Pag-iingat ng Kagalingan sa Isang Sanlibutang Puno ng Bisyo
“Patuloy ninyong gawin ang lahat ng mga bagay na malaya sa mga bulung-bulungan at mga argumento, upang kayo ay maging walang-kapintasan at inosente, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi.”—FILIPOS 2:14, 15.
1, 2. Bakit ipinag-utos ng Diyos ang paglipol sa mga Canaanita?
WALANG dako sa mga utos ni Jehova ang pakikipagkompromiso. Papasok na lamang ang mga Israelita sa Lupang Pangako nang sabihin sa kanila ni propeta Moises: “Walang-pagsalang iuukol mo sila sa pagkapuksa, ang mga Hiteo at ang mga Amorita, ang mga Canaanita at ang mga Perizita, ang mga Hivita at ang mga Jebusita, kung paanong iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.”—Deuteronomio 7:2; 20:17.
2 Yamang si Jehova ay isang maawaing Diyos, bakit niya ipinag-utos ang paglipol sa mga naninirahan sa Canaan? (Exodo 34:6) Ang isang dahilan ay ‘upang hindi maituro ng mga Canaanita sa Israel na gawin ang ayon sa lahat ng karima-rimarim na mga bagay na kanilang ginawa sa kanilang mga diyos at sa gayo’y magkasala laban sa Diyos na Jehova.’ (Deuteronomio 20:18) Sinabi rin ni Moises: “Dahil sa kabalakyutan ng mga bansang ito kung kaya itinataboy sila ni Jehova mula sa harap mo.” (Deuteronomio 9:4) Ang mga Canaanita ang siyang pinakalarawan ng bisyo. Ang kahalayan sa sekso at idolatriya ay mga tampok na bahagi ng kanilang pagsamba. (Exodo 23:24; 34:12, 13; Bilang 33:52; Deuteronomio 7:5) Ang insesto, sodomiya, at pagsiping sa hayop ang ‘siyang ginagawa sa lupain ng Canaan.’ (Levitico 18:3-25) Buong-kalupitang inihahain sa mga diyus-diyosan ang inosenteng mga bata. (Deuteronomio 18:9-12) Hindi nakapagtatakang ipasiya ni Jehova na kahit ang pag-iral lamang ng mga bansang ito ay isa nang panganib sa pisikal, moral, at espirituwal na kapakanan ng kaniyang bayan!—Exodo 34:14-16.
3. Ano ang ibinunga dahil sa hindi lubusang tinupad ng mga Israelita ang mga utos ng Diyos hinggil sa mga naninirahan sa Canaan?
3 Dahil sa hindi lubusang tinupad ang mga utos ng Diyos, maraming naninirahan sa Canaan ang nakaligtas sa pagsakop ng Israel sa Lupang Pangako. (Hukom 1:19-21) Dumating ang panahon, nadama ang tusong impluwensiya ng mga Canaanita, at masasabi: “Patuloy nilang itinakwil [ng mga Israelita] ang mga tuntunin [ni Jehova] at ang kaniyang tipan na kaniyang ipinakipagtipan sa kanilang mga ninuno at sa kaniyang mga paalaala na ibinabala niya sa kanila, at sumunod sila sa mga walang-kabuluhang idolo at sila ay naging mga walang kabuluhan din, maging sa pagtulad sa mga bansa na nasa buong palibot nila, na tungkol sa kanila ay inutusan sila ni Jehova na huwag gumawang tulad ng mga iyon.” (2 Hari 17:15) Oo, sa loob ng mga taon ay isinagawa ng marami sa mga Israelita ang mismong mga bisyo na nagpangyaring ipag-utos ng Diyos ang paglipol sa mga Canaanita—ang idolatriya, kalabisan sa sekso, at maging ang paghahain ng mga bata!—Hukom 10:6; 2 Hari 17:17; Jeremias 13:27.
4, 5. (a) Ano ang nangyari sa di-tapat na Israel at Juda? (b) Ano ang ipinayo sa Filipos 2:14, 15, at anong mga tanong ang ibinangon?
4 Kaya naman ipinahayag ni propeta Oseas: “Dinggin ninyo ang salita ni Jehova, O mga anak ni Israel, sapagkat si Jehova ay may legal na kaso sa mga nananahan sa lupain, sapagkat walang katotohanan ni maibiging-kabaitan man ni kaalaman man tungkol sa Diyos sa lupain. May mga pagsumpa at pandaraya at pagpatay at pagnanakaw at pangangalunya, at nagkakabubuan ng dugo. Kaya naman ang lupain ay tatangis at bawat tumatahan doon ay mapaparam kasama ng mga hayop sa parang at ng mga ibon sa himpapawid, at maging ang mga isda sa dagat ay titipunin sa kamatayan.” (Oseas 4:1-3) Noong 740 B.C.E., ang tiwaling hilagang kaharian ng Israel ay nalupig ng Asirya. Pagkaraan ng halos mahigit na isang siglo, ang di-tapat na timugang kaharian ng Juda ay sinakop ng Babilonya.
5 Inilalarawan ng mga pangyayaring ito kung gaano kapanganib na hayaang madaig ng bisyo ang ating mga sarili. Kinapopootan ng Diyos ang kalikuan at hindi ito kukunsintihin sa gitna ng kaniyang bayan. (1 Pedro 1:14-16) Totoo na nabubuhay tayo sa “kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay,” sa isang sanlibutang lalong sumasama. (Galacia 1:4; 2 Timoteo 3:13) Magkagayunman, ipinapayo ng Salita ng Diyos sa lahat ng Kristiyano na manatiling gumagawi sa paraan na sila ay “walang-kapintasan at inosente, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi, na sa gitna nila ay sumisikat [sila] bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.” (Filipos 2:14, 15) Ngunit paano tayo makapag-iingat ng kagalingan sa isang sanlibutang puno ng bisyo? Talaga nga bang posibleng gawin ito?
Ang Sanlibutang Romano na Puno ng Bisyo
6. Bakit napaharap ang unang-siglong mga Kristiyano sa hamon ng pag-iingat ng kagalingan?
6 Napaharap ang unang-siglong mga Kristiyano sa hamon ng pag-iingat ng kagalingan sapagkat laganap ang bisyo sa bawat bahagi ng lipunang Romano. Ganito ang sabi ng Romanong pilosopo na si Seneca tungkol sa mga kapanahon niya: “Nakikipagtunggali ang mga tao sa isang matinding paligsahan sa kabalakyutan. Araw-araw ay sumisidhi ang pagnanais na gumawa ng masama, ang takot dito ay lalong nababawasan.” Inihalintulad niya ang lipunang Romano sa “isang pamayanan ng mababangis na hayop.” Hindi nakapagtataka, kung gayon, na para maglibang ay naghahanap ang mga Romano ng sadistikong mga paligsahan ng mga gladyador at mahahalay na pagtatanghal sa teatro.
7. Paano inilarawan ni Pablo ang mga bisyo na palasak sa marami noong unang siglo C.E.?
7 Maaaring nasa isip ni apostol Pablo ang masamang asal ng mga tao noong unang siglo nang sumulat siya: “Ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang seksuwal na mga pagnanasa, sapagkat kapuwa ang kanilang mga babae ay nagpalit ng likas na gamit ng kanilang mga sarili tungo sa isa na salungat sa kalikasan; at gayundin maging ang mga lalaki ay nag-iwan ng likas na gamit ng babae at nagningas nang matindi sa kanilang kalibugan sa isa’t isa, mga lalaki sa mga lalaki, na ginagawa ang malaswa at tinatanggap sa kanilang sarili ang lubos na kabayaran, na siyang nararapat para sa kanilang pagkakamali.” (Roma 1:26, 27) Palibhasa’y determinado sa pagtataguyod ng di-malinis na makalamang mga pagnanasa, bumaha ang bisyo sa lipunang Romano.
8. Paano madalas pagsamantalahan ang mga bata sa lipunang Griego at Romano?
8 Hindi nililiwanag ng kasaysayan kung gaano kapalasak ang homoseksuwalidad sa mga Romano. Subalit walang alinlangan na naimpluwensiyahan sila ng kanilang mga sinundang Griego, na sa kanila ay laganap ang pagsasagawa nito. Kaugalian na sa mga nakatatandang lalaki na pasamain ang mga batang lalaki, anupat inaalagaan sila sa isang estudyante-gurong relasyon na malimit ay umaakay sa mga kabataan sa isang lisyang paggawi sa sekso. Tiyak, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ang nasa likod ng gayong bisyo at maling pagtrato sa mga bata.—Joel 3:3; Judas 6, 7.
9, 10. (a) Sa anong paraan hinatulan ng 1 Corinto 6:9, 10 ang iba’t ibang uri ng bisyo? (b) Ano ang naging karanasan ng ilan sa mga kabilang sa kongregasyon sa Corinto, at anong pagbabago ang naganap sa kanilang kalagayan?
9 Sumulat sa ilalim ng banal na pagkasi, sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos. At gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo dati. Ngunit nahugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit naipahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.”—1 Corinto 6:9-11.
10 Kaya hinatulan ng kinasihang liham ni Pablo ang seksuwal na imoralidad, anupat sinabing ang “mga mapakiapid” ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Gayunman, pagkatapos itala ang ilang bisyo, sinabi ni Pablo: “Ganiyan ang ilan sa inyo dati. Ngunit nahugasan na kayong malinis.” Sa tulong ng Diyos ay naging posible sa mga nagkasala na maging malinis sa kaniyang paningin.
11. Paano napagtagumpayan ng unang-siglong mga Kristiyano ang balakyot na kapaligiran noong kanilang panahon?
11 Oo, sumulong ang Kristiyanong kagalingan maging sa sanlibutang puno ng bisyo noong unang siglo. Ang mga mananampalataya ay ‘nagbagong-anyo sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang pag-iisip.’ (Roma 12:2) Iniwan nila ang kanilang “dating landasin ng paggawi” at ‘nagbago sa puwersa na nagpapakilos sa kanilang pag-iisip.’ Kaya tumakas sila mula sa mga bisyo ng sanlibutan at ‘nagbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.’—Efeso 4:22-24.
Ang Sanlibutan Ngayon na Puno ng Bisyo
12. Anong pagbabago ang nangyari sa sanlibutan sapol noong 1914?
12 Kumusta naman sa ating panahon? Ang sanlibutang kinabubuhayan natin ay babad sa bisyo nang higit kailanman. Nagkaroon ng pangglobong pagguho ng moral lalo na sapol noong 1914. (2 Timoteo 3:1-5) Palibhasa’y tinatanggihan ang tradisyonal na mga ideya tungkol sa kagalingan, moralidad, dangal, at etika, marami ang naging makasarili sa kanilang kaisipan at “nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal.” (Efeso 4:19) Ganito ang sabi ng magasing Newsweek: “Nabubuhay tayo sa isang panahon ng may-pasubaling moral,” anupat idinagdag na ang umiiral na kalagayan sa moral “ay nagpangyari na lahat ng ideya ng tama at mali ay nakasalalay sa personal na kagustuhan, hilig ng damdamin o pagpili salig sa kultura.”
13. (a) Paano itinataguyod ng karamihan sa mga libangan sa ngayon ang bisyo? (b) Ano ang maaaring maging masamang epekto sa indibiduwal ng di-wastong libangan?
13 Gaya noong unang siglo, palasak sa ngayon ang masamang libangan. Ang telebisyon, radyo, pelikula, at mga video ay palaging naglalabas ng materyal na nakatuon sa sekso. Napasok pa man din ng bisyo ang mga network ng computer. Ayon sa isang pag-aaral sa unibersidad, ang pornograpya sa computer ay “isa [na ngayon] sa pinakamalawak (kung hindi man ang pinakamalawak) na programa sa paglilibang na ginagamit ng mga gumagamit ng mga network ng computer.” Ano ang mga epekto ng lahat ng ito? Ganito ang sabi ng isang kolumnista sa pahayagan: “Kapag ang ating popular na kultura ay tigmak ng dugo at karahasan at mahalay na sekso, nasasanay tayo sa dugo at karahasan at mahalay na sekso. Nagiging manhid na tayo. Ang kasamaan ay nagiging higit at higit na pinapayagan dahil hindi na ito gaanong nakagigimbal sa atin.”—Ihambing ang 1 Timoteo 4:1, 2.
14, 15. Ano ang patotoo na gumuguho ang seksuwal na moralidad sa buong daigdig?
14 Isaalang-alang ang ulat na ito ng The New York Times: “Ang maituturing na nakagigimbal 25 taon ang nakaraan ay naging sinasang-ayunang pagsasama ngayon. Ang bilang ng mga mag-asawa na nagpapasiyang magsama sa halip na magpakasal ay tumaas ng 80 porsiyento [sa Estados Unidos] sa pagitan ng 1980 at 1991.” Hindi lamang sa Hilagang Amerika ang pambihirang pangyayaring ito. Ganito ang ulat ng magasing Asiaweek: “Isang pangkulturang pagtatalo ang nauuso sa mga bansa sa buong [Asia]. Ang isyu ay ang seksuwal na kalayaan laban sa kinaugaliang mga pamantayan, at patuloy na tumitindi ang panggigipit para sa pagbabago.” Ipinakikita ng mga estadistika na sa maraming lupain ay parami nang parami ang sumasang-ayon sa pangangalunya at pagsisiping bago ang kasal.
15 Inihula ng Bibliya na lalong lalaganap ang satanikong gawain sa ating panahon. (Apocalipsis 12:12) Kung gayon, hindi natin dapat ipagtaka na ang bisyo ay lubhang lumalaganap. Halimbawa, ang seksuwal na pagsasamantala sa mga bata ay umabot na sa lawak na mistulang isang epidemya.a Iniulat ng United Nations Children’s Fund na “ang negosyo ng seksuwal na pagsasamantala ay pumipinsala sa mga bata sa halos lahat ng bansa sa daigdig.” Taun-taon ay “mahigit sa 1 milyong bata sa buong daigdig ang iniuulat na pinipilit na magbenta ng aliw, ikinakalakal at ipinagbibili para sa seksuwal na mga layunin, at ginagamit sa produksiyon ng pornograpya sa mga bata.” Palasak din ang homoseksuwalidad, na ang ilang pulitiko at lider ng relihiyon ang siyang nangunguna sa pagtataguyod nito bilang isang “mapagpipiliang istilo ng pamumuhay.”
Pagtanggi sa mga Bisyo ng Sanlibutan
16. Ano ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova may kinalaman sa seksuwal na moralidad?
16 Hindi nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa hanay niyaong mga nagrerekomenda sa maluwag na mga pamantayan sa seksuwal na moralidad. Ganito ang sabi ng Tito 2:11, 12: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng uri ng tao ay nahayag na, na tinuturuan tayo na itakwil ang pagkadi-maka-Diyos at makasanlibutang mga nasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at maka-Diyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.” Oo, nililinang natin ang tunay na pagkapoot, pagkasuklam, sa mga bisyo tulad ng pagsisiping bago ang kasal, pangangalunya, at mga gawaing homoseksuwal.b (Roma 12:9; Efeso 5:3-5) Nagpayo si Pablo ng ganito: “Talikuran ng bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kalikuan.”—2 Timoteo 2:19.
17. Paano minamalas ng mga tunay na Kristiyano ang paggamit ng inuming de-alkohol?
17 Tinatanggihan ng mga tunay na Kristiyano ang pangmalas ng sanlibutan sa waring maliliit na bisyo. Halimbawa, minamalas ng maraming tao ngayon ang pag-abuso sa alkohol bilang isang nakatutuwang dibersiyon. Ngunit sinusunod ng bayan ni Jehova ang payo sa Efeso 5:18: “Huwag kayong magpakalasing sa alak, kung saan may kabuktutan, kundi patuloy kayong mapuspos ng espiritu.” Kung magpasiya ang isang Kristiyano na uminom, ginagawa niya iyon nang katamtaman.—Kawikaan 23:29-32.
18. Paano inaakay ng mga simulain sa Bibliya ang mga lingkod ni Jehova sa kanilang pakikitungo sa mga kapamilya?
18 Bilang mga lingkod ni Jehova, tinatanggihan din natin ang pangmalas ng ilan sa sanlibutan na ang pambubulyaw at paninigaw ng isa sa asawa’t mga anak o panlalait sa kanila ay tamang paggawi. Palibhasa’y determinado na magtaguyod ng magaling na landasin, nagtutulungan ang mag-asawang Kristiyano na maikapit ang payo ni Pablo: “Ang lahat ng mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo kasama ng lahat ng kasamaan. Kundi maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad din sa inyo.”—Efeso 4:31, 32.
19. Gaano kapalasak ang bisyo sa daigdig ng negosyo?
19 Palasak din sa ngayon ang pandaraya, panghuhuwad, pagsisinungaling, walang-prinsipyong pamamaraan sa negosyo, at pagnanakaw. Ganito ang ulat ng isang artikulo sa pangnegosyong magasin na CFO: “Natuklasan sa isang surbey sa 4,000 manggagawa . . . na 31 porsiyento sa mga sinurbey ang nakasaksi sa ‘malubhang paglabag’ noong nakaraang taon.” Kasali sa gayong paglabag ang pagsisinungaling, panghuhuwad ng mga rekord, seksuwal na panliligalig, at pagnanakaw. Kung ibig nating manatiling malinis sa moral sa paningin ni Jehova, dapat nating iwasan ang gayong paggawi at maging matapat sa ating pamamaraan sa pananalapi.—Mikas 6:10, 11.
20. Bakit kailangang maging malaya sa “pag-ibig sa salapi” ang mga Kristiyano?
20 Isaalang-alang ang nangyari sa isang taong nag-akala na magkakaroon siya ng higit na panahon sa paglilingkod sa Diyos kung bigla siyang kikita ng malaki sa isang negosyo. Inakit niya ang iba sa isang panukala sa pamumuhunan sa pamamagitan ng pangangako sa kanila ng labis na tubo. Nang mabigo ito, gayon na lamang ang pagnanais niyang matakpan ang malaking pagkalugi anupat nagnakaw siya ng salaping ipinagkatiwala sa kaniya. Dahil sa kaniyang pagkilos at walang-pagsisising saloobin, itiniwalag siya sa Kristiyanong kongregasyon. Totoo nga ang babala ng Bibliya: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.”—1 Timoteo 6:9, 10.
21. Anong paggawi ang palasak sa mga taong makapangyarihan sa sanlibutan, ngunit paano dapat gumawi yaong may responsableng tungkulin sa Kristiyanong kongregasyon?
21 Ang mga taong makapangyarihan at maimpluwensiya sa sanlibutan ay malimit na walang kagalingan at nagpapakitang totoo ang kasabihang ‘Ang kapangyarihan ay nagpapasama.’ (Eclesiastes 8:9) Sa ilang lupain, ang panunuhol at iba pang anyo ng katiwalian ay isang paraan ng pamumuhay sa gitna ng mga hukom, pulis, at mga pulitiko. Gayunpaman, yaong mga nangunguna sa Kristiyanong kongregasyon ay dapat na may kagalingan at hindi namamanginoon sa iba. (Lucas 22:25, 26) Ang matatanda, gayundin ang mga ministeryal na lingkod, ay hindi naglilingkod “dahil sa pag-ibig sa di-matapat na pakinabang.” Sila’y dapat na malaya sa anumang pagtatangkang ilihis o impluwensiyahan ang kanilang paghatol dahil sa inaasahang personal na pakinabang.—1 Pedro 5:2; Exodo 23:8; Kawikaan 17:23; 1 Timoteo 5:21.
22. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
22 Sa pangkalahatan, matagumpay na nahaharap ng mga Kristiyano ang kasalukuyang hamon ng pag-iingat ng kagalingan sa ating sanlibutang puno ng bisyo. Subalit higit pa ang nasasangkot sa kagalingan kaysa sa pag-iwas lamang sa kabalakyutan. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung ano talaga ang mga kahilingan sa paglinang ng kagalingan.
[Mga talababa]
a Tingnan ang seryeng “Ingatan ang Inyong mga Anak!,” lumabas sa Gumising! ng Oktubre 8, 1993.
b Yaong nakibahagi sa mga gawaing homoseksuwal noong nakaraan ay maaaring magbago ng kanilang paggawi, kagaya ng ginawa ng ilan noong unang siglo. (1 Corinto 6:11) Nakatutulong na impormasyon ang iniharap sa Gumising! ng Marso 22, 1995, pahina 21-3.
Mga Punto Para sa Repaso
◻ Bakit ipinag-utos ni Jehova ang paglipol sa mga Canaanita?
◻ Anong mga bisyo ang palasak noong unang siglo, at paano napagtagumpayan ng mga Kristiyano ang gayong kapaligiran?
◻ Ano ang patotoo na nasaksihan ng sanlibutan ang pangglobong pagguho ng moral sapol noong 1914?
◻ Anong mga palasak na bisyo ang dapat tanggihan ng bayan ni Jehova?
[Larawan sa pahina 9]
Ang unang-siglong mga Kristiyano ay may kagalingan, bagaman nabubuhay sila sa isang sanlibutang puno ng bisyo
[Larawan sa pahina 10]
Pinasok ng bisyo maging ang mga network sa computer, anupat nagbibigay sa maraming kabataan at iba pa ng pagkakataong makakuha ng pornograpikong materyal
[Larawan sa pahina 12]
Kailangang ingatan ng mga Kristiyano ang kagalingan, anupat hindi tinutularan ang di-matapat na pamamaraan ng iba