Si Kristo ang Nangunguna sa Kaniyang Kongregasyon
“Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—MATEO 28:20.
1, 2. (a) Nang ibigay ang utos na gumawa ng mga alagad, ano ang ipinangako ng binuhay-muling si Jesus sa kaniyang mga tagasunod? (b) Paano aktibong nanguna si Jesus sa sinaunang kongregasyong Kristiyano?
BAGO umakyat sa langit, nagpakita si Jesu-Kristo, ang binuhay-muling Lider natin, sa kaniyang mga alagad at nagsabi: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 23:10; 28:18-20.
2 Hindi lamang iniatas ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang nagliligtas-buhay na paggawa ng higit pang alagad kundi nangako rin na siya ay sasakanila. Walang-alinlangang ipinakikita ng kasaysayan ng sinaunang Kristiyanismo, gaya ng nakaulat sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa, na ginamit ni Kristo ang awtoridad na ibinigay sa kaniya upang manguna sa bagong-tatag na kongregasyon noon. Ipinadala niya ang ipinangakong “katulong”—ang banal na espiritu—upang palakasin ang kaniyang mga tagasunod at upang gabayan ang kanilang mga pagsisikap. (Juan 16:7; Gawa 2:4, 33; 13:2-4; 16:6-10) Ginamit ng binuhay-muling si Jesus ang mga anghel na nasa ilalim ng kaniyang pangunguna upang suportahan ang kaniyang mga alagad. (Gawa 5:19; 8:26; 10:3-8, 22; 12:7-11; 27:23, 24; 1 Pedro 3:22) Bukod dito, naglaan din ang ating Lider ng patnubay sa kongregasyon sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa mga kuwalipikadong lalaki upang maglingkod bilang lupong tagapamahala.—Gawa 1:20, 24-26; 6:1-6; 8:5, 14-17.
3. Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Kumusta naman sa ating panahon, ang “katapusan ng sistema ng mga bagay”? Paano nangunguna si Jesu-Kristo sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon? At paano natin maipakikita na tinatanggap natin ang kaniyang pangunguna?
May Tapat na Alipin ang Panginoon
4. (a) Sino ang bumubuo sa “tapat at maingat na alipin”? (b) Ano ang ipinagkatiwala ng Panginoon sa alipin?
4 Nang ibigay niya ang hula tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto, sinabi ni Jesus: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gayon ang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Ang “panginoon” ay ang ating Lider, si Jesu-Kristo, at inatasan niya “ang tapat at maingat na alipin”—ang lupon ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa—sa lahat ng kaniyang mga kapakanan sa lupa.
5, 6. (a) Sa isang pangitain na natanggap ni apostol Juan, ano ang inilalarawan ng “pitong ginintuang kandelero” at ng “pitong bituin”? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na nasa kanang kamay ni Jesus “ang pitong bituin”?
5 Ipinakikita ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis na ang tapat at maingat na alipin ay tuwirang nasa ilalim ng kontrol ni Jesu-Kristo. Sa isang pangitain tungkol sa “araw ng Panginoon,” nakita ni apostol Juan ang “pitong ginintuang kandelero, at sa gitna ng mga kandelero ay may isang tulad ng anak ng tao” na “sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin.” Nang ipaliwanag ang pangitain kay Juan, sinabi ni Jesus: “Kung tungkol sa sagradong lihim ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ng pitong ginintuang kandelero: Ang pitong bituin ay nangangahulugang mga anghel ng pitong kongregasyon, at ang pitong kandelero ay nangangahulugang pitong kongregasyon.”—Apocalipsis 1:1, 10-20.
6 Inilalarawan ng “pitong ginintuang kandelero” ang lahat ng tunay na kongregasyong Kristiyano na umiiral sa “araw ng Panginoon,” na nagsimula noong 1914. Subalit kumusta naman ang tungkol sa “pitong bituin”? Noong una, sumasagisag ang mga ito sa lahat ng inianak-sa-espiritu at pinahirang mga tagapangasiwa na nangangalaga sa mga kongregasyon noong unang siglo.a Ang mga tagapangasiwa ay nasa kanang kamay ni Jesus—nasa ilalim ng kaniyang kontrol at patnubay. Oo, si Kristo Jesus ang nanguna sa kalipunang uring alipin. Gayunman, ngayon ay kaunti na lamang ang bilang ng mga pinahirang tagapangasiwa. Paano makaaabot ang pangunguna ni Kristo sa mahigit na 93,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa?
7. (a) Paano ginagamit ni Jesus ang Lupong Tagapamahala upang maglaan ng pangunguna sa mga kongregasyon sa buong lupa? (b) Bakit masasabi na hinirang ng banal na espiritu ang mga Kristiyanong tagapangasiwa?
7 Gaya noong unang siglo, isang maliit na grupo ng mga kuwalipikadong lalaki mula sa mga pinahirang tagapangasiwa ngayon ang naglilingkod bilang Lupong Tagapamahala, na kumakatawan sa kalipunang tapat at maingat na alipin. Ginagamit ng ating Lider ang Lupong Tagapamahalang ito upang humirang ng kuwalipikadong mga lalaki—pinahiran man ng espiritu o hindi—bilang matatanda sa mga lokal na kongregasyon. May kaugnayan dito, ang banal na espiritu, na ipinahintulot ni Jehova na gamitin ni Jesus, ay gumaganap ng isang napakahalagang papel. (Gawa 2:32, 33) Una sa lahat, dapat maabot ng mga tagapangasiwang ito ang mga kahilingan na nakasaad sa Salita ng Diyos, na kinasihan ng banal na espiritu. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9; 2 Pedro 1:20, 21) Ang mga rekomendasyon at mga paghirang ay ginagawa pagkatapos manalangin at sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu. Bukod dito, makikita sa mga hinirang na indibiduwal na nagluluwal sila ng mga bunga ng espiritung iyan. (Galacia 5:22, 23) Kung gayon, ang payo ni Pablo ay pare-parehong kumakapit sa lahat ng matatanda, pinahiran man o hindi: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa.” (Gawa 20:28) Ang mga hinirang na lalaking ito ay tumatanggap ng patnubay mula sa Lupong Tagapamahala at kusang-loob na nagpapastol sa kongregasyon. Sa ganitong paraan, si Kristo ay sumasaatin ngayon at aktibong nangunguna sa kongregasyon.
8. Paano ginagamit ni Kristo ang mga anghel upang manguna sa kaniyang mga tagasunod?
8 Ginagamit din ni Jesus ang aktuwal na mga anghel upang manguna sa kaniyang mga tagasunod sa ngayon. Ayon sa ilustrasyon tungkol sa trigo at mga panirang damo, sasapit ang panahon ng pag-aani sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sino ang gagamitin ng Panginoon upang mag-ani? “Ang mga manggagapas ay mga anghel,” ang sabi ni Kristo. Sinabi pa niya: “Isusugo ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at titipunin nila mula sa kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na sanhi ng ikatitisod at yaong mga gumagawa ng katampalasanan.” (Mateo 13:37-41) Bukod dito, kung paanong isang anghel ang umakay kay Felipe upang masumpungan niya ang bating na Etiope, marami rin namang katibayan ngayon na ginagamit ni Kristo ang kaniyang mga anghel upang akayin ang gawain ng tunay na mga Kristiyano may kinalaman sa paghahanap ng mga tapat-pusong tao.—Gawa 8:26, 27; Apocalipsis 14:6.
9. (a) Sa pamamagitan ng ano nangunguna si Kristo sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon? (b) Anong tanong ang dapat nating isaalang-alang kung gusto nating makinabang mula sa pangunguna ni Kristo?
9 Talagang nakapagpapatibay-loob na malaman na naglalaan ng pangunguna si Jesus sa kaniyang mga alagad sa ngayon sa pamamagitan ng Lupong Tagapamahala, ng banal na espiritu, at ng mga anghel! Kahit na ang ilan sa mga mananamba ni Jehova ay pansamantalang mahiwalay sa Lupong Tagapamahala dahil sa pag-uusig o iba pang kadahilanan, maglalaan pa rin ng pangunguna si Kristo sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng suporta ng mga anghel. Gayunman, nakikinabang lamang tayo sa kaniyang pangunguna kapag tinatanggap natin ito. Paano natin maipakikita na talagang tinatanggap natin ang pangunguna ni Kristo?
“Maging Masunurin Maging Mapagpasakop”
10. Paano tayo makapagpapakita ng paggalang sa hinirang na matatanda sa kongregasyon?
10 Ang ating Lider ay nagbigay sa mga kongregasyon ng “mga kaloob na mga tao”—“ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro.” (Efeso 4:8, 11, 12) Ang ating saloobin at mga pakikitungo sa kanila ay malinaw na nagsisiwalat kung tinatanggap natin ang pangunguna ni Kristo. Wasto lamang na ‘ipakita nating tayo ay mapagpasalamat’ dahil sa ibinigay ni Kristo na mga lalaking kuwalipikado sa espirituwal na paraan. (Colosas 3:15) Karapat-dapat din natin silang igalang. “Ang matatandang lalaki na namumuno sa mahusay na paraan ay kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan,” ang sulat ni apostol Pablo. (1 Timoteo 5:17) Paano natin maipakikita ang ating pasasalamat at pagpapahalaga para sa matatandang lalaki—matatanda, o mga tagapangasiwa—sa kongregasyon? Sumasagot si Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop.” (Hebreo 13:17) Oo, dapat tayong sumunod at maging mapagpasakop, magbigay-daan, sa kanila.
11. Bakit ang paggalang sa kaayusan hinggil sa matatanda ay isang pitak ng pamumuhay ayon sa ating bautismo?
11 Sakdal ang ating Lider. Ang mga lalaking ibinigay niya bilang mga kaloob ay hindi. Kaya maaari silang magkamali kung minsan. Gayunman, mahalaga na manatili tayong matapat sa kaayusan ni Kristo. Sa katunayan, ang pamumuhay ayon sa ating pag-aalay at bautismo ay nangangahulugang kinikilala natin ang pagiging lehitimo ng awtoridad sa kongregasyon na hinirang ng espiritu at kusang-loob na nagpapasakop dito. Ang ating bautismo ‘sa pangalan ng banal na espiritu’ ay isang pangmadlang kapahayagan na batid natin kung ano ang banal na espiritu at kinikilala natin ang papel na ginagampanan nito sa mga layunin ni Jehova. (Mateo 28:19) Ipinahihiwatig ng gayong bautismo na nakikipagtulungan tayo sa espiritu at iniiwasan nating hadlangan ang pagkilos nito sa mga tagasunod ni Kristo. Yamang gumaganap ng napakahalagang papel ang banal na espiritu sa pagrerekomenda at paghirang ng matatanda, talaga bang magiging tapat tayo sa ating pag-aalay kung hindi tayo nakikipagtulungan sa kaayusan hinggil sa matatanda sa kongregasyon?
12. Anong mga halimbawa ng di-paggalang sa awtoridad ang binanggit ni Judas, at ano ang itinuturo ng mga ito sa atin?
12 Ang Kasulatan ay naglalaman ng mga halimbawa na nagtuturo sa atin ng kahalagahan ng pagsunod at pagpapasakop. Sa pagtukoy sa mga nagsalita nang may pang-aabuso sa mga hinirang na lalaki sa kongregasyon, itinawag-pansin ng alagad na si Judas ang tatlong babalang halimbawa, na sinasabi: “Sa aba nila, sapagkat sila ay lumakad sa landas ni Cain, at sumugod sa maling landasin ni Balaam dahil sa gantimpala, at nalipol sa mapaghimagsik na salita ni Kora!” (Judas 11) Ipinagwalang-bahala ni Cain ang maibiging payo ni Jehova at kusang itinaguyod ang isang landasin ng nakamamatay na pagkapoot. (Genesis 4:4-8) Sa kabila ng natanggap na paulit-ulit na mga babala mula sa Diyos, sinikap ni Balaam na sumpain ang bayan ng Diyos kapalit ng pinansiyal na gantimpala. (Bilang 22:5-28, 32-34; Deuteronomio 23:5) Si Kora ay may marangal na tungkulin sa Israel, ngunit hindi pa iyon sapat sa kaniya. Nagsulsol siya ng paghihimagsik laban sa lingkod ng Diyos na si Moises, ang pinakamaamong lalaki sa lupa. (Bilang 12:3; 16:1-3, 32, 33) Dumanas ng kapahamakan sina Cain, Balaam, at Kora. Kaylinaw na turo ang ibinibigay sa atin ng mga halimbawang ito na makinig sa payo ng mga ginagamit ni Jehova sa paghawak ng pananagutan at igalang sila!
13. Anong mga pagpapala ang inihula ni propeta Isaias para sa mga nagpapasakop sa kaayusan hinggil sa matatanda?
13 Sino ba ang hindi magnanais na makinabang sa dakilang kaayusan sa pangangasiwa na itinatag ng ating Lider sa kongregasyong Kristiyano? Inihula ni propeta Isaias ang mga pagpapala nito, na sinasabi: “Narito! Isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, mamamahala sila bilang mga prinsipe ukol sa katarungan. At ang bawat isa ay magiging gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.” (Isaias 32:1, 2) Bawat isa sa matatanda ay dapat na maging gayong ‘dako’ ng proteksiyon at kaligtasan. Kahit na mahirap para sa atin na magpasakop sa awtoridad, taimtim nating sikapin na maging masunurin at mapagpasakop sa hinirang-ng-Diyos na awtoridad sa loob ng kongregasyon.
Kung Paano Nagpapasakop ang Matatanda sa Pangunguna ni Kristo
14, 15. Paano ipinakikita ng mga nangunguna sa kongregasyon na nagpapasakop sila sa pangunguna ni Kristo?
14 Bawat Kristiyano—lalo na ang matatanda—ay dapat sumunod sa pangunguna ni Kristo. Ang matatanda, o mga tagapangasiwa, ay may isang antas ng awtoridad sa kongregasyon. Ngunit hindi nila sinisikap na maging ‘mga panginoon sa pananampalataya ng kanilang mga kapananampalataya’ sa pamamagitan ng pagtatangkang kontrolin ang buhay ng mga ito. (2 Corinto 1:24) Dinidibdib ng matatanda ang mga salita ni Jesus: “Alam ninyo na ang mga tagapamahala ng mga bansa ay namamanginoon sa kanila at ang mga dakilang tao ay gumagamit ng awtoridad sa kanila. Hindi ganito ang paraan sa inyo.” (Mateo 20:25-27) Habang tinutupad ng matatanda ang kanilang pananagutan, taimtim nilang sinisikap na paglingkuran ang iba.
15 Hinihimok ang mga Kristiyano: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo, . . . at habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” (Hebreo 13:7) Hindi ito hinihiling dahil sa ang matatanda ay mga lider. Sinabi ni Jesus: “Ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.” (Mateo 23:10) Ang pananampalataya ng matatanda ang dapat tularan sapagkat tinutularan nila ang ating tunay na Lider, si Kristo. (1 Corinto 11:1) Isaalang-alang ang ilang paraan kung paano sinisikap ng matatanda na maging tulad-Kristo sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba sa kongregasyon.
16. Sa kabila ng taglay niyang awtoridad, paano pinakitunguhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod?
16 Bagaman nakatataas si Jesus sa di-sakdal na mga tao sa lahat ng paraan at nagtataglay ng walang-kapantay na awtoridad na galing sa kaniyang Ama, may-kahinhinan siyang nakitungo sa kaniyang mga alagad. Hindi niya pinahanga ang kaniyang mga tagapakinig sa pamamagitan ng pagpapasikat ng kaalaman. Ipinakita ni Jesus na matalas ang kaniyang pakiramdam at mahabagin siya sa kaniyang mga tagasunod, anupat isinasaalang-alang ang kanilang mga pangangailangan bilang tao. (Mateo 15:32; 26:40, 41; Marcos 6:31) Hindi niya kailanman hiniling ang higit sa makakaya ng kaniyang mga alagad, at hindi niya kailanman ipinapasan sa kanila ang higit sa kaya nilang pasanin. (Juan 16:12) Si Jesus ay “mahinahong-loob at mababa ang puso.” Kaya naman, hindi kataka-taka na para sa marami ay nakagiginhawa siya.—Mateo 11:28-30.
17. Paano dapat ipakita ng matatanda ang tulad-Kristong kahinhinan sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba sa kongregasyon?
17 Kung si Kristo na Lider ay nagpamalas ng kahinhinan, lalo pa ngang dapat magpamalas ng gayon ang mga nangunguna sa kongregasyon! Oo, iniingatan nila na hindi abusuhin ang anumang awtoridad na ipinagkatiwala sa kanila. At hindi sila kumikilos “taglay ang karangyaan ng pananalita,” anupat sinisikap na pahangain ang iba. (1 Corinto 2:1, 2) Sa halip, sinisikap nilang salitain ang maka-Kasulatang katotohanan sa paraang simple at taimtim. Bukod dito, sinisikap ng matatanda na maging makatuwiran sa kanilang mga inaasahan sa iba at maging makonsiderasyon sa mga pangangailangan ng mga ito. (Filipos 4:5) Palibhasa’y batid na ang lahat ay may mga limitasyon, maibigin nilang isinasaalang-alang ang mga ito sa pakikitungo sa kanilang mga kapatid. (1 Pedro 4:8) At hindi ba tunay na nakagiginhawa ang matatanda na mapagpakumbaba at mahinahong-loob? Tiyak na gayon nga.
18. Ano ang matututuhan ng matatanda mula sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga bata?
18 Si Jesus ay madaling lapitan, maging ng mga nakabababa. Isaalang-alang ang kaniyang tugon nang sawatain ng kaniyang mga alagad ang mga tao dahil sa ‘dinala sa kaniya ang mga bata.’ “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata,” ang sabi ni Jesus, “huwag ninyo silang tangkaing pigilan.” Pagkatapos ay “kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain, na ipinapatong sa kanila ang kaniyang mga kamay.” (Marcos 10:13-16) Si Jesus ay magiliw at mabait, at naakit sa kaniya ang iba. Hindi takót ang mga tao kay Jesus. Maging ang mga bata ay palagay ang loob kapag kasama siya. Madali ring lapitan ang matatanda, at habang nagpapakita sila ng magiliw na pagmamahal at kabaitan, ang iba—maging ang mga bata—ay nagiging palagay ang loob na kasama sila.
19. Ano ang nasasangkot sa pagtataglay ng “pag-iisip ni Kristo,” at anong pagsisikap ang hinihiling nito?
19 Ang antas ng pagtulad ng matatanda kay Kristo Jesus ay depende sa kung gaano nila siya kakilala. “Sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, upang maturuan niya siya?” ang tanong ni Pablo. Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Ngunit taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Nasasangkot sa pagtataglay ng pag-iisip ni Kristo ang pag-alam sa takbo ng kaniyang pag-iisip at sa lahat ng aspekto ng kaniyang personalidad upang malaman natin kung ano ang kaniyang gagawin sa isang partikular na situwasyon. Gunigunihin na makilala nang gayon kalalim ang ating Lider! Oo, nangangailangan ito ng masusing pagbibigay-pansin sa mga ulat ng Ebanghelyo at regular na pagkuha ng kaunawaan tungkol sa buhay at halimbawa ni Jesus. Kapag nagsisikap ang matatanda na sundin ang pangunguna ni Kristo hanggang sa gayong antas, yaong mga nasa kongregasyon ay mas madaling tumulad sa kanilang pananampalataya. At masisiyahan ang matatanda na makitang sumusunod ang iba nang may kagalakan sa mga hakbang ng Lider.
Magpatuloy sa Ilalim ng Pangunguna ni Kristo
20, 21. Habang tumitingin tayo sa hinaharap tungo sa ipinangakong bagong sanlibutan, ano ang dapat na maging determinasyon natin?
20 Mahalaga na tayong lahat ay patuloy na magpasakop sa pangunguna ni Kristo. Habang papalapit tayo sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, ang ating situwasyon ay maihahalintulad sa mga Israelita na nasa Kapatagan ng Moab noong 1473 B.C.E. Sila ay nasa bungad na noon ng Lupang Pangako, at sa pamamagitan ni propeta Moises, ipinahayag ng Diyos: “Ikaw [Josue] ang magdadala sa bayang ito sa lupain na isinumpa ni Jehova sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila.” (Deuteronomio 31:7, 8) Si Josue ang hinirang na lider. Upang makapasok sa Lupang Pangako, kinailangang magpasakop ang mga Israelita sa pangunguna ni Josue.
21 Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.” Si Kristo lamang ang mangunguna sa atin tungo sa ipinangakong bagong sanlibutan na doo’y tatahan ang katuwiran. (2 Pedro 3:13) Kung gayon, maging determinado tayo na magpasakop sa kaniyang pangunguna sa lahat ng pitak ng buhay.
[Talababa]
a Ang ‘mga bituin’ dito ay hindi sumasagisag sa literal na mga anghel. Tiyak na hindi gagamitin ni Jesus ang isang tao upang iulat ang impormasyon para sa di-nakikitang mga espiritung nilalang. Kung gayon, ang ‘mga bituin’ ay tiyak na lumalarawan sa mga tagapangasiwang tao, o matatanda, sa mga kongregasyon, na minamalas bilang mga mensahero ni Jesus. Ang kanilang bilang na pito ay nagpapahiwatig ng kaganapan ayon sa pamantayan ng Diyos.
Natatandaan Mo Ba?
• Paano nanguna si Kristo sa sinaunang kongregasyon?
• Paano nangunguna si Kristo sa kaniyang kongregasyon sa ngayon?
• Bakit dapat tayong maging mapagpasakop sa mga nangunguna sa kongregasyon?
• Sa anong mga paraan maipamamalas ng matatanda na si Kristo ang kanilang Lider?
[Larawan sa pahina 15]
Si Kristo ang nangunguna sa kaniyang kongregasyon at humahawak sa mga tagapangasiwa sa kaniyang kanang kamay
[Mga larawan sa pahina 16]
“Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop”
[Larawan sa pahina 18]
Si Jesus ay magiliw at madaling lapitan. Sinisikap ng Kristiyanong matatanda na maging katulad niya