KAAWAY
Ang terminong Hebreo na ʼoh·yevʹ at ang Griegong ekh·throsʹ ay tumutukoy sa isa na napopoot. (Exo 23:22; Mat 5:43) Ang unang rekord sa sansinukob hinggil sa pakikipag-alit ay ang ginawa ng “serpiyente,” nang maglaon ay ipinakilala sa Bibliya bilang si Satanas na Diyablo (Apo 12:9), noong lapitan niya si Eva taglay ang isang hamon may kinalaman sa pagiging totoo ng mga salita ng Diyos. (Gen 3:4, 5) Inilarawan ni Jesu-Kristo ang espiritung nilalang na ito bilang isang mamamatay-tao, at gayundin bilang “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”—Ju 8:44; tingnan ang SATANAS.
Mga Kaaway ng Diyos. Mula noong panahong iyon, si Satanas ang naging pangunahing kaaway ng Diyos. (Mat 13:25, 39) Sinisikap niyang impluwensiyahan ang sangkatauhan, at nagpapadala sila sa impluwensiyang iyon, kaya naman “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1Ju 5:19) Samakatuwid, ang sanlibutang ito ay kaaway ng Diyos. (San 4:4) Gayunman, mahaba ang pagtitiis ng Diyos sa kaniyang mga kaaway at maawain siya sa mga kabilang sa kanila na nais maglingkod sa kaniya. Naglaan siya sa kanila ng paraan ng pakikipagkasundo sa pamamagitan ng hain ni Jesu-Kristo. (Ro 5:10; Col 1:21, 22) Yaong mga kaisa ni Kristo ay ginawa niyang “mga embahador” sa isang napopoot na sanlibutan, taglay ang ministeryo ng pakikipagkasundo.—2Co 5:18-21.
Sa kabilang dako, maraming mortal na kaaway ang Diyos, kabilang na si Satanas at ang mga balakyot na demonyo, na nag-uudyok sa mga bansa na magtipon upang sumalansang sa Diyos (Apo 16:13-16); ang apostatang “taong tampalasan,” na sumasalansang sa Diyos (2Te 2:3, 4); ang “Babilonyang Dakila,” na ang “mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit” (Apo 17:5; 18:5); ang “mabangis na hayop” na nagmula sa dagat, na tumanggap ng kapangyarihan at awtoridad mula kay Satanas na dragon (Apo 13:1, 2, 6); ang “mabangis na hayop” na may dalawang sungay, na nagtataguyod ng pagsamba sa “hayop” na nagmula sa dagat (Apo 13:11, 12); ang “kulay-iskarlatang mabangis na hayop” na “punô ng mapamusong na mga pangalan” (Apo 17:3); at yaong mga patuloy na sumusuporta sa kanila (Apo 19:17-21). Pupuksain ng Diyos ang mga ito.—Deu 32:41; Isa 59:18; Apo 20:10.
Mga Kaaway ni Kristo. Ang mga kaaway ng Diyos ay mga kaaway rin ni Kristo. (Ju 8:42-47; Mat 10:40) Noong narito siya sa lupa, labis na nagdusa si Jesu-Kristo sa mga kamay ng mga kaaway ng Diyos. Gayunpaman, hindi niya sila ginantihan; hindi niya sinikap na gawan sila ng pinsala. (1Pe 2:21-23) Pinagaling pa nga niya ang isang lalaking kasama sa pulutong na lumabas na may mga pamalo at mga tabak upang dakpin siya.—Luc 22:49-51; Ju 18:10, 11.
Gayunman, matapos siyang buhaying-muli, siya ay “umupo sa kanan ng Diyos, na mula noon ay naghihintay hanggang sa mailagay ang kaniyang mga kaaway bilang tuntungan para sa kaniyang mga paa.” (Heb 10:12, 13; Luc 20:41-43) Ang hulang ito ay itinala sa Awit 110, na nagsasaad sa utos ni Jehova sa kaniyang Anak: “Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.” (Aw 110:2) Ang mga kaaway na ito ni Jehova at ng kaniyang “pinahiran” ay sinasabing binubuo ng “mga bansa,” “mga liping pambansa,” “mga hari sa lupa,” at “matataas na opisyal.” (Aw 2:1-9) Sa Apocalipsis 19:11-21, ang isa na tinatawag na “Tapat at Totoo,” “Ang Salita ng Diyos,” at “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” ay inilalarawan na siyang nangunguna sa mga hukbo ng langit laban sa kaniyang mga kaaway. Ang kaniyang mga kaaway ay inilalarawan dito bilang “ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo,” at ang “bulaang propeta,” na pawang lilipulin ni Kristo.
Mga Kaaway ng Sangkatauhan. Ang mga kaaway ng Diyos ay mga kaaway rin ng sangkatauhan dahil sinasalungat nila ang pakikipagkasundo ng tao sa Diyos at ang mga layunin ng Diyos para sa pamilya ng tao. Sinasalansang nila ang paghahayag ng katotohanan at sa gayon ay laban sila sa mga kapakanan ng lahat ng tao, gaya niyaong mga umusig sa unang mga Kristiyano.—1Te 2:15.
Bukod diyan, dahil nakapasok ang kasalanan sa sanlibutan sa pamamagitan ni Adan, ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao; mula noon, ito, gaya ng tawag dito ng Bibliya, ay naging “kaaway” ng sangkatauhan. (1Co 15:26; Ro 5:12) Ang kamatayan ay hindi maaaring panaigan kung sa pagsisikap lamang ng tao. (Aw 89:48) Tanging ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang makapag-aalis sa kaaway na ito ng tao.—1Co 15:24-26; Isa 25:8.
Ang Pakikipaglaban ng Isang Kristiyano. Inilarawan ng apostol na si Pablo ang pakikipagdigma ng isang Kristiyano, na sinasabi: “Tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efe 6:12; ihambing ang 2Co 10:4.) Samakatuwid, ang pakikipaglaban ng isang Kristiyano ay hindi laban sa mga tao. Ito ay laban sa mga balakyot na espiritu na nagsisikap na italikod sila sa Diyos. Sa kabilang panig, ipinaliwanag ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod na kapopootan sila ng sanlibutan at papatayin pa nga sila nito (Mat 10:22; 24:9; Ju 16:2) at na sa ilang kaso, ang magiging mga kaaway ng isang tao ay yaong kaniyang mga kasambahay.—Mat 10:36.
Ano ang dapat na maging saloobin ng isang Kristiyano sa mga kapuwa-tao niya kung ginagawa nila ang kanilang sarili na kaniyang mga kaaway? Ipinayo ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway, gawan ng mabuti yaong mga napopoot sa inyo.” (Luc 6:27, 28) Ipinaliwanag niya: “Narinig ninyo na sinabi [hindi sa Bibliya, kundi sa tradisyon], ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan mo ang iyong kaaway.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mat 5:43, 44) At tiyak na tinutukoy ng apostol na si Pablo ang Kawikaan 25:21 nang ipayo niya: “Kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya.” (Ro 12:20) Ang simulaing ito ay ipinahayag sa Kautusan, na kababasahan: “Kung masumpungan mo ang toro ng iyong kaaway o ang kaniyang asno na nakakawala, ibabalik mo iyon sa kaniya nang walang pagsala. Kung makita mo ang asno ng sinumang napopoot sa iyo na nakalugmok sa ilalim ng pasan nito, huwag mo nga siyang iiwanan. Kasama niya na kakalagan mo iyon nang walang pagsala.”—Exo 23:4, 5.
Dahil sinusunod ng mga lingkod ni Jehova ang maiinam na simulaing ito, maraming dating mga kaaway ang lumambot ang puso sa pakikitungo sa kanila at pati na sa Diyos mismo. Kasuwato ito ng Kawikaan 16:7: “Kapag nalulugod si Jehova sa mga lakad ng isang tao ay pinangyayari niya na maging ang kaniyang mga kaaway ay makipagpayapaan sa kaniya.” (Ihambing ang Ro 12:17, 18, 21; 1Pe 2:19, 20; 3:9.) Ang isang namumukod-tanging halimbawa ng pagpapakita ng awa sa kaaway ay ang pakikitungo ni Jesu-Kristo kay Saul ng Tarso (na naging ang apostol na si Pablo).—Gaw 9:1-16; 1Ti 1:13; ihambing ang Col 1:21, 22.
Sinasabi ng Diyos na Jehova: “Akin ang paghihiganti, at ang kagantihan.” (Deu 32:35; Ro 12:19; Heb 10:30) Dahil dito, hindi inilalagay ng lingkod ng Diyos ang paghihiganti sa kaniyang sariling mga kamay; ni ninanais man niyang dumanas ng kapahamakan ang mga kaaway niya para sa kaniyang personal na kasiyahan, anupat inaalaala ang matalinong payo: “Kapag ang iyong kaaway ay nabuwal, huwag kang magsaya; at kapag siya ay natisod, huwag nawang magalak ang iyong puso.” (Kaw 24:17) Sa ilalim ng Kautusan, sa mga usapin na doo’y maaaring pinag-aalinlanganan kung ang pagpatay sa isang tao ay sinasadya o di-sinasadya, ang anumang dating alitan, pagkapoot, o pananakit sa isang tao dahil sa alitan ay isang salik na makapagpapabigat sa kaso laban sa akusado.—Bil 35:20-25.
Maraming “mga kaaway” ang kailangang daigin ng isang Kristiyano sa kaniyang buhay, bukod pa sa literal na pagsalansang sa kaniya. Malaki ang panganib kung susuko ang isang tao sa “mga kaaway” na ito, sapagkat kung magpapatalo siya sa mga ito, ilalagay siya ng mga ito sa posisyon bilang kaaway ng Diyos. Sinabi ng apostol: “Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng pakikipag-alit sa Diyos, sapagkat hindi ito napasasakop sa kautusan ng Diyos, ni maaari mang magkagayon.” (Ro 8:7; Gal 5:17) Inilalarawan ng Kasulatan na may pagbabakang nagaganap sa loob ng isang Kristiyano dahil sa dalawang magkasalungat na puwersa: (1) ang “kautusan ng Diyos,” na tinukoy ni Pablo bilang ang kautusang umuugit na noon sa kaniyang pag-iisip, at gayundin bilang “ang kautusan ng espiritung iyon na nagbibigay ng buhay kaisa ni Kristo Jesus,” at (2) ang ‘kautusan ng kasalanan na nasa mga sangkap ng isa,’ o ang “kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Ro 7:22-25; 8:2) Kahawig nito, pinayuhan ng apostol na si Pedro ang mga Kristiyano na “patuloy na umiwas mula sa mga pagnanasa ng laman, na siya mismong nakikipagbaka laban sa kaluluwa.” (1Pe 2:11) Sang-ayon dito si Santiago na kapatid sa ina ni Jesus, anupat tinukoy niya ang “mga pagnanasa sa kaluguran ng laman na nakikipagbaka sa inyong mga sangkap.” (San 4:1) Dapat na kilalanin ng isa ang gayong mga bagay bilang kaniyang mga kaaway upang makatayo siyang matatag laban sa mga ito.