Bakit Dapat Ipagbigay-alam ang Masama?
“SIYA na nagsisiwalat ng isang bagay ay nagiging kaaway ng bayan,” ang sabi ng ilan sa Kanlurang Aprika. Ganiyan ang nangyari kay Olu nang akusahan niya ang kaniyang nakatatandang kapatid na lalaki ng pagsiping sa kaniyang kapatid na babae. “Sinungaling ka!” ang sigaw ng kapatid na lalaki. Pagkatapos ay walang-awang binugbog niya si Olu, anupat pinalayas siya sa tahanan, at sinunog ang lahat ng damit ni Olu. Pumanig ang mga taganayon sa kapatid na lalaki. Palibhasa’y ayaw nang tanggapin sa nayon, kinailangang lumisan si Olu. Nang mapansin na nagdadalang-tao ang batang babae ay saka lamang natanto ng mga tao na nagsasabi si Olu ng katotohanan. Nagtapat ang kapatid na lalaki, at naibalik ang pagsang-ayon kay Olu. Maaaring hindi ganoon ang kinalabasan ng mga pangyayari. Maaaring napatay si Olu.
Maliwanag, yaong mga hindi umiibig kay Jehova ay malamang na hindi magpahalaga kapag isiniwalat ang kanilang pagkakamali. Hilig ng makasalanang tao na tanggihan ang saway at magalit sa nagbibigay nito. (Ihambing ang Juan 7:7.) Hindi nakapagtataka na marami ang ayaw magsiwalat ng mga pagkakasala ng iba doon sa mga may-awtoridad na magtuwid nito.
Pagpapahalaga sa Saway
Subalit ang bayan ni Jehova ay may naiibang saloobin tungkol sa saway. Lubhang pinahahalagahan ng makadiyos na mga lalaki at babae ang kaayusan ni Jehova upang tulungan ang mga nagkakasala sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Kinikilala nila ang gayong disiplina bilang kapahayagan ng kaniyang maibiging-kabaitan.—Hebreo 12:6-11.
Ito ay maaaring ilarawan ng isang pangyayari sa buhay ni Haring David. Bagaman siya ay isang matuwid na tao mula pa sa pagkabata, dumating ang panahon na nakagawa siya ng malubhang pagkakasala. Una, nangalunya siya. Pagkatapos, sa pagtatangkang pagtakpan ang kaniyang pagkakasala, isinaayos niya na mapatay ang asawa ng babae. Ngunit isiniwalat ni Jehova ang kasalanan ni David kay propeta Natan, na may lakas ng loob na humarap kay David hinggil sa bagay na ito. Sa pamamagitan ng paggamit ng mabisang ilustrasyon, tinanong ni Natan si David kung ano ang dapat gawin sa isang taong mayaman na may maraming tupa ngunit kumuha at pumatay sa nag-iisang tupa, isang pinakamamahal na alagang hayop, ng isang taong mahirap upang ipakain sa kaniyang kaibigan. Napukaw ang poot at galit ni David, na isang dating pastol. Sabi niya: “Ang taong gumagawa nito ay nararapat mamatay!” Nang magkagayo’y ikinapit ni Natan kay David ang ilustrasyon, anupat sinabi: “Ikaw mismo ang taong iyon!”—2 Samuel 12:1-7.
Hindi nagalit si David kay Natan; hindi niya tinangkang ipagtanggol ang sarili ni nagbintang man siya. Sa halip, lubhang nabagabag ang kaniyang budhi sa pagsansala ni Natan. Palibhasa’y nasugatan ang puso, nagtapat si David: “Nagkasala ako kay Jehova.”—2 Samuel 12:13.
Nagbunga ng mabuti ang paglalantad ni Natan sa kasalanan ni David, na sinundan ng makadiyos na pagsaway. Bagaman hindi nalibre si David sa masamang bunga ng kaniyang pagkakasala, siya’y nagsisi at nakipagkasundo kay Jehova. Ano ang nadama ni David sa gayong pagsaway? Sumulat siya: “Kung saktan man ako ng matuwid, iyon ay isang maibiging-kabaitan; at kung sawayin niya ako, iyon ay langis sa aking ulo, na hindi tatanggihan ng aking ulo.”—Awit 141:5.
Sa atin din namang kaarawan, maaaring masangkot sa malulubhang pagkakasala ang mga lingkod ni Jehova, maging yaong naging tapat sa loob ng maraming taon. Palibhasa’y kinikilala na makatutulong ang matatanda, karamihan ay nagkukusang lumapit sa kanila ukol sa tulong. (Santiago 5:13-16) Ngunit kung minsan ay baka tangkain ng nagkasala na pagtakpan ang kaniyang kasalanan, gaya ng ginawa ni Haring David. Ano ang dapat nating gawin kung nalaman natin ang tungkol sa isang malubhang pagkakasala sa kongregasyon?
Kaninong Pananagutan Iyon?
Kapag nalaman ng matatanda ang isang malubhang pagkakasala, nilalapitan nila ang taong nasasangkot upang magbigay ng kinakailangang tulong at pagtutuwid. Pananagutan ng matatanda na hatulan ang gayong mga tao sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Palibhasa’y nagbabantay na mabuti sa espirituwal na kalagayan nito, tinutulungan at pinapayuhan nila ang sinuman na gumagawa ng isang mangmang o maling hakbang.—1 Corinto 5:12, 13; 2 Timoteo 4:2; 1 Pedro 5:1, 2.
Ngunit paano kung ikaw ay hindi isang matanda at nalaman mo ang tungkol sa malubhang pagkakasala ng isang Kristiyano? Masusumpungan ang mga alituntunin sa Batas na ibinigay ni Jehova sa bansang Israel. Sinabi ng Batas na kung masaksihan ng isang tao ang mga gawang apostata, sedisyon, pagpaslang, o iba pang malulubhang krimen, pananagutan niya na isumbong iyon at bigyang-patotoo ang nalalaman niya. Ganito ang sabi ng Levitico 5:1: “Ngayon kung isang kaluluwa ang magkasala dahil sa kaniyang narinig ang pangmadlang panlalapastangan at siya’y isang saksi o kaniyang nakita iyon o kaniyang naalaman iyon, kung hindi niya ipagbibigay-alam iyon, siya ngayon ang mananagot sa kaniyang pagkakamali.”—Ihambing ang Deuteronomio 13:6-8; Esther 6:2; Kawikaan 29:24.
Bagaman wala sa ilalim ng Batas Mosaiko, ang mga Kristiyano sa ngayon ay maaaring ugitan ng mga simulain sa likod nito. (Awit 19:7, 8) Kaya kung nalaman ninyo ang tungkol sa malubhang pagkakasala ng isang kapuwa Kristiyano, ano ang dapat ninyong gawin?
Pagharap sa Bagay na Iyon
Una sa lahat, mahalaga na may makatuwirang dahilan na maniwalang talagang may malubhang pagkakasalang nagawa. “Huwag kang maging isang saksi laban sa iyong kapuwa nang walang batayan,” sabi ng taong pantas. “Kung magkagayo’y magiging mangmang ka sa iyong mga labi.”—Kawikaan 24:28.
Baka ipasiya mong magsabi nang tuwiran sa matatanda. Hindi naman mali na gawin ito. Subalit karaniwan, ang totoong maibiging landasin ay ang lapitan ang taong nasasangkot. Marahil ay hindi naman gayon kagrabe ang pangyayari. O marahil ay inaasikaso na ng matatanda ang bagay na iyon. Mahinahong ipakipag-usap ang bagay na iyon sa taong nasasangkot. Kung mayroon pa ring dahilan na maniwalang nagawa ang isang malubhang kasalanan, himukin siyang lumapit sa matatanda upang humingi ng tulong, at ipaliwanag ang karunungan sa paggawa nito. Huwag sabihin sa iba ang bagay na iyon, sapagkat iyan ay magiging isang tsismis.
Kung sa loob ng makatuwirang yugto ng panahon ay hindi makipag-alam ang taong iyon sa matatanda, kung gayon ay dapat na gawin mo iyon. Pagkatapos ay ipakikipag-usap ng isa o dalawang matanda ang bagay na iyon sa taong akusado. Ang matatanda ay kailangang “maghanap at magsiyasat at magtanong nang lubusan” upang makita kung may pagkakasalang nagawa. Kung mayroon, hahawakan nila ang kaso alinsunod sa mga tuntunin sa Kasulatan.—Deuteronomio 13:12-14.
Di-kukulangin sa dalawang saksi ang kailangan upang patunayan ang paratang. (Juan 8:17; Hebreo 10:28) Kung itanggi ng tao ang paratang at ikaw lamang ang nagpatotoo, ipauubaya na lamang kay Jehova ang bagay na iyon. (1 Timoteo 5:19, 24, 25) Ito ay ginagawa sa pagkaalam na lahat ng bagay ay “hayagang nakalantad” kay Jehova at na kung ang tao ay nagkasala, sa bandang huli ay “maaabutan” siya ng kaniyang mga kasalanan.—Hebreo 4:13; Bilang 32:23.
Subalit ipagpalagay na itinanggi ng tao ang paratang at ikaw lamang ang tanging saksi laban sa kaniya. Maaari ka naman bang paratangan ngayon ng paninirang-puri? Hindi, maliban nang kung ikinuwento mo sa iba na hindi naman nasasangkot. Hindi paninirang-puri na ang mga kalagayan na nakaaapekto sa isang kongregasyon ay ipagbigay-alam doon sa mga may awtoridad at pananagutan na suriin at ituwid ang mga bagay-bagay. Sa katunayan, iyon ay kasuwato ng ating pagnanais na laging gawin ang bagay na tama at matapat.—Ihambing ang Lucas 1:74, 75.
Pagpapanatili ng Kabanalan sa Kongregasyon
Ang isang dahilan kung bakit dapat na ipagbigay-alam ang pagkakasala ay ang bagay na tumutulong ito sa pag-iingat ng kalinisan ng kongregasyon. Si Jehova ay isang malinis na Diyos, isang banal na Diyos. Kahilingan niya ang espirituwal at moral na kalinisan sa lahat niyaong sumasamba sa kaniya. Ganito ang paalaala ng kaniyang kinasihang Salita: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong pahubog alinsunod sa mga pagnanasa na dati ninyong taglay sa inyong kawalang-alam, kundi, alinsunod sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’ ” (1 Pedro 1:14-16) Ang mga taong nagsasagawa ng karumihan o kasamaan ay maaaring magdulot ng karungisan at di-pagsang-ayon ni Jehova sa buong kongregasyon maliban nang gumawa ng hakbang upang ituwid o alisin sila.—Ihambing ang Josue, kabanata 7.
Ipinakikita ng mga liham ni apostol Pablo sa Kristiyanong kongregasyon sa Corinto kung paanong ang pagbibigay-alam ng masamang gawa ay tumulong upang linisin ang bayan ng Diyos doon. Sa kaniyang unang liham, sumulat si Pablo: “Ang totoo ay may pakikiapid na iniuulat sa gitna ninyo, at ang gayong pakikiapid na wala kahit sa gitna man ng mga bansa, na ang isang lalaki ay may asawang babae na sa kaniyang ama.”—1 Corinto 5:1.
Hindi sinasabi sa atin ng Bibliya kung kanino nakuha ng apostol ang ulat na ito. Maaaring nalaman ni Pablo ang situwasyon mula kina Estefanas, Fortunato, at Acaico, na nanggaling sa Corinto patungo sa Efeso kung saan namamalagi si Pablo. Nakatanggap din si Pablo ng isang liham na nagtatanong mula sa Kristiyanong kongregasyon sa Corinto. Anuman ang pinagmulan, minsang ang situwasyon ay naiulat na kay Pablo ng mapagkakatiwalaang mga saksi, kung gayo’y makapagbibigay na siya ng tagubilin tungkol sa bagay na iyon. “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo,” ang sulat niya. Ang taong iyon ay itiniwalag sa kongregasyon.—1 Corinto 5:13; 16:17, 18.
Nagbunga ba ng mabuti ang mga tagubilin ni Pablo? Gayon nga ang nangyari! Maliwanag, natauhan ang nagkasala. Sa kaniyang pangalawang liham sa mga taga-Corinto, hinimok ni Pablo na ‘may kabaitang patawarin at aliwin’ ng kongregasyon ang taong nagsisisi. (2 Corinto 2:6-8) Kaya ang pagbibigay-alam ng masamang gawa ay humantong sa pagkilos na nagbunga ng paglilinis sa kongregasyon at pagbabalik ng pabor ng Diyos sa isang tao na nakapinsala ng kaniyang kaugnayan sa Diyos.
Makasusumpong tayo ng isa pang halimbawa sa unang liham ni Pablo sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto. Sa pagkakataong ito ay binanggit ng apostol ang mga saksi na nag-ulat ng bagay na iyon. Sumulat siya: “Ibinunyag sa akin ang tungkol sa inyo, mga kapatid, niyaong mga sa bahay ni Cloe, na may mga di-pagkakasundo na umiiral sa gitna ninyo.” (1 Corinto 1:11) Alam ni Pablo na ang di-pagkakasundong ito, pati na ang di-nararapat na pagpaparangal sa mga tao, ay lumikha ng makasektang saloobin na nagbabantang sumira sa pagkakaisa ng kongregasyon. Kaya naman, dahil sa matinding pagpapahalaga sa espirituwal na kapakanan ng kaniyang mga kapananampalataya roon, si Pablo ay kumilos agad at sumulat ng nakapagtutuwid na payo sa kongregasyon.
Sa ngayon, napakaraming kapatid sa mga kongregasyon sa buong lupa ang nagpapagal upang maingatan ang espirituwal na kalinisan ng kongregasyon sa pamamagitan ng indibiduwal na pag-iingat ng sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos. Nagdurusa ang ilan sa paggawa nito; ang iba naman ay namatay pa nga upang maingatan ang integridad. Tiyak na ang pagkunsinti o pagtatakip ng masamang gawa ay magpapakita ng kawalang-pagpapahalaga sa mga pagsisikap na ito.
Tulong sa mga Nagkasala
Bakit ang ilan na nakagawa ng malubhang pagkakasala ay hindi lumalapit sa matatanda sa kongregasyon? Malimit na ito ay dahil sa hindi nila batid ang mga kapakinabangan ng paglapit sa matatanda. May kamaliang iniisip ng ilan na kung magtatapat sila, malalantad ang kanilang kasalanan sa buong kongregasyon. Nililinlang ng iba ang kanilang sarili kung tungkol sa bigat ng kanilang ginawa. Iniisip naman ng iba na maaari nilang ituwid ang kanilang sarili nang walang tulong ng matatanda.
Ngunit kailangan ng gayong mga nagkasala ang maibiging tulong ng matatanda sa kongregasyon. Sumulat si Santiago: “Mayroon bang sinumang may-sakit sa inyo? Tawagin niya ang mga nakatatandang lalaki ng kongregasyon sa kaniya, at ipanalangin nila siya, na nilalangisan siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.”—Santiago 5:14, 15.
Tunay ngang napakainam na paglalaan upang matulungan ang mga nagkasala na maibalik ang kanilang espirituwalidad! Sa pamamagitan ng pagkakapit ng nakagiginhawang payo mula sa Salita ng Diyos at pananalangin alang-alang sa kanila, makatutulong ang matatanda sa mga may sakit sa espirituwal upang mapagaling mula sa kanilang maling landasin. Kaya naman, sa halip na madamang hinatulan, malimit na nagiginhawahan at naaaliw ang mga nagsisisi kapag nakipag-usap sila sa maibiging matatanda. Isang kabataang lalaki na taga-Kanlurang Aprika ang nakiapid at ikinubli ang kaniyang kasalanan sa loob ng ilang buwan. Pagkatapos mahayag ang kaniyang pagkakasala, sinabi niya sa matatanda: “Gayon na lamang ang pagnanais ko na may magtanong sana sa akin tungkol sa relasyon ko sa babaing iyon! Tunay ngang nakagaan ng aking kalooban na ipagtapat ang bagay na ito.”—Ihambing ang Awit 32:3-5.
Isang Pagkilos ng Pag-ibig na May Simulain
Ang bautisadong mga lingkod ng Diyos ay “nakatawid na mula sa kamatayan tungo sa buhay.” (1 Juan 3:14) Ngunit kung nakagawa sila ng malubhang kasalanan, nagbalik sila sa daan ng kamatayan. Kung hindi sila matutulungan, baka maging manhid na sila sa paggawa ng masama, anupat hindi na magnais na magsisi at bumalik sa pagsamba sa tunay na Diyos.—Hebreo 10:26-29.
Ang pagbibigay-alam ng masamang gawa ay isang pagkilos na may taimtim na pagmamalasakit sa nagkasala. Sumulat si Santiago: “Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay mailigaw mula sa katotohanan at may isang magpanumbalik sa kaniya, alamin ninyo na siya na magpanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkakamali ng kaniyang daan ay magliligtas sa kaniyang kaluluwa mula sa kamatayan at magtatakip ng maraming kasalanan.”—Santiago 5:19, 20.
Kaya bakit, kung gayon, dapat ipagbigay-alam ang masama? Sapagkat nagdudulot ito ng kabutihan. Ang totoo, ang pagbibigay-alam ng masamang gawa ay isang pagkilos ng Kristiyanong pag-ibig na may simulain na iniuukol sa Diyos, sa kongregasyon, at sa nagkasala. Habang buong-katapatang itinataguyod ng bawat miyembro ng kongregasyon ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos, saganang pagpapalain ni Jehova ang kongregasyon sa kabuuan. Ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Gagawin din niya [ni Jehova] kayong matatag hanggang sa wakas, upang maging malaya kayo sa anumang akusasyon sa araw ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—1 Corinto 1:8.
[Larawan sa pahina 26]
Pagpapamalas ng pag-ibig ang himukin ang isang nagkasalang Saksi na makipag-usap sa matatanda
[Larawan sa pahina 28]
Tumutulong ang matatanda na maibalik ang pabor ng Diyos sa mga nagkasala