Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Kaya Maiiwasan ang Pakikisama sa Di-kanais-nais na mga Tao?
“Nagsimula akong makisama sa isang batang babae sa paaralan. . . . Hindi siya gumagamit ng droga, nakikipagparti, o imoral. Hindi man lamang siya nagmumura, at matataas ang grado niya sa paaralan. Pero masama talaga siyang kasama.”—Beverly.a
BAKIT kaya ganito ang naging konklusyon ni Beverly? Napagtanto niya ngayon na ang batang babaing ito ang nakaimpluwensiya sa kaniya na masangkot sa masasamang kausuhan. “Habang nakikisama ako sa kaniya,” ang paliwanag ni Beverly, “nasangkot din ako sa espiritistikong mga aklat, anupat nakapagsulat pa nga ako ng kuwentong may kinalaman sa espiritismo.”
Isang kabataang nagngangalang Melanie ang naakay rin sa maling paggawi—pero ng isang taong nag-aangking kapuwa Kristiyano! Paano mo malalaman kung ang isang tao ay malamang na maging mabuting kasama? Lagi bang mapanganib na maging malapít sa mga di-sumasampalataya? Lagi bang ligtas ang pakikipagkaibigan sa kapuwa mga Kristiyano?
Kumusta naman ang pakikipagkaibigan sa isang di-kasekso? Kung isinasaalang-alang mo na ang isa bilang potensiyal na mapapangasawa, paano mo malalaman kung malamang na magiging mabuti ang pakikipag-ugnayan sa kaniya? Tingnan natin kung paano makatutulong ang mga simulain sa Bibliya upang masagot ang mga tanong na ito.
Anong Uri ng mga Kaibigan ang Mabuti?
Dapat bang mag-atubili si Beverly sa pakikipagkaibigan sa kaeskuwela niya dahil hindi ito mananamba ng tunay na Diyos? Totoo, hindi iniisip ng tunay na mga Kristiyano na ang isang tao ay hindi disente o kaya ay imoral dahil lamang hindi ito kapananampalataya. Subalit may kinalaman sa pagiging malapít, may dahilan para mag-ingat. Binabalaan ni apostol Pablo ang mga kabilang sa kongregasyon sa Corinto noong unang siglo: “Ang masasamang kasama’y nakasisira ng magagandang ugali.” (1 Corinto 15:33, Magandang Balita Biblia) Ano ang ibig niyang sabihin?
Malaki ang posibilidad na ang ilan sa mga Kristiyanong iyon sa Corinto ay nakikisama sa mga Epicureo, mga tagasunod ng pilosopong Griego na si Epicurus. Oo, tinuruan ni Epicurus ang kaniyang mga tagasunod na mamuhay ayon sa katinuan, lakas ng loob, pagpipigil sa sarili, at katarungan. Sinabihan pa nga niya silang huwag gumawa ng lihim na pagkakasala. Kaya bakit ituturing ni Pablo na “masasamang kasama” ang mga Epicureo, at maging ang mga nasa loob ng kongregasyon na may gayunding mga ideya?
Ang mga Epicureo ay hindi mga mananamba ng tunay na Diyos. Yamang hindi sila naniniwala sa pagkabuhay-muli ng mga patay, ang kanilang pansin ay nasa pagpapakasasa na lamang sa kanilang kasalukuyang buhay. (Gawa 17:18, 19, 32) Hindi nakapagtataka, kung gayon, na dahil sa palaging pakikisama sa kanila, ang ilan sa kongregasyon sa Corinto ay nagsimulang mawalan ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli. Iyan ang dahilan kung bakit ang 1 Corinto kabanata 15—kung saan natin mababasa ang babala ni Pablo laban sa masasamang kasama—ay punung-puno ng mga argumentong nilayon upang muling kumbinsihin ang sinaunang mga Kristiyanong iyon na totoo ang pag-asa na pagkabuhay-muli.
Ang punto? Kahit ang di-makadiyos na mga tao ay may maiinam na katangian. Ngunit kung pipiliin mo silang maging matatalik na kaibigan, maaapektuhan ang iyong pag-iisip, pananampalataya, at paggawi. Kaya naman, sa kaniyang ikalawang sulat sa mga taga-Corinto, sinabi ni Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.”—2 Corinto 6:14-18.
Natutuhan ni Fred, edad 16, ang karunungan ng mga salita ni Pablo. Sumang-ayon siya noong una na sumali sa isang proyektong ekstrakurikular sa paaralan kung saan kailangan silang maglakbay sa isang papaunlad na bansa upang magturo sa mga bata roon. Gayunman, nang siya at ang kaniyang kapuwa mga estudyante ay sama-samang naghahanda, nagbago ang isip ni Fred. Sinabi niya: “Nakikita ko na ang paggugol ng maraming oras kasama nila ay hindi makabubuti sa akin sa espirituwal.” Sa dahilang ito, ipinasiya ni Fred na hindi na sumali sa proyekto at tumulong na lamang sa mahihirap na tao sa ibang paraan.
Pakikipagkaibigan sa mga Kapuwa Kristiyano
Gayunman, kumusta naman ang pakikipagkaibigan sa loob ng kongregasyong Kristiyano? Noong sumulat si Pablo sa kabataang si Timoteo, nagbabala siya: “Sa isang malaking bahay ay may mga sisidlan na hindi lamang ginto at pilak kundi kahoy at luwad din, at ang ilan ay para sa isang marangal na layunin ngunit ang iba ay para sa isang layuning walang dangal. Kung ang sinuman nga ay nananatiling hiwalay sa mga huling nabanggit, siya ay magiging isang sisidlan para sa isang marangal na layunin, pinabanal, kapaki-pakinabang sa may-ari sa kaniya, naihanda para sa bawat gawang mabuti.” (2 Timoteo 2:20, 21) Samakatuwid, hindi pinagtakpan ni Pablo ang katotohanan na maging sa mga Kristiyano, maaaring may ilang hindi gumagawi nang marangal. At ganoon din siya kaprangka nang payuhan niya si Timoteo na manatiling hiwalay sa gayong uri ng mga tao.
Nangangahulugan ba ito na dapat kang maging mapaghinala sa iyong mga kapuwa Kristiyano? Hindi naman. Hindi rin ito nangangahulugang dapat mong asahan na walang pagkukulang ang iyong mga kaibigan. (Eclesiastes 7:16-18) Gayunman, hindi nangangahulugan na magandang piliin na maging matalik na kaibigan ang isang kabataan dahil lamang sa dumadalo ito sa mga pulong Kristiyano o may mga magulang na masisigasig sa kongregasyon.
“Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang bata kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid,” ang sabi ng Kawikaan 20:11. Samakatuwid, isang katalinuhan kung isasaalang-alang mo: Ang kaugnayan ba ng taong ito kay Jehova ang pinakamahalagang bagay sa kaniyang buhay? O, sa halip, may katibayan ba na ang kaniyang pag-iisip at saloobin ay nagpapaaninag ng “espiritu ng sanlibutan”? (1 Corinto 2:12; Efeso 2:2) Ang pakikisama mo ba sa kaniya ay nagpapasidhi sa iyong paghahangad na sambahin si Jehova?
Kung pipiliin mo ang mga kaibigang may masidhing pag-ibig kay Jehova at sa espirituwal na mga bagay, hindi mo lamang maiiwasan ang mga suliranin kundi makasusumpong ka rin ng higit na lakas na paglingkuran ang Diyos. Sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, kapayapaan, kasama niyaong mga tumatawag sa Panginoon mula sa isang malinis na puso.”—2 Timoteo 2:22.
Pakikipagkaibigan sa Di-kasekso
Kung nasa edad ka na at gusto mong mag-asawa, napag-isipan mo na ba kung paano makaaapekto sa iyong pagpili ng mapapangasawa ang gayunding mga simulain? Maraming salik ang maaaring dahilan kung bakit naaakit ka sa iyong mapapangasawa, pero wala nang mas mahalaga pa kaysa sa espirituwal na katayuan ng isang tao.
Kaya paulit-ulit na nagbababala ang Bibliya laban sa pag-aasawa ng isang taong hindi “sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39; Deuteronomio 7:3, 4; Nehemias 13:25) Totoo, ang mga taong hindi kapananampalataya ay maaaring responsable, disente, at mapagmalasakit. Subalit di-tulad mo, wala silang pangganyak upang linangin ang gayong mga katangian at ingatan ang pag-aasawa sa paglipas ng mga taon.
Sa kabilang banda, ang isang nakaalay kay Jehova at matapat sa kaniya ay sadyang naglilinang ng mga katangiang Kristiyano at nagsasanggalang sa mga ito, anuman ang mangyari. Nauunawaan niya na iniuugnay ng Bibliya ang pag-ibig sa kabiyak at ang mabuting kaugnayan kay Jehova. (Efeso 5:28, 33; 1 Pedro 3:7) Kung gayon, kapag iniibig ng magkabiyak si Jehova, may pinakamatibay silang dahilan upang manatiling tapat sa isa’t isa.
Nangangahulugan ba ito na ang pag-aasawa sa gitna ng mga magkakapananampalataya ay garantisadong magtatagumpay? Hindi. Halimbawa, kung mag-aasawa ka ng isang taong may kakaunting interes lamang sa espirituwal na mga bagay, ano ang maaaring mangyari? Yamang hindi siya nasangkapang labanan ang panggigipit ng sistemang ito, ang isang taong mahina sa espirituwal ay mas malamang na maanod papalayo mula sa kongregasyong Kristiyano. (Filipos 3:18; 1 Juan 2:19) Isip-isipin ang sakit ng damdamin at alitang pangmag-asawa na mapapaharap sa iyo kapag ang iyong kabiyak ay nalulong sa “mga karungisan ng sanlibutan.”—2 Pedro 2:20.
Bago ka pumasok sa pakikipag-ugnayan na maaaring humantong sa pag-aasawa, isaalang-alang mo: Nakikita ba kung isang espirituwal na tao siya? Nagpapakita ba siya ng mainam na halimbawa ng Kristiyanong pamumuhay? Malalim ba ang pagkakaugat ng katotohanan ng Bibliya sa taong ito, o kailangan pa niya ng panahon upang sumulong sa espirituwal? Kumbinsido ka ba na ang pangunahing pangganyak sa kaniyang buhay ay ang pag-ibig niya kay Jehova? Makatutulong kung alam mo na ang taong iyon ay may mainam na reputasyon. Gayunman, sa kahuli-hulihan, dapat kang makumbinsi na ang nagugustuhan mong tao ay talagang umiibig kay Jehova at malamang na maging mainam na kapareha sa pag-aasawa.
Tandaan din na ang ilang naaakit sa “di-kanais-nais na mga tao” ay una munang naaakit sa di-kanais-nais na mga bagay—tulad ng isang anyo ng di-angkop na libangan o gawain. Hindi sasama sa iyo sa gayong mga gawain ang ulirang mga kabataan sa kongregasyong Kristiyano. Kaya suriin ang iyong puso.
Kung matuklasan mong kailangang disiplinahin ang iyong puso, huwag kang mawalan ng pag-asa. Nadidisiplina ang puso. (Kawikaan 23:12) Ang pinakamahalagang punto ay: Ano ba talaga ang gusto mo? Gusto mo bang maakit sa kung ano ang mabuti at sa mga taong gumagawa nito? Sa tulong ni Jehova, malilinang mo ang ganiyang uri ng puso. (Awit 97:10) At sa pagsasanay sa iyong kakayahang makilala ang tama sa mali, mas madali mong malalaman kung sino ang magiging mabuti at nakapagpapatibay na mga kaibigan.—Hebreo 5:14.
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.
[Larawan sa pahina 26]
Ang mabubuting kasama ay may positibong espirituwal na impluwensiya