Payo Para Magkaroon ng Magandang Kaugnayan sa Iba
Itinuturo sa atin ng Maylalang kung paano tayo magkakaroon ng magandang kaugnayan sa iba—sa kapamilya, katrabaho, o kaibigan. Tingnan ang ilang payo niya na nakatulong sa marami.
Maging Mapagpatawad
“Patuloy ninyong . . . patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa.”—COLOSAS 3:13.
Lahat tayo ay nagkakamali. Baka masaktan natin ang iba o masaktan nila tayo. Kaya kailangan nating lahat na mapatawad at magpatawad. Kapag nagpatawad tayo, hindi na tayo naghihinanakit sa nakasakit sa atin. Hindi tayo “[gumaganti] ng masama para sa masama,” at hindi natin paulit-ulit na inuungkat ang pagkakamali ng iba. (Roma 12:17) Pero paano kung nasaktan ka talaga at hindi maalis sa isip mo ang nangyari? Dapat mong kausapin nang maayos ang nakasakit sa iyo nang kayong dalawa lang. Ang gusto natin ay makipagpayapaan, hindi ang patunayan na tama tayo.—Roma 12:18.
Maging Mapagpakumbaba at Irespeto ang Iba
“Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.”—FILIPOS 2:3.
Kapag mapagpakumbaba tayo at may respeto tayo sa iba, gugustuhin nilang makasama tayo. Alam nilang magiging mabait tayo at makonsiderasyon sa kanila, at hindi natin sasadyaing saktan ang damdamin nila. Pero kung iniisip nating nakatataas tayo sa iba o lagi nating ipipilit ang gusto natin, marami lang tayong makakaaway. Iiwasan tayo ng mga tao, at kaunti lang ang magiging kaibigan natin, o baka wala pa nga.
Huwag Magtangi
“Hindi nagtatangi ang Diyos, kundi tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.”—GAWA 10:34, 35.
Hindi tumitingin ang ating Maylalang sa lahi, wika, katayuan sa buhay, o kulay ng balat. “Mula sa isang tao, ginawa niya ang lahat ng bansa.” (Gawa 17:26) Ibig sabihin, ang lahat ng tao ay magkakapatid. Kapag pinapakitunguhan natin ang iba nang may dignidad at kabaitan, napapasaya natin sila, mas nagiging masaya tayo, at napapasaya din natin ang ating Maylalang.
Maging Mahinahon
“Magpakita kayo ng . . . kahinahunan.”—COLOSAS 3:12.
Kapag mahinahon tayo, palagay ang loob sa atin ng iba. Hindi sila mahihiyang makipag-usap sa atin at ituwid pa nga tayo kung kailangan dahil alam nilang mananatili tayong kalmado. At kapag mahinahon tayo kahit may nagagalit sa atin, tutulong iyon para kumalma siya. “Ang mahinahong sagot ay nakapapawi ng galit, pero ang masakit na salita ay nakagagalit,” ang sabi ng Kawikaan 15:1.
Maging Mapagbigay at Mapagpasalamat
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—GAWA 20:35.
Maraming tao ngayon ang sakim at makasarili. Pero magiging tunay na maligaya tayo kung mapagbigay tayo. (Lucas 6:38) Masaya ang mga bukas-palad kasi mas mahalaga sa kanila ang mga tao kaysa sa materyal na mga bagay. At dahil mahal nila ang mga tao, mapagpasalamat sila at pinapahalagahan nila ang pagkabukas-palad ng iba sa kanila. (Colosas 3:15) Kung ikaw ang tatanungin, sino ang mas gusto mong kasama—ang madamot at hindi mapagpahalaga o ang mapagbigay at mapagpasalamat? Ang aral? Kung ano ang gusto mong makita sa iba, dapat ganoon ka din.—Mateo 7:12.