Pamilya at Pakikipagkaibigan
Nahihirapan ang marami na panatilihing maganda ang kaugnayan nila sa kanilang kapamilya at kaibigan. Tingnan ang ilang prinsipyo sa Bibliya na makatutulong sa iyo.
HUWAG MAGING MAKASARILI
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “[Isaisip] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”—Filipos 2:4.
ANG IBIG SABIHIN NITO: Magiging maganda ang kaugnayan natin sa iba kapag nakapokus tayo sa maibibigay natin, hindi sa makukuha natin. Kung makasarili ka, masisira ang kaugnayan mo sa iba. Halimbawa, kung makasarili ang isa, puwede siyang magtaksil sa asawa niya. Wala ring gustong makipagkaibigan sa tao na bukambibig ang mga pag-aari niya at mga nalalaman niya. Kaya gaya ng sinasabi ng aklat na The Road to Character, “walang magandang patutunguhan ang pagiging makasarili.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Tumulong sa iba. Ang matibay na pagkakaibigan ay resulta ng tiwala sa isa’t isa at pagiging handang tumulong. Ipinapakita ng ilang pag-aaral na ang mga matulungin ay hindi gaanong nadedepres at mas may kumpiyansa sa sarili.
Magpakita ng empatiya. Sinasabi na ang empatiya ay ang pagkadama sa kirot na nadarama ng iba. Kung may empatiya ka, hindi ka magiging sarkastiko, ibig sabihin, iiwasan mo ang pagbibiro na makasasakit sa iba.
Kung may empatiya ka, mauunawaan mo ang iba. Kaya hindi ka magtatangi, at makikipagkaibigan ka rin sa iba ang kultura o pinagmulan.
Maglaan ng panahon sa iba. Kapag lagi mong nakakasama ang iba, mas nakikilala mo sila. Kailangan ang makabuluhang pag-uusap para lumalim ang pagkakaibigan. Kaya makinig na mabuti. Maging interesado sa ikinababahala ng mga kaibigan mo. Ipinapakita ng isang pag-aaral kamakailan na “ang makabuluhang pakikipag-usap ay nakapagpapasaya sa mga tao.”
MAGING MATALINO SA PAGPILI NG KAIBIGAN
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.”—1 Corinto 15:33.
ANG IBIG SABIHIN NITO: Malaki ang impluwensiya sa iyo ng mga nakakasama mo—sa ikabubuti o ikasasamâ. Sang-ayon diyan ang mga eksperto sa paggawi ng tao. Halimbawa, sinasabi nila na kung ang mga kaibigan mo ay naninigarilyo o nakikipagdiborsiyo, mas malamang na manigarilyo o makipagdiborsiyo ka rin.
ANG PUWEDE MONG GAWIN: Makipagkaibigan sa mga taong may mga katangian at pamantayan na hinahangaan mo o gusto mong tularan. Halimbawa, makisama sa mga makonsiderasyon, magalang, bukas-palad, at mapagpatuloy.
IBA PANG PRINSIPYO SA BIBLIYA
IWASANG MAGSALITA NG MASAKIT.
“Ang mga salitang hindi pinag-isipan ay gaya ng mga saksak ng espada.”—KAWIKAAN 12:18.
MAGING MAPAGBIGAY.
“Ang taong bukas-palad ay sasagana.”—KAWIKAAN 11:25.
PAKITUNGUHAN ANG IBA GAYA NG PAKIKITUNGONG GUSTO MO.
“Lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.”—MATEO 7:12.