ARALING ARTIKULO 50
“Paano Bubuhaying Muli ang mga Patay?”
“Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”—1 COR. 15:55.
AWIT 141 Ang Regalong Buhay
NILALAMANa
1-2. Bakit dapat maging interesado ang lahat ng Kristiyano sa pagkabuhay-muli tungo sa langit?
KARAMIHAN ng mga naglilingkod kay Jehova ngayon ay umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa. Pero ang natitirang mga pinahirang Kristiyano ay umaasang bubuhayin silang muli tungo sa langit. Interesadong-interesado ang mga pinahirang ito sa magiging buhay nila sa hinaharap, pero kumusta naman ang mga may makalupang pag-asa? Gaya ng makikita natin, ang pagkabuhay-muli tungo sa langit ay magdudulot din ng mga pagpapala sa mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Kaya sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa, dapat tayong maging interesado sa pagkabuhay-muli tungo sa langit.
2 Ginabayan ng Diyos ang ilang alagad ni Jesus noong unang siglo para isulat ang tungkol sa makalangit na pag-asa. Ipinaliwanag ni apostol Juan: “Mga anak na tayo ngayon ng Diyos, pero hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Ang alam natin ay kapag inihayag na siya, tayo ay magiging tulad niya.” (1 Juan 3:2) Kaya hindi alam ng mga pinahirang Kristiyano kung magiging ano sila kapag binuhay silang muli tungo sa langit taglay ang espiritung katawan. Pero literal nilang makikita si Jehova kapag tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Hindi sinasabi ng Bibliya ang lahat ng detalye tungkol sa pagkabuhay-muli tungo sa langit, pero nagbigay ng ilang impormasyon si apostol Pablo tungkol dito. Makakasama ni Kristo ang mga pinahiran “kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan,” pati na “ang huling kaaway, ang kamatayan.” Sa bandang huli, si Jesus at ang makakasama niyang mga tagapamahala ay magpapasailalim kay Jehova, pati na ang lahat ng bagay. (1 Cor. 15:24-28) Napakaganda nga niyan!b
3. Gaya ng makikita sa 1 Corinto 15:30-32, ano ang nagawa ni Pablo dahil naniniwala siya sa pagkabuhay-muli?
3 Dahil naniniwala si Pablo sa pagkabuhay-muli, napagtiisan niya ang iba’t ibang pagsubok. (Basahin ang 1 Corinto 15:30-32.) Sinabi niya sa mga taga-Corinto: “Araw-araw akong napapaharap sa kamatayan.” Sinabi rin ni Pablo: “Nakipaglaban ako sa mababangis na hayop sa Efeso.” Posibleng ang pakikipaglaban sa mga hayop sa arena sa Efeso ang tinutukoy niya. (2 Cor. 1:8; 4:10; 11:23) O puwede ring ang tinutukoy niya ay ang mga Judiong kumakalaban sa kaniya at ang iba pa na parang “mababangis na hayop.” (Gawa 19:26-34; 1 Cor. 16:9) Anuman iyon, mapanganib na mga sitwasyon ang napaharap kay Pablo, pero nanatili siyang positibo tungkol sa hinaharap.—2 Cor. 4:16-18.
4. Paano napatibay ng pag-asang pagkabuhay-muli ang mga Kristiyano sa ngayon? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
4 Nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon. May mga kapatid tayo na naging biktima ng krimen. Ang iba ay nakatira sa mga lugar na may digmaan kaya laging nanganganib ang kanilang buhay. Ang ilan naman ay naglilingkod kay Jehova, manganib man ang kanilang buhay o kalayaan, sa mga lugar kung saan hinihigpitan o ipinagbabawal pa nga ang pangangaral. Pero patuloy na sumasamba kay Jehova ang mga kapatid na ito, at magagandang halimbawa sila para sa atin. Hindi sila natatakot dahil alam nila na mamatay man sila ngayon, may magandang kinabukasang inilalaan si Jehova para sa kanila.
5. Anong mapanganib na pangangatuwiran ang maaaring magpahina sa ating pananampalataya sa pagkabuhay-muli?
5 Binabalaan ni Pablo ang kaniyang mga kapatid tungkol sa mapanganib na pangangatuwiran ng ilan: “Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, ‘kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo.’” May nangangatuwiran na rin nang ganiyan bago pa man ang panahon ni Pablo. Posibleng sinisipi ni Pablo ang Isaias 22:13, na tumutukoy sa pananaw ng mga Israelita. Sa halip na maging malapít sa Diyos, pagpapasarap sa buhay ang inuuna nila. Para bang sinasabi ng mga Israelita, “Narito tayo ngayon, bukas, wala na,” na karaniwan ding sinasabi ng mga tao ngayon. Pero iniulat ng Bibliya na masama ang ibinunga nito sa bansang Israel.—2 Cro. 36:15-20.
6. Paano dapat makaimpluwensiya sa pagpili natin ng mga kasama ang pag-asang pagkabuhay-muli?
6 Maliwanag na kayang buhaying muli ni Jehova ang mga patay, at dapat itong makaimpluwensiya sa pagpili natin ng mga kasama. Kailangang iwasan ng mga kapatid sa Corinto ang pakikisama sa mga hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. May matututuhan tayo dito: Wala tayong mapapala sa palaging pakikisama sa mga taong walang pakialam sa mangyayari sa hinaharap. Sisirain lang nila ang ating pananaw at mabuting ugali bilang mga tunay na Kristiyano. Baka dahil pa nga sa kanila, makagawa tayo ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos. Kaya hinihimok tayo ni Pablo: “Bumalik kayo sa katinuan at gawin ang tama, at huwag kayong mamihasa sa kasalanan.”—1 Cor. 15:33, 34.
ANO ANG MAGIGING KATAWAN NILA?
7. Ano ang posibleng itanong ng ilan tungkol sa pagkabuhay-muli, gaya ng ipinapakita sa 1 Corinto 15:35-38?
7 Basahin ang 1 Corinto 15:35-38. Dahil gusto ng isa na pagdudahan ng iba ang pagkabuhay-muli, baka itanong niya: “Paano bubuhaying muli ang mga patay?” Magandang pag-isipan ang sagot ni Pablo dahil marami ngayon ang may kani-kaniyang paniniwala tungkol sa nangyayari kapag namatay ang isang tao. Pero ano ba ang itinuturo ng Bibliya?
8. Anong ilustrasyon ang makakatulong sa atin para maintindihan ang pagkabuhay-muli tungo sa langit?
8 Kapag namatay ang isang tao, nabubulok ang kaniyang katawan. Pero kayang buhaying muli ng Isa na lumalang sa uniberso ang taong ito at bigyan siya ng katawang kailangan niya. (Gen. 1:1; 2:7) Gumamit ng isang ilustrasyon si Pablo para ipakita na hindi kailangan ng Diyos na ibalik ang dati nitong katawan. Pag-isipan ang “isang butil,” o “binhi” ng halaman. Kapag itinanim sa lupa ang isang binhi, tutubo iyon at magiging isang bagong-usbong na halaman. Ang halamang iyon ay naiiba sa maliit na binhi. Ginamit ni Pablo ang paghahalintulad na ito para ipakita na kayang bigyan ng Maylalang ng “katawan ayon sa kalooban niya” ang isang taong namatay.
9. Ano ang sinasabi ng 1 Corinto 15:39-41 tungkol sa iba’t ibang uri ng katawan?
9 Basahin ang 1 Corinto 15:39-41. Binanggit ni Pablo na iba-iba ang mga nilalang. Halimbawa, magkaiba ang katawan ng baka, ibon, at isda. Sinabi niya na sa langit, makikita nating magkaiba ang araw at ang buwan. Sinabi rin niya na “magkakaiba ang kaluwalhatian ng bawat bituin.” Hindi man natin nakikita, may tinatawag ang mga scientist na red giant star, white dwarf, at yellow star, gaya ng ating araw. Binanggit din ni Pablo na “may mga katawang makalangit at mga katawang makalupa.” Ano ang ibig niyang sabihin? Sa lupa, may mga katawang laman, pero sa langit, may mga katawang espiritu, gaya ng sa mga anghel.
10. Magkakaroon ng anong uri ng katawan ang mga bubuhaying muli tungo sa langit?
10 Pansinin ang sumunod na sinabi ni Pablo: “Gayon din ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Ang inihahasik ay katawang nabubulok, pero ang ibabangon ay katawang hindi nabubulok.” Alam natin na kapag namatay ang isa, nabubulok ang katawan niya at bumabalik sa alabok. (Gen. 3:19) Kaya paanong mangyayari na “ang ibabangon ay katawang hindi nabubulok”? Ang tinutukoy ni Pablo ay hindi isang tao na binuhay-muli sa lupa, gaya ng binuhay-muli nina Elias, Eliseo, at Jesus. Ang tinutukoy ni Pablo ay isang binuhay-muli taglay ang katawang makalangit, ibig sabihin, “espiritung katawan.”—1 Cor. 15:42-44.
11-12. Ano ang nagbago kay Jesus nang buhayin siyang muli, at paano rin ito nararanasan ng mga pinahiran?
11 Noong nasa lupa si Jesus, mayroon siyang katawang laman. Pero nang buhayin siyang muli, siya ay “naging espiritung nagbibigay-buhay” at bumalik sa langit. Ang mga pinahirang Kristiyano rin ay bubuhaying muli bilang espiritu. Ipinaliwanag ni Pablo: “Kung gaya tayo ngayon ng isa na gawa sa alabok, magiging gaya rin tayo ng isa na makalangit.”—1 Cor. 15:45-49.
12 Papatapos na ang pagtalakay ni Pablo tungkol sa pagkabuhay-muli. Mahalagang tandaan na si Jesus ay hindi binuhay-muli na may katawang tao. Malinaw na sinabi ni Pablo: “Ang laman at dugo ay hindi puwedeng magmana ng Kaharian ng Diyos” sa langit. (1 Cor. 15:50) Ang mga apostol at iba pang pinahiran ay hindi bubuhaying muli tungo sa langit taglay ang nabubulok na katawang may laman at dugo. Kailan sila bubuhaying muli? Idiniin noon ni Pablo na sa hinaharap pa ang pagkabuhay-muling ito; hindi ito mangyayari pagkamatay na pagkamatay nila. Nang isulat ni Pablo ang 1 Corinto, “namatay na” ang ilang alagad, gaya ni apostol Santiago. (Gawa 12:1, 2) Pero ang ibang apostol at mga pinahiran ay hindi pa ‘namamatay’ noon.—1 Cor. 15:6.
TAGUMPAY LABAN SA KAMATAYAN
13. Ano ang mangyayari sa panahon ng presensiya ni Jesus?
13 Parehong bumanggit sina Jesus at Pablo ng isang mahalagang panahon na darating—ang presensiya ni Kristo. Sa panahon ng presensiyang iyon, magkakaroon ng digmaan, lindol, epidemya, at iba pang pangyayari sa daigdig. Nakikita nating natutupad ang hulang ito ng Bibliya mula pa noong 1914. May isa pang mahalagang bahagi ang tandang iyan. Sinabi ni Jesus na ang mabuting balitang ito ng Kaharian ng Diyos, na namamahala na, ay ipapangaral “sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.” (Mat. 24:3, 7-14) Sinabi ni Pablo na sa panahon ng “presensiya ng Panginoon,” bubuhaying muli ang mga pinahirang Kristiyano na “namatay na.”—1 Tes. 4:14-16; 1 Cor. 15:23.
14. Ano ang mangyayari sa mga pinahiran na namatay sa panahon ng presensiya ni Kristo?
14 Ang mga pinahirang namatay ngayon ay agad na bubuhaying muli tungo sa langit. Tiniyak ito ni Pablo sa 1 Corinto 15:51, 52: “Hindi lahat sa atin ay matutulog sa kamatayan, pero tayong lahat ay babaguhin, sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa pagtunog ng huling trumpeta.” Natutupad na ngayon ang mga sinabi ni Pablo! Kapag binuhay-muli ang mga kapatid na ito ni Kristo, talagang magiging masaya sila dahil “lagi na [nilang] makakasama ang Panginoon.”—1 Tes. 4:17.
15. Ano ang gagawin ng mga babaguhin “sa isang kisap-mata”?
15 Sinasabi sa atin ng Bibliya ang gagawin sa langit ng mga babaguhin “sa isang kisap-mata.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ang magtatagumpay at patuloy na tutulad sa mga ginawa ko hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng awtoridad sa mga bansa, gaya ng awtoridad na tinanggap ko mula sa aking Ama, at papastulan niya ang mga bansa gamit ang isang panghampas na bakal para magkadurog-durog sila gaya ng mga sisidlang luwad.” (Apoc. 2:26, 27) Susundan nila ang kanilang Kumandante at papastulan ang mga bansa gamit ang isang panghampas na bakal.—Apoc. 19:11-15.
16. Paano magtatagumpay laban sa kamatayan ang maraming tao?
16 Malinaw na magtatagumpay ang mga pinahiran laban sa kamatayan. (1 Cor. 15:54-57) Sa kanilang pagkabuhay-muli, magkakaroon sila ng bahagi sa tagumpay laban sa lahat ng kasamaan sa daigdig sa panahon ng digmaan ng Armagedon. Milyon-milyong Kristiyano ang “[lalabas] mula sa malaking kapighatian” at tatawid sa bagong sanlibutan. (Apoc. 7:14) Masasaksihan ng mga makakaligtas na iyon sa lupa ang isa pang tagumpay laban sa kamatayan—ang pagkabuhay-muli ng bilyon-bilyong namatay. Isipin na lang kung gaano kasaya ang lahat kapag nangyari iyon! (Gawa 24:15) At ang lahat ng nanatiling tapat kay Jehova ay magtatagumpay laban sa minanang kamatayan dahil mabubuhay sila magpakailanman.
17. Ano ang dapat nating gawin ayon sa 1 Corinto 15:58?
17 Dapat ipagpasalamat ng mga Kristiyanong nabubuhay ngayon ang mga isinulat ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa pagkabuhay-muli. Marami tayong dahilan para sundin ang payo ni Pablo na maging “laging maraming ginagawa para sa Panginoon.” (Basahin ang 1 Corinto 15:58.) Kung patuloy nating gagawin iyan sa abot ng ating makakaya, magkakaroon tayo ng napakasayang buhay sa hinaharap na hindi natin sukat-akalain. Papatunayan nito na hindi nasayang ang mga ginawa natin para sa Panginoon.
AWIT 140 Buhay na Walang Hanggan—Sa Wakas!
a Ang huling kalahati ng 1 Corinto kabanata 15 ay bumabanggit ng mga detalye tungkol sa pagkabuhay-muli, lalo na ng mga pinahirang Kristiyano. Pero mahalaga rin sa ibang mga tupa ang isinulat ni Pablo. Ipapakita ng artikulong ito kung paano dapat makaimpluwensiya ang pag-asang pagkabuhay-muli sa buhay natin ngayon at kung paano ito makakatulong sa atin na magkaroon ng masayang buhay sa hinaharap.
b Tinatalakay sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa isyung ito ang sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 15:29.