Dapat Ka Bang Magbayad ng Buwis?
IILAN lamang ang nasisiyahang magbayad ng buwis. Iniisip kasi ng marami na nasasayang lang ang buwis nila dahil sa maling paggamit, pagdispalko, o pandaraya. Ang ilan naman ay ayaw magbayad ng buwis dahil sa prinsipyo. Para ipaliwanag kung bakit ayaw nilang magbayad ng buwis, sinabi ng mga residente sa isang bayan sa Gitnang Silangan: “Hindi namin tutustusan ang pambili ng mga balang papatay sa aming mga anak.”
Hindi na bago ang ganiyang mga sentimyento. Ganito ang sinabi ng yumaong lider na Hindu na si Mohandas K. Gandhi: “Sinumang sumusuporta sa isang Estado na inorganisa sa paraang militar—direkta man o hindi—ay nagkakasala rin. Ang bawat tao, bata man o matanda, ay nagkakasala kung nagbibigay siya ng pangmantini sa Estado sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis.”
Sa katulad na paraan, binanggit ng ika-19-na-siglong pilosopo na si Henry David Thoreau ang dahilan kung bakit ayaw niyang magbayad ng buwis na ginagamit sa digmaan. Itinanong niya: “Dapat bang pumayag ang isang mamamayan na isang mambabatas ang magdesisyon para sa kaniya hinggil sa isang isyu na nagsasangkot sa kaniyang budhi? Bakit pa may kani-kaniyang budhi ang mga tao?”
Mahalaga rin sa mga Kristiyano ang isyung ito dahil malinaw na itinuturo ng Bibliya na dapat manatiling malinis ang kanilang budhi sa lahat ng bagay. (2 Timoteo 1:3) Sa kabilang banda, kinikilala rin ng Bibliya ang karapatan ng mga gobyerno na maningil ng buwis. Sinasabi nito: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad [mga gobyerno ng tao], sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon. Kaya nga may mahigpit na dahilan upang magpasakop kayo, hindi lamang dahil sa poot na iyon kundi dahil din sa inyong budhi. Sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad din ng mga buwis; sapagkat sila ay mga pangmadlang lingkod ng Diyos na palagiang naglilingkod sa mismong layuning ito. Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis.”—Roma 13:1, 5-7.
Dahil dito, ang mga Kristiyano noong unang siglo ay kilalang-kilala sa pagbabayad ng buwis, kahit na ang malaking bahagi nito ay ginagamit na pansuporta sa militar. Ganiyan din ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon.a Bakit nga ba sila nagbabayad ng buwis? Dapat bang balewalain ng isang Kristiyano ang kaniyang budhi kung panahon ng bayaran ng buwis?
Ang Buwis at ang Budhi
Totoo, may bahagi ng buwis ng mga Kristiyano noong unang siglo na napupunta sa militar. Ito mismo ang hindi matanggap ng budhi nina Gandhi at Thoreau.
Pansinin na sinunod ng mga Kristiyano ang utos sa Roma kabanata 13 hindi lang dahil umiiwas sila sa parusa, kundi “dahil din sa [kanilang] budhi.” (Roma 13:5) Oo, ang mismong budhi ng isang Kristiyano ang nagsasabi sa kaniya na magbayad ng buwis, kahit na ginagamit ito sa mga gawaing labag sa kaniyang budhi. Para maintindihan ito, dapat nating tandaan ang isang mahalagang bagay tungkol sa ating budhi, ang panloob na tinig na nagsasabi sa atin kung tama o mali ang ating ginagawa.
Gaya ng sinabi ni Thoreau, lahat tayo ay may gayong panloob na tinig, pero hindi ibig sabihin nito na mapagkakatiwalaan na iyon. Para mapasaya natin ang Diyos, dapat na nakaayon ang ating budhi sa kaniyang mga pamantayang moral. Madalas na kailangan nating baguhin ang ating kaisipan o pangmalas para maging kaayon ng kaisipan ng Diyos dahil nakahihigit ito kaysa sa kaisipan natin. (Awit 19:7) Kung gayon, dapat tayong magsikap na unawain ang pangmalas ng Diyos sa mga gobyerno ng tao. Ano ba ang kaniyang pangmalas?
Pansinin na ang mga gobyerno ng tao ay tinawag ni apostol Pablo na “mga pangmadlang lingkod ng Diyos.” (Roma 13:6) Ano ang ibig sabihin nito? Pangunahin nang sila ang nagpapanatili ng kaayusan at gumaganap ng mahahalagang tungkulin sa lipunan. Kahit na ang pinakatiwaling gobyerno ay nagbibigay pa rin ng mga serbisyo sa pamamagitan ng post office, pampublikong paaralan, istasyon ng bombero, at istasyon ng pulis. Bagaman alam na alam ng Diyos ang depekto ng mga gobyernong ito, hinayaan pa rin niyang pansamantalang umiral ang mga ito at iniutos na magbayad tayo ng buwis bilang paggalang sa kaniyang kaayusan, samakatuwid nga, ang pagpayag niyang pamahalaan ng gayong mga gobyerno ang mga tao.
Pero pansamantala lang ang pagpayag ng Diyos na mamahala ang mga gobyerno ng tao. Ang lahat ng gobyernong ito ay papalitan ng Diyos ng kaniyang Kaharian sa langit, na siyang mag-aalis ng lahat ng pinsalang naidulot ng pamamahala ng tao sa nakalipas na daan-daang taon. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Samantala, hindi pinahihintulutan ng Diyos ang mga Kristiyano na lumabag sa batas sa pamamagitan ng di-pagbabayad ng buwis o iba pang paraan.
Paano kung, gaya ni Gandhi, kasalanan pa rin ang tingin mo sa pagbabayad ng buwis dahil ginagamit ito na pansuporta sa digmaan? Kung paanong lumalawak ang nakikita natin kapag umaakyat tayo sa mas mataas na lugar, mas madali rin nating naiaayon ang ating kaisipan sa kaisipan ng Diyos kapag tinatanggap nating nakahihigit ang pangmalas niya kaysa sa ating pangmalas. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ng Diyos: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.”—Isaias 55:8, 9.
Ganap na Awtoridad?
Ang turo ng Bibliya tungkol sa pagbabayad ng buwis ay hindi nagpapahiwatig na may ganap na awtoridad ang mga gobyerno sa kanilang mga nasasakupan. Itinuro ni Jesus na limitado lang ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga gobyernong ito. Nang tanungin si Jesus kung sinasang-ayunan ba ng Diyos ang pagbabayad ng buwis sa gobyerno ng Roma, ito ang sagot niya: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Marcos 12:13-17.
Ang mga gobyerno—na tinutukoy na “Cesar”—ay gumagawa ng pera at tumutulong na mapatatag ang halaga nito. Kaya sa pangmalas ng Diyos, may karapatan silang maningil ng buwis. Pero ipinahiwatig ni Jesus na ang “mga bagay na sa Diyos”—ang ating buhay at pagsamba—ay hindi maaaring hingin ng anumang institusyon ng tao. Kapag magkasalungat ang batas ng tao at batas ng Diyos, ang mga Kristiyano ay ‘dapat sumunod sa Diyos bilang tagapamahala sa halip na sa tao.’—Gawa 5:29.
Sa ngayon, baka nababahala ang mga Kristiyano kung saan napupunta ang bahagi ng kanilang buwis. Pero hindi nila tinatangkang impluwensiyahan o panghimasukan ang gobyerno sa pamamagitan ng pagpoprotesta o di-pagbabayad ng buwis. Iyon ay kawalan ng pagtitiwala sa solusyon ng Diyos sa problema ng mga tao. Sa halip, matiyaga silang naghihintay sa takdang panahon ng Diyos para makialam sa mga gawain ng tao sa pamamagitan ng pamamahala ng kaniyang Anak, si Jesus, na nagsabi: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Juan 18:36.
Mga Pakinabang sa Pagsunod sa mga Turo ng Bibliya
Maraming pakinabang sa pagsunod sa mga turo ng Bibliya tungkol sa pagbabayad ng buwis. Hindi ka maparurusahan dahil sa paglabag sa batas at wala ka ring ikatatakot. (Roma 13:3-5) Higit sa lahat, mapananatili mong malinis ang iyong budhi sa harap ng Diyos at mapararangalan mo siya dahil sa iyong pagiging masunurin sa batas. Kahit na dumanas ka ng pagkalugi sa pinansiyal kumpara sa mga hindi nagbabayad ng buwis o nandaraya rito, makaaasa ka naman sa pangako ng Diyos na paglalaanan niya ang kaniyang tapat na mga lingkod. Sinabi ng manunulat ng Bibliya na si David: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.”—Awit 37:25.
Bilang panghuli, ang pag-unawa at pagsunod sa utos ng Diyos na magbayad ng buwis ay magbibigay sa iyo ng kapayapaan ng isip. Hindi ka pananagutin ng Diyos sa lahat ng gawain ng gobyerno na tinutustusan ng iyong buwis, kung paanong hindi ka rin pananagutin ng batas saanman gamitin ng iyong kasera ang rentang ibinabayad mo. Bago matutuhan ni Stelvio ang katotohanan sa Bibliya, matagal siyang naghangad ng pagbabago sa pulitika sa timugang Europa. Ipinaliwanag niya kung bakit niya itinigil ito: “Talagang hindi kaya ng tao na magdulot ng katarungan, kapayapaan, at pagkakapatiran sa daigdig. Tanging ang Kaharian ng Diyos lamang ang makagagawa ng isang bago at mas magandang lipunan.”
Tulad ni Stelvio, kung magiging tapat ka sa ‘pagbabayad sa Diyos ng mga bagay na sa Diyos,’ makatitiyak kang makikita mo ang panahon kapag pinangyari na ng Diyos na mamahala ang katuwiran sa buong lupa, anupat aalisin ang pinsala at kawalang-katarungan na idinulot ng pamamahala ng tao.
[Talababa]
a Para sa rekord ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa pagbabayad ng buwis, tingnan ang Bantayan, isyu ng Nobyembre 1, 2002, pahina 13, parapo 15, at Mayo 1, 1996, pahina 17, parapo 7.
[Blurb sa pahina 22]
Kailangan nating baguhin ang ating pangmalas para maging kaayon ng kaisipan ng Diyos dahil nakahihigit ito kaysa sa kaisipan natin
[Blurb sa pahina 23]
Sa pagsunod sa utos ng Diyos na magbayad ng buwis, napananatili ng mga Kristiyano ang kanilang malinis na budhi sa harap ng Diyos at naipakikita nilang nagtitiwala sila na ilalaan Niya ang kanilang mga pangangailangan
[Mga larawan sa pahina 22]
“Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos”
[Credit Line]
Copyright British Museum