KAPAKUMBABAAN
Kabaligtaran ng pagmamapuri at kapalaluan; kababaan ng pag-iisip. Hindi ito kahinaan kundi isang kalagayan ng isip na kalugud-lugod kay Jehova.
Sa Hebreong Kasulatan, ang “kapakumbabaan” ay hinalaw sa salitang-ugat (ʽa·nahʹ) na nangangahulugang “mapighati; maibaba; masiil.” Ang mga salitang hinalaw sa salitang-ugat na ito ay isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “kapakumbabaan,” “kaamuan,” “kapighatian,” at iba pa. Ang dalawa pang pandiwang Hebreo na may kinalaman sa “kapakumbabaan” ay ka·naʽʹ (sa literal, supilin [ang sarili]) at sha·phelʹ (sa literal, magpakababa o maging mababa). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ta·pei·no·phro·syʹne ay isinasalin bilang “kapakumbabaan” at “kababaan ng pag-iisip.” Hinango ito sa mga salitang ta·pei·noʹo, “gawing mababa,” at phren, “ang pag-iisip.”
Ang isang tao ay maaaring maging mapagpakumbaba kung isasaalang-alang niya ang kaniyang kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang kapuwa batay sa sinasabi ng Bibliya, at pagkatapos ay isasagawa niya ang mga simulaing natutuhan niya. Isang salitang Hebreo, hith·rap·pesʹ, isinasaling “magpakumbaba ka,” ang literal na nangangahulugang “yapakan mo ang iyong sarili.” Angkop nitong ipinahahayag ang pagkilos na inilalarawan ng pantas na manunulat ng Mga Kawikaan: “Anak ko, kung ikaw ay nanagot para sa iyong kapuwa, . . . kung ikaw ay nasilo ng mga pananalita ng iyong bibig, . . . nalagay ka sa palad ng iyong kapuwa: Yumaon ka at magpakumbaba [yapakan mo ang iyong sarili] at paulanan mo ng mga pagsusumamo ang iyong kapuwa. . . . Iligtas [mo] . . . ang iyong sarili.” (Kaw 6:1-5) Sa ibang pananalita, isaisantabi mo ang iyong amor propyo, aminin mo ang iyong pagkakamali, makipag-ayos ka, at humingi ka ng tawad. Sinabi ni Jesus na ang isang tao ay dapat magpakababa sa harap ng Diyos tulad ng isang bata at na, sa halip na magsikap na maging tanyag, dapat siyang maglingkod sa kaniyang mga kapatid.—Mat 18:4; 23:12.
Maaari ring matuto ng kapakumbabaan ang isang tao kapag siya ay ibinaba, anupat pinagpakumbaba ng karanasan. Sinabi ni Jehova sa Israel na pinagpakumbaba niya sila sa pamamagitan ng pagpapalakad sa kanila nang 40 taon sa ilang sa layuning ilagay sila sa pagsubok upang malaman kung ano ang nasa kanilang puso at upang ipakilala sa kanila na “hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deu 8:2, 3) Walang alinlangang marami sa mga Israelita ang nakinabang sa matinding karanasang ito at nagpakumbaba dahil dito. (Ihambing ang Lev 26:41; 2Cr 7:14; 12:6, 7.) Kung ang isang tao o isang bansa ay tatangging magpakumbaba o tumanggap ng disiplinang nakapagpapakumbaba, daranas iyon ng pagkaaba sa takdang panahon.—Kaw 15:32, 33; Isa 2:11; 5:15.
Nakalulugod sa Diyos. Napakahalaga ng kapakumbabaan sa paningin ni Jehova. Bagaman ang Diyos ay walang anumang pagkakautang sa sangkatauhan, sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, handa siyang magpakita ng awa at lingap sa mga nagpapakumbaba sa harap niya. Ipinakikita ng mga taong iyon na hindi sila nagtitiwala o naghahambog sa kanilang sarili kundi umaasa sa kaniya at nagnanais na gawin ang kaniyang kalooban. Gaya ng sabi ng kinasihang mga Kristiyanong manunulat na sina Santiago at Pedro: “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.”—San 4:6; 1Pe 5:5.
Kahit yaong mga gumawa noon ng napakasasamang bagay, kung tunay silang magpapakumbaba sa harap ni Jehova at magsusumamo sa kaniya ukol sa awa, ay pakikinggan niya. Halimbawa, nang magtaguyod si Haring Manases ng Juda ng huwad na pagsamba sa lupain, iniligaw niya ang mga tumatahan sa Juda at Jerusalem “upang gumawa ng mas masama kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova mula sa harap ng mga anak ni Israel.” Gayunman, matapos siyang payaunin ni Jehova sa pagkabihag sa hari ng Asirya, si Manases ay “patuloy na nagpakumbaba nang lubha dahil sa Diyos ng kaniyang mga ninuno. At patuloy siyang nanalangin sa Kaniya, kung kaya hinayaan Niya na siya ay mapamanhikan nito at dininig Niya ang kaniyang paghiling ng lingap at isinauli siya sa Jerusalem sa kaniyang paghahari; at nakilala ni Manases na si Jehova ang tunay na Diyos.” Sa gayo’y natutong magpakumbaba si Manases.—2Cr 33:9, 12, 13; ihambing ang 1Ha 21:27-29.
Naglalaan ng Tamang Patnubay. Ang isa na nagpapakumbaba sa harap ng Diyos ay makaaasa sa patnubay ng Diyos. Si Ezra ay nagkaroon ng mabigat na pananagutang manguna sa mahigit na 1,500 lalaki, bukod pa sa mga saserdote, mga Netineo, at mga babae at mga bata mula sa Babilonya pabalik sa Jerusalem. Karagdagan pa, dala nila ang napakaraming ginto at pilak para sa pagpapaganda ng templo sa Jerusalem. Kinailangan nila ng proteksiyon para sa paglalakbay, ngunit ayaw humingi ni Ezra sa hari ng Persia ng isang pangkat ng militar na sasama sa kanila, dahil magpapakita iyon ng pananalig sa lakas ng tao. Gayundin, bago pa nito ay sinabi niya sa hari: “Ang kamay ng aming Diyos ay sumasalahat niyaong mga humahanap sa kaniya sa ikabubuti.” Kaya naman naghayag siya ng isang pag-aayuno, upang ang bayan ay makapagpakumbaba sa harap ni Jehova. Humiling sila sa Diyos, at siya’y nakinig at naglaan sa kanila ng proteksiyon mula sa mga pagtambang ng mga kaaway sa daan anupat matagumpay nilang natapos ang mapanganib na paglalakbay. (Ezr 8:1-14, 21-32) Ang propetang si Daniel naman, na nasa pagkatapon sa Babilonya, ay lubhang pinagpala nang isugo sa kaniya ng Diyos ang isang anghel at bigyan siya ng isang pangitain, sa dahilang nagpakumbaba si Daniel sa harap ng Diyos sa paghahanap niya ng patnubay at pagkaunawa.—Dan 10:12.
Ang pagpapakumbaba ay pumapatnubay sa isang tao sa tamang landas at umaakay sa kaniya sa kaluwalhatian, sapagkat ang Diyos ang siyang nagtataas sa isa at nagbababa naman sa iba. (Aw 75:7) “Bago ang pagbagsak ay matayog ang puso ng tao, at bago ang kaluwalhatian ay may kapakumbabaan.” (Kaw 18:12; 22:4) Kaya naman, ang isa na naghahangad ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagpapalalo ay mabibigo, gaya ni Haring Uzias ng Juda, na naging pangahas at umagaw sa tungkulin ng saserdote: “Nang siya ay malakas na, ang kaniyang puso ay nagpalalo hanggang sa naging sanhi pa nga ng kapahamakan, anupat gumawi siya nang di-tapat laban kay Jehova na kaniyang Diyos at pumasok sa templo ni Jehova upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng altar ng insenso.” Nang siya’y magngalit sa mga saserdote dahil sa pagtutuwid nila sa kaniya, kinapitan siya ng ketong. (2Cr 26:16-21) Dahil sa kaniyang kawalan ng kapakumbabaan, si Uzias ay nailihis tungo sa kaniyang pagbagsak.
Nakatutulong sa Panahon ng Kapighatian. Malaki ang maitutulong ng kapakumbabaan sa pagharap sa hamon ng kapighatian. Kapag may dumating na kapahamakan, ang kapakumbabaan ay tumutulong sa isa na manatiling matatag at magbata at magpatuloy sa kaniyang paglilingkod sa Diyos. Maraming kapighatiang dinanas si Haring David. Tinugis siya ni Haring Saul na para bang siya’y isang pugante. Ngunit kailanman ay hindi siya nagreklamo sa Diyos ni itinaas man niya ang kaniyang sarili sa pinahiran ni Jehova. (1Sa 26:9, 11, 23) Nang magkasala siya laban kay Jehova may kaugnayan kay Bat-sheba at sawayin siya nang matindi ng propeta ng Diyos na si Natan, siya’y nagpakumbaba sa harap ng Diyos. (2Sa 12:9-23) Pagkatapos, nang isang Benjamitang nagngangalang Simei ang hayagang manumpa kay David, at ninais patayin ng opisyal ni David na si Abisai ang taong iyon dahil sa kawalang-galang nito sa hari, si David ay nagpamalas ng kapakumbabaan. Sinabi niya kay Abisai: “Narito, ang aking sariling anak, na lumabas mula sa aking sariling mga panloob na bahagi, ay naghahanap sa aking kaluluwa; at gaano pa kaya ngayon ang isang Benjaminita! . . . Marahil ay ititingin ni Jehova ang kaniyang mata, at isasauli nga sa akin ni Jehova ang kabutihan sa halip na ang kaniyang sumpa sa araw na ito.” (2Sa 16:5-13) Nang maglaon naman, binilang ni David ang bayan, salungat sa kalooban ni Jehova. Ang ulat ay kababasahan: “At si David ay pinasimulang bagabagin ng kaniyang puso pagkatapos niyang bilangin nang gayon ang bayan. Kaya sinabi ni David kay Jehova: ‘Ako ay nagkasala nang malubha sa ginawa ko. . . . kumilos ako nang may malaking kamangmangan.’” (2Sa 24:1, 10) Bagaman dumanas siya ng kaparusahan, si David ay hindi inalis bilang hari; malaki ang naitulong ng kaniyang kapakumbabaan upang maisauli siya sa pabor ni Jehova.
Isang Katangian ng Diyos. Ang Diyos na Jehova mismo ang naglalakip ng kapakumbabaan sa kaniyang mga katangian. Ito’y hindi dahil sa anumang kakulangan sa ganang kaniya o dahil nagpapasakop siya sa iba. Sa halip, nagpapamalas siya ng kapakumbabaan kapag nagpapakita ng awa at malaking habag sa nakabababang mga makasalanan. Isang kapahayagan ng kaniyang kapakumbabaan ang pakikitungo niya sa mga makasalanan at paglalaan ng kaniyang Anak bilang isang hain para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Pinahintulutan ng Diyos na Jehova ang kabalakyutan sa loob ng mga 6,000 taon at hinayaan niyang maisilang ang sangkatauhan, bagaman nagkasala ang kanilang amang si Adan. Sa gayon, sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan, pinagpakitaan ng awa ang mga supling ni Adan, anupat binigyan sila ng pagkakataong magtamo ng buhay na walang hanggan. (Ro 8:20, 21) Lahat ng ito, pati na ang iba pang maiinam na katangian ng Diyos, ay nagpapakita ng kaniyang kapakumbabaan.
Nakita at napahalagahan ni Haring David ang katangiang ito sa di-sana-nararapat na kabaitan sa kaniya ng Diyos. Matapos siyang iligtas ni Jehova mula sa kamay ng lahat ng kaniyang mga kaaway, siya’y umawit: “Ibibigay mo sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan, at pinadadakila ako ng iyong kapakumbabaan.” (2Sa 22:36; Aw 18:35) Bagaman sa kaniyang karingalan ay nakaupo siya sa kaniyang mataas na dako sa pinakamataas na kalangitan, maaaring sabihin tungkol kay Jehova: “Sino ang tulad ni Jehova na ating Diyos, siya na tumatahan sa kaitaasan? Siya ay nagpapakababa upang tumingin sa langit at lupa, ibinabangon ang maralita mula sa mismong alabok; itinataas niya ang dukha mula sa hukay ng abo, upang paupuin siyang kasama ng mga taong mahal, kasama ng mga taong mahal ng kaniyang bayan.”—Aw 113:5-8.
Ang Kapakumbabaan ni Jesu-Kristo. Noong siya’y nasa lupa, si Jesu-Kristo ang nagpakita ng pinakadakilang halimbawa ng isang mapagpakumbabang lingkod ng Diyos. Noong gabi bago siya mamatay, binigkisan ni Jesus ang kaniyang sarili ng isang tuwalya at hinugasan at tinuyo ang mga paa ng bawat isa sa kaniyang 12 apostol, isang paglilingkod na karaniwang ginagawa ng mga nakabababa at mga alipin. (Ju 13:2-5, 12-17) Bago nito ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.” (Mat 23:12; Luc 14:11) Natandaan ng apostol na si Pedro, na naroon nang gabing iyon, ang mainam na halimbawa ni Jesus ng pamumuhay ayon sa kaniyang mga salita. Nang maglaon ay pinaalalahanan niya ang kaniyang mga kapananampalataya: “Kayong lahat ay magbigkis ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa . . . Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon.”—1Pe 5:5, 6.
Pinasigla ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano na magkaroon ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Jesu-Kristo. Binanggit niya ang mataas na posisyon ng Anak ng Diyos sa langit kasama ng kaniyang Ama na si Jehova bago siya naging tao, ang kaniyang kusang-loob na paghubad ng kaniyang sarili, pag-aanyong alipin, at pagiging nasa wangis ng tao. Dagdag pa ni Pablo: “Higit pa riyan, nang masumpungan niya [ni Jesus] ang kaniyang sarili sa anyong tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” Ang mismong mga salita ni Jesus tungkol sa gantimpala ng kapakumbabaan ay napatunayang totoo sa kaso niya, gaya ng sinabi pa ng apostol: “Sa mismong dahilan ding ito ay dinakila siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.”—Fil 2:5-11.
Kahit pa nga sa gayong lubhang itinaas na posisyon, kapag ginamit na niya ‘ang lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa’ upang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos may kinalaman sa lupa (Mat 28:18; 6:10), tataglayin pa rin ni Kristo ang gayunding kapakumbabaan sa pagtatapos ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari. Kaya naman sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Kapag ang lahat ng bagay ay naipasakop na sa kaniya, kung magkagayon ay magpapasakop din mismo ang Anak sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.”—1Co 15:28.
Sinabi ni Jesu-Kristo hinggil sa kaniyang sarili: “Ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso.” (Mat 11:29) Nang iharap niya ang kaniyang sarili sa taong-bayan ng Jerusalem bilang kanilang Hari, tinupad niya ang sinabi ng hula tungkol sa kaniya: “Narito! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo. Siya ay matuwid, oo, ligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa asno, isa ngang hustong-gulang na hayop na anak ng asnong babae.” (Zac 9:9; Ju 12:12-16) Sa kaniyang itinaas na makalangit na posisyon, kapag siya’y humayo laban sa mga kaaway ng Diyos, ang utos ay makahulang ibibigay sa kaniya: “Sa iyong karilagan ay magtagumpay ka; sumakay ka alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran.” (Aw 45:4) Samakatuwid, yaong mga mapagpakumbaba ay maaaring magsaya, bagaman sila’y sinisiil at pinagmamalupitan ng mga mapagmapuri at mga palalo. Makatatanggap sila ng kaaliwan sa mga salitang: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zef 2:3.
Ang mga salita ni Jehova sa Israel bago ang pagkawasak ng Jerusalem ay nagbigay ng babala sa mga mapagpakumbaba at umaliw sa kanila sa pagsasabing sa kabila ng lahat, ang Diyos ay kikilos alang-alang sa kanila sa kaniyang takdang panahon. Sinabi niya: “Aalisin ko nga mula sa gitna mo ang iyong mga nagbubunyi nang may kapalaluan; at hindi ka na muling magpapalalo sa aking banal na bundok. At mag-iiwan ako sa gitna mo ng isang bayan na mapagpakumbaba at mababa, at manganganlong sila sa pangalan ni Jehova.” (Zef 3:11, 12) Sa katunayan, ang pagpapakumbaba ay magdudulot ng kaligtasan sa marami, gaya ng nasusulat: “Ang mapagpakumbabang bayan ay ililigtas mo; ngunit ang iyong mga mata ay laban sa mga palalo, upang maibaba mo sila.” (2Sa 22:28) Sa gayo’y tinitiyak sa atin na ililigtas ng Haring si Jesu-Kristo, na sumasakay upang humayo alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran, ang kaniyang bayan na nagpapakumbaba sa harap niya at sa harap ng kaniyang Ama, si Jehova.
Dapat Linangin ng mga Kristiyano ang Kapakumbabaan. Nang pinapayuhan niya ang mga kapuwa Kristiyano na magbihis ng personalidad na “ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito,” sinabi ng apostol na si Pablo: “Alinsunod dito, bilang mga pinili ng Diyos, banal at iniibig, damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.” (Col 3:10, 12) Habang binabanggit ang mainam na halimbawa ni Kristo, pinaalalahanan niya sila: ‘May kababaan ng pag-iisip na ituring na ang iba [sa mga lingkod ng Diyos] ay nakatataas sa inyo.’ (Fil 2:3) Muli ay namanhik siya: “Maging palaisip kayo sa iba na gaya ng sa inyong sarili; huwag magsaisip ng matatayog na bagay, kundi makiayon kayo sa mabababang bagay. Huwag kayong magmarunong sa inyong sariling paningin.”—Ro 12:16.
Sa katulad na diwa, sinabi ni Pablo sa mga Kristiyanong nasa lunsod ng Corinto: “Sapagkat, bagaman malaya ako mula sa lahat ng tao, nagpaalipin ako sa lahat, upang matamo ko ang pinakamaraming tao. Kung kaya sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio, upang matamo ko ang mga Judio; doon sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman ako mismo ay wala sa ilalim ng kautusan, upang matamo ko yaong mga nasa ilalim ng kautusan. Doon sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan, bagaman hindi ako walang kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan kay Kristo, upang matamo ko yaong mga walang kautusan. Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang matamo ko ang mahihina. Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan.” (1Co 9:19-22) Kailangan ang tunay na kapakumbabaan upang magawa ito.
Nagbubunga ng kapayapaan. Ang kapakumbabaan ay nagtataguyod ng kapayapaan. Ang taong mapagpakumbaba ay hindi nakikipag-away sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano upang maitatag ang kaniyang diumano’y personal na “mga karapatan.” Nangatuwiran ang apostol na bagaman mayroon siyang kalayaang gawin ang lahat ng bagay, ang mga bagay na nakapagpapatibay lamang ang kaniyang gagawin, at kung ang budhi ng isang kapatid ay nabagabag dahil sa kaniyang personal na mga pagkilos, iiwasan na niya ang gawaing iyon.—Ro 14:19-21; 1Co 8:9-13; 10:23-33.
Kailangan din ang kapakumbabaan upang mapanatili ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ni Jesus na patawarin ang mga kasalanan ng iba laban sa atin. (Mat 6:12-15; 18:21, 22) At kapag ang isang tao ay nakasakit sa iba, sinusubok nito ang kaniyang kapakumbabaan na sundin ang utos na pumaroon sa isa at aminin ang pagkakamali, at humingi ng kapatawaran. (Mat 5:23, 24) O kapag lumapit sa kaniya ang taong nasaktan, tanging pag-ibig na nilakipan ng kapakumbabaan ang mag-uudyok sa isa na aminin ang pagkakamali at kumilos kaagad upang makipagkasundo. (Mat 18:15; Luc 17:3; ihambing ang Lev 6:1-7.) Ngunit ang mga resultang idudulot ng gayong pagpapakumbaba sa ikapapayapa ng indibiduwal at ng organisasyon ay malayong nakahihigit kaysa sa madarama niyang kahihiyan. Gayundin, dahil sa mapagpakumbabang pagkilos ng indibiduwal na iyon, lalong malilinang at mapatitibay sa kaniya ang mainam na katangian ng kapakumbabaan.
Mahalaga para sa pagkakaisa ng kongregasyon. Ang kapakumbabaan ay makatutulong sa Kristiyano na maging kontento sa mga bagay na tinataglay niya, at tutulong ito sa kaniya na mapanatili ang kagalakan at pagkatimbang. Ang pagtutulungan ng kongregasyong Kristiyano, gaya ng inilarawan ng apostol sa Unang Corinto kabanata 12, ay salig sa pagkamasunurin, kapakumbabaan, at pagpapasakop sa kaayusan ng organisasyon ng Diyos. Samakatuwid, bagaman sinasabihan ang mga lalaking miyembro ng kongregasyon: “Kung ang sinumang lalaki ay umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa, siya ay nagnanasa ng isang mainam na gawa,” sinasabihan din sila na huwag maghangad ng katungkulan dahil sa ambisyon, halimbawa, bilang mga guro ng kongregasyon, sapagkat ang mga ito ay “tatanggap . . . ng mas mabigat na hatol.”—1Ti 3:1; San 3:1.
Ang lahat, mga lalaki at mga babae, ay dapat na maging mapagpasakop sa mga nangunguna at dapat na maghintay kay Jehova para sa anumang paghirang o pag-aatas sa pananagutan, sapagkat siya ang pinagmumulan ng anumang pagtataas ng tungkulin. (Aw 75:6, 7) Gaya ng sabi ng ilan sa mga Levitang anak ni Kora: “Pinili kong tumayo sa pintuan ng bahay ng aking Diyos sa halip na maglibot sa mga tolda ng kabalakyutan.” (Aw 84:10) Panahon ang kailangan upang malinang ang gayong tunay na kapakumbabaan. Nang isinasaad ang mga kuwalipikasyon para sa isa na maaatasan sa katungkulan ng tagapangasiwa, binanggit ng Kasulatan na hindi dapat atasan ang bagong kumberteng lalaki, “dahil baka magmalaki siya at mahulog sa hatol na ipinataw sa Diyablo.”—1Ti 3:6.
Huwad na Kapakumbabaan. Binabalaan ang mga Kristiyano na huwag maging paimbabaw sa pagpapakita ng kapakumbabaan. May posibilidad na ang sinumang nalulugod sa isang pakunwaring kapakumbabaan ay ‘magmalaki nang walang wastong dahilan ayon sa kaniyang makalamang takbo ng pag-iisip.’ Ang taong tunay na mapagpakumbaba ay hindi mag-iisip na ang Kaharian ng Diyos o ang pagpasok doon ay may kinalaman sa kinakain o iniinom o sa hindi kinakain o iniinom ng isa. Ipinakikita ng Bibliya na ang isang tao ay makakakain o makaiinom o maaaring umiwas sa pagkain ng ilang bagay sapagkat nadarama niyang dapat niyang gawin iyon, mula sa isang pangkalusugang pangmalas o alang-alang sa budhi. Ngunit kung inaakala ng isang tao na ang pagkakaroon niya ng kaayaayang katayuan sa Diyos ay nakasalalay sa kung siya ay kumakain, umiinom, o humihipo ng ilang bagay o hindi o kung siya ay nangingilin ng ilang relihiyosong araw o hindi, hindi niya natatanto na ang kaniyang mga pagkilos ay “mayroon ngang kaanyuan ng karunungan sa isang ipinataw-sa-sariling anyo ng pagsamba at pakunwaring kapakumbabaan, isang pagpapahirap sa katawan; ngunit ang mga iyon ay walang halaga sa pakikipagbaka sa pagbibigay-lugod sa laman.”—Col 2:18, 23; Ro 14:17; Gal 3:10, 11.
Dahil sa huwad na kapakumbabaan, ang isang indibiduwal ay maaaring maging palalo, sapagkat baka isipin niya na siya ay matuwid sa ganang kaniyang sarili, o baka inaakala niyang naisasakatuparan niya ang kaniyang layunin anupat nakakalimutan niyang hindi niya madadaya si Jehova. Kapag naging palalo siya, sa kalaunan ay pagpapakumbabain siya sa paraang hindi niya maiibigan. Siya’y ibababa, at maaari itong mangahulugan ng kaniyang pagkapuksa.—Kaw 18:12; 29:23.