Luwalhatiin ang Diyos “sa Pamamagitan ng Iisang Bibig”
“Luwalhatiin sa pamamagitan ng iisang bibig ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—ROMA 15:6.
1. Anong aral hinggil sa paglutas sa magkakaibang mga pangmalas ang ibinahagi ni Pablo sa mga kapananampalataya?
HINDI pare-pareho ang mga pagpili o panlasa ng lahat ng Kristiyano. Ngunit dapat lumakad nang balikatan ang lahat ng Kristiyano sa daang patungo sa buhay. Posible kaya iyan? Oo, kung hindi natin gagawing malalaking isyu ang maliliit na pagkakaiba. Iyan ay isang aral na ibinahagi ni apostol Pablo sa mga kapananampalataya noong unang siglo. Paano niya ipinaliwanag ang mahalagang puntong ito? At paano natin maikakapit sa ngayon ang kaniyang kinasihang payo?
Ang Kahalagahan ng Pagkakaisang Kristiyano
2. Paano idiniin ni Pablo ang pangangailangan para sa pagkakaisa?
2 Alam ni Pablo na napakahalaga ng pagkakaisang Kristiyano, at nagbigay siya ng mainam na payo upang tulungan ang mga Kristiyano na pagtiisan ang isa’t isa sa pag-ibig. (Efeso 4:1-3; Colosas 3:12-14) Gayunpaman, matapos itatag ang maraming kongregasyon at dalawin ang iba pa sa loob ng mahigit na 20 taon, alam niya na maaaring maging isang hamon ang pagpapanatili ng pagkakaisa. (1 Corinto 1:11-13; Galacia 2:11-14) Kaya, hinimok niya ang mga kapananampalatayang nakatira sa Roma: “Ipagkaloob nawa . . . ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na . . . may-pagkakaisa ninyong luwalhatiin sa pamamagitan ng iisang bibig ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (Roma 15:5, 6) Sa ngayon, dapat din nating luwalhatiin ang Diyos na Jehova “sa pamamagitan ng iisang bibig” bilang isang nagkakaisang grupo ng kaniyang bayan. Kumusta tayo sa bagay na ito?
3, 4. (a) Ano ang magkaibang pinagmulan ng mga Kristiyano sa Roma? (b) Paano makapaglilingkod kay Jehova ang mga Kristiyano sa Roma “sa pamamagitan ng iisang bibig”?
3 Maraming Kristiyano sa Roma ang personal na kaibigan ni Pablo. (Roma 16:3-16) Bagaman magkakaiba ang kanilang pinagmulan, tinanggap ni Pablo ang lahat ng kaniyang mga kapatid bilang “mga minamahal ng Diyos.” Sumulat siya: “Nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo may kinalaman sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay pinag-uusapan sa buong sanlibutan.” Maliwanag, ang mga taga-Roma ay huwaran sa maraming paraan. (Roma 1:7, 8; 15:14) Ngunit kasabay nito, may magkakaibang pangmalas sa ilang bagay ang ilang miyembro ng kongregasyon. Yamang may iba’t ibang pinagmulan at kultura ang mga Kristiyano sa ngayon, ang pag-aaral sa kinasihang payo ni Pablo kung paano haharapin ang mga pagkakaibang ito ay makatutulong sa kanila na magsalita “sa pamamagitan ng iisang bibig.”
4 Masusumpungan sa Roma kapuwa ang mananampalatayang mga Judio at mga Gentil. (Roma 4:1; 11:13) Maliwanag na hindi pa itinigil ng ilang Judiong Kristiyano ang ilang kaugaliang sinusunod nila noon sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, bagaman dapat sana’y naunawaan na nilang hindi na kailangan ang gayong mga kaugalian para sa kaligtasan. Sa kabilang panig naman, tinanggap ng ilang Judiong Kristiyano na pinalaya sila ng hain ni Kristo mula sa mga pagbabawal na sinusunod nila noon bago naging mga Kristiyano. Bunga nito, binago nila ang ilan sa kanilang personal na mga gawi at mga kaugalian. (Galacia 4:8-11) Gayunpaman, gaya ng binanggit ni Pablo, ang lahat ay “mga minamahal ng Diyos.” Maaaring pumuri ang lahat sa Diyos “sa pamamagitan ng iisang bibig” kung pananatilihin nila ang tamang pangkaisipang saloobin sa isa’t isa. Tayo rin sa ngayon ay maaaring may magkakaibang pangmalas sa ilang bagay, kaya dapat nating isaalang-alang nang mabuti kung paano ipinaliwanag ni Pablo ang mahalagang simulain na iyan.—Roma 15:4.
“Tanggapin ang Isa’t Isa”
5, 6. Bakit may magkakaibang pangmalas ang mga nasa kongregasyon sa Roma?
5 Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, binanggit ni Pablo ang isang situwasyon kung saan magkakaiba ang mga opinyon. Sumulat siya: “Ang isang tao ay may pananampalataya upang kumain ng lahat ng bagay, ngunit ang taong mahina ay kumakain ng mga gulay.” Bakit ganoon? Buweno, sa Kautusang Mosaiko, ang karne ng baboy ay isang di-katanggap-tanggap na pagkain. (Roma 14:2; Levitico 11:7) Ngunit ang Kautusang iyan ay wala nang bisa pagkamatay ni Jesus. (Efeso 2:15) Pagkatapos, makaraan ang tatlo at kalahating taon mula nang mamatay si Jesus, sinabi ng isang anghel kay apostol Pedro na sa pangmalas ng Diyos, walang pagkain ang dapat ituring na marumi. (Gawa 11:7-12) Taglay sa isipan ang mga salik na ito, baka nadama ng ilang Judiong Kristiyano na puwede na silang kumain ng karne ng baboy—o masiyahan sa iba pang pagkain na dati’y ipinagbabawal sa ilalim ng Kautusan.
6 Ngunit malamang na kahit ang isipin man lamang na kainin ang dating maruruming pagkain na iyon ay nakapandidiri na para sa ibang Judiong Kristiyano. Maaaring likas lamang na magdamdam ang mga sensitibong indibiduwal na ito na makitang kinakain ng kanilang mga Judiong kapatid kay Kristo ang gayong pagkain. Karagdagan pa, baka nagtataka naman ang ilang Kristiyanong Gentil, na ang relihiyong pinagmulan ay malamang na walang ipinagbabawal na mga pagkain, kung bakit ginagawa pang isyu ng sinuman ang hinggil sa pagkain. Sabihin pa, hindi naman mali para sa isang indibiduwal na umiwas sa ilang pagkain, basta’t hindi niya ipinipilit na ang gayong pag-iwas ay kinakailangan upang magtamo ng kaligtasan. Gayunman, madaling makapukaw ng pagtatalo sa kongregasyon ang magkakaibang pangmalas na iyon. Kailangang mag-ingat ang mga Kristiyano sa Roma na hindi makahadlang ang gayong mga pagkakaiba sa pagluwalhati nila sa Diyos “sa pamamagitan ng iisang bibig.”
7. Ano ang magkakaibang pangmalas hinggil sa pangingilin ng isang pantanging araw bawat linggo?
7 Nagbigay si Pablo ng ikalawang halimbawa: “Hinahatulan ng isang tao ang isang araw bilang nakahihigit sa iba; hinahatulan ng isa pang tao ang isang araw bilang gaya ng lahat ng iba pa.” (Roma 14:5a) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, hindi dapat magtrabaho kapag Sabbath. Maging ang paglalakbay ay lubhang nililimitahan sa araw na iyon. (Exodo 20:8-10; Mateo 24:20; Gawa 1:12) Ngunit nang alisin ang Kautusan, wala nang bisa ang mga pagbabawal na iyon. Gayunman, maaaring naaasiwa ang ilang Judiong Kristiyano na gumawa ng anumang uri ng trabaho o maglakbay nang malayo sa araw na dati nilang itinuturing na sagrado. Kahit naging mga Kristiyano na, baka inilalaan nila ang ikapitong araw pantangi lamang para sa espirituwal na mga layunin, bagaman sa pangmalas ng Diyos ay wala nang bisa ang Sabbath. Mali ba ang ginagawa nila? Hindi, basta’t hindi nila ipinipilit na ang pangingilin ng Sabbath ay kahilingan ng Diyos. Kaya naman, bilang konsiderasyon sa budhi ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano, sumulat si Pablo: “Ang bawat tao ay maging lubusang kumbinsido sa kaniyang sariling pag-iisip.”—Roma 14:5b.
8. Bagaman maaari silang magpakita ng konsiderasyon para sa budhi ng iba, ano ang hindi dapat gawin ng mga Kristiyano sa Roma?
8 Gayunpaman, bagaman magiliw na pinasisigla ang kaniyang mga kapatid na maging matiisin sa mga nakikipagpunyagi sa mga bagay na may kaugnayan sa budhi, mariing tinuligsa ni Pablo ang mga nagsisikap na pilitin ang mga kapananampalataya na magpasakop sa Kautusang Mosaiko bilang kahilingan upang magtamo ng kaligtasan. Halimbawa, noong mga 61 C.E., isinulat ni Pablo ang aklat ng Mga Hebreo, isang mapuwersang liham para sa mga Judiong Kristiyano na buong-linaw na nagpapaliwanag na wala nang kabuluhan ang pagpapasakop sa Kautusang Mosaiko sapagkat may nakahihigit na pag-asa ang mga Kristiyano salig sa haing pantubos ni Jesus.—Galacia 5:1-12; Tito 1:10, 11; Hebreo 10:1-17.
9, 10. Ano ang dapat iwasang gawin ng mga Kristiyano? Ipaliwanag.
9 Gaya ng nakita na natin, nangatuwiran si Pablo na ang iba’t ibang pagpili ay hindi dapat maging banta sa pagkakaisa hangga’t walang maliwanag na paglabag sa mga simulaing Kristiyano. Kaya, tinanong ni Pablo ang mga Kristiyano na mas mahina ang budhi: “Bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid?” At tinanong niya ang mas malalakas (marahil yaong mga may budhing nagpapahintulot sa kanila na kumain ng ilang pagkain na ipinagbabawal noon sa ilalim ng Kautusan o na magtrabaho kung Sabbath): “Bakit mo rin hinahamak ang iyong kapatid?” (Roma 14:10) Ayon kay Pablo, ang mga Kristiyano na mas mahina ang budhi ay dapat umiwas sa paghatol sa kanilang mga kapatid na mas malawak ang pangmalas. Kasabay nito, hindi dapat hamakin ng malalakas na Kristiyano ang mga indibiduwal na mahina pa ang budhi sa ilang larangan. Dapat igalang ng lahat ang wastong motibo ng iba at huwag “mag-isip nang higit tungkol sa [kanilang] sarili kaysa sa nararapat isipin.”—Roma 12:3, 18.
10 Ipinaliwanag ni Pablo ang timbang na pangmalas sa ganitong paraan: “Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain, at huwag hatulan ng hindi kumakain ang kumakain, sapagkat tinanggap ng Diyos ang isang iyon.” Karagdagan pa, sinabi niya: “Tinanggap din tayo ng Kristo, ukol sa kaluwalhatian ng Diyos.” Yamang kaayaaya sa Diyos at kay Kristo kapuwa ang malalakas at ang mahihina, dapat tayong magkaroon ng gayunding saloobin at “tanggapin ang isa’t isa.” (Roma 14:3; 15:7) Sino ang makatuwirang makatututol diyan?
Ang Pag-ibig na Pangkapatid ay Nagdudulot ng Pagkakaisa sa Ngayon
11. Anong natatanging situwasyon ang umiral noong panahon ni Pablo?
11 Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, binanggit ni Pablo ang isang natatanging situwasyon. Katatapos lamang noon na ipawalang-bisa ni Jehova ang isang tipan at pagtibayin naman ang isang bagong tipan. Nahihirapang gumawa ng pagbabago ang ilan. Hindi naman umiiral sa ngayon ang mismong situwasyong iyan, ngunit maaaring bumangon kung minsan ang nakakatulad na mga isyu.
12, 13. Ano ang ilang situwasyon kung saan ang mga Kristiyano sa ngayon ay makapagpapakita ng konsiderasyon sa budhi ng kanilang mga kapatid?
12 Halimbawa, ang isang babaing Kristiyano ay maaaring dating kaanib sa isang relihiyon na nagdiriin sa simpleng pananamit at hitsura. Nang tanggapin niya ang katotohanan, baka nahirapan siyang gumawa ng pagbabago kasuwato ng ideya na hindi naman ipinagbabawal ang pagsusuot ng mahinhin at makulay na damit sa angkop na mga okasyon o ang katamtamang paggamit ng makeup. Yamang wala namang nasasangkot na simulain sa Bibliya, hindi magiging angkop para sa sinuman na sikaping hikayatin ang babaing Kristiyanong iyon na labagin ang kaniyang budhi. Kasabay nito, kaniyang nauunawaan na hindi niya dapat punahin ang mga babaing Kristiyano na pinahihintulutan ng kanilang budhi na gumamit ng gayong mga bagay.
13 Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Ang isang lalaking Kristiyano ay maaaring pinalaki sa isang kapaligiran kung saan di-sinasang-ayunan ang pag-inom ng alkohol. Matapos matuto ng katotohanan, nalaman niya ang pangmalas ng Bibliya na ang alak ay isang kaloob mula sa Diyos at maaaring inumin nang katamtaman. (Awit 104:15) Tinatanggap niya ang pangmalas na iyan. Gayunman, dahil sa kaniyang pinagmulan, mas gusto niyang umiwas nang lubusan sa mga inuming de-alkohol, ngunit hindi niya pinupuna yaong mga umiinom nito nang katamtaman. Sa gayo’y ikinakapit niya ang mga salita ni Pablo: “Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.”—Roma 14:19.
14. Sa anong mga situwasyon maikakapit ng mga Kristiyano ang diwa ng payo ni Pablo sa mga taga-Roma?
14 Bumabangon ang iba pang mga situwasyon na humihiling ng pagkakapit sa diwa ng payo ni Pablo sa mga taga-Roma. Ang kongregasyong Kristiyano ay binubuo ng maraming indibiduwal, at magkakaiba ang kanilang panlasa. Kaya naman, maaaring magkakaiba ang kanilang mga pagpili—halimbawa, may kaugnayan sa pananamit at pag-aayos. Sabihin pa, binabalangkas ng Bibliya ang maliwanag na mga simulain na sinusunod ng lahat ng taimtim na Kristiyano. Walang sinuman sa atin ang dapat magsuot ng damit o magkaroon ng istilo ng buhok na kakatwa o di-mahinhin o nagpapahiwatig na kabilang tayo sa di-kanais-nais na mga elemento sa sanlibutan. (1 Juan 2:15-17) Tinatandaan ng mga Kristiyano na sa lahat ng panahon, kahit kapag sila ay nagrerelaks, mga ministro sila na kumakatawan sa Soberano ng Uniberso. (Isaias 43:10; Juan 17:16; 1 Timoteo 2:9, 10) Gayunman, sa maraming larangan, napakaraming katanggap-tanggap na mapagpipilian ang mga Kristiyano.a
Iwasang Makatisod sa Iba
15. Kailan maaaring magpigil ang isang Kristiyano sa paggamit ng kaniyang mga karapatan para sa kapakinabangan ng kaniyang mga kapatid?
15 May isa pang mahalagang simulain na itinawag-pansin ni Pablo sa atin sa kaniyang payo sa mga Kristiyano sa Roma. Kung minsan, ang isang Kristiyano na may budhing sinanay nang mabuti ay maaaring magpasiya na huwag gawin ang isang bagay bagaman puwede naman niya itong gawin. Bakit? Sapagkat nauunawaan niya na ang kaniyang pagtataguyod sa isang partikular na landasin ay maaaring makapinsala sa iba. Kung ganiyan ang kalagayan, ano ang dapat nating gawin? Sinabi ni Pablo: “Mabuti ang huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na ikinatitisod ng iyong kapatid.” (Roma 14:14, 20, 21) Kaya naman, “tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating sarili. Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay.” (Roma 15:1, 2) Kapag ang budhi ng isang kapuwa Kristiyano ay maaaring masaktan dahil sa ating ginagawa, ang pag-ibig na pangkapatid ang mag-uudyok sa atin na maging makonsiderasyon at huwag gawin ang mga bagay na makasasakit sa iba. Ang isang halimbawa nito ay maaaring ang pag-inom ng inuming de-alkohol. Ipinahihintulot sa isang Kristiyano ang katamtamang pag-inom ng alak. Ngunit kung ang paggawa nito ay makatitisod sa kaniyang kapuwa, hindi niya igigiit ang kaniyang mga karapatan.
16. Paano tayo makapagpapakita ng konsiderasyon sa mga nasa teritoryo natin?
16 Maaari ring ikapit ang simulaing ito sa mga pakikitungo natin sa labas ng kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, maaaring nakatira tayo sa isang lugar kung saan itinuturo ng dominanteng relihiyon sa mga tagasunod nito na ituring ang isang araw ng sanlinggo bilang araw ng pahinga. Sa dahilang iyan, upang huwag makatisod sa ating mga kapitbahay at makalikha ng mga hadlang sa gawaing pangangaral, iiwasan natin hangga’t maaari na gumawa ng anumang bagay sa araw na iyon na ikagagalit ng ating mga kapitbahay. Sa isa pang situwasyon, maaaring lumipat ang isang mayamang Kristiyano upang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan kapiling ng mga maralita. Maaari siyang magpakita ng konsiderasyon sa kaniyang bagong mga kapitbahay sa pamamagitan ng pananamit nang simple lamang o kaya’y sa pamumuhay nang mas simple kaysa sa ipinahihintulot ng kaniyang pananalapi.
17. Bakit makatuwirang isaalang-alang ang iba sa mga pagpiling ginagawa natin?
17 Makatuwiran bang asahan na gagawa ng gayong mga pagbabago ang “malalakas”? Buweno, pag-isipan ang ilustrasyong ito: Habang nagmamaneho sa haywey, nakita natin sa unahan ang ilang bata na nanganganib dahil naglalakad silang malapit sa kalsada. Magpapatuloy ba tayo sa pagmamaneho sa pinakamabilis na takbong ipinahihintulot dahil may karapatan naman tayong gawin ito? Hindi, magmemenor tayo upang maiwasan ang posibleng panganib sa mga bata. Kung minsan, ang gayunding pagkukusang magmenor, o magbigay-daan, ay hinihiling sa pakikipag-ugnayan natin sa ating mga kapananampalataya o sa iba. Maaaring ginagawa natin ang isang bagay na may ganap na karapatan tayong gawin. Wala namang mga simulain sa Bibliya ang nalalabag. Sa kabila nito, kung masasaktan natin ang iba o mapipinsala yaong mga mas mahihina ang budhi, uudyukan tayo ng Kristiyanong pag-ibig na kumilos nang maingat. (Roma 14:13, 15) Ang pagpapanatili ng pagkakaisa at pagtataguyod ng mga kapakanan ng Kaharian ay mas mahalaga kaysa sa ating personal na mga karapatan.
18, 19. (a) Sa pagpapakita ng konsiderasyon sa iba, paano natin sinusunod ang halimbawa ni Jesus? (b) Sa ano tayo kumikilos nang may ganap na pagkakaisa, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Kapag kumikilos tayo sa ganitong paraan, sinusunod natin ang pinakamainam na halimbawa. Sinabi ni Pablo: “Maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili; kundi gaya nga ng nasusulat: ‘Ang mga pandurusta niyaong mga nandurusta sa iyo ay nahulog sa akin.’” Handang isakripisyo ni Jesus ang kaniyang buhay para sa atin. Tiyak na handa nating isakripisyo ang ilan sa ating mga karapatan kung iyan ang makatutulong sa “hindi malalakas” na luwalhatiin ang Diyos kaisa natin. Tunay nga, ang pagpapamalas ng mapagparaya at bukas-palad na saloobin sa mga Kristiyanong may mahinang budhi—o kusang paglalagay ng limitasyon sa ating mga pagpili at hindi paggigiit ng ating mga karapatan—ay pagpapakita “ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.”—Roma 15:1-5.
19 Bagaman maaaring magkakaiba nang bahagya ang ating pangmalas sa mga bagay na hindi nagsasangkot ng maka-Kasulatang mga simulain, kumikilos naman tayo nang may ganap na pagkakaisa may kaugnayan sa pagsamba. (1 Corinto 1:10) Halimbawa, ang gayong pagkakaisa ay makikita sa ating pagtugon sa mga sumasalansang sa tunay na pagsamba. Tinatawag ng Salita ng Diyos ang mga mananalansang na ito na ibang mga tao at binabalaan tayo na iwasan ang “tinig ng ibang mga tao.” (Juan 10:5) Paano natin makikilala ang ibang mga taong ito? Paano tayo dapat tumugon sa kanila? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang mga anak na menor-de-edad ay ginagabayan ng nais ng kanilang mga magulang may kaugnayan sa pananamit.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit hindi banta sa pagkakaisa ang pagkakaiba-iba ng pangmalas sa personal na mga bagay?
• Bilang mga Kristiyano, bakit tayo dapat magpakita ng magiliw na konsiderasyon sa isa’t isa?
• Ano ang ilang paraan upang maikapit natin sa ngayon ang payo ni Pablo hinggil sa pagkakaisa, at ano ang mag-uudyok sa atin na gawin ito?
[Larawan sa pahina 9]
Ang payo ni Pablo hinggil sa pagkakaisa ay mahalaga sa kongregasyon
[Larawan sa pahina 10]
Nagkakaisa ang mga Kristiyano sa kabila ng magkakaibang pinagmulan nila
[Larawan sa pahina 12]
Ano ngayon ang dapat gawin ng drayber na ito?