Bautismo
Kahulugan: Ang salitang “magbautismo” ay mula sa Griyegong ba·ptiʹzein, na nangangahulugang “magtubog, maglubog.” (A Greek-English Lexicon, nina Liddell at Scott) Ang Kristiyanong bautismo sa tubig ay isang panlabas na sagisag na nagpapahiwatig na ang binabautismuhan ay nakagawa na ng isang lubusan, walang-pasubali at walang-takdang pag-aalay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo upang ganapin ang kalooban ng Diyos na Jehova. Ang mga Kasulatan ay tumutukoy din sa bautismo ni Juan, bautismo sa banal na espiritu, at bautismo sa apoy, bukod pa sa iba.
Ang mga tao ba na talagang naniniwala sa Salita ng Diyos ay nag-aatubiling magpabautismo?
Mat. 28:19, 20: “Humayo nga kayo at gawing alagad ang mga tao sa lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na tinuturuan silang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”
Gawa 2:41: “Yaon ngang tumanggap nang buong-puso sa kaniyang salita ay nangabautismuhan.”
Gawa 8:12: “Nang sumampalataya sila kay Felipe, na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Kristo, ay agad silang nagpabautismo, kapuwa ang mga lalake at babae.”
Gawa 8:36-38: “Samantalang tinatahak nila ang daan, sumapit sila sa dakong may tubig, at ang [Etiopianong] bating ay nagsabi: ‘Narito! May tubig; ano ang nakahahadlang upang ako’y mabautismuhan?’ Kaya’t ipinag-utos niyang itigil ang karo, at . . . binautismuhan siya [ni Felipe].”
Kristiyanong bautismo sa tubig—sa pamamagitan ba ng pagwiwisik o ng lubos na paglulubog?
Mar. 1:9, 10: “Si Jesus . . . ay binautismuhan [“inilubog,” ED, Ro] ni Juan sa [Ilog] Jordan. At karakarakang makaahon sa tubig ay nakita niyang biglang nangabuksan ang mga langit.”
Gawa 8:38: “Silang dalawa’y lumusong sa tubig, kapuwa si Felipe at ang bating; at binautismuhan [“inilubog,” ED, Ro] siya.”
Ang pagbabautismo ba ng mga sanggol ay ginawa ng unang-siglong mga Kristiyano?
Mat. 28:19: “Humayo nga kayo at gawing alagad . . . na binabautismuhan sila.”
Gawa 8:12: “Nang sumampalataya sila kay Felipe . . . ay agad silang nagpabautismo, kapuwa ang mga lalake at babae.”
Subali’t, nang maglaon, sumulat si Origen (185-254 C.E.): “Nakaugalian na ng simbahan na bautismuhan maging ang mga sanggol.” (Selections From the Commentaries and Homilies of Origen, Madras, India; 1929, p. 211) Ang kaugalian ay pinagtibay ng Ikatlong Konsilyo sa Kartago (253 C.E.).
Sumulat ang relihiyosong mananalaysay na si Augustus Neander: “Ang pananampalataya at bautismo ay laging magkaugnay; kaya’t malamang . . . na ang kaugalian ng pagbabautismo sa mga sanggol ay hindi pa nakikilala nang panahong ito [noong unang siglo]. . . . Na unang kinilala ito bilang isang apostolikong tradisyon noong ikatlong siglo, ay katibayan laban sa halip na panig sa apostolikong pinagmulan nito.”—History of the Planting and Training of the Christian Church by the Apostles (Nueba York, 1864), p. 162.
Ang Kristiyanong bautismo sa tubig ay nagbubunga ba ng pagpapatawad sa mga kasalanan?
1 Juan 1:7: “Kung tayo’y nagsisilakad sa liwanag na gaya niyang nasa liwanag, . . . nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.” (Kaya, hindi ang tubig na pangbautismo kundi ang dugo ni Jesus ang siyang naglilinis sa atin mula sa kasalanan.)
Mat. 3:11: “Ako [si Juan Bautista] . . . ay nagbabautismo sa inyo sa tubig dahil sa inyong pagsisisi; datapuwa’t ang dumarating na kasunod ko [si Jesu-Kristo] ay lalong makapangyarihan kaysa akin, anupa’t hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak.” (Ipinakikita ng mga Mat 3 bersikulo 5, 6, gayundin ng Gawa 13:24, na ang ginawa ni Juan ay patungkol sa mga Judio, hindi sa lahat ng tao. Bakit? Dahil sa pagkakasala ng mga Judio laban sa tipang Batas at upang ihanda sila para kay Kristo.)
Gawa 2:38: “Mangagsisi kayo at bawa’t isa sa inyo’y magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Kristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan.” (Ang bautismo ba mismo ay nagdulot sa kanila ng pagpapatawad? Isipin: Ito ay sinabi sa mga Judio na nagtaglay ng pananagutan sa pagkamatay ni Jesus. [Tingnan ang mga Gaw 2 bersikulo 22, 23.] Ang kanilang bautismo ay katibayan ng isang bagay. Ng ano? Na sila ngayo’y sumasampalataya kay Jesus bilang Mesiyas, ang Kristo. Sa pamamagitan lamang nito mapatatawad ang kanilang mga kasalanan. [Gawa 4:12; 5:30, 31])
Gawa 22:16: “Tumindig ka, ikaw ay magpabautismo at hugasan mo ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtawag sa kaniyang pangalan.” (Gayon din ang Gawa 10:43)
Sino ba ang binabautismuhan sa banal na espiritu?
1 Cor. 1:2; 12:13, 27: “Sa inyo na mga pinapaging-banal na kaisa ni Kristo Jesus, na tinawag upang maging mga banal . . . Sapagka’t sa isang espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo’y Judio o Griyego, maging mga alipin o mga laya, at tayong lahat ay pinaiinom sa isang espiritu. Kayo nga ang katawan ni Kristo.” (Gaya ng ipinakikita ng Daniel 7:13, 14, 27, ang gayong “mga banal” ay nakikibahagi sa Kaharian kasama ng Anak ng tao, si Jesu-Kristo.)
Juan 3:5: “Maliban nang ang sinoman ay ipanganak ng tubig at ng espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.” (Ang isa ay ‘ipinanganganak ng espiritu’ sa panahon ng kaniyang pagkabautismo sa espiritung yaon. Ipinakikita ng Lucas 12:32 na isang “munting kawan” lamang ang may ganitong pribilehiyo. Tingnan din ang Apocalipsis 14:1-3.)
Lahat ba ng binabautismuhan sa banal na espiritu ay nakapagsasalita sa mga wika o nagtataglay ng kaloob ng pagpapagaling?
1 Cor. 12:13, 29, 30: “Sapagka’t sa isang espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan . . . Hindi lahat ay mga apostol, hindi ba? . . . Hindi lahat ay gumagawa ng mga himala, hindi ba? Hindi lahat ay may mga kaloob ng pagpapagaling, hindi ba? Hindi lahat ay nakapagsasalita ng mga wika, hindi ba?”
Tingnan din ang “Pagpapagaling” at “Wika, Pagsasalita ng mga.”
‘Bautismo para sa mga patay’—ano ang kahulugan nito?
1 Cor. 15:29, KJ: “Ano ang gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay, kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay? bakit nga sila binabautismuhan dahil sa mga patay?”
Ang Griyegong pang-ukol na hy·perʹ, na dito’y isinasaling “dahil sa,” ay nangangahulugan din ng “sa ibabaw ng,” “alang-alang sa,” “sa halip na,” “sa layunin na,” atb. (A Greek-English Lexicon, nina Liddell at Scott) Ano ang kahulugan nito sa tekstong ito? Iminumungkahi ba ni Pablo ang pagbabautismo sa mga taong nabubuhay alang-alang sa mga nangamatay na hindi nabautismuhan?
Ang tanging mga kasulatan na bumabanggit sa kamatayan kaugnay ng bautismo ay tumutukoy sa isang bautismo na nararanasan mismo ng indibiduwal, hindi isang bautismo alang-alang sa ibang tao, isa na namatay na
Roma 6:3: “Hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Kristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan?” (Gayundin ang Marcos 10:38, 39)
Col. 2:12: “Sapagka’t kayo [ang nangabubuhay na miyembro ng kongregasyon sa Colosas] ay nangalibing na kalakip niya sa kaniyang bautismo, at dahil sa kaugnayan ninyo sa kaniya kayo’y muling binubuhay na kalakip niya sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa paggawa ng Diyos, na muling nagbangon sa kaniya mula sa mga patay.”
Ang salin ng “New World Translation” ay naaalinsunod sa balarila at kasuwato ng mga tekstong ito sa Bibliya
1 Cor. 15:29: “Sa ibang paraan, ano ang gagawin ng mga binabautismuhan sa layuning maging mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na muling bubuhayin kailanman, bakit pa nga sila binabautismuhan sa layuning maging mga tulad nito?” (Kaya sila ay binabautismuhan, o inilulubog, sa isang landasin ng buhay na aakay sa isang kamatayan na may katapatan tulad niyaong kay Kristo at sa pagkabuhay-muli tungo sa buhay-espiritu na katulad niya.)
Ano ang ibinubunga ng bautismo sa apoy?
Luc. 3:16, 17: “Siya [si Jesu-Kristo] ay magbabautismo sa inyo sa . . . apoy. Hawak na niya ang kaniyang kalaykay upang linising lubos ang kaniyang giikan . . . Susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay.” (Ang pagkalipol nito ay magpakailanman.)
Mat. 13:49, 50: “Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay: lalabas ang mga anghel at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid at sila’y igagatong sa nag-aapoy na hurno.”
Luc. 17:29, 30: “Nang araw na lumisan si Lot sa Sodoma ay umulan ng apoy at asupre mula sa langit at nilipol silang lahat. Gayon din naman ang mangyayari sa araw ng paghahayag sa Anak ng tao.”
Hindi katulad ng bautismo sa banal na espiritu, na nauukol sa mga alagad
Gawa 1:5: “Sapagka’t tunay ngang si Juan ay nagbautismo sa tubig, datapuwa’t kayo [ang tapat na mga apostol ni Jesus] ay babautismuhan sa banal na espiritu hindi na matatagalan pa.”
Gawa 2:2-4: “Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan. At mga dilang kawangis ng apoy ang napakita sa kanila at ipinamahagi sa lahat, at dumapo [subali’t hindi bumalot o tumaklob] sa bawa’t isa sa kanila, at silang lahat ay nangapuspos ng banal na espiritu at nangagpasimulang magsalita ng iba’t-ibang wika, ayon sa ipinagkaloob ng espiritu na kanilang salitain.”