Ang Pamilyang Kristiyano ay Tumutulong sa mga May Edad
“Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; pagka ang lakas ko’y nanlulupaypay, huwag mo akong pabayaan.”—AWIT 71:9.
1. Papaano pinakikitunguhan ang mga may edad sa maraming kultura?
“IPINAKIKITA ng mga surbey na halos anim sa pito (86%) ng inabusong mga may edad ang tumatanggap ng masamang trato buhat sa kanilang sariling pamilya,” ang sabi ng The Wall Street Journal. Ang magasing Modern Maturity ay nagsabi: “Ang pag-aabuso sa mga may edad ang pinakabagong [karahasan sa pamilya] na nakalabas buhat sa taguan at nahayag sa mga pahina ng mga pahayagan sa bansa.” Oo, ang mga may edad sa maraming kultura ay naging mga biktima ng mga pag-aabuso at kapabayaan. Ang panahon natin ay tunay na isang panahon na marami ang “maibigin sa kanilang sarili, . . . walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal.”—2 Timoteo 3:1-3.
2. Ayon sa Kasulatang Hebreo, ano ang pananaw ni Jehova sa mga may edad?
2 Gayunman, hindi ganiyan ang dapat na maging pakikitungo sa mga may edad sa sinaunang Israel. Ang Kautusan ay nagsasabi: “Titindig ka sa harap ng may uban, at magpapakita ka ng konsiderasyon sa pagkatao ng isang matandang lalaki, at katatakutan mo ang iyong Diyos. Ako ay si Jehova.” Ang aklat ng kinasihang pantas na mga kawikaan ay nagpapayo sa atin: “Dinggin mo ang iyong ama na nagpangyaring maisilang ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y matanda na.” Ito’y nagpapayo: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong itakwil ang kautusan ng iyong ina.” Ang Kautusang Mosaico ay nagturo ng paggalang at pagpapakundangan sa mga may edad maging mga lalaki o mga babae. Maliwanag, nais ni Jehova ang mga may edad ay parangalan.—Levitico 19:32; Kawikaan 1:8; 23:22.
Pakikitungo sa mga May Edad Noong Panahon ng Bibliya
3. Papaano nagpakita si Jose ng pagkahabag sa kaniyang ama na may edad na?
3 Ang paggalang ay kailangang ipakita hindi lamang sa mga salita kundi pati na rin sa makonsiderasyong mga pagkilos. Si Jose ay nagpakita ng malaking pagkahabag sa kaniyang ama na may edad na. Nais niya na si Jacob ay maglakbay mula sa Canaan hanggang sa Ehipto, may layong mahigit na 300 kilometro. Kaya si Jose ay nagpadala kay Jacob ng “sampung asnong may pasan na mabubuting bagay sa Ehipto at sampung babaing asno na may pasang trigo at tinapay at pagkain ng kaniyang ama sa daan.” Nang dumating si Jacob sa Goshen, siya’y sinalubong ni Jose at “pagdaka’y yumakap sa kaniyag leeg at umiyak sa kaniyang leeg nang paulit-ulit.” Si Jose ay nagpakita sa kaniyang ama ng matinding pagmamahal. Anong nakapupukaw-damdaming halimbawa ng pagmamalasakit para sa mga may edad!—Genesis 45:23; 46:5, 29.
4. Bakit si Ruth ay isang mainam na halimbawang dapat tularan?
4 Ang isa pang magandang halimbawang sundin sa pagpapakita ng kabaitan sa mga may edad ay si Ruth. Bagaman isang Gentil, siya’y nanatiling may matalik na kaugnayan sa kaniyang may edad, nabiyudang biyenan na Judio, si Naomi. Iniwan niya ang kaniyang mga kababayan at humarap sa hamon na baka hindi na siya makasumpong ng isa pang mapapangasawa. Nang himukin siya ni Naomi na bumalik sa kaniyang sariling mga kababayan, si Ruth ay sumagot na taglay ang ilan sa pinakamagagandang salita sa Bibliya: “Huwag mong ipamanhik na kita’y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagkat kung saan ka pumaroon ay doon ako paroroon, at kung saan ka magpalipas ng gabi ay doon din ako magpapalipas ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos. Kung saan ka mamatay ay doon ako mamamatay, at doon ako ililibing. Harinawang hatulan ako ni Jehova at higitan pa maliban na lamang kung paglayuin tayo ng kamatayan.” (Ruth 1:16, 17) Si Ruth ay nagpakita rin ng maiinam na katangian nang siya’y pumayag na mapangasawa ang may edad nang si Boaz ayon sa kaayusan ng pag-aasawa sa bayaw.—Ruth, kabanata 2 hanggang 4.
5. Anong mga katangian ang ipinakita ni Jesus sa pakikitungo sa mga tao?
5 Si Jesus ay nagpakita ng isang nakakatulad na halimbawa sa kaniyang pakikitungo sa mga tao. Siya’y matiyaga, mahabagin, mabait, at nakagiginhawa. Siya’y nagkaroon ng personal na interes sa isang taong dukha na may kapansanan, di-makalakad, sa loob ng 38 taon at pinagaling siya. Isinaalang-alang niya ang mga biyuda. (Lucas 7:11-15; Juan 5:1-9) Kahit na sa mga sandali ng kaniyang masaklap na kamatayan sa pahirapang tulos, tiniyak niya na mayroong mag-aasikaso sa kaniyang ina, marahil mahigit nang 50 taóng gulang. Maliban sa kaniyang mapagpaimbabaw na mga kaaway, si Jesus ay nagsilbing isang nakagiginhawang kasama para sa kaninuman. Kaya naman, kaniyang nasabi: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.”—Mateo 9:36; 11:28, 29; Juan 19:25-27.
Sino ang Nararapat Isaalang-alang?
6. (a) Sino ang nararapat sa natatanging pakikitungo? (b) Ano ang maaaring itanong natin sa ating sarili?
6 Yamang ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nagpakita ng napakainam na mga halimbawa kung tungkol sa pakikitungo, angkop lamang na sila’y tularan ng nag-alay na mga Kristiyano. Kasama natin ang ilan sa mga nagpagal at nabigatang lubha sa loob ng maraming taon—may edad nang mga kapatid na pumasok na sa mga taon ng taglagas ng kanilang buhay. Ang ilan marahil ay ating mga magulang o mga nuno. Sila ba’y hindi natin gaanong pinahahalagahan? Sila ba’y ating sinusuyo? O talaga bang pinahahalagahan natin ang kanilang malawak na karanasan at karunungan? Totoo, baka ang ilan ay nagsisilbing pagsubok sa ating tiyaga na harapin ang pambihirang asal at kakatwang ugali na karaniwan na sa mga may edad. Subalit tanungin ang iyong sarili, ‘Ako kaya ay mapapaiba pagsapit ko sa gayong kalagayan?’
7. Anong paglalarawan ang nagpapakita na kailangang maging maunawain sa mga may edad?
7 May isang makabagbag-damdaming kuwento buhat sa Gitnang Silangan tungkol sa pagkahabag ng isang batang babae sa isang may edad. Isang lola ang tumutulong sa trabaho sa kusina at sa di-sinasadya’y nabitiwan niya at nabasag ang isang pinggan. Sarili niya ang sinisi dahil sa hindi niya pagiging maingat; ang kaniyang anak na babae ang lalo nang nayamot. Tinawag niya ang kaniyang munting anak na babae at pinapunta sa tindahan upang bumili ng isang di-nababasag na pinggang kahoy para sa lola. Ang bata ay bumalik na may dalang dalawang pinggang kahoy. Nagtanong ang kaniyang nanay: “Bakit dalawang pinggan ang binili mo?” Ang apo ay sumagot nang may pag-aatubili: “Ang isa po’y para kay lola at ang isa’y para sa inyo pagka kayo’y matanda na.” Oo, sa sanlibutang ito lahat tayo ay nakaharap sa pagtanda. Hindi ba natin pasasalamatan kung tayo’y pinakitunguhan nang may tiyaga at kabaitan?—Awit 71:9.
8, 9. (a) Papaano natin dapat pakitunguhan ang mga may edad na kasama natin? (b) Ano ang dapat tandaan ng ilan na kamakailan lamang naging mga Kristiyano?
8 Huwag kalilimutan na marami sa ating mga kapatid na may edad na ang may mahabang rekord ng tapat na gawaing Kristiyano. Tunay na sila’y karapat-dapat sa ating paggalang at konsiderasyon, sa ating may kabaitang pagtulong at pagpapatibay-loob. Tama ang pagkasabi ng taong pantas: “Ang ulong may uban ay isang putong ng kagandahan pagka iyon ay nasa daan ng katuwiran.” At ang ulong iyan na may uban, lalaki man o babae, ay dapat na igalang. Ang ilan sa nakatatandang mga lalaki at mga babaing ito ay naglilingkod pa rin hanggang ngayon bilang tapat na mga payunir, at maraming lalaki ang patuloy na naglilingkod nang may katapatan bilang matatanda sa mga kongregasyon; ang ilan ay gumagawa ng kapuri-puring mga gawain bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa.—Kawikaan 16:31.
9 Si Pablo ay nagpayo kay Timoteo: “Huwag mong pakapintasan ang isang nakatatandang lalaki. Kundi, pangaralan mo siyang tulad sa isang ama, ang mga kabataang lalaki tulad sa mga kapatid, ang nakatatandang mga babae tulad sa mga ina, ang nakababatang mga babae tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisang-puri.” (1 Timoteo 5:1, 2) Yaong kamakailan ay naging bahagi ng kongregasyong Kristiyano na nanggaling sa isang sanlibutang walang-pakundangan ay lalo nang dapat magsapuso ng mga salita ni Pablo, na nakasalig sa pag-ibig. Mga kabataan, huwag ninyong tularan ang masasamang paggawi na marahil ay nakikita ninyo sa paaralan. Huwag ninyong masamain ang may kabaitang payo ng nakatatandang mga Saksi. (1 Corinto 13:4-8; Hebreo 12:5, 6, 11) Subalit, pagka ang may edad dahilan sa pagkamasasakitin o sa mga suliranin sa pananalapi ay nangangailangan ng tulong, sino ang pangunahing may pananagutan na tulungan sila?
Ang Papel ng Pamilya sa Pag-aasikaso sa May Edad
10, 11. (a) Ayon sa Bibliya, sino ang dapat manguna sa pag-aasikaso sa mga may edad? (b) Bakit hindi laging madali na mag-asikaso sa mga may edad?
10 Sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, nagkaroon ng mga suliranin tungkol sa pag-aasikaso sa mga babaing balo. Papaano ipinakita ni Pablo na kailangang matugunan ang gayong mga pangangailangan? “Igalang mo ang mga babaing balo na talagang mga biyuda. Ngunit kung ang sinumang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga nuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Tunay na kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:3, 4, 8.
11 Sa panahon ng pangangailangan, ang malalapit na miyembro ng pamilya ang dapat na unang tumulong sa mga may edad.a Sa ganitong paraan, ang malalaki nang mga anak ay makapagpapakita ng pagpapahalaga sa mga taon ng pag-ibig, pagtatrabaho, at pag-aasikaso na ginawa ng kanilang mga magulang. Marahil ito ay hindi madali. Habang tumatanda ang mga tao, natural na sila’y bumabagal, at ang ilan ay nagiging baldado. Ang iba ay baka nagiging makasarili at mapaghanap, bagaman marahil hindi nila natatalos ito. Subalit nang tayo’y mga sanggol, hindi ba tayo’y makasarili at mapaghanap din? At hindi ba ang ating mga magulang ay nasasabik na tumulong sa atin? Nagbago na ngayon ang mga bagay pagsapit ng kanilang katandaan. Kaya, ano ang kinakailangan? Ang pagkahabag at ang pagtitiis.—Ihambing ang 1 Tesalonica 2:7, 8.
12. Anong mga katangian ang kailangan sa pag-aasikaso sa mga may edad—at sa lahat ng iba pa sa kongregasyong Kristiyano?
12 Si apostol Pablo ay nagbigay ng praktikal na payo nang siya’y sumulat: “Kaya nga, gaya ng mga hinirang ng Diyos, na mga banal at minamahal, magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, kababaang-loob, kahinahunan, at pagtitiis. Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, ganiyan din ang gawin ninyo. Ngunit, bukod sa lahat ng bagay na ito, magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito’y isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.” Kung tayo’y nararapat magpakita ng ganitong uri ng pagkahabag at pag-ibig sa kongregasyon, hindi ba dapat na lalo tayong magpakita nito sa pamilya?—Colosas 3:12-14.
13. Sino, bukod sa may edad na mga magulang o mga nuno, ang marahil mangangailangan ng tulong?
13 Kung minsan ang ganitong uri ng tulong ay marahil kinakailangan hindi lamang ng mga magulang o mga nuno kundi pati na rin ng ibang mga kamag-anak na may edad na. Ang ilang may edad na walang mga anak ay naglingkod nang maraming taon bilang mga misyonero, mga naglalakbay na tagapangasiwa, at nasa iba pang buong-panahong gawain. Tunay na kanilang inuna muna ang Kaharian sa buong buhay nila. (Mateo 6:33) Kung gayon, hindi ba angkop na magpakita sa kanila ng espiritu ng pagmamalasakit? Tunay na mayroon tayong mainam na halimbawa sa paraan ng pag-aasikaso ng Samahang Watch Tower sa kanilang may edad na mga miyembro ng Bethel. Sa punong-tanggapang Bethel sa Brooklyn at sa maraming sangay ng Samahan, maraming may edad nang mga kapatid ang inaasikaso araw-araw ng sanay na mga miyembro ng pamilya na naatasan sa ganitong tungkulin. Sila’y naliligayahang mag-asikaso sa mga may edad na ito na para bang kanilang sariling mga magulang o mga nuno. Kasabay nito, malaki ang kanilang natutuhan buhat sa karanasan ng mga may edad.—Kawikaan 22:17.
Ang Papel ng Kongregasyon sa Pag-aasikaso
14. Anong paglalaan ang ginawa para sa mga may edad sa sinaunang kongregasyong Kristiyano?
14 Maraming bansa sa ngayon ang may sistema ng pensiyon sa katandaang gulang at gayundin may paglalaan ang Estado na medikal na pangangalaga sa mga may edad. Ang mga Kristiyano ay maaaring lubusang gumamit ng mga paglalaang ito kung sila’y may karapatan na gawin ang gayon. Subalit, noong unang siglo, wala ng gayong mga paglalaan. Kaya naman ang kongregasyong Kristiyano ay gumawa ng positibong hakbang upang tulungan ang naghihirap na mga babaing balo. Si Pablo ay nagbigay ng pasabi: “Ilagay sa talaan [para sa pagtanggap ng tulong buhat sa kongregasyon] ang isang babaing balo na edad animnapung taon pataas, naging asawa ng iisang lalaki, may mabuting patotoo tungkol sa kaniyang mabubuting gawa, kung siya’y nag-alaga ng mga anak, kung nagpatulóy sa mga tagaibang bayan, kung siya’y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya’y tumulong sa mga nasa kapighatian, kung siya’y nagsipag sa bawat mabuting gawa.” Sa gayon, ipinakita ni Pablo na mayroon ding papel na ginagampanan ang kongregasyon sa pagtulong sa mga may edad. Ang mga babaing palaisip sa espirituwal na walang mga anak na sumasampalataya ay kuwalipikado na humingi ng gayong tulong.—1 Timoteo 5:9, 10.
15. Bakit kakailanganin ang tulong upang matamo ang mga paglalaan ng Estado?
15 Pagka may mga paglalaan ang Estado para sa mga may edad, karaniwan nang ang mga ito’y nangangailangan ng pagsasaayos ng mga papeles na ang gayo’y waring nakapanghihina ng loob. Sa gayong mga kaso ay angkop para sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon na magsaayos ng tutulong upang ang may edad ay makahingi, makakolekta, o maparagdagan pa ang gayong tulong. Kung minsan ang pagbabago ng mga kalagayan ay maaaring magbunga ng pagtanggap ng karagdagang pensiyon. Subalit marami ring iba pang praktikal na mga bagay na maaaring isaayos ng mga tagapangasiwa upang ang mga may edad ay maasikaso. Ano ba ang ilan sa mga ito?
16, 17. Sa anong iba’t ibang paraan makapagmamagandang-loob tayo sa mga may edad sa kongregasyon?
16 Ang pagmamagandang-loob ay isang kaugaliang umiiral na noong panahon ng Bibliya. Hanggang sa araw na ito sa maraming bansa sa Gitnang Silangan, ang pagmamagandang-loob ay ipinakikita sa mga tagaibang-bayan, kahit na lamang hanggang sa pag-aalok ng isang tasa ng tsa o kape. Hindi kataka-taka, kung gayon, na sumulat si Pablo: “Damayan ang mga banal ayon sa kanilang pangangailangan. Maging mapagpatuloy.” (Roma 12:13) Ang salitang Griego para sa pagkamapagpatuloy, na phi·lo·xe·niʹa, ay literal na nangangahulugang “pag-ibig sa (pagkahilig sa, o kabaitan sa) mga tagaibang-bayan.” Kung ang isang Kristiyano ay dapat maging mapagpatuloy sa mga tagaibang-bayan, hindi ba lalo nang nararapat na maging mapagpatuloy siya sa mga taong may kaugnayan sa kaniya sa pananampalataya? Ang isang pag-aanyaya sa pagkain ay kalimitang isang mainam na pagbabago sa karaniwang ginagawa ng isang may edad na. Kung nais mo ng tinig ng karunungan at karanasan sa inyong sosyal na mga pagtitipon, isali mo roon ang mga may edad.—Ihambing ang Lucas 14:12-14.
17 Maraming paraan upang ang mga may edad ay mapatibay-loob. Kung tayo’y magsasaayos ng isang grupo ng mga nakakotse upang pumunta sa isang Kingdom Hall o sa isang asamblea, mayroon bang ilang may edad na matutuwa kung sila’y isasakay? Huwag nang hintayin na sila’y magtanong. Alukin ninyo na sila’y isakay. Ang isa pang praktikal na tulong ay ang mamilí para sa kanila. O kung makakaya nila, maaari kayang isama natin sila sa ating pamimilí? Subalit tiyakin natin na may mga lugar na doon sila’y makapagpapahinga o makapagpapapresko kung sakaling kailanganin. Tiyak na mangangailangan ito ng tiyaga at kabaitan, subalit ang isang taimtim na pasasalamat ng isang taong may edad na ay sapat nang kagantihan.—2 Corinto 1:11.
Isang Kapurihan sa Kongregasyon
18. Bakit ang mga may edad ay isang pagpapala sa kongregasyon?
18 Anong laking pagpapala na sa isang kongregasyon ay makakita ka ng ilang taong may uban na (at gayundin ng mga ulong kalbo na dahil sa pagkakaedad)! Nangangahulugan ito na sa gitna ng kasiglahan at lakas ng mga kabataan, mayroon tayong ilang taong may karunungan at karanasan—isang tunay na kapurihan sa alinmang kongregasyon. Ang kanilang kaalaman ay mistulang nakagiginhawang tubig na sinalok mula sa isang balon. Iyon ay gaya ng sinabi ng Kawikaan 18:4: “Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig. Ang balon ng karunungan ay parang umaagos na batis.” Anong laking pampatibay-loob sa mga may edad na madamang sila’y kailangan at pinahahalagahan!—Ihambing ang Awit 92:14.
19. Papaano gumawa ang ilan ng mga pagsasakripisyo ukol sa kanilang may edad nang mga magulang?
19 Naisip ng ilang nasa buong-panahong paglilingkuran na huminto na upang makauwi sila para maalagaan ang kanilang may edad na at may sakit na mga magulang. Sila’y gumawa ng pagsasakripisyo para doon sa mga dating nagsakripisyo alang-alang sa kanila. Isang mag-asawa, dating mga misyonero at nasa buong-panahong paglilingkod pa rin, ang bumalik sa sariling bayan upang mag-alaga sa kanilang may edad nang mga magulang. Nagawa nila ito sa loob ng mahigit na 20 taon. May apat na taon na ngayon ang nakalipas nang ang ina ng lalaki ay kinailangang ilagay sa isang bahay-ampunan. Ang asawang lalaki, na ngayo’y mahigit nang 60 taon, ay dumadalaw araw-araw sa kaniyang inang 93-taóng-gulang. Ang kaniyang paliwanag: “Papaano ko siya mapababayaan? Siya ay aking ina!” Sa ibang mga kaso ang mga kongregasyon at mga indibiduwal ay nagkusa at naghandog ng tulong upang mag-asikaso sa mga may edad upang ang kanilang mga anak ay makapanatili sa teritoryong iniatas sa kanila. Ang gayong walang-imbot na pag-ibig ay karapat-dapat ding bigyan ng mahusay na komendasyon. Bawat situwasyon ay kailangang pakitunguhan nang buong ingat sapagkat ang mga may edad ay hindi dapat pabayaan. Ipakita na iniibig mo ang iyong may edad nang mga magulang.—Exodo 20:12; Efeso 6:2, 3.
20. Anong halimbawa ng pag-aasikaso sa mga may edad ang ipinakita sa atin ni Jehova?
20 Oo, ang ating nakatatandang mga kapatid ay isang putong ng kagandahan para sa isang pamilya o isang kongregasyon. Sinabi ni Jehova: “Hanggang sa katandaan ng isa ay Ako nga; at hanggang sa magkauban ay patuloy na dadalhin kita. Tiyak na ako’y kikilos upang makalong kita at upang madala kita at mailigtas.” Harinawang tayo’y makapagpakita ng ganiyang tiyaga at pag-aasikaso sa ating matatanda nang mga kapatid sa pamilyang Kristiyano.—Isaias 46:4; Kawikaan 16:31.
[Talababa]
a Para sa detalyadong mga mungkahi tungkol sa kung ano ang magagawa ng mga miyembro ng pamilya upang matulungan ang mga may edad, tingnan Ang Bantayan, Hunyo 1, 1987, pahina 13-18.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang mga halimbawa sa Bibliya ng pag-aasikaso sa mga may edad?
◻ Papaano natin dapat pakitunguhan ang mga may edad?
◻ Papaano maaasikaso ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang may edad nang mga mahal sa buhay?
◻ Ano ang maaaring gawin ng kongregasyon upang matulungan ang mga may edad?
◻ Bakit ang mga may edad ay isang pagpapala sa ating lahat?
[Larawan sa pahina 23]
Si Ruth ay nagpakita ng kabaitan at paggalang sa may edad nang si Naomi
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga may edad ay pinahahalagahang mga miyembro ng kongregasyon