mga Israelita ay dumanas ng mga pagpapala o kaya’y sumpa?
2 Naranasan ng mga Israelita ang magalak nang paluguran nila ang Diyos. Ngunit papaano kung sila’y sumuway sa kaniya? Sila’y binabalaan: “[Ang mga sumpa] ay dapat na magpatuloy sa inyo at sa inyong mga supling bilang isang tanda at isang palatandaan hanggang sa panahong walang takda, dahil sa bagay na hindi kayo naglingkod kay Jehova na inyong Diyos taglay ang pagsasaya at kagalakan ng puso dahil sa kasaganaan ng lahat ng bagay. At maglilingkod kayo sa inyong mga kaaway na isusugo ni Jehova laban sa inyo taglay ang gutom at uhaw at kahubaran at ang kakulangan ng lahat ng bagay; at tiyak na maglalagay siya ng isang pamatok na bakal sa inyong leeg hanggang sa malipol niya kayo.” (Deuteronomio 28:45-48) Ang mga pagpapala at ang mga sumpa ay nagpaging maliwanag kung sino ang lingkod ni Jehova at kung sino ang hindi. Ang gayong mga sumpa ay nagpatunay rin na hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga simulain at mga layunin ng Diyos, ni hamakin man ang mga iyon. Dahil sa hindi sumunod ang mga Israelita sa babala ni Jehova hinggil sa pagkatiwangwang at pagkatapon, ang Jerusalem ay naging “isang sumpa sa lahat ng mga bansa sa lupa.” (Jeremias 26:6) Samakatuwid ay sundin natin ang Diyos at tamasahin ang kaniyang pagsang-ayon. Ang kagalakan ay isa sa maraming banal na pagpapala na nadarama ng mga maka-Diyos.
Kung Papaano Maglilingkod Taglay ang “Kagalakan ng Puso”
3. Ano ang makasagisag na puso?
3 Ang mga Israelita ay kailangang maglingkod kay Jehova “taglay ang pagsasaya at kagalakan ng puso.” Gayundin naman ang modernong-panahong mga lingkod ng Diyos. Ang pagsasaya ay “pagkatuwa; punô ng kagalakan.” Bagaman binanggit ang literal na puso sa Kasulatan, hindi ito literal na nag-iisip o nangangatuwiran. (Exodo 28:30) Ang pangunahing gawain nito ay ang bumomba ng dugo na siyang bumubuhay sa mga selula ng katawan. Gayunman, sa napakaraming pagkakataon, ang Bibliya ay tumutukoy sa makasagisag na puso, na higit pa sa pagiging sentro ng damdamin, hangarin, at pang-unawa. Sinasabing ito’y kumakatawan sa “sentrong bahagi sa kabuuan, ang kalooban, kung gayon ay sa pagkataong loob na ipinakikilala ang sarili sa lahat ng kaniyang iba’t ibang gawain, sa kaniyang mga hangarin, damdamin, emosyon, mga silakbo ng damdamin, mga layunin, sa kaniyang pag-iisip, pang-unawa, guniguni, sa kaniyang karunungan, kaalaman, kakayahan, sa kaniyang pinaniniwalaan at sa kaniyang mga katuwiran, sa kaniyang alaala at sa kaniyang kamalayan.” (Journal of the Society of Biblical Literature and Exegesis, 1882, pahina 67) Kasangkot sa ating makasagisag na puso ang ating damdamin at emosyon, kasali na ang kagalakan.—Juan 16:22.
4. Ano ang tutulong sa atin upang maglingkod kay Jehova taglay ang kagalakan ng puso?
4 Ano ang makatutulong sa atin na paglingkuran si Jehova taglay ang kagalakan ng puso? Ang isang positibo at may-pagpapahalagang pangmalas sa ating mga pagpapala at bigay-Diyos na mga pribilehiyo ay makatutulong. Halimbawa, maligaya nating mapag-iisipan ang ating pribilehiyo ng pag-uukol ng “sagradong paglilingkod” sa tunay na Diyos. (Lucas 1:74) Nariyan ang kaugnay na pribilehiyo ng pagtataglay ng pangalan ni Jehova bilang kaniyang mga Saksi. (Isaias 43:10-12) Maidaragdag pa rin natin dito ang kagalakang dulot ng pagkaalam na sa pagsunod sa Salita ng Diyos ay napaluluguran natin siya. At tunay ngang isang kagalakan na magpasinag ng espirituwal na liwanag at sa gayon ay natutulungan ang marami na makalabas mula sa kadiliman!—Mateo 5:14-16; ihambing ang 1 Pedro 2:9.
5. Ano ang pinagmumulan ng maka-Diyos na kagalakan?
5 Gayunman, ang paglilingkod kay Jehova taglay ang kagalakan ng puso ay hindi lamang ang pagkakaroon ng positibong kaisipan. Kapaki-pakinabang nga na maging positibo sa paniniwala. Subalit ang maka-Diyos na kagalakan ay hindi isang bagay na ating makakamit sa pamamagitan lamang ng pagpapasulong ng pagkatao. Iyon ay isang bunga ng espiritu ni Jehova. (Galacia 5:22, 23) Kung wala tayo ng gayong kagalakan, baka kailangang gumawa tayo ng mga pagbabago upang maiwasan ang pag-iisip o paggawi sa ilang paraang di-maka-Kasulatan na maaaring makapighati sa espiritu ng Diyos. (Efeso 4:30) Gayunman, para doon sa mga tapat kay Jehova, huwag tayong matakot na ang kakulangan ng taos sa pusong kagalakan sa ilang pagkakataon ay katibayan ng banal na di-pagsang-ayon. Tayo’y hindi mga sakdal at madaling masaktan, malungkot, at manlumo pa nga kung minsan, subalit nauunawaan tayo ni Jehova. (Awit 103:10-14) Kung gayon ay manalangin tayo para sa kaniyang banal na espiritu, na ginugunitang ang bunga nitong kagalakan ay bigay-Diyos. Sasagutin ng ating maibiging makalangit na Ama ang ganitong panalangin at magpapangyari sa ating paglingkuran siya taglay ang kagalakan ng puso.—Lucas 11:13.
Kapag Walang Kagalakan
6. Kapag nawawala na ang kagalakan sa ating paglilingkod sa Diyos, ano ang dapat nating gawin?
6 Kapag nawawala na ang kagalakan sa ating paglilingkod, maaaring sa wakas ay manghinawa na tayo sa paglilingkod kay Jehova o mapatunayan pa ngang di-tapat sa kaniya. Sa gayon, magiging isang katalinuhan kung buong-pagpapakumbaba at may-pananalangin nating isasaalang-alang ang ating mga motibo at gagawa ng kinakailangang pagbabago. Upang taglayin ang bigay-Diyos na kagalakan, dapat na maglingkod tayo kay Jehova dahil sa pag-ibig at nang ating buong puso, kaluluwa, at pag-iisip. (Mateo 22:37) Hindi tayo dapat maglingkod taglay ang isang saloobin ng pagpapaligsahan, sapagkat isinulat ni Pablo: “Kung tayo ay nabubuhay sa espiritu, magpatuloy rin tayong lumakad nang maayos sa espiritu. Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.” (Galacia 5:25, 26) Hindi tayo magkakaroon ng tunay na kagalakan kung tayo’y naglilingkod dahil lamang sa gusto nating mahigitan ang iba o dahil sa gusto nating mapuri.
7. Papaano natin mapag-aalab na muli ang ating kagalakan ng puso?
7 May kagalakan sa pagsasakatuparan ng ating pag-aalay kay Jehova. Nang tayo’y kaaalay lamang sa Diyos, masigasig nating pinasimulan ang pamumuhay ng isang Kristiyano. Pinag-aralan natin ang Kasulatan at palagiang nakibahagi sa mga pulong. (Hebreo 10:24, 25) Nagdulot sa atin ng kagalakan ang pakikibahagi sa ministeryo. Ngunit, papaano kung nababawasan na ang ating kagalakan? Ang pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa pulong, pakikibahagi sa ministeryo—oo, lubusang pagsangkot sa bawat aspekto ng pagiging Kristiyano—ay makapagpapatatag sa ating buhay sa espirituwal at muling-magpapaalab kapuwa sa ating pag-ibig na taglay noong una at sa ating dating kagalakan ng puso. (Apocalipsis 2:4) Sa gayon ay hindi tayo matutulad sa ilan na tila walang kagalakan at palaging nangangailangan ng tulong sa espirituwal. Nalulugod ang matatanda na makatulong, ngunit bawat isa sa atin ay dapat na magsakatuparan ng ating pag-aalay sa Diyos. Walang sinuman ang makagagawa nito para sa atin. Samakatuwid ay gawin nating tunguhin na masunod ang normal na kalakarang Kristiyano upang maisakatuparan natin ang ating pag-aalay kay Jehova at magkaroon ng tunay na kagalakan.
8. Bakit mahalaga ang malinis na budhi kung nais nating magalak?
8 Kung nais nating magkaroon ng kagalakan na siyang bunga ng espiritu ng Diyos, kailangan natin ang isang malinis na budhi. Habang inililihim ni Haring David ang kaniyang kasalanan, siya’y naging miserable. Sa katunayan, ang halumigmig ng kaniyang buhay ay waring sumisingaw, at maaaring siya’y nagkasakit sa pisikal. Gayon na lamang ang kaniyang kaginhawahang nadama nang maganap ang pagsisisi at pag-amin sa kasalanan! (Awit 32:1-5) Hindi tayo maaaring lumigaya kung tayo’y may itinatagong ilang maseselang na kasalanan. Maaaring magbunga iyan ng isang magulong pamumuhay. Tiyak na hindi iyan ang paraan upang makadama ng kagalakan. Subalit ang pag-amin sa kasalanan at pagsisisi ay nagdudulot ng kaginhawahan at ng pagsasauli ng maligayang espiritu.—Kawikaan 28:13.
Paghihintay Taglay ang Kagalakan
9, 10. (a) Anong pangako ang tinanggap ni Abraham, ngunit papaano maaaring masubok ang kaniyang pananampalataya at kagalakan? (b) Papaano tayo makikinabang sa mga halimbawa nina Abraham, Isaac, at Jacob?
9 Maituturing na isang bagay ang magtaglay ng kagalakan nang una nating matutuhan ang tungkol sa banal na layunin ngunit ibang bagay pa rin ang makapanatiling maligaya sa paglipas ng mga taon. Ito’y mailalarawan sa nangyari sa tapat na si Abraham. Pagkatapos na tangkain niyang ihain ang kaniyang anak na si Isaac ayon sa utos ng Diyos, inihatid ng isang anghel ang mensaheng ito: “ ‘Sa aking sarili ay sumumpa ako,’ ani Jehova, ‘sapagkat ginawa mo ito at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak, tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga buhangin sa tabing-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahilan sa bagay na nakinig ka sa aking tinig.’ ” (Genesis 22:15-18) Walang-pagsala, labis-labis ang kagalakan ni Abraham sa pangakong ito.
10 Maaaring inaasahan ni Abraham na si Isaac ang tinutukoy na “binhi” na mula rito’y matutupad ang ipinangakong pagpapala. Subalit sa paglipas ng mga taon na wala namang nagaganap na anumang kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ni Isaac ay maaaring sumubok sa pananampalataya at kagalakan ni Abraham at ng kaniyang pamilya. Ang pagpapatibay ng Diyos kay Isaac at nang maglaon ay sa kaniyang anak na si Jacob hinggil sa pangako ay tumiyak sa kanila na ang pagdating ng Binhi ay sa hinaharap pa, at ito’y tumulong sa kanila na mapanatili ang kanilang pananampalataya at kagalakan. Gayunman, sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nangamatay nang hindi nakikita ang katuparan ng mga pangako ng Diyos sa kanila, subalit sila’y hindi malulungkót na lingkod ni Jehova. (Hebreo 11:13) Tayo man ay makapagpapatuloy sa paglilingkod kay Jehova taglay ang pananampalataya at kagalakan samantalang naghihintay ng katuparan ng kaniyang mga pangako.
Kagalakan sa Kabila ng Pag-uusig
11. Bakit tayo maaaring maging maligaya sa kabila ng pag-uusig?
11 Bilang mga lingkod ni Jehova, makapaglilingkod tayo kay Jehova taglay ang kagalakan ng puso, kahit na tayo’y dumanas ng pag-uusig. Ipinahayag ni Jesus na maliligaya yaong pinag-uusig alang-alang sa kaniya, at sinabi ni apostol Pedro: “Patuloy kayong magsaya yamang kayo ay mga kabahagi sa mga pagdurusa ng Kristo, upang kayo ay makapagsaya at mag-umapaw din sa kagalakan sa panahon ng pagkakasiwalat ng kaniyang kaluwalhatian. Kung kayo ay dinudusta dahil sa pangalan ni Kristo, kayo ay maligaya, sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian, maging ang espiritu mismo ng Diyos, ay nagpapahinga sa inyo.” (1 Pedro 4:13, 14; Mateo 5:11, 12) Kung ikaw ay dumaranas ng pag-uusig at pagtitiis alang-alang sa katuwiran, nasa sa iyo ang espiritu at pagsang-ayon ni Jehova, at iyan ay tiyak na nagpapaunlad ng kagalakan.
12. (a) Bakit natin mahaharap ang mga pagsubok ng pananampalataya nang may kagalakan? (b) Anong pangunahing aral ang maaaring matutuhan sa nangyari sa isang Levitang itinapon?
12 Mahaharap natin ang mga pagsubok ng pananampalataya nang may kagalakan sapagkat ang Diyos ang ating Kanlungan. Ito’y pinaging maliwanag sa Awit 42 at 43. Sa ilang kadahilanan, isang Levita ang ipinatapon. Pinanabikan niya nang gayon na lamang ang pagsamba sa santuwaryo ng Diyos anupat nadama niyang siya’y waring isang nauuhaw na libay, o babaing usa, na nasasabik sa tubig sa isang tuyo at tigang na lugar. Siya’y “nauhaw,” o nasabik, kay Jehova at sa pribilehiyo ng pagsamba sa kaniya sa Kaniyang santuwaryo. (Awit 42:1, 2) Ang karanasang ito ng tápon ay dapat magpakilos sa atin na pasalamatan ang pagsasamahang tinatamasa natin sa bayan ni Jehova. Kung ang isang kalagayan tulad ng pagkabilanggo dahil sa pag-uusig ay pansamantalang humadlang sa atin na makasama nila, ibalik natin sa ating alaala ang maliligayang kahapon ng pagsasama-sama sa sagradong paglilingkod at manalangin upang makapagbata habang tayo’y ‘naghihintay sa Diyos’ na ibalik tayo sa dating gawain kasama ng kaniyang mga mananamba.—Awit 42:4, 5, 11; 43:3-5.
“Maglingkod kay Jehova Taglay ang Pagsasaya”
13. Papaanong ang Awit 100:1, 2 ay nagpapakitang ang kagalakan ay dapat na maging tampok sa ating paglilingkod sa Diyos?
13 Ang kagalakan ay dapat na maging isang tampok sa ating paglilingkod sa Diyos. Ito’y ipinakita sa isang himig ng pasasalamat na doo’y inawit ng salmista: “Humiyaw kayo ng pananagumpay kay Jehova, kayong lahat na mga tao sa lupa. Maglingkod kay Jehova taglay ang pagsasaya. Pumarito kayo sa harap niya na may-kagalakang hiyaw.” (Awit 100:1, 2) Si Jehova “ang maligayang Diyos” at nagnanais na ang kaniyang mga lingkod ay makasumpong ng kagalakan sa pagsasakatuparan ng kanilang pag-aalay sa kaniya. (1 Timoteo 1:11) Ang mga tao sa lahat ng bansa ay kailangang magpakasaya kay Jehova, at dapat na maging malakas ang ating pagpapahayag ng papuri, gaya ng ‘hiyaw ng tagumpay’ ng isang nagwaging hukbo. Yaman din lamang na ang paglilingkod sa Diyos ay nakarerepresko, dapat na samahan ito ng pagsasaya. Kaya nga, hinimok ng salmista ang mga tao na lumapit sa pagkanaririto ng Diyos “na may-kagalakang hiyaw.”
14, 15. Papaanong ang Awit 100:3-5 ay kumakapit sa maligayang bayan ni Jehova sa ngayon?
14 Idinagdag pa ng salmista: “Alamin [tanggapin, kilalanin] ninyo na si Jehova ang Diyos. Siya ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ating sarili. Tayo ay kaniyang bayan at mga tupa ng kaniyang pastulan.” (Awit 100:3) Yamang si Jehova ang ating Manlalalang, tayo’y kaniyang pag-aari kung papaanong pag-aari ng pastol ang kaniyang mga tupa. Napakahusay ng pangangalaga sa atin ng Diyos anupat buong-pasasalamat na pinupuri natin siya. (Awit 23) Hinggil kay Jehova, umawit din ang salmista: “Pumasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pasasalamat, sa kaniyang looban na may-pagpupuri. Magpasalamat kayo sa kaniya, pagpalain ang kaniyang pangalan. Sapagkat si Jehova ay mabuti; ang kaniyang maibiging-kabaitan ay sa panahong walang-takda, at ang kaniyang katapatan ay sa lahi at lahi.”—Awit 100:4, 5.
15 Sa ngayon, ang maliligayang tao sa lahat ng bansa ay pumapasok sa looban ng santuwaryo ni Jehova upang maghain ng pasasalamat at papuri. May-kagalakan nating pinagpapala ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng palagiang pagsasabi ng kabutihan ni Jehova, at pinakikilos tayo ng kaniyang dakilang mga katangian na purihin siya. Siya’y lubus-lubusan sa kabutihan, at ang kaniyang maibiging-kabaitan o pagkamadamaying iniuukol sa kaniyang mga lingkod ay palaging maaasahan, sapagkat ito’y nagpapatuloy hanggang sa panahong walang-takda. Sa “lahi at lahi,” si Jehova ay tapat sa pagpapakita ng pag-ibig sa mga gumagawa ng kaniyang kalooban. (Roma 8:38, 39) Samakatuwid, tiyak na may mabuting dahilan tayo na “maglingkod kay Jehova taglay ang pagsasaya.”
Magsaya sa Inyong Pag-asa
16. Sa anong mga pag-asa at mga inaasahan maaaring magsaya ang mga Kristiyano?
16 Sumulat si Pablo: “Magsaya kayo sa pag-asa.” (Roma 12:12) Ang pinahirang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay nagsasaya sa maluwalhating pag-asa ng walang-hanggang buhay sa langit na binuksan ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (Roma 8:16, 17; Filipos 3:20, 21) Ang mga Kristiyanong may pag-asang buhay na walang-hanggan sa Paraiso sa lupa ay may saligan din para magsaya. (Lucas 23:43) Lahat ng tapat na mga lingkod ni Jehova ay may dahilan upang magsaya sa pag-asa ng Kaharian, yamang sila’y maaaring maging bahagi ng makalangit na pamahalaang iyan o kaya’y mabuhay sa lupang nasasakupan nito. Anong nakagagalak na pagpapala!—Mateo 6:9, 10; Roma 8:18-21.
17, 18. (a) Ano ang inihula sa Isaias 25:6-8? (b) Papaano natutupad ang hulang ito ni Isaias sa ngayon, at kumusta naman ang katuparan nito sa hinaharap?
17 Humula rin si Isaias ng isang nakagagalak na kinabukasan para sa masunuring sangkatauhan. Isinulat niya: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan, sa bundok na ito, ng kapistahan ng matatabang bagay, ng kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na punô ng utak, ng mga alak na laon, sinala. At sa bundok na ito ay tiyak na aalisin niya ang takip na tumatakip sa lahat ng bayan, at ang lambong na lumalambong sa lahat ng bansa. Aktuwal na sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha. At ang kadustaan ng kaniyang bayan ay aalisin niya sa buong lupa, sapagkat si Jehova mismo ang nagsabi.”—Isaias 25:6-8.
18 Ang espirituwal na piging na ating dinadaluhan sa ngayon bilang mga mananamba ni Jehova ay tunay na isang nakagagalak na pagsasalu-salo. Sa katunayan, nag-uumapaw ang ating kagalakan samantalang buong-sigasig na naglilingkod tayo sa Diyos sa pag-asam sa isang pagsasalu-salo ng literal na mabubuting bagay na kaniyang ipinangako para sa bagong sanlibutan. (2 Pedro 3:13) Batay sa hain ni Jesus, aalisin ni Jehova “ang lambong” na bumabalot sa sangkatauhan dahil sa kasalanan ni Adan. Tunay ngang nakagagalak na makitang naalis na ang kasalanan at kamatayan! Anong laking tuwa na salubungin ang binuhay-muling mga minamahal, na makitang wala na ang luha, at mabuhay sa isang paraisong lupa, na doo’y hindi na dudustain ang bayan ni Jehova kundi nakapagbigay na sila sa Diyos ng isasagot sa mahigpit na manunuyà, si Satanas na Diyablo!—Kawikaan 27:11.
19. Papaano tayo dapat tumugon sa mga pag-asang inilagay ni Jehova sa harap natin bilang kaniyang mga Saksi?
19 Hindi ba nag-uumapaw ang iyong kagalakan at pagpapasalamat na malaman ang gagawin ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod? Oo, ang ganiyang dakilang pag-asa ay nakadaragdag sa ating kagalakan! Bukod diyan, ang ating pinagpalang pag-asa ay nagpapangyari sa atin na tumingin sa ating maligaya, maibigin, bukas-palad na Diyos taglay ang ganitong damdamin: “Narito! Ito ang ating Diyos. Tayo’y umasa sa kaniya, at tayo’y ililigtas niya. Ito ay si Jehova. Tayo’y umasa sa kaniya. Tayo’y magalak at magsaya sa kaniyang pagliligtas.” (Isaias 25:9) Sa pamamagitan ng ating maningning na pag-asang ito na matibay na nakapako sa ating isipan, gawin natin ang lahat ng ating magagawa upang paglingkuran si Jehova taglay ang kagalakan ng puso.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano natin mapaglilingkuran si Jehova taglay ang “kagalakan ng puso”?
◻ Ano ang ating gagawin kapag nawawala na ang kagalakan sa ating paglilingkod sa Diyos?
◻ Bakit maligaya pa rin ang bayan ni Jehova sa kabila ng pag-uusig?
◻ Anu-anong dahilan ang taglay natin upang magsaya sa ating pag-asa?
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang pakikibahagi sa lahat ng pitak ng pamumuhay Kristiyano ay makapagdaragdag ng ating kagalakan