Nasa Sanlibutan Ngunit Hindi Bahagi Nito
“Sapagkat kayo ay hindi bahagi ng sanlibutan, . . . ang sanlibutan ay napopoot sa inyo.”—JUAN 15:19.
1. Ano ang kaugnayan ng mga Kristiyano sa sanlibutan, gayunma’y paano sila minamalas ng sanlibutan?
SA KANIYANG huling gabi na kasama ang kaniyang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo ay hindi bahagi ng sanlibutan.” Anong sanlibutan ang tinutukoy niya? Hindi ba nauna rito ay sinabi niya: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan”? (Juan 3:16) Maliwanag na ang mga alagad ay bahagi ng sanlibutang iyon sapagkat sila ang unang sumampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan. Bakit, kung gayon, sinabi ni Jesus ngayon na ang kaniyang mga alagad ay hiwalay sa sanlibutan? At bakit sinabi rin niya: “Sapagkat kayo ay hindi bahagi ng sanlibutan, . . . dahil dito ang sanlibutan ay napopoot sa inyo”?—Juan 15:19.
2, 3. (a) Anong “sanlibutan” ang doo’y hindi dapat maging bahagi ang mga Kristiyano? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa “sanlibutan” na doo’y hindi bahagi ang mga Kristiyano?
2 Ang sagot ay na ginagamit ng Bibliya ang salitang “sanlibutan” (Griego, koʹsmos) sa iba’t ibang paraan. Gaya ng ipinaliwanag sa naunang artikulo, kung minsan “ang sanlibutan” sa Bibliya ay tumutukoy sa sangkatauhan sa pangkalahatan. Ito ang sanlibutan na inibig ng Diyos at dahil dito ay namatay si Jesus. Gayunman, sinabi ng The Oxford History of Christianity: “Ang ‘sanlibutan’ ay isa ring salita na ginagamit ng mga Kristiyano para sa isang bagay na hiwalay sa Diyos at salungat sa kaniya.” Paanong totoo ito? Ganito ang paliwanag ng Katolikong awtor na si Roland Minnerath, sa kaniyang aklat na Les chrétiens et le monde (Ang mga Kristiyano at ang Sanlibutan): “Sa negatibong diwa, ang sanlibutan kung gayon ay minamalas bilang . . . ang larangan kung saan ang mga kapangyarihang salungat sa Diyos ay gumaganap ng kanilang gawain at bilang pagsalungat nito sa matagumpay na pamamahala ni Kristo ay bumubuo ng isang kaaway na imperyo sa ilalim ng kontrol ni Satanas.” Ang “sanlibutan” na ito ay ang pulutong ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos. Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi bahagi ng sanlibutang ito, at ito ay napopoot sa kanila.
3 Sa pagtatapos ng unang siglo, nasa isip ni Juan ang sanlibutang ito nang sumulat siya: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man sa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” (1 Juan 2:15, 16) Sumulat din siya: “Alam natin na tayo ay nagmumula sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Tinawag ni Jesus mismo si Satanas bilang “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.”—Juan 12:31; 16:11.
Ang Pagbangon ng Pandaigdig na mga Kapangyarihan
4. Paano umiral ang mga kapangyarihang pandaigdig?
4 Ang umiiral ngayon na sanlibutan ng tao na hiwalay sa Diyos ay nagsimulang mabuo di-nagtagal pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe, nang marami sa mga inapo ni Noe ang huminto ng pagsamba sa Diyos na Jehova. Prominente noong unang panahon si Nimrod, isang tagapagtayo ng lunsod at “isang makapangyarihang mangangaso na salungat kay Jehova.” (Genesis 10:8-12) Ang sanlibutang ito noong mga taong iyon ay organisado sa maliliit na lunsod-kaharian, na sa pana-panahon ay bumuo ng mga koalisyon at nagdidigmaan sa isa’t isa. (Genesis 14:1-9) Ang ilang lunsod-kaharian ay nangibabaw sa iba upang maging mga kapangyarihang panrehiyon. Ang ilang kapangyarihang panrehiyon ay naging malalaking kapangyarihang pandaigdig nang dakong huli.
5, 6. (a) Ano ang pitong kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya? (b) Paano inilarawan ang mga kapangyarihang pandaigdig na ito, at saan nanggaling ang kapangyarihan ng mga ito?
5 Bilang pagsunod sa halimbawa ni Nimrod, ang mga tagapamahala sa sanlibutan ay hindi sumamba kay Jehova, isang bagay na masasalamin sa kanilang malulupit at mararahas na gawa. Ang mga kapangyarihang pandaigdig na ito ay isinasagisag sa Kasulatan ng mababangis na hayop, at sa paglakad ng mga siglo, ipinakilala ng Bibliya ang anim sa mga ito na nagkaroon ng matinding epekto sa bayan ni Jehova. Ang mga ito ay ang Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma. Pagkatapos ng Roma, inihulang babangon ang ikapitong pandaigdig na kapangyarihan. (Daniel 7:3-7; 8:3-7, 20, 21; Apocalipsis 17:9, 10) Napatunayang ito ang Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig, na binubuo ng Imperyo ng Britanya kasama ang kaalyado nito na Estados Unidos, na sa dakong huli ay nahigitan ang kapangyarihan ng Britanya. Ang Imperyo ng Britanya ay nagsimulang mabuo pagkatapos na maglaho sa wakas ang pinakahuling bakas ng Imperyong Romano.a
6 Ang pitong sunud-sunod na kapangyarihang pandaigdig ay isinasagisag sa aklat ng Apocalipsis sa pamamagitan ng mga ulo ng isang mabangis na hayop na may pitong ulo na umahon mula sa dagat ng maligalig na sangkatauhan. (Isaias 17:12, 13; 57:20, 21; Apocalipsis 13:1) Sino ang nagbibigay ng kapangyarihan sa namamahalang mabangis na hayop na ito? Sumasagot ang Bibliya: “Ibinigay ng dragon sa hayop ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang trono at dakilang awtoridad.” (Apocalipsis 13:2) Ang dragon ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo.—Lucas 4:5, 6; Apocalipsis 12:9.
Ang Dumarating na Pamamahala ng Kaharian ng Diyos
7. Sa ano umaasa ang mga Kristiyano, at paano ito nakaaapekto sa kanilang kaugnayan sa mga pamahalaan ng sanlibutan?
7 Sa loob ng halos 2,000 taon, nananalangin ang mga Kristiyano: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Batid ng mga Saksi ni Jehova na ang Kaharian ng Diyos lamang ang makapagdadala ng tunay na kapayapaan sa lupa. Palibhasa’y matamang tagapagmasid ng hula sa Bibliya, kumbinsido sila na malapit nang masagot ang panalanging ito at na di-magtatagal ay mamamahala sa mga bagay sa lupa ang Kaharian. (Daniel 2:44) Dahil sa pagsunod nila sa Kahariang ito kung kaya neutral sila sa mga gawain ng mga pamahalaan sa sanlibutan.
8. Paano tumutugon ang mga gobyerno sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos, gaya ng inihula sa Awit 2?
8 Ang ilang bansa ay nag-aangking sumusunod sa mga relihiyosong simulain. Gayunpaman, sa gawa ay ipinagwawalang-bahala nila ang katotohanan na si Jehova ang Pansansinukob na Soberano at na iniluklok niya si Jesus bilang makalangit na Hari na may awtoridad sa lupa. (Daniel 4:17; Apocalipsis 11:15) Ganito ang sabi ng isang makahulang awit: “Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda at ang matataas na opisyal ay nagsama-sama laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran [si Jesus], anupat nagsasabi: ‘Lagutin natin ang kanilang mga pamigkis at tanggalin ang kanilang mga panali!’ ” (Awit 2:2, 3) Hindi tinatanggap ng mga pamahalaan ang “mga pamigkis” o “mga panali” ng Diyos na magtatakda sa kanilang paggamit ng pambansang soberanya. Kaya naman, ganito ang sabi ni Jehova kay Jesus, ang kaniyang hinirang na Hari: “Humingi ka sa akin, upang ibigay ko ang mga bansa bilang iyong mana at ang mga dulo ng lupa bilang iyong sariling pag-aari. Babaliin mo sila sa pamamagitan ng isang setrong bakal, iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalayok.” (Awit 2:8, 9) Gayunman, ang sanlibutan na alang-alang dito’y namatay si Jesus ay hindi lubusang ‘mababali.’—Juan 3:17.
Iwasan ang “Marka” ng “Hayop”
9, 10. (a) Tungkol sa ano tayo binababalaan ng aklat ng Apocalipsis? (b) Ano ang isinasagisag ng pagkakaroon ng ‘marka ng hayop’? (c) Anong mga marka ang tinatanggap ng mga lingkod ng Diyos?
9 Ang Apocalipsis na natanggap ni apostol Juan ay nagbabala na darami ang igigiit ng sanlibutan ng tao na hiwalay sa Diyos sa sandaling panahon bago ito magwakas, anupat “pinipilit nito ang lahat ng tao, ang maliliit at ang malalaki, at ang mayayaman at ang mga dukha, at ang malalaya at ang mga alipin, upang kanilang mabigyan sila ng isang marka sa kanilang kanang kamay o sa kanilang noo, at upang walang sinumang makabili o makapagbili maliban sa tao na may marka.” (Apocalipsis 13:16, 17) Ano ang ibig sabihin nito? Ang isang marka sa kanang kamay ay isang angkop na sagisag ng aktibong pagsuporta. Kumusta naman ang marka sa noo? Ganito ang sabi ng The Expositor’s Greek Testament: “Ang totoong matalinghagang pahiwatig na ito ay tungkol sa kinaugaliang pagmamarka sa mga kawal at mga alipin ng isang kitang-kitang tato o tatak . . . ; o, lalo na, sa relihiyosong kaugalian ng pagsusuot ng pangalan ng isang diyos bilang isang anting-anting.” Sa pamamagitan ng kanilang kilos at pananalita ay makasagisag na taglay ng maraming tao ang markang ito, anupat ipinakikilala ang kanilang sarili bilang “mga alipin” o “mga kawal” ng “hayop.” (Apocalipsis 13:3, 4) Hinggil sa kanilang kinabukasan, ganito ang sabi ng Theological Dictionary of the New Testament: “Pinahihintulutan ng mga kaaway ng Diyos ang [marka] ng hayop, ang mahiwagang bilang na nagtataglay ng kaniyang pangalan, na maitatak sa kanilang noo at isang kamay. Nagbibigay ito sa kanila ng maraming pagkakataon upang umunlad sa kabuhayan at negosyo, ngunit naghahantad sa kanila sa poot ng Diyos at humahadlang sa kanila na maging bahagi ng milenyong kaharian, Apoc. 13:16; 14:9; 20:4.”
10 Kailangan ng higit pang lakas ng loob at pagbabata upang mapaglabanan ang panggigipit na tanggapin “ang marka.” (Apocalipsis 14:9-12) Subalit taglay ng mga lingkod ng Diyos ang gayong lakas, at dahil dito, malimit na sila’y kinapopootan at sinisiraang-puri. (Juan 15:18-20; 17:14, 15) Sa halip na taglayin ang marka ng hayop, sinabi ni Isaias na makasagisag nilang isusulat sa kanilang kamay, “Pag-aari ni Jehova.” (Isaias 44:5) Bukod dito, yamang sila’y ‘nagbubuntung-hininga at dumaraing’ dahil sa karima-rimarim na mga bagay na ginagawa ng apostatang relihiyon, tumatanggap sila ng makasagisag na marka sa kanilang noo na nagpapakilala sa kanila bilang karapat-dapat na maligtas kapag isinagawa na ang mga kahatulan ni Jehova.—Ezekiel 9:1-7.
11. Sino ang nagpapahintulot na mamahala ang mga gobyerno ng tao hanggang sa dumating ang Kaharian ng Diyos upang humalili sa pamamahala ng lupa?
11 Pinahihintulutan ng Diyos na mamahala ang mga gobyerno ng tao hanggang sa lubusang humalili ang makalangit na Kaharian ni Kristo sa pamamahala sa lupang ito. Ang pagpapahintulot na ito ng Diyos sa mga pulitikal na estado ay tinukoy ni Propesor Oscar Cullman sa kaniyang aklat na The State in the New Testament. Sumulat siya: “Ang masalimuot na ideya ng ‘pansamantalang’ katangian ng Estado ang siyang dahilan kung bakit ang saloobin ng mga unang Kristiyano sa Estado ay hindi magkasuwato, kundi sa halip ay waring magkasalungat. Idiniriin ko, na ito ay waring gayon. Kailangan lamang nating banggitin ang Roma 13:1, ‘Ang bawat kaluluwa ay pasakop sa mga kapangyarihan . . . ,’ kasabay ng Apocalipsis 13: ang Estado bilang ang hayop mula sa kalaliman.”
Ang “Hayop” at si “Cesar”
12. Anong timbang na pangmalas ang taglay ng mga Saksi ni Jehova sa mga pamahalaan ng tao?
12 Hindi tamang sabihin na lahat ng tao na may awtoridad sa pamahalaan ay mga kasangkapan ni Satanas. Marami ang nagpatunay na sila’y mga taong may prinsipyo, tulad ng proconsul na si Sergio Paulo na inilalarawan sa Bibliya bilang “isang lalaking matalino.” (Gawa 13:7) Buong-tapang na ipinagtanggol ng ilang tagapamahala ang karapatan ng minorya, palibhasa’y inuugitan ng kanilang bigay-Diyos na budhi kahit hindi nila kilala si Jehova at ang kaniyang mga layunin. (Roma 2:14, 15) Tandaan, ginagamit ng Bibliya ang salitang “sanlibutan” sa dalawang magkaibang paraan: ang sanlibutan ng tao, na iniibig ng Diyos at dapat nating ibigin, at ang sanlibutan ng sangkatauhan na hiwalay kay Jehova, na doo’y si Satanas ang diyos at na dapat tayo’y maging hiwalay. (Juan 1:9, 10; 17:14; 2 Corinto 4:4; Santiago 4:4) Kaya naman, timbang ang saloobin ng mga lingkod ni Jehova sa pamamahala ng tao. Neutral tayo sa pulitikal na mga bagay yamang naglilingkod tayo bilang mga embahador o sugo ng Kaharian ng Diyos at ang ating buhay ay nakaalay sa Diyos. (2 Corinto 5:20) Sa kabilang banda, tayo ay taimtim na nagpapasakop sa mga may awtoridad.
13. (a) Paano minamalas ni Jehova ang mga pamahalaan ng tao? (b) Hanggang saan magpapasakop ang Kristiyano sa mga pamahalaan ng tao?
13 Ang timbang na paraang ito ay nagpapaaninaw ng sariling pangmalas ng Diyos na Jehova. Kapag ang mga kapangyarihang pandaigdig, o maging ang maliliit na Estado, ay nagmalabis sa kanilang awtoridad, naniniil sa kanilang mga mamamayan, o nang-uusig sa mga sumasamba sa Diyos, tiyak na karapat-dapat ang mga ito sa makahulang paglalarawan sa kanila bilang mababangis na hayop. (Daniel 7:19-21; Apocalipsis 11:7) Subalit kapag ang mga pambansang pamahalaan ay tumutupad sa layunin ng Diyos sa pagpapanatili ng batas at kaayusan sa katarungan, itinuturing niya ang mga ito na kaniyang “mga pangmadlang lingkod.” (Roma 13:6) Inaasahan ni Jehova na igagalang ng kaniyang bayan ang mga pamahalaan ng tao at magpapasakop sa mga ito, ngunit may hangganan ang kanilang pagpapasakop. Kapag hinihiling ng mga tao sa mga lingkod ng Diyos ang mga bagay na labag sa batas ng Diyos o kapag ipinagbabawal ng mga ito ang mga bagay na hinihiling ng Diyos na gawin ng kaniyang mga lingkod, sinusunod ng huli ang paninindigan ng mga apostol, samakatuwid nga: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.
14. Paanong ang pagpapasakop ng Kristiyano sa mga pamahalaan ng tao ay ipinaliwanag ni Jesus? ni Pablo?
14 Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay magkakaroon ng obligasyon kapuwa sa mga pamahalaan at sa Diyos nang ipahayag niya: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Sumulat si apostol Pablo sa ilalim ng pagkasi: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad . . . Ngunit kung gumagawa ka ng masama, matakot ka: sapagkat hindi nito taglay ang tabak nang walang layunin; sapagkat ministro ito ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpahayag ng poot sa nagsasagawa ng masama. Kaya nga may nagtutulak na dahilan upang kayo ay magpasakop, hindi lamang dahil sa poot na iyon kundi dahil din sa inyong budhi. Sapagkat iyan ang dahilan kung bakit nagbabayad din kayo ng mga buwis.” (Roma 13:1, 4-6) Mula noong unang siglo C.E. hanggang ngayon, kinailangang isaalang-alang ng mga Kristiyano ang mga kahilingan ng Estado. Kinailangan nilang tiyakin kung ang pagsunod sa mga kahilingang iyon ay hahantong sa pakikipagkompromiso ng kanilang pagsamba o kung lehitimo ang gayong mga kahilingan at dapat maingat na sundin.
Tapat na mga Mamamayan
15. Paano buong-katapatang nagbabayad ng kanilang utang kay Cesar ang mga Saksi ni Jehova?
15 Ang pulitikal na “nakatataas na mga awtoridad” ay “ministro” ng Diyos kapag ginagampanan nila ang kanilang papel na sinang-ayunan ng Diyos, na doo’y kasali ang awtoridad na “magpataw ng kaparusahan sa mga manggagawa ng kasamaan ngunit upang pumuri sa mga gumagawa ng mabuti.” (1 Pedro 2:13, 14) Ang mga lingkod ni Jehova ay tapat na nagbabayad kay Cesar ng lehitimong hinihingi niya sa pamamagitan ng mga buwis, at sinisikap nila hangga’t ipinahihintulot ng kanilang sinanay-sa-Bibliyang budhi na maging “masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala, . . . handa para sa bawat mabuting gawa.” (Tito 3:1) Kasali sa “mabuting gawa” ang pagtulong sa iba, gaya sa panahon ng kapahamakan. Marami ang nakasaksi sa kabaitan sa kapuwa na ipinakita ng mga Saksi ni Jehova sa ganitong mga situwasyon.—Galacia 6:10.
16. Anong mabubuting gawa ang taimtim na ginagampanan ng mga Saksi ni Jehova para sa mga pamahalaan at kapuwa tao?
16 Iniibig ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang kapuwa tao at nadarama na ang pinakamagaling na magagawa nila para sa kanila ay ang tulungan silang magkaroon ng tumpak na kaalaman sa layunin ng Diyos na magdala ng matuwid na “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Sa pagtuturo at pagkakapit ng mataas na mga simulain ng Bibliya sa kalinisang-asal, sila’y mahalaga sa lipunan ng tao, anupat inililigtas ang marami mula sa pagkadelingkuwente. Ang mga lingkod ni Jehova ay masunurin sa batas at magalang sa mga ministro, opisyal, hukom, at panlunsod na awtoridad ng pamahalaan, anupat nag-uukol ng karangalan ‘sa mga humihiling ng karangalan.’ (Roma 13:7) Buong-lugod na nakikipagtulungan ang mga magulang na Saksi sa mga guro ng kanilang mga anak at tinutulungan ang kanilang mga anak na mag-aral nang mabuti, upang sa dakong huli ay makaya ng mga ito na makapaghanap-buhay at hindi maging pabigat sa lipunan. (1 Tesalonica 4:11, 12) Sa kanilang mga kongregasyon, pinaglalabanan ng mga Saksi ang pagtatangi ng lahi at uri, at lubhang pinahahalagahan nila ang pagpapatibay ng buhay pampamilya. (Gawa 10:34, 35; Colosas 3:18-21) Kaya naman, sa kanilang kilos, ipinakikita nila na mali ang mga akusasyon na sila’y laban sa pamilya o di-matulungin sa komunidad. Sa gayon, napatunayang totoo ang mga salita ni apostol Pedro: “Gayon nga ang kalooban ng Diyos, na sa paggawa ng mabuti ay mabusalan ninyo ang walang-kaalamang usapan ng mga taong di-makatuwiran.”—1 Pedro 2:15.
17. Paanong ang mga Kristiyano ay makapagpapatuloy na “lumakad sa karunungan sa mga nasa labas”?
17 Kaya samantalang ang mga tunay na tagasunod ni Kristo ay “hindi bahagi ng sanlibutan,” sila ay nasa sanlibutan pa rin ng lipunan ng tao at kailangang magpatuloy na “lumakad sa karunungan sa mga nasa labas.” (Juan 17:16; Colosas 4:5) Hangga’t pinahihintulutan ni Jehova ang nakatataas na mga awtoridad na kumilos bilang kaniyang ministro, magpapakita tayo ng wastong paggalang sa kanila. (Roma 13:1-4) Samantalang nananatiling neutral sa pulitika, nananalangin tayo may kinalaman sa “mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na kalagayan” lalo na kapag ang mga ito ay hinilingang magpasiya na maaaring makaapekto sa kalayaan ng pagsamba. Patuloy nating gagawin ito “upang makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang kalmado at tahimik na buhay na may lubos na maka-Diyos na debosyon at pagkaseryoso,” upang ang “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.”—1 Timoteo 2:1-4.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, kabanata 35, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Sa aling “sanlibutan” bahagi ang mga Kristiyano, ngunit sa aling “sanlibutan” hindi sila maaaring maging bahagi?
◻ Ano ang isinasagisag ng “marka” ng “hayop” sa kamay o noo ng isang tao, at anong mga marka ang taglay ng tapat na mga lingkod ni Jehova?
◻ Anong timbang na pangmalas ang taglay ng mga tunay na Kristiyano sa mga pamahalaan ng tao?
◻ Ano ang ilang paraan na doo’y nakatutulong ang mga Saksi ni Jehova sa ikabubuti ng lipunan ng tao?
[Mga larawan sa pahina 16]
Ipinakikilala ng Bibliya ang pamahalaan ng tao kapuwa bilang isang lingkod ng Diyos at isang mabangis na hayop
[Larawan sa pahina 17]
Dahil sa pagpapakita ng maibiging pagmamalasakit sa iba, ang mga Saksi ni Jehova ay mahalaga sa kanilang mga komunidad