Kung Bakit Maibiging Kaayusan ang Pagtitiwalag
“NANG marinig ko ang patalastas na itiniwalag ang anak ko, parang gumuho ang mundo ko,” ang sabi ni Julian. “Panganay ko siya, at napaka-close namin; halos lagi kaming magkasama. Mabait siyang anak, pero bigla na lang siyang nagbago. Iyak nang iyak ang misis ko, at hindi ko alam kung paano pagagaanin ang loob niya. Tinatanong namin ang aming sarili kung nagkulang ba kami bilang magulang.”
Bakit masasabing ang pagtitiwalag ay isang maibiging kaayusan kung napakasakit nito? Anong mga dahilan ang ibinibigay ng Bibliya sa pagtitiwalag? At bakit nga ba natitiwalag ang isang Kristiyano?
DALAWANG SALIK NA HUMAHANTONG SA PAGTITIWALAG
May dalawang salik na humahantong sa pagtitiwalag sa isang Saksi ni Jehova. Una, ang bautisadong Saksi ay nagkasala nang malubha. Ikalawa, hindi siya nagsisisi.
Bagaman si Jehova ay hindi humihiling sa atin ng kasakdalan, may pamantayan siya ng kabanalan na inaasahan niyang susundin ng mga lingkod niya. Halimbawa, hinihiling ni Jehova na iwasan natin ang malulubhang kasalanan gaya ng seksuwal na imoralidad, idolatriya, pagnanakaw, pangingikil, pagpatay, at espiritismo.—1 Cor. 6:9, 10; Apoc. 21:8.
Makatuwiran at malinis ang mga pamantayan ni Jehova na nagsisilbing proteksiyon sa atin. Tiyak na gusto nating mamuhay kasama ng disente at mapayapang mga tao na mapagkakatiwalaan. Ang ganiyang kapaligiran ay matatagpuan sa gitna ng ating espirituwal na mga kapatid. Laking pasasalamat natin na noong nag-alay tayo sa Diyos, nangako tayong mamumuhay ayon sa mga pamantayang nasa Bibliya.
Pero paano kung ang isang bautisadong Kristiyano ay makagawa ng malubhang kasalanan dahil sa kahinaan? Nangyari iyan sa tapat na mga lingkod ni Jehova noon, pero hindi naman sila lubusang itinakwil ng Diyos. Isa na rito si Haring David na nagkasala ng pangangalunya at pagpatay. Pero sinabi sa kaniya ng propetang si Natan: ‘Pinalampas ni Jehova ang iyong kasalanan.’—2 Sam. 12:13.
Pinatawad ng Diyos si David dahil taimtim itong nagsisi. (Awit 32:1-5) Sa katulad na paraan, ang isang lingkod ni Jehova ay itinitiwalag lang kung hindi siya nagsisisi o patuloy siyang gumagawa ng masama. (Gawa 3:19; 26:20) Kung ang hudisyal na komite ay walang nakikitang tunay na pagsisisi sa taong iyon, dapat nila siyang itiwalag.
Sa simula, baka madama nating mabigat o malupit pa nga ang desisyong itiwalag ang nagkasala, lalo na kung malapít siya sa atin. Pero ang Salita ni Jehova ay nagbibigay ng makatuwirang mga dahilan para maniwala tayong maibigin ang gayong desisyon.
MABUBUTING RESULTA NG PAGTITIWALAG
Idiniin ni Jesus na “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mat. 11:19) Ang matalinong desisyon na itiwalag ang isang di-nagsisising nagkasala ay may mabubuting resulta. Isaalang-alang ang tatlong ito:
Ang pagtitiwalag sa nagkasala ay nagpaparangal sa pangalan ni Jehova. Dahil taglay natin ang pangalan ni Jehova, nakaaapekto ang paggawi natin sa kaniyang pangalan. (Isa. 43:10) Kung paanong ang anak ay puwedeng magdala ng karangalan o kahihiyan sa kaniyang mga magulang, ang pananaw ng mga tao kay Jehova ay nakadepende sa paanuman sa maganda o masamang halimbawa na makikita nila sa bayang nagtataglay ng kaniyang pangalan. Napararangalan ang pangalan ng Diyos kapag sinusunod ng bayan ni Jehova ang kaniyang mga pamantayan sa moral. Halos ganiyan ang nangyari noong panahon ni Ezekiel kung kailan ang pangalan ni Jehova ay laging iniuugnay ng mga bansa sa mga Judio.—Ezek. 36:19-23.
Magdadala tayo ng kadustaan sa banal na pangalan ng Diyos kung gagawa tayo ng imoralidad. Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog ayon sa mga pagnanasa na dati ninyong taglay sa inyong kawalang-alam, kundi, ayon sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’” (1 Ped. 1:14-16) Ang malinis at banal na paggawi ay nagpaparangal sa pangalan ng Diyos.
Kapag gumagawa ng masama ang isang Saksi ni Jehova, malamang na malalaman ito ng mga kaibigan at kakilala niya. Ipinakikita ng kaayusan ng pagtitiwalag na si Jehova ay may malinis na bayang nanghahawakan sa mga pamantayan sa Bibliya. Isang lalaki na dumalo sa pulong sa isang Kingdom Hall sa Switzerland ang nagsabi na gusto niyang maging miyembro ng kongregasyon. Natiwalag ang kapatid niyang babae dahil sa imoralidad. Sinabi ng lalaki na gusto niyang umanib sa isang organisasyon na “hindi kumukunsinti sa masamang paggawi.”
Pinoprotektahan ng pagtitiwalag ang malinis na kongregasyong Kristiyano. Binabalaan ni apostol Pablo ang mga taga-Corinto na mapanganib kung hahayaan nilang manatili sa gitna nila ang mga namimihasa sa paggawa ng kasalanan. Ang masamang impluwensiya ng mga ito ay itinulad niya sa lebadura. Sinabi niya na “ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong limpak,” o masa ng harina. Pagkatapos ay ipinayo niya: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.”—1 Cor. 5:6, 11-13.
Lumilitaw, ang “taong balakyot” na binanggit ni Pablo ay hayagang gumagawa ng imoralidad. Ipinagmamatuwid pa nga ng ibang miyembro ng kongregasyon ang ginagawa niya. (1 Cor. 5:1, 2) Kung kinunsinti ang gayong malubhang kasalanan, maaaring inisip ng ibang Kristiyano na puwedeng gayahin ang imoral na pamumuhay ng napakahalay na lunsod ng Corinto. Kung babale-walain ang sinasadyang mga kasalanan, baka hindi na seryosohin ng iba ang pagsunod sa pamantayan ng Diyos. (Ecles. 8:11) Ang mga di-nagsisising nagkasala ay maaari ding magsilbing “mga batong nakatago sa ilalim ng tubig” at maaari nilang mawasak ang pananampalataya ng ibang kapatid sa kongregasyon.—Jud. 4, 12.
Dahil sa pagtitiwalag, baka matauhan ang nagkasala. Minsan, binanggit ni Jesus ang isang binatang umalis sa tahanan ng kaniyang ama at nilustay sa buktot na pamumuhay ang kaniyang mana. Sa masakit na paraan, natutuhan ng alibughang anak na ang buhay sa labas ng tahanan ng kaniyang ama ay salat sa pagmamahal at walang patutunguhan. Sa wakas, natauhan ang anak, nagsisi, at kusang-loob na bumalik sa pamilya niya. (Luc. 15:11-24) Sinabi ni Jesus na tuwang-tuwa ang ama ng binata nang magbago ang saloobin ng kaniyang anak. Mauunawaan natin sa paglalarawang ito ang damdamin ni Jehova. Tinitiyak niya sa atin: “Ako ay nalulugod, hindi sa kamatayan ng balakyot, kundi sa panunumbalik ng balakyot mula sa kaniyang lakad upang patuloy nga siyang mabuhay.”—Ezek. 33:11.
Maaaring mapag-isip-isip din ng mga itiniwalag at hindi na miyembro ng kongregasyong Kristiyano—ang kanilang espirituwal na pamilya—kung ano ang nawala sa kanila. Baka matauhan sila kapag naranasan nila ang masasaklap na resulta ng kanilang pagkakasala at naalaala ang masasayang araw nila noong may mabuting kaugnayan pa sila kay Jehova at sa bayan niya.
Kailangan ang pag-ibig at paninindigan para matauhan ang natiwalag. “Saktan man ako ng matuwid, magiging maibiging-kabaitan pa nga iyon,” ang sabi ng salmistang si David, at “sawayin man niya ako, magiging langis pa nga iyon sa aking ulo.” (Awit 141:5) Bilang paglalarawan: Habang umaakyat ng bundok sa panahon ng taglamig, isang hiker ang nakadama ng sobrang pagod. Unti-unti siyang dumanas ng hypothermia at matinding antok. Kung makakatulog siya sa gitna ng snow, mamamatay siya. Samantalang naghihintay ng rescue, sinasampal siya paminsan-minsan ng kaniyang kasama para hindi siya makatulog. Baka nasasaktan siya sa sampal, pero maililigtas siya nito. Sa katulad na paraan, kinilala ni David na may pagkakataong kailangan siyang sawayin ng isang matuwid na tao, masakit man iyon pero sa ikabubuti niya.
Sa maraming kaso, nailalaan ng pagtitiwalag ang disiplinang kailangan ng nagkasala. Makalipas ang mga 10 taon, nilinis ng anak ni Julian, na binanggit sa simula, ang buhay niya, bumalik sa kongregasyon, at elder na ngayon. “Nang matiwalag ako, nakita ko mismo ang mga resulta ng naging pamumuhay ko,” ang pag-amin niya. “Kailangan ko ang gayong disiplina.”—Heb. 12:7-11.
MAIBIGING PARAAN NG PAKIKITUNGO SA TIWALAG
Totoo, ang pagtitiwalag ay maituturing na isang trahedya, pero puwede itong malampasan. Bawat isa sa atin ay may papel sa pagtiyak na natutupad ang layunin ng pagtitiwalag.
Ang mga elder na magsasabi sa nagkasala na ititiwalag siya ay nagsisikap na ipakita ang pag-ibig ni Jehova. May kabaitan at malinaw nilang ipinaliliwanag sa kaniya ang mga kailangan niyang gawin para makabalik sa kongregasyon. Para ipaalaala sa mga tiwalag kung paano sila makababalik kay Jehova, maaaring dalawin ng mga elder sa pana-panahon ang mga tiwalag na nagpapakita ng pagbabago.a
Ang mga kapamilya ng nagkasala ay makapagpapakita ng pag-ibig sa kaniya at sa kongregasyon kung irerespeto nila ang desisyong itiwalag siya. “Anak ko pa rin siya,” ang paliwanag ni Julian, “pero ang istilo ng pamumuhay niya ay nagsilbing harang sa pagitan namin.”
Lahat sa kongregasyon ay makapagpapakita ng pag-ibig na salig sa simulain kung iiwasan nilang makipag-usap at makisama sa tiwalag. (1 Cor. 5:11; 2 Juan 10, 11) Sa gayon, nasusuportahan nila ang disiplinang ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng mga elder. Puwede rin silang magpakita ng higit na pagmamahal at suporta sa pamilya ng natiwalag, dahil tiyak na nagdurusa rin sila at hindi nila dapat madamang pati sila ay dapat iwasan ng mga kapatid.—Roma 12:13, 15.
“Kailangan natin ang kaayusan ng pagtitiwalag. Nakatutulong ito para makapamuhay tayo ayon sa mga pamantayan ni Jehova,” ang sabi ni Julian. “Sa bandang huli, kahit masakit, maganda ang resulta nito. Kung kinunsinti ko ang masamang paggawi ng anak ko, tiyak na hindi na siya nakabalik.”
a Tingnan ang Bantayan, Abril 15, 1991, pahina 21-23.