Mali ba ang Maghiganti?
Sa isang daan sa Estados Unidos, isang auto ang mabagal tumakbo at payagang lampasan siya ng isang auto. Ang tsuper ng ikalawang auto ay gumanti at binaril ang mabagal na behikulo, anupat nakamatay ng isang walang-malay na pasahero.
Isang dalagitang tinedyer ang inagawan ng isa ring dalagita ng kaniyang papel na gagampanan sa isang drama sa isang paaralan. Siya’y gumanti sa nang-agaw na ito sa pamamagitan ng pagsasabi sa nobyo ng dalagita na ito’y nakikipagtagpo sa isang lalaki sa ibang paaralan. Sa gayo’y kaniyang sinira ang relasyon ng dalagita sa kaniyang nobyo.
MARAMING tao ang naniniwalang matuwid ang gumanti pagka kanilang inakalang sila’y ginawan ng masama. Sa anumang paraan, kanilang sinusunod ang kawikaan na: “Huwag kang magalit, kundi gumanti ka.” Sa ngayon, ang pag-ibig sa kapuwa ay bale-wala, at ang espiritu ng paghihiganti ang nananaig.—Mateo 24:12.
Ikaw, ano ang pagkakilala mo sa paghihiganti? Kung ikaw ay naniniwala sa Bibliya, marahil ay inaakala mo na sa prinsipyo ang paghihiganti ay mali. Ngunit yamang tayo’y namumuhay sa isang masamang sanlibutan, marahil ay naiisip mo na ang pagpapatawad, na kabaligtaran naman ng paghihiganti, ay kadalasang di-makatotohanan. Ano ang gagawin mo kung ikaw ay dinaya o sinaktan ng mga masasamang-loob? Ikaw ba ay nag-iisip na gumanti kung hindi ka pinansin ng sinuman o hinamak ka sa harap ng iba? Ikaw ba ay maghihiganti o magpapatawad?
Nakapipinsala ang Pagiging Mapaghiganti
Kung sa bagay, may iba’t ibang antas ang pagkakasala. Subalit ang karamihan ng tao na gustong maghiganti sa kaninuman ay hindi naman pininsala o sinaktan ng masasamang-loob. Ang “mga kasalanan” na sinipi sa pasimula ng artikulong ito ay bahagi lamang ng mga pagkakamali, bagaman kung titingnan ay malulubha sa isip ng mga taong nagpasiya na gumanti.
Sinasabi ng Bibliya na tayo’y huwag magkakaroon ng saloobin ng paghihiganti. Ang Kawikaan 24:29 ay nagpapayo: “Huwag mong sabihin: ‘Gagawin ko ang gayon sa kaniya, na gaya ng ginawa niya sa akin.’ ” Bakit huwag? Unang-una, ang ganiyang saloobin ay nakapipinsala sa damdamin at sa katawan. Ang kaisipan ng paghihiganti ay nag-aalis ng kapayapaan ng isip at pumipigil sa matinong pangangatuwiran. Pag-isipan ang ganitong pabalita: “Dalawang magsasaka ang nagbarilan samantalang sila’y nasa kani-kanilang mga pick-up truck at namatay kapuwa sa isang loteng paradahan, anupat natapos ang 40-taóng alitan na nagsimula nang sila’y mga bata.” Gunigunihin mo, sa buong buhay nila na ang kaisipan ng dalawang lalaking ito ay nilason ng patuloy na tumitinding espiritu ng paghihiganti!—Kawikaan 14:29, 30.
Ang isa pang dahilan upang huwag patuloy na magkimkim ng isang saloobin ng paghihiganti ay sapagkat ang mga nagkakasala—maging iyon mang nagkakasala nang malubha—ay maaaring magbago. Halimbawa, si apostol Pablo, nang minsan ay ‘sumang-ayon sa kamatayan’ ng alagad na si Esteban at ‘sumilakbo ng pagbabanta at pagpatay laban sa mga alagad ng Panginoon.’ Subalit siya’y nagbago. Makalipas ang mga taon si apostol Pedro—na nanganib ang buhay kay Pablo noong maagang panahong iyon— ay tinukoy siya na “ang ating minamahal na kapatid na si Pablo.” (Gawa 8:1; 9:1; 2 Pedro 3:15) Baka noon ay sinubok ng mga Kristiyano na maghiganti kay Pablo, lalo na nang siya’y naghihintay, bulag, sa Damasco. (Gawa 9:3-15) Anong kalunus-lunos na pagkakamali iyan kung nagkataon!
Kaya naman, si Pablo ay nakapagbigay ng mainam na payo sa Roma 12:20: “Kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakanin mo siya; kung siya’y nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom.” Bakit? Sapagkat kung tayo’y maghihiganti sa isang kaaway, lalo lamang pinatitigas natin ang kaniyang kalooban at ang alitan sa pagitan natin ay hindi na maaalis. Subalit kung ginagawan natin ng mabuti ang isang nagkasala o nakapinsala sa atin, baka pa mapalambot natin ang kaniyang kalooban at ang isang dating kaaway ay maging isang kaibigan.
Ang pagkilala sa ating sariling kahinaan ay tumutulong din sa atin upang madaig ang kapaitan ng damdamin na humahantong sa paghahangad sa paghihiganti. Ang salmista ay nagtanong: “Kung mga pagkakamali ang iyong binabantayan, Oh Jah, Oh Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Lahat tayo ay nakasakit o may nagawang pagkakamali sa iba. Hindi ba tayo natutuwa kung tayo’y hindi nila ginantihan? Kung gayon, hindi ba dapat na tularan natin sila sa hindi paghihiganti? Si Jesus ay nagpayo: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.”—Mateo 7:12.
Totoo, sinasabi ng Bibliya: “Kapootan ninyo ang masama.” (Awit 97:10; Amos 5:15) Ngunit hindi nito sinasabi sa atin na kapootan ang taong gumawa ng masama. Sa katunayan, si Jesus ay nag-utos: “Patuloy na ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:44) Kung ating ginaganti ng masama ang masama, ating tinutularan ang espiritu ng manggagawa ng masama. Ang sinaunang kawikaan ay nagsasabi: “Huwag mong sabihin: ‘Ako’y gaganti ng kasamaan!’ Maghintay ka kay Jehova, at kaniyang ililigtas ka.” (Kawikaan 20:22) Anong laking katalinuhan! Mas mabuti ngang ipakita na tayo ang mga nagtatagumpay sa pamamagitan ng pananaig sa tukso na tularan ang manggagawa ng masama.—Juan 16:33; Roma 12:17, 21.
Pagpaparusa—Sino ang Magpaparusa?
Kung sa bagay, ang ibang kamalian ay lalong malubha kaysa personal na mga paghamak o pananakit. Ano kung ikaw ang biktima ng isang krimen? Natural, ating nadarama na sa ngalan ng hustisya, ikaw ay dapat kumilos. Ngunit anong pagkilos? Sa mga ibang lipunan hindi pambihira na personal na pakialaman ang mga bagay-bagay at maghiganti. Ngunit ang ganiyang mga lipunan ay kadalasan humahantong lamang sa alit-alitan ng mga angkan-angkan. Sa ngayon, ang mga batas ng Diyos o sa karamihan ng mga kaso ang mga batas ng tao ay hindi nagpapahintulot sa mga tao na gumawa ng personal na paghihiganti ukol sa mga krimen, at ito’y sa mabuting dahilan. Ang gayong personal na karahasan ay nagbubunga lamang ng higit na karahasan.
Kung gayon, ang isa bang biktima ng krimen ay magsasawalang-kibo na lamang at tahimik na tatanggapin ang pag-abuso sa kaniya? Hindi naman. Pagka ang ating pagkatao o ari-arian ang inabuso, nariyan ang mga autoridad na maaaring takbuhan. Marahil ay nais mong tawagin ang pulisya. Sa trabaho, pumunta ka sa superbisor. Sa paaralan, marahil ay ibig mong lumapit sa prinsipal. Iyan ang isang dahilan na sila ay naroon—upang ipagtanggol ang hustisya. Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na ang mga autoridad ng pamahalaan ay “ministro ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpahayag ng poot sa isang gumagawa ng masama.” (Roma 13:4) Kahilingan ng hustisya na ang pamahalaan ay gumamit ng kaniyang autoridad, magpahinto sa paggawa ng masama, at parusahan ang mga gumagawa ng masama.
Totoo, may mga panahon na mabagal ang hustisya sa pagkilos. Isang manunulat na sawâ na sa sanlibutan ay nagsabi: “Ang hustisya ay mistulang isang tren na halos palagi nang huli.” Oo, kung minsan ay hindi dumarating ang tren. Ang mga manggagawa ng pang-aabuso sa hustisya ay marahil totoong malakas na anupat hindi sila makontrol ng mga autoridad. Gayumpaman, ang matalinong hakbangin ay ang magpigil sa sarili. “Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya, ngunit ang pantas ay patuloy na nagpipigil hanggang sa wakas,” ang sabi ng Bibliya.—Kawikaan 29:11.
Paghihiganti—Sino ang Maghihiganti?
Ang pagpipigil upang tayo’y huwag mahikayat na maghiganti ay magdadala ng pakinabang sa atin, at tayo’y maaaring maghintay nang may pagpipigil, sa pagkaalam na kung kailangang ilapat ang hustisya, ang Diyos ang gagawa nito sa nararapat na panahon. Alam ni Jehova na ang gawang masama kung hindi susupilin ay hahantong sa higit pang kasamaan. (Eclesiastes 8:11) Hindi niya papayagan na ang pusakal na balakyot ay mang-api sa sangkatauhan nang walang hanggan. Kaya naman tayo ay pinayuhan ni apostol Pablo: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyan-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” (Roma 12:19) Oo, ang Bibliya ay may tinutukoy na isang araw ng paghihiganti ng Maylikha. Ano ba ang araw na ito ng paghihiganti? At sino ang mga paghihigantihan ng Diyos? Ating tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
[Kahon sa pahina 4]
Upang mapigil ang damdamin ng paghihiganti, tandaan na
□ ang Diyos ay nababahala tungkol sa hustisya
□ ang pagkikimkim ng saloobin ng paghihiganti ay nakapipinsala
□ ang kabaitan ay kadalasan nagpapagaan sa mga suliranin sa pakikitungo sa iba
□ marami sa ating sariling mga kasalanan ay pinalampas
□ ang mga nagkakamali ay maaaring magbago
□ ating dinadaig ang sanlibutan sa pamamagitan ng hindi pagtulad sa mga lakad nito