DANIEL, AKLAT NG
Isang makahulang aklat na sa Bibliyang Tagalog ay isinasama sa mga pangunahing propeta, anupat ito’y kasunod mismo ng Ezekiel. Ganito ang pagkakaayos sa Griegong Septuagint at Latin na Vulgate. Sa Hebreong kanon, ang Daniel ay isinasama sa “Mga Akda” o “Hagiographa.”
Manunulat. Malinaw na ipinakikita ng mismong aklat na ang manunulat nito ay si Daniel. Iniuulat nito: “Nang unang taon ni Belsasar na hari ng Babilonya, si Daniel ay nakakita ng isang panaginip at ng mga pangitain ng kaniyang ulo sa kaniyang higaan. Sa pagkakataong iyon ay isinulat niya ang panaginip. Ang buong ulat ng mga bagay ay isinalaysay niya.” (Dan 7:1) Ipinakikita rin ng pagkakasulat ng mga kabanata 7 hanggang 12 sa unang panauhan na si Daniel ang sumulat nito.
Ang mga kabanata 1 hanggang 6 ay isinulat sa ikatlong panauhan, ngunit hindi ito katibayan na hindi si Daniel ang sumulat ng aklat. Lumagay siya sa posisyon ng isang nagmamasid na nag-uulat kung ano ang nangyayari sa kaniyang sarili at sa iba. Malimit itong gawin ng isa pang manunulat ng Bibliya, si Jeremias. (Tingnan ang Jer 20:1-6; 21:1-3; at mga kab 26, 36.) Sumulat din si Jeremias sa unang panauhan.—Jer 1, 13, 15, 18; tingnan ang DANIEL Blg. 2.
Tagpo at Panahon ng Pagsulat. Ang tagpo ng aklat ay sa Babilonya, anupat ang isa sa mga pangitain ay naganap sa Susan sa tabi ng ilog ng Ulai. Hindi malinaw kung aktuwal na nasa Susan noon si Daniel o nakarating lamang siya roon sa pamamagitan ng pangitain. Natapos ang pagsulat noong mga 536 B.C.E., at ang aklat ay sumasaklaw sa yugto mula 618 hanggang mga 536 B.C.E.—Dan 8:1, 2.
Autentisidad. Kinukuwestiyon ng ilang kritiko ang autentisidad ng Daniel, anupat nanghahawakan sila sa pangmalas ng isang ikatlong-siglong paganong pilosopo at kaaway ng Kristiyanismo, si Porphyry, na naggiit na ang aklat ng Daniel ay panghuhuwad ng isang Palestinong Judio noong panahon ni Antiochus Epiphanes. Ayon sa teoriya niya, ang manghuhuwad na ito ay nagtala ng nakaraang mga pangyayari at pinalitaw nito na mga hula ang mga iyon. Gayunman, ang pagiging tunay ng aklat ng Daniel ay hindi kailanman seryosong kinuwestiyon noong panahong iyon hanggang noong maagang bahagi ng ika-18 siglo. Ang pagtanggap ni Jesu-Kristo mismo sa hula ni Daniel ang mas mahalagang katibayan ng autentisidad nito.—Mat 24:15; Dan 11:31.
Makasaysayan. May ilang manuskrito ng mga bahagi ng aklat ng Daniel na natagpuan sa mga yungib ng Dagat na Patay. Ang pinakamaagang manuskrito ay mula noong unang kalahatian ng unang siglo B.C.E.; ang aklat ng Daniel ay tinatanggap na noong panahong iyon bilang bahagi ng Kasulatan at kilalang-kilala ng mga Judio anupat marami nang kopya nito ang nagawa. Ang pagkilala rito noong panahong iyon bilang isang kanonikal na aklat ay sinusuportahan ng manunulat ng Apokripal ngunit makasaysayang aklat ng Unang Macabeo (2:59, 60), kung saan binanggit niya na iniligtas si Daniel mula sa lungga ng mga leon at ang tatlong Hebreo naman mula sa maapoy na hurno.
Mayroon din tayong patotoo mula sa Judiong istoryador na si Josephus, na nagsabing ang mga hula ni Daniel ay ipinakita kay Alejandrong Dakila nang pumasok ito sa Jerusalem. Nangyari iyon noong mga 332 B.C.E., mahigit 150 taon bago ang yugtong Macabeo. Sinabi ni Josephus tungkol sa pangyayaring iyon: “Nang ipakita sa kaniya ang aklat ni Daniel, kung saan ipinahayag nito na isa sa mga Griego ang wawasak sa imperyo ng mga Persiano, ipinalagay niyang siya ang tinutukoy.” (Jewish Antiquities, XI, 337 [viii, 5]) Ipinakikita rin sa kasaysayan na pinagkalooban ni Alejandro ng malalaking pabor ang mga Judio, at pinaniniwalaang ito’y dahil sa sinabi ni Daniel sa hula tungkol sa kaniya.
Wika. Ang Daniel 1:1–2:4a at 8:1–12:13 ay isinulat sa Hebreo, samantalang ang Daniel 2:4b–7:28 naman ay isinulat sa Aramaiko. May kinalaman sa bokabularyong ginamit sa bahaging Aramaiko ng Daniel, ang The International Standard Bible Encyclopedia (Tomo 1, p. 860) ay nagsabi: “Kapag sinuri ang bokabularyong Aramaiko ng Daniel, ang siyamnapung porsiyento nito ay kaagad na makikilalang katulad niyaong sa Kanlurang Semitikong mga inskripsiyon, o sa mga papiro na mula sa ika-5 siglo B.C. o mas maaga pa. Ang natitirang mga salita naman ay masusumpungan sa mga rekord na gaya niyaong mga nasa wikang Aramaiko ng Nabatea o ng Palmyra, na mas huli kaysa sa ika-5 siglo B.C. Bagaman posible na ang gayong mga salita ay biglang lumitaw pagkaraan ng ika-5 siglo B.C., posible rin na sinasalita na ang mga ito noong ikalimang siglo B.C. ngunit hindi ginagamit sa pagsulat. Gayunman, ang pinakaposibleng paliwanag kung bakit hindi matukoy ang pinagmulan ng sampung porsiyento ay dahil kulang ang nalalaman natin sa kasalukuyan tungkol sa gayong wika, na maaasahan nating mapupunan sa paglipas ng panahon.”—Inedit ni G. Bromiley, 1979.
May ilang diumano’y mga salitang Persiano sa Daniel, ngunit hindi naman iyan kataka-taka dahil nagkaroon ng malimit na pakikipag-ugnayan ang mga Judio sa mga Babilonyo, mga Medo, mga Persiano, at sa iba pa. Bukod diyan, ang karamihan sa mga salitang banyaga na ginamit ni Daniel ay mga pangalan ng mga opisyal, mga bahagi ng pananamit, legal na mga termino, at iba pang gaya nito, na sa Hebreo o Aramaiko ng panahong iyon ay walang angkop na katumbas na termino. Sumulat si Daniel para sa kaniyang bayan na ang kalakhang bahagi ay nasa Babilonia, at marami ang nakapangalat sa ibang mga lugar noong panahong iyon. Kaya naman sumulat siya sa wika na maiintindihan nila.
Doktrina. Tumututol ang ilang kritiko dahil ipinahihiwatig sa Daniel ang pagkabuhay-muli. (Dan 12:13) Ipinapalagay nila na isa itong doktrina na nabuo nang bandang huli o kinuha sa isang paniniwalang pagano, ngunit ang pagtukoy sa Daniel ay kaayon ng iba pang bahagi ng Hebreong Kasulatan, na naglalaman ng mga kapahayagan ng paniniwala sa isang pagkabuhay-muli. (Job 14:13, 15; Aw 16:10) Mayroon ding aktuwal na mga kaso ng pagkabuhay-muli. (1Ha 17:21, 22; 2Ha 4:22-37; 13:20, 21) At mismong ang apostol na si Pablo ang bumanggit na si Abraham ay nanampalataya na ibabangon ang mga patay (Heb 11:17-19) at na ang iba pang tapat na mga lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon ay umasa sa pagkabuhay-muli. (Heb 11:13, 35-40; Ro 4:16, 17) Si Jesus mismo ay nagsabi: “Ngunit ang tungkol sa pagbabangon sa mga patay ay ibinunyag din naman ni Moises, sa ulat tungkol sa tinikang-palumpong, nang tawagin niya si Jehova na ‘ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’”—Luc 20:37.
Yamang inaangkin ng ilan na ang aklat ay hindi naman talaga makahula kundi isinulat pagkatapos ng mga pangyayari, kakailanganin nilang iusod ang panahon ng pagsulat ng aklat nang lampas pa sa mga araw ng ministeryo ni Jesus sa lupa, sapagkat ang ikasiyam na kabanata ay maliwanag na naglalaman ng isang hula tungkol sa paglitaw at hain ng Mesiyas. (Dan 9:25-27) Gayundin, ang hula ay nagpapatuloy pa at naglalahad sa kasaysayan ng mga kaharian na mamamahala hanggang sa “panahon ng kawakasan,” kung kailan ang mga ito ay pupuksain ng Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng kaniyang Mesiyas.—Dan 7:9-14, 25-27; 2:44; 11:35, 40.
Kahalagahan ng Aklat. Namumukod-tangi ang pag-uulat ni Daniel tungkol sa makahulang mga yugto ng panahon: Ang 69 na sanlinggo (ng mga taon) mula nang ibigay ang utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng Mesiyas; ang mga pangyayaring magaganap sa loob ng ika-70 sanlinggo, at ang pagkawasak ng Jerusalem di-katagalan pagkatapos ng mga iyon (Dan 9:24-27); ang “pitong panahon,” na tinawag ni Jesus na “ang mga takdang panahon ng mga bansa” at ipinahiwatig niyang nagpapatuloy pa noong panahong narito siya sa lupa, anupat matatapos sa mas dakong huli pa (Dan 4:25; Luc 21:24); ang mga yugto ng 1,290, 1,335, at 2,300 araw; at ang “isang takdang panahon, mga takdang panahon at kalahati.” Ang lahat ng mga hulang ito tungkol sa panahon ay mahalaga upang maunawaan ang mga pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan.—Dan 12:7, 11, 12; 8:14; tingnan ang PITUMPUNG SANLINGGO; TAKDANG PANAHON NG MGA BANSA, MGA.
Nagbibigay rin si Daniel ng mga detalye hinggil sa pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihang pandaigdig mula sa panahon ng sinaunang Babilonya hanggang sa panahong lilipulin na ng Kaharian ng Diyos ang mga ito magpakailanman. Itinatawag-pansin ng hula ang Kaharian ng Diyos, na nasa mga kamay ng kaniyang inatasang Hari at ng kasama nito na “mga banal,” bilang ang pamahalaan na mananatili magpakailanman, sa ikapagpapala ng lahat ng naglilingkod sa Diyos.—Dan 2:44; 7:13, 14, 27.
Ang kinasihang pakahulugan ng anghel sa hula may kinalaman sa mga hayop bilang kumakatawan sa mga kapangyarihang pandaigdig (Dan 7:3-7, 17, 23; 8:20, 21) ay napakalaking tulong upang maunawaan ang isinasagisag ng mga hayop sa Apocalipsis.—Apo 13:1-18; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Ang rekord ni Daniel hinggil sa pagliligtas sa kaniyang tatlong kasamahan mula sa maapoy na hurno dahil sa pagtangging yumukod sa harap ng malaking ginintuang imahen ni Nabucodonosor (Dan 3) ay isang ulat kung paano legal na itinatag ang karapatan ng mga mananamba ni Jehova na magbigay sa Kaniya ng bukod-tanging debosyon, sa lupaing nasasakupan ng unang kapangyarihang pandaigdig noong “panahong Gentil.” Tinutulungan din nito ang mga Kristiyano na maunawaan na ang kanilang pagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad, gaya ng binabanggit sa Roma 13:1, ay may pasubali, kaayon ng mga pagkilos ng mga apostol sa Gawa 4:19, 20 at 5:29. Pinatitibay nito ang mga Kristiyano na manatiling neutral may kaugnayan sa mga gawain ng mga bansa, anupat isinisiwalat na ang kanilang neutralidad ay maaaring magdulot sa kanila ng suliranin, ngunit iligtas man sila ng Diyos sa pagkakataong iyon, o ipahintulot na patayin sila dahil sa kanilang katapatan, dapat silang manindigan na ang Diyos na Jehova lamang ang sambahin at paglingkuran.—Dan 3:16-18.
[Kahon sa pahina 555]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG DANIEL
Mga hula may kinalaman sa pagbangon at pagbagsak ng mga pamahalaan ng tao mula sa sinaunang Babilonya hanggang sa durugin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng iyon at hawakan nito ang pandaigdig na pamamahala
Isinulat ni Daniel, na nasa Babilonya mula 617 B.C.E. hanggang sa makabalik sa Jerusalem ang mga Judiong tapon noong 537 B.C.E.
Noong sila’y mga tapon sa Babilonya, si Daniel at ang kaniyang tatlong kasamahan ay nagpakita ng katapatan kay Jehova
Samantalang inihahanda para sa paglilingkod sa korte ni Nabucodonosor, umiwas sila sa kaniyang alak at masasarap na pagkain; pinagkalooban sila ng Diyos ng kaalaman at kaunawaan (1:1-21)
Sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay tumangging makibahagi sa pagsamba sa dambuhalang imahen ni Nabucodonosor; matatag nilang sinabi sa galít na hari na hindi nila sasambahin ang kaniyang mga diyos; iniutos niyang igapos sila at ihagis sa pagkainit-init na hurno; iniligtas sila ng anghel nang walang pinsala (3:1-30)
Ang naninibughong mga opisyal ay nagpakana laban kay Daniel; sa kabila ng pagbabawal, patuloy siyang nanalangin sa kaniyang Diyos at hindi niya sinikap na itago ang bagay na ito; inihagis siya sa yungib ng mga leon; iniligtas siya ng anghel nang walang anumang pinsala (6:1-28)
Ang makahulang mga panaginip at mga pangitain ay tumuro sa Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng kaniyang Mesiyas
Ang pagkalaki-laking imahen na dinurog ng batong natibag sa isang bundok nang hindi sa pamamagitan ng mga kamay; ang imahen ay lumalarawan sa sunud-sunod na mga kapangyarihang pandaigdig na nagsimula sa Babilonya at magtatapos kapag ang lahat ng iyon ay dinurog at hinalinhan ng Kaharian ng Diyos (2:1-49)
Isang pagkalaki-laking punungkahoy ang pinutol at binigkisan sa loob ng pitong panahon; unang natupad nang ang hari ay mabaliw at mamuhay na parang hayop sa loob ng pitong taon, hanggang sa makilala niya na ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na ibibigay Niya ang pamamahala sa isa na Kaniyang pipiliin (4:1-37)
May sulat-kamay na lumitaw sa pader nang gamitin ni Belsasar ang mga sisidlan mula sa templo ni Jehova upang parangalan ang kaniyang mga idolong diyos; ipinatawag si Daniel, walang-takot niyang sinaway ang hari, ipinaliwanag niya ang sulat, anupat sinabi sa hari na ang kaharian nito ay ibinigay sa mga Medo at mga Persiano (5:1-31)
Ang sunud-sunod na mga kapangyarihang pandaigdig ay inilarawan ng leon, oso, leopardo, at ng isang nakatatakot na hayop na may sampung sungay, gayundin ng isang maliit na sungay mula sa ulo ng huling nabanggit na hayop; pagkatapos, ang pamamahala sa lahat ng mga bayan ay ibinigay ng Sinauna sa mga Araw sa isang gaya ng anak ng tao (7:1-28)
Ang mga kapangyarihang pandaigdig na hahalili sa Babilonya ay kinatawanan ng isang barakong tupa, isang lalaking kambing, at isang maliit na sungay; sinalansang ng maliit na sungay ang Prinsipe ng hukbo ng langit, pagkatapos ay nawasak ito nang hindi sa pamamagitan ng kamay (8:1-27)
Ang pitumpung sanlinggo (ng mga taon); pagkatapos ng 7 + 62 sanlinggo, ang Mesiyas ay lilitaw at sa kalaunan ay kikitlin; ang tipan (Abrahamiko) ay pananatilihing may bisa para lamang sa mga Judio sa loob ng isang sanlinggo (9:1-27)
Ang labanan sa pagitan ng hari ng hilaga at hari ng timog, ang pagtayo ni Miguel bilang tagapagligtas, at ang mga pangyayaring kasunod nito (10:1–12:13)