Adan at Eba
Kahulugan: Si Adan ang unang taong nilikha. Ang katagang Hebreo na ’a·dhamʹ ay wasto ring isinasalin na “tao,” “taong makalupa,” at “sangkatauhan.” Si Eba, ang unang babae, ay asawa ni Adan.
Sina Adan at Eba ba’y mga taong makatalinghaga lamang?
Salungat ba sa katuwiran ang maniwalang lahat ng tao ay nagmula lamang sa orihinal na mga magulang na ito?
“Pinatutunayan ngayon ng siyensiya ang matagal nang ipinangangaral ng maraming matatandang relihiyon: Ang mga tao mula sa lahat ng lahi ay . . . nagmula sa iisang orihinal na tao.”—Heredity in Humans (Philadelphia at Nueba York, 1972), Amram Scheinfeld, p. 238.
“Ang istorya ng Bibliya hinggil kina Adan at Eba, ama’t ina ng buong lahi ng tao, ay nagsaad maraming siglo na ang nakalipas ng gayon ding katotohanan na ipinakikita ngayon ng siyensiya: na lahat ng tao sa lupa ay iisang sambahayan at may iisang pinagmulan.”—The Races of Mankind (Nueba York, 1978), Ruth Benedict at Gene Weltfish, p. 3.
Gawa 17:26: “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawa’t bansa, upang magsipanahan sa ibabaw ng lupa.”
Inihaharap ba ng Bibliya si Adan bilang isa lamang makatalinghagang tauhan na kumakatawan sa buong sinaunang lahi ng tao?
Jud. 14: “Ang ikapito sa bilang mula kay Adan, si Enoc, ay humula.” (Si Enoc ay hindi ikapito sa bilang mula sa buong sinaunang lahi ng tao.)
Luc. 3:23-38: “Si Jesus mismo, nang siya’y magpasimulang magturo, ay may gulang na tatlumpung taon, na siyang . . . anak ni David . . . anak ni Abraham . . . anak ni Adan.” (Sina David at Abraham ay kilala at makasaysayang mga tauhan. Kaya hindi ba makatuwirang ipasiya na si Adan ay isang tunay na tao?)
Gen. 5:3: “Nabuhay si Adan ng isang daan at tatlumpung taon. At nagkaanak siya ng isang lalake sa kaniyang wangis, kahawig ng kaniyang larawan, at tinawag niya ito sa pangalang Set.” (Si Set ay tiyak na hindi anak ng lahat ng sinaunang mga tao, at hindi rin lahat ng sinaunang tao ay nagkaanak nang sila’y 130 taong gulang.)
Yamang ang ulat ay nagsasabing may ahas na nakipag-usap kay Eba, nangangahulugan ba na ito’y talinghaga lamang?
Gen. 3:1-4: “Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alinman sa mga hayop sa parang na nilikha ng Diyos na Jehova. Kaya sinabi nito sa babae: ‘Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain sa alinmang punong-kahoy sa halamanan?’ Sumagot ang babae sa ahas: ‘ . . . sinabi ng Diyos, “Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo’y mamatay.” ’ Subali’t sinabi ng ahas sa babae: ‘Tunay na hindi kayo mamamatay.’ ”
Juan 8:44: “[Sinabi ni Jesus:] Ang Diyablo . . . ay isang sinungaling at ang ama ng kasinungalingan.” (Kaya ang Diyablo ang pinagmulan ng kaunaunahang kasinungalingan, na sinalita sa Eden. Ginamit niya ang ahas bilang nakikitang tagapagsalita. Ang ulat ng Genesis ay hindi gumagamit ng mga nilikhang kathang-isip lamang upang magturo ng isang leksiyon. Tingnan din ang Apocalipsis 12:9.)
Paglalarawan: Hindi katakatakang mapalitaw ng isang bentrilokista na ang kaniyang tinig ay nagmumula sa ibang dako. Ihambing ang Bilang 22:26-31, na nagsasabing pinapagsalita ni Jehova ang asno ni Balaam.
Kung ang “unang Adan” ay makatalinghaga lamang, papaano naman ang “huling Adan,” si Jesu-Kristo?
1 Cor. 15:45, 47: “Gayundin naman nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay. Ang unang tao ay taga-lupa at yari sa alabok; ang ikalawang tao ay taga-langit.” (Kaya nagbabangon ng pag-aalinlangan kay Jesu-Kristo ang pagtanggi sa katotohanan na si Adan ay isang tunay na tao na nagkasala sa Diyos. Ang gayong pagtanggi ay umaakay sa pagtatakwil sa layunin ng pagkakaloob ni Jesus ng kaniyang buhay ukol sa sangkatauhan. Ang pagtatakwil nito ay nangangahulugan ng pagtatakwil sa pananampalatayang Kristiyano.)
Papaano minalas mismo ni Jesus ang ulat ng Genesis?
Mat. 19:4, 5: “Sinabi [ni Jesus]: ‘Hindi baga ninyo nabasa [sa Genesis 1:27; 2:24] na ang lumalang sa kanila [sina Adan at Eba] buhat sa pasimula ay lumalang sa kanila na lalake at babae at sinabi, “Dahil dito’y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina at makikisama sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman”?’ ” (Yamang pinaniwalaan ni Jesus ang ulat ng Genesis bilang katotohanan, hindi rin ba natin dapat paniwalaan ito?)
Kung May Magsasabi—
‘Ang kasalanan ni Adan ay kalooban ng Diyos, plano ng Diyos.’
Maaari kayong sumagot: ‘Marami ang nagsasabi nang ganiyan. Nguni’t kung gagawa ako ng isang bagay na gusto ninyong gawin ko, mamasamain ba ninyo ako dahil doon? . . . Kaya, kung ang kasalanan ni Adan ay kalooban ng Diyos, bakit pinalayas si Adan sa Eden bilang isang makasalanan? (Gen. 3:17-19, 23, 24)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Magandang punto iyan, at ang sagot ay talagang nagsasangkot sa kung anong uri ng persona ang Diyos. Magiging makatarungan o maibigin kaya na hatulan ang isa sa paggawa ng isang bagay na kayo mismo ang nagplano na dapat niyang gawin?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Si Jehova ay Diyos ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Lahat ng kaniyang daan ay makatarungan. (Awit 37:28; Deut. 32:4) Hindi kalooban ng Diyos na magkasala si Adan; binalaan niya si Adan laban dito. (Gen. 2:17)’ (2) ‘Pinagkalooban ng Diyos si Adan, gaya din natin, ng kalayaan na pumili kung ano ang gagawin niya. Ang kasakdalan ay hindi nag-aalis sa malayang kalooban na sumuway. Pinili ni Adan na maghimagsik laban sa Diyos, sa kabila ng babala na kamatayan ang ibubunga nito.’ (Tingnan din ang pahina 409.)