ARALIN 58
Manatiling Tapat kay Jehova
Hindi hahayaan ng mga tunay na Kristiyano na sirain ng anuman o sinuman ang kaugnayan nila kay Jehova. Siguradong ganiyan din ang nararamdaman mo. Pinapahalagahan ni Jehova ang katapatan mo. (Basahin ang 1 Cronica 28:9.) Sa anong mga sitwasyon puwedeng masubok ang katapatan mo sa kaniya, at ano ang makakatulong sa iyo?
1. Paano puwedeng masubok ang katapatan mo kay Jehova?
Sinusubukan ng ilang tao na pahintuin tayo sa paglilingkod kay Jehova. Sino ang gagawa nito? Ang ilan sa mga huminto na sa paglilingkod kay Jehova ay nagsasabi ng kasinungalingan tungkol sa organisasyon ng Diyos. Gusto nilang sirain ang pananampalataya natin. Tinatawag silang mga apostata. Nagkakalat din ng maling mga impormasyon tungkol sa atin ang mga lider ng relihiyon. Gusto kasi nilang ilayo sa katotohanan ang mga lingkod ni Jehova nang hindi namamalayan ng mga ito. Mapanganib kung makikipag-usap tayo sa kanila, magbabasa ng aklat o blog nila, magpupunta sa kanilang website, o manonood ng mga video nila. Tungkol sa mga gustong sumira sa katapatan natin kay Jehova, sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Sila ay bulag na mga tagaakay. At kung isang taong bulag ang umaakay sa taong bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”—Mateo 15:14.
2. Anong mga desisyon o sitwasyon ang puwedeng sumubok sa katapatan natin kay Jehova?
Dahil mahal natin si Jehova, iiwasan nating masangkot sa huwad na relihiyon. Kaya dapat na walang koneksiyon o kaugnayan sa huwad na relihiyon ang trabaho natin, organisasyong sinasalihan natin, o anumang gawain natin. Nagbabala si Jehova: “Lumabas kayo sa [Babilonyang Dakila], bayan ko.”—Apocalipsis 18:2, 4.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano mo maiiwasang masira ng iba ang katapatan mo kay Jehova, at kung paanong ang paglabas sa Babilonyang Dakila ay pagpapakita ng katapatan.
3. Mag-ingat sa mga huwad na guro
Ano ang dapat na maging reaksiyon mo kapag may narinig kang negatibo tungkol sa organisasyon ni Jehova? Basahin ang Kawikaan 14:15. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit hindi tayo dapat maniwala sa lahat ng naririnig natin?
Basahin ang 2 Juan 9-11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano natin dapat pakitunguhan ang mga apostata?
Kahit hindi tayo direktang nakikipag-usap sa mga apostata, paano tayo puwedeng maimpluwensiyahan ng mga turo nila?
Ano kaya ang mararamdaman ni Jehova kung makikinig tayo sa mga sinasabi nilang negatibo tungkol sa kaniya at sa organisasyon niya?
4. Manatiling tapat sa Diyos kapag nagkasala ang isang kapatid
Kung malaman natin na nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapatid sa kongregasyon, ano ang dapat nating gawin? Tingnan ang isang prinsipyo mula sa Kautusan ng Diyos sa sinaunang Israel. Basahin ang Levitico 5:1.
Gaya ng sinasabi sa teksto, kung malaman natin na nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapatid, dapat natin itong sabihin sa mga elder. Pero bago natin ito gawin, makakabuting payuhan siya na ipagtapat sa mga elder ang nagawa niyang kasalanan. Pagpapakita ito ng kabaitan sa kaniya. Kung hindi niya ito gagawin, sasabihin natin sa mga elder ang ginawa niya kasi tapat tayo kay Jehova. Paano nito ipinapakita ang tapat na pag-ibig natin . . .
sa Diyos na Jehova?
sa taong nagkasala?
sa iba pa sa kongregasyon?
5. Manatiling hiwalay sa Babilonyang Dakila
Basahin ang Lucas 4:8 at Apocalipsis 18:4, 5. Pagkatapos, sagutin ang mga tanong na ito:
Nakalista pa rin ba ang pangalan ko bilang miyembro ng isang huwad na relihiyon?
Kasali ba ako sa isang organisasyon na may kaugnayan sa ibang relihiyon?
Sinusuportahan ba ng trabaho ko ang huwad na relihiyon sa anumang paraan?
May anumang bagay ba o bahagi sa buhay ko na may kaugnayan pa rin sa huwad na relihiyon?
Kung oo ang sagot ko sa alinmang tanong na ito, anong pagbabago ang dapat kong gawin?
Anuman ang maging desisyon mo, siguraduhing magkakaroon ka ng malinis na konsensiya at maipapakita mong tapat ka kay Jehova.
MAY NAGSASABI: “Kailangan kong malaman ang sinasabi ng mga apostata tungkol sa mga Saksi ni Jehova para maipagtanggol ko ang katotohanan.”
Tama kaya ang pangangatuwirang iyan? Bakit?
SUMARYO
Para manatiling tapat kay Jehova, kailangan nating iwasan ang mga taong gusto tayong iligaw.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit hindi tayo dapat makinig ng anumang mula sa mga apostata?
Ano ang dapat nating gawin kapag nalaman nating nagkasala nang malubha ang isang kapatid?
Paano natin masusunod ang babala na tumakas sa huwad na relihiyon?
TINGNAN DIN
Paano ka magre-react kapag may ikinakalat na maling impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova?
“Tama Ba ang Nakuha Mong Impormasyon?” (Ang Bantayan, Agosto 2018)
Paano mo malalaman kung ang isang organisasyon o gawain ay sumusuporta sa Babilonyang Dakila?
“Manatiling Abala sa Dulo ng ‘mga Huling Araw’” (Ang Bantayan, Oktubre 2019, parapo 16-18)
Ano ang ginagawa ng ilang apostata para pahinain ang pananampalataya natin?
Basahin ang tungkol sa isang paring Shinto na tumiwalag sa huwad na relihiyon sa kuwentong “Hinahanap Ko Na ang Diyos Mula Pa Noong Bata Ako.”
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Hulyo 1, 2011)