Ano ang Makatutulong sa Atin Upang Makatayong Matatag sa Pananampalataya?
1 Mula nang tayo’y makisama sa organisasyon ni Jehova, ang ating espirituwal na pagsulong ay napatunayang isang sanhi ng kagalakan para sa atin! Gayunman, upang manatiling ‘nakaugat, nakatayo, at matatag sa pananampalataya,’ ang patuloy na paglaki sa espirituwal ay mahalaga. (Col. 2:6, 7) Bagaman ang karamihan ay nanagana sa espirituwal, ang ilan ay naanod na papalayo dahil sa pagkabigong ‘tumayong matatag sa pananampalataya.’ (1 Cor. 16:13) Mahahadlangan natin ito na mangyari sa atin. Paano?
2 Palagiang Gawain sa Espirituwal: Itatag ang isang mabuting espirituwal na rutin kasama ng organisasyon ni Jehova. Dito’y saganang napangangalagaan ang ating espirituwal na mga pangangailangan. Ang mga pulong ng kongregasyon, mga asamblea, at mga kombensiyon ay mag-uudyok sa atin ukol sa higit pang pagsulong at pagiging matatag sa espirituwal, kung tayo’y laging dadalo upang anihin ang mga kapakinabangan nito. (Heb. 10:24, 25) Ang isang regular na rutin sa pagbabasa ng Bibliya, ng mga magasing Bantayan at Gumising!, at ng mga aklat na tumatalakay sa matitigas na pagkain ng Salita ng Diyos ay magpapalalim at magpapatibay sa ating espirituwal na mga ugat. (Heb. 5:14) Ang pagtatakda ng inyong espirituwal na mga tunguhin at masipag na pagsasagawa ng mga ito ay magdudulot ng namamalaging mga kapakinabangan.—Fil. 3:16.
3 Tulong Mula sa mga May-Gulang: Pagsikapang palawakin ang pakikipagsamahan sa mga may-gulang sa espirituwal sa kongregasyon. Kilalanin ang matatanda, yamang sila ang pangunahing makapagpapalakas sa atin. (1 Tes. 2:11, 12) Tanggapin ang anumang payo o mga mungkahing kanilang maibibigay. (Efe. 4:11-16) Ang mga ministeryal na lingkod ay interesado rin sa pagtulong sa iba na maging matatag sa pananampalataya, kaya umasa sa mga kapatid na ito para sa pampatibay-loob.
4 Kailangan mo ba ng tulong sa ministeryo? Makipag-usap sa matatanda, at humiling ng tulong. Marahil ay maaari kang isama sa programa ng Pagtulong ng mga Payunir sa Iba. Ikaw ba’y bagong nabautismuhan? Ang pag-aaral sa aklat na Ating Ministeryo at pagkakapit ng nilalaman nito ay magpapasigla ukol sa pagsulong tungo sa espirituwal na pagkamay-gulang. Ikaw ba’y isang magulang? Patuloy na palakasin ang espirituwalidad ng iyong mga anak.—Efe. 6:4.
5 Sa pagiging nakaugat at matatag sa pananampalataya, tinatamasa natin ang isang malapit na kaugnayan kay Jehova at masiglang pakikipagsamahan sa ating mga kapatid. Ito’y tumutulong sa atin na mapaglabanan ang mga pananalakay ni Satanas, at nagpapalakas ng ating pag-asa sa walang hanggang kinabukasan.—1 Ped. 5:9, 10.