APOLOS
[Tagapuksa; pinaikling Apolonio].
Isang Judio na mula sa Alejandria, Ehipto, na mahusay magsalita at maraming kaalaman sa Hebreong Kasulatan. Waring napatotohanan siya ng mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo o ng mga Kristiyanong saksi bago ang Pentecostes, yamang siya ay “may kabatiran lamang sa bautismo ni Juan.” (Gaw 18:24, 25) Gayunma’y matindi ang kaniyang pananalig, at pagdating niya sa Efeso noong mga 52 C.E., nagsimula siyang magpatotoo sa lokal na sinagoga. Doon ay nakilala niya sina Aquila at Priscila, na tumulong sa kaniya upang magkaroon siya ng lubos na kaunawaan sa turong Kristiyano. Mula sa Efeso ay pumaroon siya sa Acaya, taglay ang isang liham ng pagpapakilala, at doon ay waring itinuon niya ang kaniyang pansin sa Corinto, kung saan naunang mangaral si Pablo. Ang kaniyang masidhi at mabisang pagsagot mula sa Kasulatan sa mga argumento ng di-sumasampalatayang mga Judio ay nakatulong nang malaki sa mga kapatid doon. Sa gayon ay kaniyang ‘diniligan ang itinanim ni Pablo.’—Gaw 18:26-28; 19:1; 1Co 3:6.
Gayunman, nakalulungkot na nang panahong isulat ni Pablo ang kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto (mga 55 C.E.), mayroon nang mga paksiyon sa kongregasyon sa Corinto, anupat itinuturing ng iba ang mahusay-magsalitang si Apolos bilang kanilang lider, samantalang mas gusto naman ng iba si Pablo o si Pedro at ang iba ay nanghahawakan lamang kay Kristo. (1Co 1:10-12) Itinuwid ng liham ni Pablo ang kanilang maling kaisipan, anupat ipinakita na kailangan ang pagkakaisa at na ang mga indibiduwal ay hindi gaanong mahalaga kundi mga ministro lamang na naglilingkod sa ilalim ng Diyos at ni Kristo. (1Co 3:4-9, 21-23; 4:6, 7) Waring si Apolos noon ay nasa Efeso o malapit sa Efeso, kung saan maliwanag na isinulat ni Pablo ang Unang Corinto, sapagkat binanggit ni Pablo na hinihimok niya si Apolos na dalawin ang kongregasyon sa Corinto. (1Co 16:12) Maaaring atubili ni Apolos na pumaroon dahil sa di-wastong saloobin ng mga taga-Corinto o baka dahil abala siya sa isang larangan ng gawain na iniisip niya na kailangan pa niyang asikasuhin. Anuman ang kalagayan, ipinakikita ng maikling pananalita ni Pablo na hindi hinayaan ng dalawang aktibong misyonerong ito na sirain ng suliraning iyon ang kanila mismong pagkakaisa. Ang huling pagbanggit kay Apolos ay sa Tito 3:13, kung saan hiniling ni Pablo kay Tito, na nasa Creta noon, na ilaan ang mga kailangan ni Apolos para sa isang paglalakbay.