PAGPUKSA, PAGWASAK
Ang akto ng pagsira, paggiba, o paglipol. Ang pagkapuksa o pagkawasak ay kadalasang tumutukoy sa pisikal na wakas ng isang bagay o ng isang nilalang na buháy. (2Ha 21:3; Jer 18:7; Dan 2:12, 14, 18) Maaari rin itong tumukoy sa pagkawasak sa espirituwal na paraan.—1Co 3:17; tingnan ang TEMPLO (Mga Pinahirang Kristiyano—Isang Espirituwal na Templo.
Ang isang salitang Hebreo na karaniwang isinasalin bilang “puksain” ay ang ʼa·vadhʹ. (Lev 23:30; Aw 21:8, 10) Ang pangunahing kahulugan nito ay “mawala,” “magiba,” o “mamatay,” at katumbas ito ng terminong Griego na a·polʹly·mi. (Exo 10:7; 1Sa 9:20; Mar 3:6; 4:38; Luc 15:4) Ang anyong pangngalan ng ʼa·vadhʹ ay ʼavad·dohnʹ, na nangangahulugang “pagkapuksa.” (Job 26:6, tlb sa Rbi8; tingnan ang ABADON; APOLYON.) Ang terminong Hebreo naman na cha·ramʹ ay nangangahulugang “italaga sa pagkapuksa,” o ilagay sa ilalim ng sagradong pagbabawal, samakatuwid nga, ipagbawal ang paggamit sa pangkaraniwan o di-banal na layunin.—Exo 22:20, tlb sa Rbi8; tingnan ang NAKATALAGANG BAGAY.
Upang itaguyod ang kaniyang pangalan at mga pamantayan ng katuwiran, may mga panahon na kinailangan ni Jehova na maglapat ng hatol sa mga nararapat puksain. Dahil sa kabalakyutan ng mga tao noong mga araw ni Noe, hinatulan sila ni Jehova sa pamamagitan ng isang pangglobong baha na pumuksa sa sanlibutan ng panahong iyon. (2Pe 3:5, 6) Gayundin, dahil sa ‘malakas na sigaw ng pagdaing tungkol sa Sodoma at Gomorra’ at dahil sa kanilang ‘mabigat na kasalanan,’ pinuksa ni Jehova ang mga lunsod na iyon at ang mga tumatahan doon. (Gen 18:20; 19:13, 24, 25) Bukod pa sa mga puwersa ng kalikasan, kung minsan ay gumagamit din si Jehova ng mga tao bilang mga tagapuksa. Sa kaso ng balakyot na mga bansa ng Canaan, ginamit ni Jehova ang kaniyang bayang Israel bilang pangunahing mga tagapaglapat ng kaniyang hatol.—Deu 9:1, 3, 4; 20:15-18.
May-katarungang pinupuksa ni Jehova ang mga tahasang lumalabag sa kautusan, mga sinungaling, at ang mga napopoot sa kaniyang mga lingkod. (Lev 23:30; Aw 5:6; 143:12) Kumikilos siya laban sa huwad na relihiyon at sa mga idolo nito. (Bil 33:52; Deu 12:2, 3) Nagpapasapit pa nga si Jehova ng kapuksaan sa kaniyang bayang Israel kapag sumusuway sila sa kaniyang tipan.—Deu 8:19, 20; 28:63; Jer 31:28.
Mananatili bang patay magpakailanman ang lahat ng mga taong pinuksa ng Diyos noong sinaunang mga panahon?
Ipinahihiwatig ng Bibliya na hindi lahat ng pagkapuksa ay walang hanggan. Ipinakikita ito ng makalawang ulit na paggamit sa salitang Hebreo na ʼavad·dohnʹ (pagkapuksa) bilang kahalintulad ng “Sheol.” (Job 26:6; Kaw 15:11) Binanggit ng propetang si Zefanias na ang Asirya ay mawawasak, o mapupuksa, samantalang sinabi naman ni Ezekiel na ang mga Asiryano ay bababa sa Sheol. (Zef 2:13; Eze 32:21, 22) Nang banggitin ni Moises ang pagkapuksa ng mga rebeldeng sina Datan at Abiram, isinulat niya na sila’y nababang “buháy sa Sheol.” (Bil 16:31, 33) Yamang ang Sheol sa Bibliya ay tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan na mula roo’y magkakaroon ng pagkabuhay-muli, maliwanag na hindi lahat ng pagkapuksa ay walang hanggan, kahit yaong pagkapuksa sa kamay ng Diyos.
Walang-Hanggang Pagkapuksa. Hindi ipinakikita ng Bibliya na ang lahat ng patay ay bubuhaying-muli. Ipinahiwatig ito ni Jesus nang banggitin niya na may “mga ibinilang na karapat-dapat magkamit ng sistemang iyon ng mga bagay at ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay.” (Luc 20:35) Ang posibilidad naman na may mga tatanggap ng walang-hanggang pagkapuksa ay ipinakikita ng mga salita ni Jesus sa Mateo 10:28: “Huwag kayong matakot doon sa mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa; kundi sa halip ay matakot kayo sa kaniya na makapupuksa kapuwa sa kaluluwa at katawan sa Gehenna.” Tungkol sa tekstong ito, ang The New International Dictionary of New Testament Theology (inedit ni C. Brown, 1978, Tomo 3, p. 304) ay nagsabi: “Hindi itinuturo ng Mat. 10:28 ang pagiging imortal ng kaluluwa kundi ang pagiging di-mababago ng hatol ng Diyos sa mga di-nagsisisi.” Gayundin, para sa pariralang Griego sa Mateo 10:28 na isinalin bilang ‘pumuksa kapuwa sa kaluluwa at katawan sa Gehenna,’ ang Greek-English Lexicon of the New Testament ni Bauer (nirebisa nina F. W. Gingrich at F. Danker, 1979, p. 95) ay nagbigay ng kahulugang “walang-hanggang kamatayan.” Samakatuwid, ang paghahagis sa isa sa Gehenna ay nangangahulugan ng lubos na pagkapuksa na mula roo’y wala nang pagkabuhay-muli.—Tingnan ang GEHENNA.
“Ang Sodoma at Gomorra at ang mga lunsod sa palibot nila . . . ay nakalagay sa harap natin bilang isang babalang halimbawa sa pagdanas ng parusang hatol na walang-hanggang apoy.” (Jud 7) Maliwanag na ang parusang iyan ay hindi lamang para sa mga lugar na iyon kundi para rin sa mga tumatahan doon, sapagkat ang mga tao roon ang gumawa ng malulubhang pagkakasala na humantong sa pagkalipol ng mga iyon.
Ang posibilidad ng walang-hanggang pagkapuksa ay partikular na mapapaharap sa ibang mga tao sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Nang tanungin si Jesus ng kaniyang mga alagad kung ano ‘ang magiging tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay,’ inilakip niya sa kaniyang sagot ang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. (Mat 24:3; 25:31-46) Tungkol sa “mga kambing,” inihula na sasabihin ng makalangit na Hari: “Lumayo kayo sa akin, kayo na mga isinumpa, patungo sa walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel,” at idinagdag pa ni Jesus, “Ang mga ito ay magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol.” Maliwanag, ang saloobin at mga pagkilos ng ilang indibiduwal ay hahantong sa kanilang permanenteng pagkapuksa.
Gayunman, ‘hindi nais ni Jehova na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.’ (2Pe 3:9; ihambing ang Eze 18:23, 32.) Sa katunayan, gayon na lamang ang pag-ibig ni Jehova sa mga tao anupat inilaan niya ang haing pantubos ng kaniyang sariling Anak, si Jesu-Kristo. (Ju 3:16; ihambing ang San 4:12.) Sa kabila ng maibiging paglalaang ito, ang karamihan ay tumatangging tumahak sa “daan na umaakay patungo sa buhay” at sa halip ay nananatili sa “daan na umaakay patungo sa pagkapuksa.”—Mat 7:13, 14.
Ipinakikita ng Bibliya na maraming bagay, indibiduwal, at organisasyon ang tatanggap ng walang-hanggang pagkapuksa. Tinukoy ni Jesus si Hudas bilang “anak ng pagkapuksa.” (Ju 17:12) Dahil sinadya ni Hudas na ipagkanulo ang Anak ng Diyos, siya’y itinalaga sa walang-hanggang pagkapuksa. Totoo rin ito kung tungkol sa mga namumusong sa banal na espiritu. Sila’y nagkakasala ng “walang-hanggang kasalanan” at hindi patatawarin “sa sistemang ito ng mga bagay ni doon sa darating.” (Mar 3:28, 29; Mat 12:32; tingnan ang PAMUMUSONG.) Permanenteng pagkapuksa rin ang naghihintay sa mga indibiduwal na dahil sa sarili nilang pagpili ay “hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita.” (2Te 1:8, 9) Ang makasagisag na apostatang “taong tampalasan” ay tinatawag ding “anak ng pagkapuksa.” (2Te 2:3; tingnan ang TAONG TAMPALASAN.) Isang hatol na walang-hanggang pagkapuksa ang ipinasiya para kay Satanas, sa kaniyang mga demonyo, sa makasagisag na “mabangis na hayop” at “bulaang propeta,” at maging sa kamatayan at Hades. (Mat 25:41; Apo 20:10, 14, 15; 21:8) Ang lahat ng mga ito ay ihahagis sa “lawa ng apoy,” samakatuwid ay pupuksain nang walang hanggan.—Tingnan ang LAWA NG APOY.
Noong panahon ng Bibliya, ang apoy ang itinuturing na pinakalubusang paraan ng pagpuksa. Kaya naman, ginamit ni Jesus ang apoy upang ilarawan ang lubusang pagkapuksa ng mga balakyot.—Mat 13:40-42, 49, 50; tingnan ang APOY.