Kung Bakit Lubhang Lumaganap ang AIDS?
BAKIT naging malaganap ang AIDS? Bagaman hindi tiyak kung paano, kailan, o saan ito nagmula, may panlahat na huwaran na nagpapaliwanag sa paglaganap nito. Sa Estados Unidos at Europa, halimbawa, ang pangunahing paraan ng pagpapalaganap ng AIDS ay ang gawain ng mga bakla. Nang ang epidemya ay unang makilala, ito ay lumitaw halos gitna lamang ng mga bakla (at mga ‘silahis’). Hanggang kamakailan lamang, mahigit na 70 porsiyento ng adultong mga biktima ay mga bakla.
Pagkatapos ng AIDS ay lumitaw sa gitna ng mga gumagamit ng droga na iniiniksiyon sa ugat. Sa loob ng mga ilang taon, mahigit na 15 porsiyento ng lahat ng kaso ay galing sa pangkat na ito, na lalo pang dumarami. Sa ilang mga lugar, kalahati ng lahat ng gumagamit ng droga na iniiniksiyon sa ugat ay mayroong virus ng AIDS. Kaya, ang magasing Science ay nagsabi: “Ang karamihan ng mga Amerikanong nahawa nito ngayon ay alin sa mga bakla o mga gumagamit ng droga na iniiniksiyon sa ugat.”
Sa San Francisco, 50 porsiyento o higit pa ng mga bakla ay may virus ng AIDS. Ang pamayanan ng mga bakla ng lunsod ay winawasak ng mga kamatayan dahil sa AIDS. Ipinakikita ng isang matagalang pag-aaral sa mga bakla roon na sa mga narikonosi na mayroong virus ng AIDS mga pitong taon na ang nakalipas, 78 porsiyento ang alin sa mayroong magulang nang AIDS, may maagang mga sintomas nito, o napinsala ang ilan sa sistema ng imyunidad. At bagaman ang dami ng bagong mga kaso sa gitna ng mga bakla ay nabawasan, kaunti lamang ang magagawa roon sa mga nahawa na nito.
Tungkol sa Haiti, ganito ang sabi ng Los Angeles Times: “Ipinakikita ng bagong mga datus na ang virus ng AIDS ay pangunahin nang ipinakilala sa Caribbean sa pamamagitan ng pakikipagtalik ng mga baklang tagapulo at mga Amerikano.”
Bakit Napakadaling Kapitan?
Bakit ang mga homoseksuwal ay napakadaling kapitan ng AIDS? Dahil sa kanilang mga gawain sa sekso. Bagaman ang AIDS ay kumakalat din sa pamamagitan ng pagtatalik na ginagamit ang bibig, ang pagtatalik na pinadaraan sa puwit (sodomya) ang siyang pangunahing paraan ng pagpapalaganap ng AIDS sa gitna ng mga homoseksuwal.
Ang puwit ng tao ay idinisenyo para sa paglabas ng dumi—tae—at hindi para sa seksuwal na pagtatalik. Mayroon lamang itong manipis na suson ng epithelial na mga selula, ang himaymay na nakasapin sa puwit. Ang pagtatalik na pinadaraan sa puwit ay nagbubunga ng pagkapunit ng sapin na ito at pagdurugo dahil sa pagkabitak. Ang nahawaang daloy-binhi (semen) mula sa katalik na nagtutungo sa puwit ay maaaring pagmulan ng AIDS. Gayundin, ang nasirang mga himaymay sa puwit ng katalik ay nagpapangyaring maipasa ang impeksiyon ng nahawang mga daloy sa iba pang katalik sa sekso.
Karagdagan pa, ang mga homoseksuwal ay karaniwang maraming kapareha—daan-daan, o libu-libo pa nga—sa buong buhay nila. Isang nakababatang homoseksuwal na nahawaan ang marami pang iba bago namatay sa AIDS ay iniulat na homoseksuwal na nakipagtalik sa 2,500 mga lalaki sa loob ng sampung taon. Ang kaniyang trabaho sa isang airline ay nagpangyari sa kaniya na maglakbay sa maraming lugar. Isa pa ang sinasabing homoseksuwal na nakipagtalik sa mga 5,000 sa loob ng 20 taon. Ang posibilidad na ikakalat ng gayong mga tao ang AIDS ay maliwanag.
Ang isa pang salik na dahil sa kanilang seksuwal na mga gawain, ang iba pang sakit, gaya ng hepatitis, gonorrhea, at herpes, ay karaniwan sa gitna ng mga homoseksuwal. Pinipinsala ng mga sakit na ito ang katawan at, ipinalalagay, na ginagawa itong mas madaling kapitan ng AIDS.
Ang Homoseksuwalidad ay Hindi Likas?
Walang alinlangan dito: Ang mga kaugnayang homoseksuwal ay lubhang nagpalaganap sa AIDS. Ang gayong mga gawain ay labag sa biyolohikong disenyo ng katawan ng tao.
Ang homoseksuwalidad sa gayon ay hindi maaaring basta palampasin bilang isang ‘mapagpipiliang istilo ng buhay.’ Ito ay hindi likas, isang maling paggamit sa pagkalalang sa atin. Isinasama ito ng Bibliya sa mga gawa na bunga ng “hindi sinasang-ayunang kalagayan ng isipan” at ang sabi: “Dahil dito’y ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang mga pita ng sekso, sapagkat binago kapuwa ng kanilang mga babae ang likas na kagamitan nila tungo sa isang laban ng kalikasan; at gayundin iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit sa mga babae at nagbibigay-daan sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa, lalaki sa lalaki, na gumagawa niyaong mahalay at tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan, na karapat-dapat sa kanilang kamalian.”—Roma 1:26-32.
Isa pa, ang Kautusan ng Diyos sa bansa ng sinaunang Israel ay nagsasabi: “At kung ang isang lalaki ay sumiping sa kapuwa lalaki na gaya ng pagsiping sa babae, kapuwa sila nagkakasala ng karumal-dumal na bagay.”—Levitico 20:13.
Na ang homoseksuwalidad ay hindi likas ay makikita sa mahalagang bagay na ito: Kung ang lahat ay tanging homoseksuwal, ang lahi ng tao ay mamamatay sa loob ng isang salinlahi.
Ibig ba nitong sabihin, gaya ng palagay ng iba, na pinasasapit ng Diyos ang salot na AIDS sa mga homoseksuwal? Hindi, hindi iyan sinasabi ng Bibliya. Bagkus, ito ay isang bagay na kanilang ‘inaani kung ano ang kanilang inihahasik.’ (Galacia 6:7) Binabanggit ng Salita ng Diyos ang simulaing ito: “Sila’y nagpakasama sa ganang kanila; . . . ang kapintasan ay kanila.”—Deuteronomio 32:5.
Nahawaan Din ang mga Heteroseksuwal
Gayunman, ang AIDS ay hindi lamang sakit ng homoseksuwal; ito rin ay kumalat sa heteroseksuwal na mga lalaki at babae. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng mga lalaking ‘silahis’ na nahawaan sa pakikipagtalik sa ibang lalaki at pagkatapos ay hinahawaan ang mga babaing kanilang kinakasiping.
Ipinapasa rin ng mga nag-iiniksiyon ng droga sa ugat na gumagamit ng nahawaang mga hiringgilya ang AIDS sa iba. Maaari rin nilang hawaan ang mga lalaki o babae na kanilang nakakatalik. Sa maraming lugar isang mataas na porsiyento ng mga patutot ang may AIDS at ipinapasa ito sa kanilang mga parokyano.
Sa Aprika, ang AIDS ay laganap sa gitna ng mga heteroseksuwal. Magkasindami ng mga babae at ng mga lalaki ang mayroon nito. Bagaman ang pagkalat ng AIDS sa gitna ng mga heteroseksuwal sa Europa, at Estados Unidos, at sa ibang dako ay hindi kasimpalasak na gaya sa Aprika, ito ay dumarami rin sa pangkat na iyon. Kaya parami nang paraming mga babae at mga lalaki na hindi homoseksuwal o ‘silahis’ ay nagkakaroon ng AIDS at ipinapasa ito sa iba. Ganito ang sabi ng isang report: “Ang AIDS ay naging No. 1 pumapatay ng mga babae sa New York City na ang edad ay 25-34.” At nakalulungkot sabihin, isang malaking bilang—sabi ng iba ay mga 50 porsiyento—ng mga babaing nagdadala ng virus ng AIDS ay magsisilang ng mga sanggol na mayroon ng sakit na ito.
Dahil sa maluwag na disiplina na saloobin tungkol sa seksuwal na imoralidad sa nakalipas na mga dekada, ang pakikiapid at pangangalunya ay naging pangkaraniwan. Ang mga lalaki at babae ay kadalasang mayroong maraming iba’t ibang katalik sa sekso. At yaong mga nahawaan ng AIDS ay maipapasa ito sa iba. Ang gayong pagkahandalapak na paggawi ay hinahatulan ng Bibliya.—1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 22:15.
Dugo—Isa Pang Pinagmumulan ng Impeksiyon
Ang iba ay nahawaan sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo. Ang The Medical Post ng Canada ay nag-uulat: “Tinataya ni Dr. Thomas Peterman, isang medikal na epidemiologo sa sangay ng AIDS sa Centers for Disease Control . . . na 12,000 Amerikano ang nahawaan ng HIV [virus ng AIDS] mula sa pagsasalin ng maruming mga dugo mula noong 1978-1984.”
Marami sa mga tumanggap ng dugo ay namatay na o namamatay. Pinayuhan ng iba’t ibang ospital yaong mga tumanggap ng mga pagsasalin ng dugo bago ipinakilala ang bagong pamamaraan ng pagsubok noong 1985 na sila ay pasuri kung sila ba ay mayroong AIDS.
Tinataya ng mga pag-aaral na isinagawa ng Federal Centers for Disease Control sa Atlanta na maaga noong 1985 ang karamihan ng 10,000 Amerikano na may grabeng hemophilia ay nahawaan ng virus ng AIDS. Karagdagan pa, mula 30 hanggang 50 porsiyento na may katamtamang hemophilia ay nahawaan din. Tinatayang mahigit na kalahati ng mga may sakit na hemophilia sa Brazil ay maaaring nahawaan na ng virus ng AIDS.
Si Dr. Margaret Hilgartner ng New York Hospital—Cornell Medical Center ay nagsabi: “Ang isang grabeng may sakit na hemophilia ay nalalantad sa dugo ng 800,000 hanggang 1 milyong iba’t ibang tao sa bawat taon. Bago sinimulan ng mga kompaniya ng gamot na gamutin sa pamamagitan ng pag-iinit ang mga produkto ng dugo, ang panganib ng impeksiyon ay hindi kapani-paniwala.” Sabi rin niya: “Nakikita natin ang parami nang paraming pagpapatiwakal sa gitna ng mga kabataang may hemophilia. Sila ay galit na galit. Inaakala nilang sila’y kinakasangkapan.”
Si Jonathan Goldsmith ng Nebraska Regional Hemophilia Center sa Omaha ay nagsabi na ang pagsasalin ng dugo “ay laging mapanganib sapagkat ikaw ay nakikitungo sa isang biyolohikal na produkto. Subalit ito ang pinakamasama. Ito ay nakagawa ng malaking kalungkutan sa mga manggagamot. Hindi namin binalak ang anumang gaya nito ay mangyayari.”
Ang mga taong may-asawa na nahawaan ng AIDS sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo ay maipapasa ang sakit sa kanila-kanilang asawa sa pamamagitan ng pagtatalik. Sa isang pag-aaral ng may-asawang mga lalaki na nagkaroon ng AIDS mula sa mga pagsasalin ng dugo, nasumpungan na 14 na porsiyento ng kanilang mga asawa ay nagkaroon din ng virus.
Sa Aprika, iniuulat na mga 10 porsiyento ng lahat ng mga lalaki at mga babaing may virus ng AIDS ay nagkaroon nito sa pamamagitan ng nahawaang dugo buhat sa mga pagsasalin ng dugo o sa paggamit ng nahawaang mga hiringgilya, gaya niyaong ginagamit sa bakuna. Yamang tinatantiya ng ilan na maaaring mayroong limang angaw na mga tagapagdala ng AIDS doon, nangangahulugan ito na mahigit na 500,000 katao sa Gitnang Aprika ang nagkaroon ng virus ng AIDS mula sa nahawaang dugo.
Sapagkat ang AIDS ay lubhang malaganap ngayon, ano ang magagawa ng mga tao upang pangalagaan ang kanilang sarili?
[Blurb sa pahina 10]
Sa Aprika, ang AIDS ay laganap sa gitna ng mga heteroseksuwal
[Blurb sa pahina 10]
Sa Aprika, mga 10 porsiyento ng may virus nito ay nagkaroon nito sa pamamagitan ng nahawaang dugo
[Larawan sa pahina 9]
Ang AIDS ay unang ikinalat pangunahin na sa pamamagitan ng mga homoseksuwal at mga sugapa sa droga. Ikinalat din ng mga pagsasalin ng dugo ang AIDS