‘Iwasan—Ang Maling Tinatawag na Kaalaman’
GAANO bang kahalaga sa iyo ang katotohanan? Ikaw ba’y nababahala na pinapangyari ng kasinungalingan na mapilipit, maikubli pa nga, ang katotohanan tungkol sa Maylikha ng langit at lupa? Ito’y lubhang nakabahala kay Iranaeus, isang nag-aangking Kristiyano noong ikalawang siglo ng ating Panlahatang Panahon. Kaniyang sinikap na mailantad ang mapanganib na mga di-kawastuan ng Gnostisismo, isang apostatang anyo ng pagka-Kristiyano. Mas maaga rito, si apostol Pablo ay nagbabala kay Timoteo na iwasan ang gayong ‘maling tinatawag na kaalaman.’—1 Timoteo 6:20, 21.
Lakas-loob na nagsalita si Irenaeus laban sa maling doktrina. Halimbawa, isaalang-alang ang kaniyang sinabi sa pambungad ng kaniyang malawak na akdang pampanitikan na pinamagatang “Ang Pagbubuwal at Pagbagsak ng Maling Tinatawag na Kaalaman.” Siya’y sumulat: “May mga tao, sa pagtanggi sa katotohanan, ang nagpapasok sa gitna natin ng mga kuwentong walang katotohanan at walang kabuluhang mga talaangkanan, na nagdudulot lamang ng mga pag-aalitan, gaya ng sinabi ng apostol [1 Timoteo 1:3, 4], imbis na itaguyod ang gawain ng Diyos na pagpapatibay sa pananampalataya. Sa pamamagitan ng kanilang tusong binuong mga pangangatuwiran kanilang inililigaw ang isip ng mga walang karanasan, at sila’y binibihag, pinasásamâ ang mga orakulo ng Panginoon, at maling ipinaliliwanag ang mga bagay na mabuti.”
Ang Gnostics (galing sa salitang Griegong gnoʹsis, na ibig sabihin “kaalaman”) ay nag-aangkin na sila’y may nakatataas na kaalaman na lihim na isiniwalat sa kanila at ipinangangalandakan na sila’y “mga tagapagtuwid sa mga apostol.” Sa Gnostisismo ang pilosopya, haka-haka, at paganong mistisismo ay inihalo sa apostatang Kristiyanismo. Si Irenaeus ay tumangging magkaroon ng bahagi sa alinman dito. Bagkus, siya’y naglunsad ng isang panghabambuhay na pakikipagpunyagi sa mga turo ng mga erehes. Walang alinlangan na batid niya ang pangangailangan na ikapit ang babala ni apostol Pablo: “Mag-ingat kayo: baka may bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopya at walang kabuluhang pandaraya ayon sa sali’t saling-sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”—Colosas 2:8; 1 Timoteo 4:7.
Ang Maagang Buhay at Ministeryo
Kaunti lamang ang alam tungkol sa maagang buhay at personal na kasaysayan ni Irenaeus. Karaniwan nang ipinagpapalagay na siya’y isang taong tubò sa Asia Minor, isinilang sa pagitan ng 120 C.E. at 140 C.E. sa siyudad ng Smirna o malapit dito. Si Irenaeus ang mismong nagpapatotoo na sa kaniyang maagang kabataan, nakilala niya si Polycarp, isang tagapangasiwa sa kongregasyon ng Smirna.
Samantalang natututo nang siya’y tinuturuan ni Polycarp, maliwanag na nakipagkaibigan si Irenaeus kay Florinus. Si Polycarp ay may mahalagang kaugnayan sa mga apostol. Siya’y malaganap na nagpaliwanag tungkol sa Kasulatan at nagturo ng mahigpit na pagsunod sa mga turo ni Jesu-Kristo at ng Kaniyang mga apostol. Gayunman, sa kabila ng mainam na pagkasanay na ito sa Kasulatan, si Florinus nang malaunan ay napadala sa mga turo ni Valentinus, ang pinakaprominenteng lider ng kilusang Gnostics!
Nais ni Irenaeus na ang kaniyang kaibigan at dating kasamahang si Florinus ay maipanumbalik sa matapat na mga turo ng Kasulatan at mailigtas buhat sa Valentinianismo. Kaya, si Irenaeus ay naudyukan na sumulat kay Florinus, na nagsasabi: “Ang mga doktrinang ito, Florinus, . . . ay hindi nagbibigay ng matatag na unawa; ang mga doktrinang ito ay hindi katugma ng sa simbahan at ang mga sumusunod sa mga ito ay inaakay sa malubhang pagkaerehes; . . . ang mga doktrinang ito ay hindi itinuro sa iyo ng mga presbitero na nauna sa atin, at niyaong may kabatiran sa mga apostol.”
Sa pagsisikap na ipaalaala kay Florinus ang mainam na pagkasanay niya sa paanan ng tanyag na si Polycarp, si Irenaeus ay nagpatuloy: “Naaalaala ko ang mga pangyayari noong mga panahong iyon . . . kaya’t nasasabi ko maging ang lugar na kung saan nahirating maupo at magdiskurso ang pinagpalang si Polycarp . . . Gayundin kung papaano siya nakikipag-usap tungkol sa kaniyang pamilyar na pakikipag-ugnayan kay Juan, at sa mga iba pa na nakakita sa Panginoon; kung papaano rin naman isinasaysay niya ang kanilang mga sinalita.”
Si Florinus ay pinaalalahanan na itinuro ni Polycarp ang kaniyang tinanggap “buhat sa mga saksing nakakita sa Salita ng buhay, [at nangyaring] naglahad ng lahat kasuwato ng Kasulatan. Ang mga bagay na ito, sa pamamagitan ng awa ng Diyos na ginarantiyahan sa akin, aking narinig noon, isinulat, hindi sa papel kundi sa aking puso; at patuluyan sa biyaya ng Diyos aking naaalaala ang mga bagay na ito nang may kawastuan sa aking isip. At [tungkol sa Valentinianismo] ako’y nakapagpapatotoo sa paningin ng Diyos na kung ang pinagpala at apostolikong presbiterong iyon [si Polycarp] ay nakabalita ng gayong bagay, tiyak na siya’y napasigaw at tinakpan ang kaniyang pandinig . . . Tiyak na siya’y tatakbong paalis sa lugar na kung saan, nakaupo man o nakatayo, kaniyang narinig ang gayong mga salita.”
Walang rekord na si Florinus ay tumugon sa nakababagbag at matinding liham ni Irenaeus. Ngunit ang mga salita ni Irenaeus ay nagsisiwalat ng kaniyang tunay na malasakit sa isang mahal na kaibigan na tumalikod sa daan ng katotohanan at napadala sa apostasya.—Ihambing ang 2 Tesalonica 2:3, 7-12.
Hindi alam kung kailan nanirahan si Irenaeus sa Gaul (Pransiya). Noong taóng 177 C.E., siya’y naglilingkod na isang tagapangasiwa sa kongregasyon sa Lyons. Iniulat na ang kaniyang ministeryo roon ay totoong mabunga. Sa katunayan, ang historyador na si Gregory ng Tours ay nag-ulat na sa maikling panahon si Irenaeus ay nagtagumpay ng pagkumberte sa Kristiyanismo sa buong Lyons. Walang alinlangan, ito’y isang sobrang pangungusap.
Laban sa Erehiya
Ang pangunahing katha ni Irenaeus, “Ang Pagbubuwal at Pagbagsak ng Maling Tinatawag na Kaalaman,” ay karaniwan nang kinilala sa pangalang “Laban sa Erehiya.” Ito’y nababahagi sa limang aklat. Ang unang dalawa ay may mapamintas na paglalahad tungkol sa mga paniwala ng iba’t ibang sekta ng mga erehes, lalung-lalo na ang erehiyang Valentinian. Sa natitirang tatlong aklat, tinangka ni Irenaeus na magharap ng “mga argumento buhat sa Kasulatan.”
Sa introduksiyon ng kaniyang ikatlong aklat na “Laban sa Erehiya,” si Irenaeus ay sumulat: “Tandaan samakatuwid ang aking sinabi sa dalawang naunang mga aklat; at sa pamamagitan ng pagdaragdag nito sa mga iyan kayo’y mabibigyan ko ng isang lubos na kasagutan laban sa lahat ng erehes, at magagawa ninyo na ang mga iyan ay labanan nang matagumpay at nang buong tapang alang-alang sa nag-iisang tunay at nagbibigay-buhay na pananampalataya, na tinanggap ng Iglesiya buhat sa mga apostol at itinuturo sa kaniyang mga anak. Sapagkat ang Panginoon ng lahat ang nagbigay sa kaniyang mga apostol ng kapangyarihan ng ebanghelyo, at sa pamamagitan nila ay nalaman din natin ang katotohanan, samakatuwid baga, ang turo ng Anak ng Diyos—gaya ng sinabi ng Panginoon sa kanila, ‘Siyang nakikinig sa iyo ay nakikinig sa akin, at siyang humahamak sa iyo ay humahamak sa akin, at sa kaniya na nagsugo sa akin.’ ”
Bagaman inamin ni Irenaeus na siya’y hindi isang mahusay na manunulat, siya’y desididong ibunyag ang lahat ng anyo ng “masasamang turo” ng Gnostisismo. Siya’y sumisipi ng maraming kasulatan at nagkukomento rito at nangangatuwiran nang buong husay laban sa “mga bulaang guro” ng “nagpapahamak na mga sekta.” (2 Pedro 2:1-3) Lumilitaw na si Irenaeus ay nahirapan ng pagtitipon ng kaniyang mga isinulat upang mapasa-anyong kasiya-siya. Bakit? Sapagkat siya’y nakatipon ng napakaraming materyal.
Ang ginawa ni Irenaeus na pagbubunyag ay nangyari pagkaraan ng malaking hirap at ng malawak na pag-aaral. Ang kaniyang mahahabang pangangatuwiran ay nagbibigay ng saganang impormasyon tungkol sa pinagmulan at mga turo ng Gnostisismo. Ang mga isinulat ni Irenaeus ay isa ring napakahalagang indise ng ilan sa mga maka-Kasulatang paniniwala na taglay pa rin ng nag-aangking mga sumusunod sa Salita ng Diyos noong may katapusan ng ikalawang siglo C.E.
Si Irenaeus ay paulit-ulit na nagpapatotoong siya’y naniniwala sa “iisang Diyos, ang Ama na Makapangyarihan-sa-lahat, na gumawa ng langit, at ng lupa, at ng mga dagat, at lahat ng nasa mga ito, at sa iisang Kristo Jesus, ang anak ng Diyos, na ginawang tao para sa ating kaligtasan.” Ang mga katotohanang ito ang itinatatuwa ng mga Gnostics!
Sa pagsasalita laban sa Gnostic Docetism (ang turo na si Kristo’y hindi kailanman naparito sa anyong tao), si Irenaeus ay sumulat: “Si Kristo ay kailangang maging isang tao, tulad natin, kung kaniya tayong tutubusin buhat sa kabulukan at gagawin tayong sakdal. Kung papaano ngang ang kasalanan at kamatayan ay dumating sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, ganoon din na maaaring mabawi ito sa lehitimong paraan at sa ating bentaha tangi lamang sa pamamagitan ng isang tao; bagaman, sabihin pa, hindi sa pamamagitan ng isa na dapat maging isang inapo lamang ni Adan, at sa gayo’y siya mismo ay mangailangan na tubusin, kundi sa pamamagitan ng ikalawang Adan, na inianak sa kahima-himalang paraan, isang bagong pagmumulan ng ating lahi.” (1 Corinto 15:45) Sa kabilang dako, ang mga Gnostics ay mga Dualists, na naniniwalang ang espirituwal na mga bagay ay mabubuti ngunit lahat ng mga materya at laman ay masama. Kaya naman, kanilang tinanggihan ang taong si Jesu-Kristo.
Sa pangangatuwiran na lahat ng laman ay masama, ang mga Gnostics ay tumanggi rin sa pag-aasawa at pag-aanak, na inaangking si Satanas ang pinagmulan ng mga ito. Ang ahas sa Eden ang inaangkin pa man din nila na pinagmumulan ng banal na karunungan! Ang ganitong punto-de-vista ay nagbunga ng sukdulang mga uri ng istilo ng pamumuhay, ang ascetisismo o ang kalayawan sa laman. Sa pag-aangkin na sa pamamagitan lamang ng mahiwagang Gnostisismo, o sariling-kaalaman dumarating ang kaligtasan, sila’y hindi nagbibigay-dako sa katotohanan ng Salita ng Diyos.
Kabaligtaran nito, sa mga argumento ni Irenaeus ay kasali ang paniwala sa Milenyo at ang ilang pagkaunawa tungkol sa pag-asang pagkakamit ng mapayapang buhay sa lupa sa hinaharap. Kaniyang sinikap na pagkaisa-isahin ang dumaraming mga pangkat-pangkat noong kaniyang panahon sa pamamagitan ng paggamit sa makapangyarihang Salita ng Diyos. At sa pangkalahatan ay inaalaala siya dahil sa kaniyang malinaw na pag-iisip, matalas na pandamdam, at matatag na kahatulan.
Bagaman ang iba’y kay Irenaeus (na namatay humigit-kumulang 200 C.E.) ibinibigay ang kredito sa pagpapaunlad ng tunay na mga aral ng pananampalatayang Kristiyano, tandaan na ang kaniyang kapanahunan ay isang panahon ng pagbabago at ng inihulang apostasya. Kung minsan, ang kaniyang mga pangangatuwiran ay medyo malabo, nagkakasalungatan pa nga. Gayumpaman, lubhang pinahahalagahan natin ang patotoo ng mga taong may lakas ng loob na magsalita na kapanig ng kinasihang nasusulat na Salita ng Diyos sa halip na ng mga sali’t saling-sabi ng mga tao.