ARALIN 21
Kung Paano Ipinapangaral ang Mabuting Balita
Malapit nang alisin ni Jehova ang lahat ng problema gamit ang kaniyang Kaharian. Ang mabuting balitang ito ay kailangang malaman ng mga tao. At gusto ni Jesus na ipangaral ng mga tagasunod niya ang mensaheng ito. (Mateo 28:19, 20) Paano nasusunod ng mga Saksi ni Jehova ang utos na ito ni Jesus?
1. Paano natutupad ngayon ang Mateo 24:14?
Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa.” (Mateo 24:14) Masayang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang mahalagang atas na ito. Ipinapangaral namin ang mabuting balita sa buong mundo sa mahigit 1,000 wika! Ang napakalaking gawaing ito ay kailangan ng pagsisikap at dapat na organisado. Hindi namin ito magagawa kung wala ang tulong ni Jehova.
2. Anong mga pagsisikap ang ginagawa namin para mapangaralan ang mga tao?
Nangangaral kami kung saan may tao. Gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, nangangaral kami “sa bahay-bahay.” (Gawa 5:42) Dahil sa organisadong paraang ito, napapangaralan namin ang milyon-milyong tao kada taon. Madalas na walang tao sa mga bahay kaya nangangaral din kami sa mga pampublikong lugar. Lagi kaming gumagawa ng paraan para masabi sa iba ang tungkol kay Jehova at sa layunin niya.
3. Sino ang may pananagutang mangaral ng mabuting balita?
Pananagutan ng lahat ng tunay na Kristiyano na ipangaral ang mabuting balita sa iba. Seryoso kami sa pananagutang ito. Nangangaral kami sa abot ng aming makakaya kasi alam namin na buhay ang nakataya. (Basahin ang 1 Timoteo 4:16.) Hindi kami sinusuwelduhan sa gawaing ito dahil sinasabi ng Bibliya: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:7, 8) Hindi lahat ay tatanggap sa mensahe namin, pero patuloy pa rin kaming mangangaral kasi bahagi ito ng pagsamba namin at nagpapasaya ito kay Jehova.
PAG-ARALAN
Alamin ang mga pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova para makapangaral sa buong mundo at kung paano kami tinutulungan ni Jehova.
4. Nagsisikap kaming pangaralan ang lahat ng tao
Ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang buong makakaya nila para maipangaral ang mabuting balita sa lahat ng tao saanman sila nakatira. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang hinahangaan mo sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova?
Basahin ang Mateo 22:39 at Roma 10:13-15. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano ipinapakita ng pangangaral na mahal namin ang aming kapuwa?
Ano ang nararamdaman ni Jehova sa mga nangangaral ng mabuting balita?—Tingnan ang talata 15.
5. Kamanggagawa kami ng Diyos
Maraming karanasan ang nagpapakitang pinapatnubayan ni Jehova ang gawain namin. Tingnan ang halimbawa ng isang brother sa New Zealand na si Paul. Isang hapon, nakausap niya ang isang babae habang nagbabahay-bahay. Nang umaga ring iyon, nanalangin ang babae sa Diyos at ginamit niya ang pangalan ni Jehova. Hiniling niya na sana may dumalaw sa kaniya. “Pagkaraan ng tatlong oras, dumating ako sa bahay niya,” ang sabi ni Paul.
Basahin ang 1 Corinto 3:9. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano ipinapakita ng mga karanasan, gaya ng sa New Zealand, na pinapatnubayan ni Jehova ang gawaing pangangaral?
Basahin ang Gawa 1:8. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit kailangan natin ang tulong ni Jehova kapag nangangaral tayo?
Alam mo ba?
Linggo-linggo, sa pulong sa gitnang sanlinggo, sinasanay kaming mangaral. Kung nakadalo ka na sa pulong na ito, ano ang masasabi mo sa pagsasanay na ito?
6. Sinusunod namin ang utos ng Diyos na mangaral
Noong unang siglo, may mga nagpapahinto sa mga tagasunod ni Jesus na mangaral. Ipinagtanggol ng mga Kristiyano noon ang karapatan nila na mangaral sa pamamagitan ng “legal na pagtatatag ng mabuting balita.” (Filipos 1:7) Ganiyan din ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ngayon.a
Basahin ang Gawa 5:27-42. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit hindi tayo hihinto sa pangangaral?—Tingnan ang talata 29, 38, at 39.
KUNG MAY MAGTANONG: “Bakit nagbabahay-bahay ang mga Saksi ni Jehova?”
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Inutusan ni Jesus ang mga tagasunod niya na ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa. Tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya sa gawaing ito.
Ano ang Natutuhan Mo?
Paano ipinapangaral ang mabuting balita sa buong mundo?
Paano ipinapakita ng pangangaral na mahal namin ang aming kapuwa?
Sa tingin mo, magiging masaya ba tayo kapag nangangaral tayo? Bakit?
TINGNAN DIN
Tingnan kung paano nangangaral ang mga Saksi ni Jehova sa malalaking lunsod.
Ano ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova para tulungan ang mga refugee?
Sinasapatan ang Espirituwal na Pagkauhaw ng mga Refugee (5:59)
Pakinggan ang kuwento ng isang babae na ginamit ang buong buhay niya sa pangangaral at tingnan kung bakit siya naging masaya.
Alamin ang ilang kaso sa korte na naipanalo ng mga Saksi at tingnan kung ano ang epekto nito sa pangangaral.
a Galing sa Diyos ang utos na mangaral. Kaya hindi kailangan ng mga Saksi ni Jehova na magpaalam sa mga awtoridad para mangaral ng mabuting balita.