ARALIN 35
Kung Paano Makakagawa ng Tamang Desisyon
Araw-araw, may ginagawa tayong mga desisyon. Marami sa mga ito ay may malaking epekto sa atin at sa kaugnayan natin kay Jehova. Halimbawa, nagdedesisyon tayo kung saan tayo titira, kung paano tayo kikita ng pera, o kung mag-aasawa tayo o hindi. Kung tama ang desisyon natin, magiging masaya tayo pati na si Jehova.
1. Paano ka matutulungan ng Bibliya na makagawa ng tamang desisyon?
Bago magdesisyon, humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin at basahin ang Bibliya para makita ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay. (Basahin ang Kawikaan 2:3-6.) Sa ilang sitwasyon, may malinaw na utos si Jehova. Kaya ang pagsunod sa utos na iyon ang pinakamagandang magagawa mo.
Pero paano kung walang malinaw na utos sa Bibliya para sa sitwasyon mo? Papatnubayan ka pa rin ni Jehova “sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Paano? May mga prinsipyo, o simulain, na makakatulong sa iyo. Ang mga prinsipyo sa Bibliya ay mga katotohanan na nagpapakita ng kaisipan at damdamin ng Diyos. Minsan, kapag nagbabasa tayo ng isang ulat o kuwento sa Bibliya, nalalaman natin ang nararamdaman ng Diyos tungkol sa isang bagay. Kapag naiintindihan natin ang nararamdaman ni Jehova, nakakagawa tayo ng mga desisyon na makakapagpasaya sa kaniya.
2. Ano ang dapat mong pag-isipan bago ka gumawa ng desisyon?
Sinasabi ng Bibliya: “Pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.” (Kawikaan 14:15) Ibig sabihin, bago tayo magdesisyon, kailangan natin ng panahon para pag-isipan ang mga puwede nating pagpilian. Habang ginagawa natin ito, tanungin ang sarili: ‘Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang puwede kong gamitin? Alin dito ang magbibigay sa akin ng kapayapaan ng isip? Paano makakaapekto sa iba ang magiging desisyon ko? At ang pinakamahalaga, mapapasaya ba nito si Jehova?’—Deuteronomio 32:29.
Si Jehova lang ang may karapatang magsabi kung ano ang tama at mali. Kaya kapag alam na alam natin ang mga utos at prinsipyo niya at determinado tayong sundin ang mga ito, magkakaroon tayo ng malinis na konsensiya. Ang konsensiya ay ang likas na kakayahang malaman ang tama at mali. (Roma 2:14, 15) Makakatulong ang isang sinanay na konsensiya para makagawa tayo ng tamang desisyon.
PAG-ARALAN
Pag-aralan pa kung paano makakatulong ang mga prinsipyo sa Bibliya at ang konsensiya kapag nagdedesisyon.
3. Gawing patnubay ang Bibliya
Paano tayo mapapatnubayan ng mga prinsipyo sa Bibliya kapag gumagawa ng mga desisyon? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang kalayaang magpasiya?
Bakit tayo binigyan ni Jehova ng kalayaang magpasiya?
Ano ang ibinigay niya para matulungan tayo na makagawa ng tamang desisyon?
Tingnan ang isang prinsipyo sa Bibliya. Basahin ang Efeso 5:15, 16. Pagkatapos, talakayin kung paano magagamit sa “pinakamabuting paraan ang oras” o panahon mo para . . .
regular na mabasa ang Bibliya.
maging mabuting asawa, magulang, o anak.
makadalo sa mga pulong.
4. Sanayin ang konsensiya para makagawa ng tamang desisyon
Kapag may malinaw na utos mula sa Bibliya, madaling gumawa ng tamang desisyon. Pero paano kung walang utos sa isang partikular na bagay o sitwasyon? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Sa video, ano ang ginawa ng isang sister para sanayin ang budhi, o konsensiya niya, at makagawa ng desisyon na magpapasaya kay Jehova?
Bakit hindi natin dapat asahan ang iba na gumawa ng desisyon para sa atin? Basahin ang Hebreo 5:14. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Kahit mas madali na iba ang magdesisyon para sa iyo, ano ang dapat na makilala, o maunawaan mo?
Ano ang makakatulong sa iyo para masanay ang konsensiya mo at makagawa ng tamang desisyon?
5. Irespeto ang konsensiya ng iba
Iba-iba ang magiging desisyon ng bawat tao sa isang sitwasyon. Paano natin irerespeto ang konsensiya ng iba? Tingnan ang dalawang sitwasyon:
Sitwasyon 1: Isang sister na mahilig mag-makeup ang lumipat sa isang kongregasyon. Hindi sanay ang mga sister doon na makakita ng ganoon.
Basahin ang Roma 15:1 at 1 Corinto 10:23, 24. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Kung pag-iisipan ng sister na iyon ang mga teksto, ano ang puwede niyang maging desisyon? Ano ang gagawin mo kung sinasabi ng konsensiya mo na tama ang isang bagay pero nakokonsensiya rito ang iba?
Sitwasyon 2: Alam ng isang brother na hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang katamtamang pag-inom ng alak, pero mas gusto pa rin niya na hindi uminom. Inimbitahan siya sa isang gathering at nakita niya ang mga kapatid na umiinom ng alak.
Basahin ang Eclesiastes 7:16 at Roma 14:1, 10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Kung pag-iisipan ng brother na iyon ang mga teksto, ano ang puwede niyang maging desisyon? Ano ang gagawin mo kung nakokonsensiya ka na gawin ang isang bagay, pero nakita mo na ginagawa ito ng iba?
Mga dapat gawin bago magdesisyon
1. Manalangin kay Jehova bago magdesisyon.—Santiago 1:5.
2. Mag-research gamit ang Bibliya at mga publikasyong base sa Bibliya para makita ang mga prinsipyo na bagay sa sitwasyon mo. Puwede ka ring magtanong sa makaranasang mga kapatid.
3. Pag-isipan ang magiging epekto ng desisyon mo sa konsensiya mo at ng iba.
MAY NAGSASABI: “Karapatan kong gawin anuman ang gusto ko. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba.”
Bakit dapat nating isipin ang mararamdaman ng Diyos, pati na ng iba?
SUMARYO
Makakagawa tayo ng tamang desisyon kung alam natin ang nararamdaman ni Jehova sa isang bagay at pag-iisipan natin ang magiging epekto nito sa iba.
Ano ang Natutuhan Mo?
Paano ka makakagawa ng desisyon na magpapasaya kay Jehova?
Paano mo sasanayin ang konsensiya mo?
Paano mo irerespeto ang konsensiya ng iba?
TINGNAN DIN
Paano ka makakagawa ng mga desisyong magpapatibay ng kaugnayan mo sa Diyos?
“Gumawa ng mga Desisyong Magpaparangal sa Diyos” (Ang Bantayan, Abril 15, 2011)
Alamin pa kung paano tayo pinapayuhan ni Jehova.
Ano ang nakatulong sa isang lalaki nang mapaharap siya sa isang mahirap na desisyon?
Paano mo mapapasaya si Jehova kapag napaharap ka sa isang sitwasyon na walang espesipikong utos?
“Lagi Mo Bang Kailangan ng Utos Mula sa Bibliya?” (Ang Bantayan, Disyembre 1, 2003)