Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham sa mga Taga-Corinto
LABIS na nababahala si apostol Pablo sa espirituwal na kapakanan ng kongregasyon sa Corinto. Nabalitaan niyang hindi nagkakasundo ang mga kapatid doon. Kinukunsinti ang imoralidad. Sumulat din ang kongregasyon kay Pablo at nagtatanong tungkol sa ilang bagay. Kaya noong mga 55 C.E., nang si Pablo ay nasa Efeso sa panahon ng kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, isinulat niya ang una sa kaniyang dalawang liham sa mga taga-Corinto.
Ang ikalawang liham, na malamang na isinulat mga ilang buwan lamang pagkatapos ng unang liham, ay karugtong ng unang liham. Yamang ang kalagayan sa loob at labas ng kongregasyon sa Corinto noong unang-siglo ay katulad ng kalagayan sa ating panahon sa maraming paraan, napakahalaga sa atin ng mensahe ng mga liham ni Pablo sa mga taga-Corinto.—Heb. 4:12.
‘MANATILING GISING, TUMAYONG MATATAG, MAGPAKALAKAS’
“Kayong lahat ay magsalita nang magkakasuwato,” ang payo ni Pablo. (1 Cor. 1:10) ‘Walang ibang pundasyon maliban kay Jesu-Kristo,’ na pinagtatayuan ng mga katangiang Kristiyano. (1 Cor. 3:11-13) May kinalaman sa isang mapakiapid sa kongregasyon, sinabi ni Pablo: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” (1 Cor. 5:13) “Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid,” ang sabi niya, “kundi para sa Panginoon.”—1 Cor. 6:13.
Bilang sagot sa “mga bagay na isinulat [nila],” nagbigay si Pablo ng mainam at praktikal na payo tungkol sa pag-aasawa at pagiging walang asawa. (1 Cor. 7:1) Pagkatapos magkomento tungkol sa Kristiyanong pagkaulo, kaayusan sa mga Kristiyanong pagpupulong, at katiyakan ng pagkabuhay-muli, nagpayo si Pablo: “Manatili kayong gising, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpakalakas kayo.”—1 Cor. 16:13.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:21—Gumagamit nga ba si Jehova ng “kamangmangan” para iligtas yaong mga naniniwala? Hindi. Gayunman, yamang “ang sanlibutan sa pamamagitan ng karunungan nito ay hindi nakakilala sa Diyos,” ang ginagamit niya para iligtas ang mga tao ay itinuturing ng sanlibutan na kamangmangan.—Juan 17:25.
5:5—Ano ang kahulugan ng ‘ibigay ang balakyot na tao kay Satanas para sa pagkapuksa ng laman, upang ang espiritu ay maligtas’? Kung ang di-nagsisising manggagawa ng malubhang kasalanan ay itiniwalag sa kongregasyon, nagiging bahagi siyang muli ng balakyot na sanlibutan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Kaya masasabing ibinibigay siya kay Satanas. Sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa gayong tao, naaalis ang masamang impluwensiya sa kongregasyon at nananatili ang espiritu, o ang nangingibabaw na saloobin nito.—2 Tim. 4:22.
7:33, 34—Ano ang kahulugan ng “mga bagay ng sanlibutan” na ikinababalisa ng mga may asawa? Tinutukoy ni Pablo ang mga pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay na kailangang asikasuhin ng mga Kristiyanong may asawa. Kasama na rito ang pagkain, damit, at bahay, pero hindi kasali ang masasamang bagay ng sanlibutang ito na iniiwasan ng mga Kristiyano.—1 Juan 2:15-17.
11:26—Gaano kadalas dapat alalahanin ang kamatayan ni Jesus, at “hanggang” kailan? Hindi sinabi ni Pablo na dapat alalahanin nang madalas ang kamatayan ni Jesus. Sa halip, sinabi niyang sa tuwing makikibahagi sa mga emblema ng Memoryal ang mga pinahirang Kristiyano, minsan sa isang taon kung Nisan 14, ‘inihahayag nila ang kamatayan ng Panginoon.’ Ginagawa nila ito “hanggang sa dumating siya,” samakatuwid nga, hanggang sa tanggapin niya sila sa langit sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.—1 Tes. 4:14-17.
13:13—Sa anong paraan mas dakila ang pag-ibig kaysa sa pananampalataya at pag-asa? Kapag ang “mga bagay na inaasahan” ay natupad na at “ang mapananaligang paghihintay” ay naganap na, tapos na rin ang ginagampanang papel ng pananampalataya at pag-asa. (Heb. 11:1) Mas dakila ang pag-ibig kaysa sa pananampalataya at pag-asa dahil ito ay nananatili magpakailanman.
15:29—Ano ang kahulugan ng ‘mabautismuhan sa layuning maging mga patay’? Hindi sinasabi ni Pablo na dapat mabautismuhan ang nabubuhay na mga tao alang-alang sa mga patay na hindi nabautismuhan. Ang tinutukoy rito ni Pablo ay ang paglulubog ng mga pinahiran-ng-espiritung Kristiyano sa isang landasin ng buhay na kung saan maiingatan nila ang kanilang katapatan hanggang kamatayan na susundan ng pagkabuhay-muli tungo sa espiritung buhay.
Mga Aral Para sa Atin:
1:26-31; 3:3-9; 4:7. Kung may-kapakumbabaan nating ipaghahambog si Jehova, at hindi ang ating sarili, magdudulot ito ng pagkakaisa sa kongregasyon.
2:3-5. Habang nagpapatotoo sa Corinto, ang sentro ng Griegong pilosopiya at edukasyon, malamang na iniisip ni Pablo kung mahihikayat niya ang kaniyang mga tagapakinig. Gayunman, hindi niya hinayaan ang takot o anumang kahinaan na humadlang sa kaniya sa paggawa ng kaniyang bigay-Diyos na ministeryo. Sa katulad na paraan, hindi rin natin dapat hayaan ang mahihirap na kalagayan na pigilan tayo sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Gaya ni Pablo, dapat tayong magtiwala na tutulungan tayo ni Jehova.
2:16. Para taglayin “ang pag-iisip ng Kristo,” kailangan nating malaman ang takbo ng kaniyang pag-iisip, mag-isip na gaya niya, maunawaang mabuti ang kaniyang mga katangian, at tularan ang kaniyang halimbawa. (1 Ped. 2:21; 4:1) Napakahalaga ngang maingat nating pag-aralan ang buhay at ministeryo ni Jesus!
3:10-15; 4:17. Dapat nating suriin at pasulungin ang ating kakayahang magturo at gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Kung hindi tayo mahusay magturo, baka hindi mapagtagumpayan ng ating estudyante ang mga pagsubok sa pananampalataya, at baka labis tayong masaktan dahil sa kawalang ito anupat ang ating kaligtasan ay magiging “sa pamamagitan ng apoy.”
6:18. Upang ‘makatakas mula sa pakikiapid,’ hindi lamang dapat umiwas sa por·neiʹa kundi gayundin sa pornograpya, karumihan sa moral, pagpapantasya tungkol sa sekso, pakikipagligaw-biro—anumang bagay na hahantong sa pakikiapid.—Mat. 5:28; Sant. 3:17.
7:29. Dapat maging maingat ang mga mag-asawa na huwag masyadong mabahala sa kapakanan ng isa’t isa anupat nagiging pangalawahin na sa kanilang buhay ang kapakanan ng Kaharian.
10:8-11. Labis na nasaktan si Jehova nang magbulung-bulungan ang Israel laban kina Moises at Aaron. Makikinabang nga tayo kung iiwasan nating maging mapagbulong.
16:2. Magiging palagian ang ibinibigay nating abuloy para mapasulong ang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral kung patiuna itong paplanuhin at gagawing sistematiko.
‘PATULOY NA MAIBALIK SA AYOS’
Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na dapat nilang ‘patawarin at aliwin nang may-kabaitan’ ang isang nagsisising nagkasala na nadisiplina na. Bagaman nalungkot sila sa kaniyang unang liham, nagpahayag naman ng kagalakan si Pablo dahil sila ay “napalungkot . . . tungo sa pagsisisi.”—2 Cor. 2:6, 7; 7:8, 9.
‘Kung paanong nananagana sila sa lahat ng bagay,’ hinimok ni Pablo ang mga taga-Corinto na ‘managana sa pagbibigay.’ Matapos sagutin ang mga sumasalansang, ibinigay niya ang panghuling payo para sa lahat: “Patuloy kayong magsaya, maibalik sa ayos, maaliw, mag-isip nang magkakasuwato, mamuhay nang mapayapa.”—2 Cor. 8:7; 13:11.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:15, 16—Paano tayo nagiging “mabangong amoy ni Kristo”? Nagiging mabangong amoy tayo dahil sinusunod natin ang sinasabi ng Bibliya at ipinangangaral ang mensahe nito. Bagaman kasuklam-suklam ang gayong “samyo” para sa di-matuwid na mga tao, ito naman ay napakabango para kay Jehova at sa tapat-pusong mga tao.
5:16—Paano masasabing ‘hindi kilala ng mga pinahirang Kristiyano ang sinumang tao ayon sa laman’? Hindi sila tumitingin sa tao sa makalamang paraan, samakatuwid nga, pagpapakita ng paboritismo batay sa kayamanan, lahi, o etniko o bansang pinagmulan. Ang mahalaga sa kanila ay ang espirituwal na kaugnayan nila sa kanilang mga kapananampalataya.
11:1, 16; 12:11—Naging di-makatuwiran ba si Pablo sa mga taga-Corinto? Hindi. Gayunman, maaaring ang tingin ng ilan sa kaniya ay hambog at di-makatuwiran dahil sa kaniyang nasabi para ipagtanggol ang kaniyang pagka-apostol.
12:1-4—Sino ang “inagaw . . . patungo sa paraiso”? Yamang wala namang sinasabi ang Bibliya kung sino ang iba pang nagkaroon ng gayong pangitain at ang bahaging ito ay sinusundan ng pagtatanggol ni Pablo sa kaniyang pagka-apostol, posibleng sarili niyang karanasan ang inilalahad niya. Malamang na ang nakita ng apostol sa pangitain ay ang espirituwal na paraiso na tinatamasa ng kongregasyong Kristiyano sa “panahon ng kawakasan.”—Dan. 12:4.
Mga Aral Para sa Atin:
3:5. Sa diwa, sinasabi sa atin ng talatang ito na si Jehova ang nagpapangyaring maging lubusang kuwalipikado ang mga Kristiyano sa ministeryo sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang banal na espiritu, at ng makalupang bahagi ng kaniyang organisasyon. (Juan 16:7; 2 Tim. 3:16, 17) Kaya makabubuting masikap tayong mag-aral ng Bibliya at mga salig-Bibliyang publikasyon, matiyagang manalangin para sa banal na espiritu, at regular na dumalo at makibahagi sa mga Kristiyanong pagpupulong.—Awit 1:1-3; Luc. 11:10-13; Heb. 10:24, 25.
4:16. Yamang binabago ni Jehova ‘ang pagkatao natin sa loob sa araw-araw,’ dapat na patuloy nating samantalahin ang mga paglalaan ni Jehova, anupat hindi pinalilipas ang isang araw nang hindi isinasaalang-alang ang espirituwal na mga bagay.
4:17, 18. Makatutulong sa atin na manatiling tapat kay Jehova sa panahon ng mahirap na kalagayan kung tatandaan nating “ang kapighatian ay panandalian at magaan.”
5:1-5. Napakaganda ng pagkakasabi ni Pablo tungkol sa damdamin ng mga pinahirang Kristiyano may kinalaman sa kanilang pag-asa sa makalangit na buhay!
10:13. Sa pangkalahatan, malibang naatasan tayong tumulong kung saan malaki ang pangangailangan, ang teritoryo lamang na nakaatas sa ating kongregasyon ang dapat nating gawin.
13:5. Upang ‘masubok kung tayo ay nasa pananampalataya,’ dapat nating tiyakin kung ang ating paggawi ay kaayon ng ating natutuhan mula sa Bibliya. Upang ‘mapatunayan kung ano nga tayo,’ dapat nating suriin ang antas ng ating espirituwalidad, kasama na ang talas ng ating “kakayahan sa pang-unawa” at ang lawak at dami ng ating mga gawa ng pananampalataya. (Heb. 5:14; Sant. 1:22-25) Sa pagkakapit ng mainam na payo ni Pablo, patuloy tayong makalalakad sa daan ng katotohanan.
[Larawan sa pahina 26, 27]
Ano ang kahulugan ng mga salitang “sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito”?—1 Cor. 11:26