MGA TANONG MULA SA MGA MAMBABASA
Bakit lumuha si Jesus bago niya buhaying muli si Lazaro, gaya ng binabanggit sa Juan 11:35?
Kapag namatay ang isang mahal sa buhay, natural lang na umiyak tayo dahil sa pangungulila sa kaniya. Bagaman mahal ni Jesus si Lazaro, ang pagluha ni Jesus ay hindi dahil sa pagkamatay nito. Umiyak siya dahil nahabag siya sa mga namatayan, gaya ng ipinakikita ng konteksto ng ulat ni Juan.—Juan 11:36.
Nang mabalitaan ni Jesus na may-sakit si Lazaro, hindi siya nagmadaling pumunta sa bahay ni Lazaro para pagalingin ito. Ayon sa ulat: “Nang marinig [ni Jesus na] may sakit [si Lazaro], nang magkagayon ay nanatili pa siya ng dalawang araw sa dakong kinaroroonan niya.” (Juan 11:6) Bakit? May layunin siya sa hindi pagpunta agad. Sinabi niya: “Ang sakit na ito ay hindi ukol sa kamatayan, kundi para sa kaluwalhatian ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito.” (Juan 11:4) Paanong hindi “ukol sa kamatayan” ang pagkakasakit ni Lazaro? Dahil nilayong gamitin ni Jesus ang kamatayan ni Lazaro “para sa kaluwalhatian ng Diyos.” Isang kamangha-manghang himala ang gagawin niya sa pamamagitan ng pagbabangon sa kaniyang mahal na kaibigan mula sa libingan.
Noong pagkakataong iyon, habang kausap ni Jesus ang kaniyang mga alagad, inihalintulad niya ang kamatayan sa pagtulog. Kaya naman sinabi niya sa kanila na “maglalakbay [siya] patungo roon upang gisingin [si Lazaro] mula sa pagkakatulog.” (Juan 11:11) Para kay Jesus, ang pagbuhay-muli kay Lazaro ay tulad lang ng paggising ng isang magulang sa kaniyang natutulog na anak. Kaya walang dahilan para magdalamhati siya sa pagkamatay ni Lazaro.
Kung gayon, bakit lumuha si Jesus? Muli, nasa konteksto ang sagot. Nang makita ni Jesus na tumatangis ang kapatid ni Lazaro na si Maria at ang iba pang mga tao, siya ay “dumaing sa espiritu at nabagabag.” Sa pagkakitang nagdadalamhati sila, nasaktan si Jesus hanggang sa puntong ‘dumaing siya sa espiritu.’ Iyan ang dahilan kung bakit “si Jesus ay lumuha.” Labis siyang nalungkot na makitang namimighati ang kaniyang mahal na mga kaibigan.—Juan 11:33, 35.
Ipinakikita ng ulat na ito na sa bagong sanlibutan, kayang ibalik ni Jesus ang buhay at kalusugan ng ating namatay na mga mahal sa buhay. Ipinakikita rin nito sa atin na marunong makiramay si Jesus sa mga namatayan. Gayundin, tinuturuan tayo ng ulat na maging mahabagin sa mga nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng kanilang mga minamahal.
Alam ni Jesus na bubuhayin niyang muli si Lazaro. Pero lumuha pa rin siya dahil sa masidhing pag-ibig at pagkahabag sa kaniyang mga kaibigan. Sa katulad na paraan, inuudyukan din tayo ng empatiya na “makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) Ang gayong pagdadalamhati ay hindi nangangahulugan na kulang ang pananampalataya natin sa pagkabuhay-muli. Kaya naman angkop lang na nagpakita si Jesus ng halimbawa ng pagdamay sa mga namatayan nang lumuha siya kahit bubuhayin na niyang muli si Lazaro.