NAKATATAAS NA MGA AWTORIDAD
Isang pananalita sa Roma 13:1 na tumutukoy sa mga awtoridad ng pamahalaan ng tao. Ang kasulatang ito ay isinasalin sa iba’t ibang paraan: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” (NW) “Ang bawat sakop ay maging masunurin sa mga awtoridad na namamahala, sapagkat walang awtoridad na hindi sumasailalim sa kontrol ng Diyos, at inilagay sa ilalim ng Kaniyang kontrol ang umiiral na mga awtoridad.” (We) “Dapat sundin ng lahat ang mga awtoridad ng estado, sapagkat walang awtoridad na umiiral nang walang pahintulot ng Diyos, at ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay roon ng Diyos.”—TEV.
Bagaman hindi sa kaniya nagmula ang mga ito (ihambing ang Mat 4:8, 9; 1Ju 5:19; Apo 13:1, 2), hinayaan ng Diyos na Jehova na umiral ang mga awtoridad ng pamahalaan ng tao, at patuloy na umiiral ang mga ito dahil sa kapahintulutan niya. Gayunman, upang matupad ang kaniyang kalooban, magagawa ni Jehova na alisin, patnubayan, o kontrolin ang mga awtoridad na ito, kung iyon ang ipasiya niyang gawin. Ipinahayag ng propetang si Daniel may kinalaman kay Jehova: “Kaniyang binabago ang mga panahon at mga kapanahunan, nag-aalis ng mga hari at naglalagay ng mga hari.” (Dan 2:21) At sinasabi naman ng Kawikaan 21:1: “Ang puso ng hari ay gaya ng mga batis ng tubig sa kamay ni Jehova. Ibinabaling niya iyon saanman niya kalugdan.”—Ihambing ang Ne 2:3-6; Es 6:1-11.
Mga Dahilan Upang Magpasakop ang mga Kristiyano. Samantalang walang dahilan upang salansangin ng mga Kristiyano ang isang kaayusang ipinahintulot ng Diyos, may mabuting dahilan upang magpasakop sila sa nakatataas na mga awtoridad. Karaniwan na, ang mga pinuno sa pamahalaan, bagaman maaaring tiwali, ay hindi nagpaparusa sa iba dahil sa paggawa ng mabuti, samakatuwid nga, dahil sa pagsunod sa batas ng lupain. Ngunit ang isang tao na nagnanakaw, pumapaslang, at gumagawa ng iba pang mga gawang tampalasan ay tatanggap ng di-kaayaayang hatol mula sa namamahalang awtoridad. Halimbawa, dahil sa kaniyang krimen, posibleng lapatan ng kamatayan ang isa na nagkasala ng sinasadyang pagpaslang. Yamang ipinahintulot ng Diyos na Jehova, pagkatapos ng Baha, ang kaparusahang kamatayan para sa mga mamamaslang (Gen 9:6), ang taong may awtoridad, sa paglalapat niya ng kamatayan sa manlalabag-batas, ay gumaganap bilang “lingkod ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpamalas ng poot sa nagsasagawa ng masama.”—Ro 13:2-4; Tit 3:1; 1Pe 2:11-17.
Ang pagpapasakop ng mga Kristiyano sa nakatataas na mga awtoridad ay hindi lamang salig sa kakayahan ng mga ito na magparusa sa mga manggagawa ng kasamaan. Para sa isang Kristiyano, sangkot dito ang budhi. Nagpapasakop siya sa mga taong may awtoridad dahil kinikilala niya na kasuwato ito ng kalooban ng Diyos. (Ro 13:5; 1Pe 2:13-15) Kaya nga, ang pagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad—sa pulitikal na awtoridad ng sanlibutan—ay hindi kailanman maaaring maging lubus-lubusan. Imposible para sa isang Kristiyano na makapag-ingat ng mabuting budhi at magawa ang kalooban ng Diyos kung lalabagin niya ang kautusan ng Diyos dahil sa kahilingan ng pulitikal na awtoridad. Sa dahilang ito, ang pagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad ay dapat na laging malasin ayon sa liwanag ng sinabi ng mga apostol sa Judiong Sanedrin: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gaw 5:29.
Yamang ang mga awtoridad ng pamahalaan ay naglalaan ng mahahalagang serbisyo upang matiyak ang kaligtasan, katiwasayan, at kapakanan ng kanilang mga nasasakupan, may karapatan silang tumanggap ng mga buwis at tributo bilang kabayaran sa kanilang mga serbisyo. Sa diwa na naglalaan sila ng kapaki-pakinabang na mga serbisyo, ang mga awtoridad ng pamahalaan ay maaaring tawaging “mga pangmadlang lingkod ng Diyos.” (Ro 13:6, 7) May mga pagkakataon na tuwirang nakatulong sa mga lingkod ng Diyos ang mga serbisyong ito, gaya noong gawing posible ni Haring Ciro na makabalik sa Juda at Jerusalem ang mga Judio at muling maitayo ng mga ito ang templo. (2Cr 36:22, 23; Ezr 1:1-4) Kadalasan naman, ang mga kapakinabangan sa mga ito ay tinatamasa ng lahat kung wastong ginagampanan ng mga awtoridad ang kanilang mga tungkulin. Kabilang sa mga iyon ang pagpapanatili ng isang sistema ng batas kung saan maaaring bumaling ang mga tao ukol sa katarungan, proteksiyon laban sa mga kriminal at sa mga ilegal na pangkat ng mang-uumog, at iba pa.—Fil 1:7; Gaw 21:30-32; 23:12-32.
Sabihin pa, mananagot sa Diyos ang isang tagapamahala na gumagamit ng kaniyang awtoridad sa maling paraan. Sumulat ang apostol na si Pablo: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’”—Ro 12:19; Ec 5:8.