Pagbubukas ng Daan Pabalik sa Paraiso
“Sinabi niya [ni Jesus] sa kaniya: ‘Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.’”—LUCAS 23:43.
1, 2. (a) Ano ba ang kahulugan ng “paraiso,” at tiyak na katulad ng ano ang halamanan ng Eden? (b) Papaano isinasalin sa Kasulatang Griegong Kristiyano ang salitang Hebreo para sa “halamanan”?
ANG pamilya ng sangkatauhan ay nagsimula sa Paraiso. Tungkol sa paglalang sa tao, ating mababasa sa unang aklat ng Banal na Kasulatan: “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy. At, nagtanim ang Diyos na Jehova ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang.” (Genesis 2:7, 8) Ang pangalang “Eden” ay nangangahulugang “Kaluguran,” at sa gayon ang halamanan ng Eden ay isang malawak na parke ng kaluguran, na may marami at sarisaring magagandang bagay.
2 Ang salitang “paraiso” ay kinuha sa wikang Griego, at sa wikang iyan ito ay nangangahulugang isang tulad-parkeng halamanan. Ang salitang Griegong ginamit sa pagsasalin ng pangngalang Hebreo na gan, na nangangahulugang “halamanan,” ay pa·raʹdei·sos. Ang Kasulatan mula sa Mateo hanggang Apocalipsis ay isinulat sa wikang Griego at ang salitang Griegong ito ang ginamit sa pagsulat sa mga pangungusap ng Panginoong Jesu-Kristo nang siya’y dumaranas ng parusang kamatayan sa pahirapang tulos sa Kalbaryo noong Nisan 14 ng taóng 33 C.E.
Ang Ipinangako ni Jesus na Paraiso sa Isang Manlalabag-Batas
3. (a) Ano ang hiniling kay Jesus ng isang nakikiramay na manlalabag-batas? (b) Ano ang ipinakita ng kahilingan ng manlalabag-batas tungkol sa kaniyang paniwala hinggil kay Jesus?
3 Nang panahong iyon, dalawang manlalabag-batas ang nakabayubay sa magkabilang tabi ni Jesus. Isa sa kanila ang tumigil ng pang-aabuso kay Jesus di tulad ng ikalawang magnanakaw na nakabayubay sa kabilang tabi ni Jesus. Ang nakikiramay na manlalabag-batas ay pumihit at ang sabi: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa kaharian,” sa ganoo’y nagpahayag ng pananampalataya na si Jesus, bagaman nakabayubay sa tabi niya, ay nakahanay para sa pagtanggap sa isang panghinaharap na kaharian. (Lucas 23:42; Marcos 15:32) Kaipala’y lubhang nakaantig iyon sa puso ng Panginoong Jesus! Ang palakaibigang kriminal na iyon ay naniwala na si Jesu-Kristo’y walang kasalanan at siya’y hindi nararapat sa gayong kabigat na parusa na gaya na nga ng nakahihiyang pagbabayubay sa kaniya sa harap ng madla. (Lucas 23:41) Ipinakita niya sa pamamagitan ng kaniyang kahilingan na siya’y naniwalang si Jesus ay bubuhayin buhat sa mga patay at mapapasa-kaniyang kaharian. Ang manlalabag-batas ay nagpakita rin ng pananampalataya na siya mismo ay maaaring buhaying-muli at si Jesus ang Siyang tatawag sa kaniya buhat sa mga patay at bibigyan siya ng panibagong buhay sa lupa.
4. Papaano sinagot ni Jesus ang kahilingan ng manlalabag-batas, na nagpapakita ng ano?
4 Nang sabihin ni Jesus sa kaniya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso,” ang kaniyang tinutukoy ay ang pagkabuhay-muli ng nakikiramay na manlalabag-batas na iyan. Kaipala’y isang tunay na pampalubag-loob iyon sa kriminal na nagpakita ng pananampalataya. Upang maganap ang pagkabuhay-muli ng taong iyon, si Jesus ay kailangan munang buhaying-muli. Pagkatapos, sa paggamit sa kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihang bumuhay-muli, ang manlalabag-batas na ito ay tatawagin ni Jesus buhat sa mga patay sa araw ng pagbuhay-muli sa sanlibutan ng sangkatuhan.—Lucas 23:43; Juan 5:28, 29; 1 Corinto 15:20, 23; Hebreo 9:15.
5, 6. (a) Ano ang ipinasulat ni Gobernador Poncio Pilato sa ulunan ng ibinayubay na si Jesus? (b) Anong wika ang malamang na ginamit ni Jesus sa pakikipag-usap sa manlalabag-batas?
5 Sa anong wika ibinigay ni Jesus ang pangakong iyan? Marami ang ginagamit noong panahong iyon. Ito’y ipinakikita ng mga salitang ipinasulat ni Gobernador Poncio Pilato sa ulunan ng ibinayubay na si Jesu-Kristo, na nagpapakilala sa kaniya sa lahat ng dumaraan na nakabasa niyaon. Ang ulat sa Juan 19:19, 20 ay nagsasabi: “Sumulat din naman si Pilato ng isang pamagat at inilagay sa ulunan ng pahirapang tulos. At ang nasusulat ay: ‘Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.’ Marami nga sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagkat ang dakong doo’y ibinayubay si Jesus ay malapit sa siyudad; at iyon ay nasulat sa Hebreo, sa Latin, sa Griego.”
6 Dahil sa Bethlehem siya isinilang ng kaniyang inang birhen, na si Maria, si Jesus ay ipinanganak na isang Judio, o Hebreo. Kaya naman, sa kaniyang pangangaral nang may tatlo at kalahating mga taon sa lupain na kaniyang sinilangan, maliwanag na siya’y nangaral sa wikang Judio na ginagamit noon, o Hebreo. Kung gayon, nang siya’y magsalita nang may katiyakan sa nakikiramay na manlalabag-batas, malamang na siya’y nagsalita sa Hebreo. Kaya naman malamang na ginamit niya ang salitang Hebreo na gan nang tinutukoy niya ang Paraiso—ang salitang nasa Genesis 2:8. Doon, ang Griegong Septuagint bersiyon ng Banal na Kasulatan ay gumagamit ng salitang pa·raʹdei·sos sa pagsasalin ng orihinal na salitang gan.
7. Papaano niluwalhati si Jesus nang siya’y buhaying-muli?
7 Si Jesus ay binuhay-muli sa mga patay noong ikatlong araw pagkatapos ng kaniyang pagkabayubay, o noong Nisan 16 ng kalendaryong Hebreo. Makalipas ang apatnapung araw, siya’y nagbalik sa langit, ang kaniyang unang-unang tahanan, kaya lamang ay nasa isang lalong maluwalhating kalagayan ngayon. (Gawa 5:30, 31; Filipos 2:9) Ngayon ay binihisan siya ng kawalang-kamatayan, na siya ring katangian ng kaniyang makalangit na Ama. Ang Diyos na Jehova ang tanging Maytaglay ng kawalang-kamatayan hanggang noong buhaying-muli si Jesus sa mga patay noong Linggo, Nisan 16.—Roma 6:9; 1 Timoteo 6:15, 16.
Ang Pantubos ang Nagbubukas ng Daan
8. Ano ang panimulang layunin ni Jehova tungkol sa lupa, at ano ang nagpapakita na iyan pa rin ang kaniyang layunin?
8 Lahat ng ito ay mga hakbang sa layunin ng Diyos na ang buong lupa’y mabihisan ng malaparaisong kagandahan, oo, upang maging isang pangglobong paraiso. (Genesis 1:28; Isaias 55:10, 11) Sa 1 Corinto 15:45, si Jesus ay tinutukoy ni apostol Pablo bilang “ang huling Adan.” Ito’y nagpapakita na ang Diyos ay nanghahawakan pa rin sa kaniyang panimulang layunin tungkol sa lupa at may isa na tutupad ng layunin na hindi naganap ng unang Adan.
9. Ano ang ibinigay ni Jesus upang buksan ang daan pabalik sa Paraiso?
9 Sang-ayon kay Pablo, si Jesus ay naglaan ng “isang katumbas na pantubos.” (1 Timoteo 2:6) Si Jesu-Kristo mismo ang nagsabi: “Kung papaanong ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.” Ito ang nagpapangyari na yaong mga nagsasagawa ng pananampalataya kay Jesu-Kristo ay magkamit ng buhay na walang-hanggan.—Mateo 20:28; Juan 3:16.
10. (a) Ano ang layunin ng Diyos kung tungkol sa isang limitadong bilang ng sinang-ayunang mga tao? (b) Kailan nagsimula ang paghirang sa “munting kawan,” at sino ang humirang?
10 Nang si Jesus ay umakyat sa langit pagkatapos na siya’y buhaying-muli sa mga patay, maihaharap na niya sa Diyos ang bisa ng haing pantubos alang-alang sa sangkatauhan. Gayunman, layunin ng kaniyang makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, na kumuha sa mga bansa sa lupa ng “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Sang-ayon sa Apocalipsis 7:4 at 14:1-4, ang mga ito ay magkakaroon ng bilang na 144,000 lamang na mga indibiduwal, ang “munting kawan,” na tinawag sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (Lucas 12:32) Ang paghirang sa pantanging mga sinang-ayunang ito ng Diyos na Jehova ay nagsimula sa paghirang sa 12 apostol ni Jesu-Kristo. (Mateo 10:2-4; Gawa 1:23-26) Sinabi ni Jesus sa saligang mga miyembro ng kaniyang kongregasyon: “Ako’y hindi ninyo hinirang, ngunit kayo’y hinirang ko.” (Juan 15:16) Ang mga ito ang mangunguna sa gawaing pagbabalita ng dumarating na pangglobong Paraiso sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.
Ang Itinakdang Panahon sa Kaharian
11. Kailan itinakdang matatag ang Mesyanikong Kaharian?
11 Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Kristo, tayo sa ngayon ay patuloy na naghahandog ng panalangin kay Jehova upang harinawang dumating na ang Kaniyang Kaharian. (Mateo 6:9, 10; Juan 14:13, 14) Ang Mesyanikong Kaharian ay itinakdang matatag sa katapusan ng “itinakdang mga panahon sa mga bansa.” (Lucas 21:24) Ang mga Panahong Gentil na iyon ay natapos nang taóng 1914.a
12. Ano ang naganap noong 1914 bilang katuparan ng inihula ni Jesus na kapuna-punang mga bagay na magsisilbing tanda ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto?
12 Nagsilbing palatandaan ng taóng iyon ang unang pandaigdig na digmaan sa kasaysayan ng tao. Ito’y katuparan ng inihula ni Jesus tungkol sa kapuna-punang mga bagay na magsisilbing tanda ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto na may kapangyarihan sa Kaharian na sasakop sa lupa. Ang kaniyang mga alagad ay nagtanong sa kaniya ng ganito: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Si Jesus ay tumugon: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng kakapusan sa pagkain at lilindol sa iba’t ibang dako. Lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa. At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:3, 7, 8, 14; Marcos 13:10.
13. (a) Sa papaanong ang pangangaral ng Kaharian ng Diyos ay mabuting balita? (b) Gaano nang katagal nananalanging dumating na sana ang Kaharian ng Diyos, at ang kaniya bang mga saksi sa lupa ay nagsawa ng pananalangin tungkol dito?
13 Ang mabuting balitang ito ng kaharian ni Jehova ay ipinangangaral na ngayon sa mahigit na 200 lupain, at pinagsusumikapan na ito’y mapalawak upang makarating sa higit pang mga teritoryo. Ito’y isang pabalita, hindi ng isang pandaigdig na pamahalaang darating pa lamang, kundi ng isang kaharian na ngayo’y nasa kapangyarihan na, naghahari na. Ang Kahariang iyan ay itinatag noong 1914. Ito ang nagbukas ng daan para sa kasagutan sa panalangin na binalangkas ni Jesus mahigit na 1,900 taon na ngayon ang lumipas. Iyan ay idinadalangin na sa Maytatag ng Kahariang iyan magmula pa nang ang itinakdang Hari ng pamahalaang iyan ay magturo sa kaniyang mga alagad na hilingin iyan sa kanilang pananalangin. Kaya’t ang Autor ng Kahariang iyan ay napakatagal nang nakikinig sa kahilingang iyan. Siya’y nalulugod na marinig ang panalangin sa kaniya ng kaniyang mga saksi sa lupa sa loob ng buong panahong iyan, sapagkat ipinakikita na sila’y hindi nagbabago sa kanilang pananampalataya sa pagdating ng Kahariang iyan. Sila’y hindi nagsawa ng pananalangin nila sa ‘Ama sa langit,’ na para bagang ito’y wala nang lasa sa kanila.—Mateo 6:9, 10.
14. Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy pa ring nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos?
14 Bagaman ang mga Saksi ni Jehova’y naniniwala at naghahayag na itinatag na sa langit noong 1914 ang Kaharian, sila’y patuloy pa ring nangangaral ng mabuting balitang ito ng Kaharian. Sila’y nagpapatuloy dahil sa ang tatag na Kahariang iyon ay hindi pa siyang tanging nananakop sa lupa kundi pinahintulutan nito na ang mga kaharian ng sanlibutang ito’y gumamit pa ng kanilang kapangyarihan at autoridad sa lahat ng angkan at lahi ng sangkatauhan. (Roma 13:1) Ito’y kailangan pa samakatuwid na dumating dito nang lubusan, samakatuwid nga, sa antas na ito ang bukod-tanging pamahalaan na sumasakop sa buong lupa.—Daniel 2:44.
15. Ano ba ang nagaganap magbuhat noong Pentecostes 33 C.E. sa malawak na paraan kaysa noong pahiran ang mga hari sa Israel?
15 Bagaman hinirang na Hari ng Kahariang iyan, si Jesus ay hindi naghaharing mag-isa. Ang Diyos na Jehova ay humirang ng 144,000 na mga tagasunod ng kaniyang maharlikang Anak upang maging mga kasamang tagapagmana sa Mesyanikong Kaharian ng Diyos. (Daniel 7:27) Kung papaanong sa sinaunang Israel ang mga hari ay pinapahiran ng banal na pambuhos na langis ng mataas na saserdote, gayundin na magbuhat noong araw ng Pentecostes 33 C.E., pinapangyari ni Jehova na ang 144,000 mga tagapagmanang kasama ni Jesu-Kristo ay mabuhusan ng Kaniyang banal na espiritu, anupa’t iniaanak sila upang magtamo ng buhay sa espiritu sa langit kasama ng “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”—Apocalipsis 19:16; ihambing ang 1 Hari 1:39.
Ang Paraiso ay Isasauli ng “Huling Adan”
16. Ano ba ang tanawin tungkol sa Kaharian nang ibayubay si Jesus, subalit bakit siya hindi naging isang tagapaghayag ng maling balita?
16 Nang ibayubay si Jesus noong 33 C.E., waring imposible na magkaroon siya ng kaharian. Subalit sa kaniyang pangangaral ng Kaharian ng Diyos, siya’y hindi naging isang tagapaghayag ng maling balita. Noong ikatlong araw pagkatapos ng kaniyang pagkabayubay, tiniyak ng Maytatag ng Kaharian na ang mga alagad ni Jesus ay hindi magsisipanalangin ukol sa isang pamahalaan na hindi posibleng mangyari. Binuhay-muli ni Jehova ang Isa na kakatawan sa Kaniya sa idinadalanging Kaharian at binihisan siya ng kawalang-kamatayan.
17, 18. (a) Ano ang kahulugan ng tawag kay Jesus na “ang huling Adan”? (b) Ano ang pinatutunayan ng mga pangyayari sa daigdig sapol noong 1914?
17 Batid ni Jesus na ang Maylikha ng unang Paraiso sa lupa ay magbibigay sa kaniya ng obligasyon na isauli ang Paraiso at pangasiwaan ang pananahanan ng mga tao sa pangglobong halamanan. Sa 1 Corinto 15:45, 47, ito ang mababasa natin: “Gaya ng nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay naging isang kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan ay naging isang espiritung nagbibigay-buhay. Ang unang tao ay buhat sa lupa at galing sa alabok; ang ikalawang tao ay buhat sa langit.” Ang ikalawang Adan ay bumaba buhat sa langit at siyang ginagamit ni Jehova upang muling magtatag ng Paraiso dito sa lupa. Dito isinalig ang sinabi ng Panginoong Jesus sa nakiramay na manlalabag-batas: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Buhat sa pag-uusap na ito ay muling lumilitaw na ang Paraiso’y itatatag sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng langit na nasa kamay ng niluwalhating si Jesu-Kristo, “ang huling Adan.”
18 Ang mga pangyayari sa daigdig sapol noong 1914 ay kasuwato ng mga hula na sinalita ni Jesu-Kristo at sa gayo’y nagpapatunay na si Jesus ay nakaluklok na sa kapangyarihan sapol noon. Sa loob ng mahigit na pitumpung taon na ngayon, ang mga tao sa ika-20-siglong saling-lahing ito na nabubuhay sapol noong 1914 ay nakaranas ng katuparan ng mga pangyayaring iniisa-isa sa hula ni Jesus na nasa Mateo kabanata 24. Samakatuwid, ang yugtong ito ng panahon ay malapit nang matapos, at ang pagsasauli ng Paraiso sa lupa ay napakalapit na.—Mateo 24:32-35; ihambing ang Awit 90:10.
Isang Kapana-panabik na Panahong Pagbabagong-Sanlibutan ang Natatanaw Na
19, 20. (a) Pagkatapos ng Armagedon, sa ano ipapasok ni Jehova ang kaniyang mga mangingibig? (b) Ano ang kakailanganing gawin kaagad pagkatapos ng Armagedon?
19 Hindi sa isang nakababagot, nakaiinip na sistema ng mga bagay ipapasok ni Jehova ang kaniyang mga mangingibig pagkatapos na ipagbangong-puri niya ang kaniyang pansansinukob na soberanya nang walang bahagya mang kaduda-duda sa larangang-digmaan ng Armagedon. Ang napipintong panahon para sa sangkatauhan sa ilalim ng kawili-wiling pamamahala ng Mesyanikong Hari, si Jesus, na Anak ng Diyos, ay tunay na kasiya-siya nga. Oh, anong laking pangangailangan na gumawa agad ng mga bagay na mapapakinabangan! Ang anumang bakas na naiwan sa balat ng lupa dahil sa pambuong globong pagbabaka ng makalangit na mga hukbo ni Jehova at ng binuong mga puwersa ng kasamaan ay maaalis. Walang matitirang anumang bakas.
20 Subalit ano ang mangyayari sa lahat ng mga kagamitang pandigma na maiiwan ng mga bansa? Sa liwanag ng makasagisag na kahulugan ng haba ng panahon na kakailanganin upang masunog ang mga bahaging maaaring sunugin, napakarami pala niyaon. (Ezekiel 39:8-10) Baka ang mga materyales ng anumang natitirang mga relikya ng digmaan ng mga bansa ay magamit ng mga nakaligtas sa Armagedon sa kapaki-pakinabang na mga layunin.—Isaias 2:2-4.
21. Katulad ng karanasan ng mga nakaligtas sa Baha, sa anong kalagayan mapapaharap ang mga nakaligtas sa Armagedon, subalit ano ang pangunahing pagkakaiba?
21 Ang pinagpalang mga tao sa ngayon na mga kahalintulad ni Noe at ng kaniyang pamilya na makahimalang nakaligtas sa pangglobong Delubyo ay mapapaharap sa isang makalupang kalagayan na katulad niyaong naranasan ng sambahayan ni Noe. Gayunman, si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay hindi na magsisilbing salot sa di-nakikitang mga langit na nakapalibot sa lupa kundi sila’y lubusang ililigpit sa loob ng sanlibong taon. (Apocalipsis 20:1-3) Ang mga nakaligtas sa Armagedon ay mapapaharap sa hamon na pagsupil sa lupa na nakatawid sa “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” anuman ang mga epektong maiiwan nito sa planetang ito.—Apocalipsis 16:14.
22. Papaano maaapektuhan ang mga nakaligtas sa Armagedon ng hamon tungkol sa pagpapalawak ng Paraiso sa lupa?
22 Bagaman kakaunti ang bilang nila, ang mga nakaligtas na ito sa digmaan ng Armagedon sa pangkaraniwan ay baka asahang pinangingibabawan ng malaking pagkatakot ngayong nakaharap sila sa napakalaking gawaing pagpapalaganap ng Paraiso sa buong lupa. Ngunit sa kabaligtaran, dahil sa sukdulang kaligayahan nila, sa pasimula pa lamang sila ay pakikilusin ng kagitingan at pagkamasunurin. Kanilang lubusang natatalos na ang lupang ito ay makasagisag na tuntungang-paa ng Diyos, at sila’y taimtim na nagnanasang ang lupang ito’y maiuli sa kalagayan na maganda at kaakit-akit at karapat-dapat na maging himlayan ng kaniyang mga paa.
23. Anong tulong ang ibibigay sa mga nakaligtas sa Armagedon bilang katiyakan na ang kanilang gawain na isauli ang Paraiso ay magtatagumpay?
23 Nakaliligaya at nakapagpapatibay-loob na malamang sila’y hindi pababayaang mag-isa at walang katulong pagkatapos na gawin nila ang nakagagalak na paglilingkod na ito bilang katuparan ng banal na tungkulin tungkol sa lupa. (Ihambing ang Isaias 65:17, 21-24.) Kanilang tatanggapin ang lubos, walang-hanggang tulong ng Isa na nangakong isasauli ang Paraiso at nang araw na umakyat siya sa langit ay nagsabing: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Hawak pa rin niya ang kapamahalaang iyan, at kaniyang matutupad ang kaniyang pambihirang pangako sa nakikiramay na manlalabag-batas, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Para sa mga detalye, tingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 135-9. Tingnan din ang Ezekiel 21:27.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Anong katiyakan para sa sangkatauhan at para sa isang kriminal ang dala ng pangako ni Jesus sa Kalbaryo?
◻ Ano ang pangunahing kailangan upang mabuksan ang daan pabalik sa Paraiso?
◻ Ano ang hindi nagawa ng unang Adan, ngunit ano ang matagumpay na isasagawa ng “huling Adan”?
◻ Pagkatapos ng Armagedon, sa anong uri ng sistema ng mga bagay ipapasok ni Jehova ang kaniyang mga mangingibig?
[Larawan sa pahina 13]
Ang artikulong “End of All Kingdoms in 1914” ay napalathala sa “The World Magazine” ng Agosto 30, 1914