PAG-IISIP
Kakayahan ng utak na ginagamit natin sa pagtitipon ng impormasyon, pangangatuwiran, at pagbuo ng mga konklusyon. Ang salitang “pag-iisip” ay salin ng ilang magkakaugnay na salitang Griego na nagpapahiwatig ng mga katangian ng isip, gaya ng kakayahan sa pag-iisip, talino o katalinuhan, mental na pang-unawa, pangangatuwiran, kaisipan, intensiyon, alaala, kalagayan ng isip o pangmalas, opinyon o palagay, hilig ng kaisipan, pangkaisipang saloobin, at kakayahang pangkaisipan. Bagaman kung minsa’y ginagamit ng ilang salin ang salitang “pag-iisip,” ang ginagamit naman ng ibang mga salin ay ang deskriptibo at espesipikong mga termino na kababanggit lamang. Sa ilang dako sa tekstong Hebreo, ang mga salita para sa “alalahanin” at “isaalang-alang” ay maaaring isalin bilang “ingatan sa isipan” at “nasa isip” o “isipin.” Sa Hebreong Kasulatan, ang “pag-iisip” ay lumilitaw sa ilang bersiyon bilang salin ng mga salitang Hebreo na ang literal at angkop na kahulugan ay “puso,” “kaluluwa,” at “espiritu.”—Ihambing ang Deu 4:39, tlb sa Rbi8; 2Ha 9:15, Ro; Eze 20:32, JB; tingnan ang PUSO.
‘Magbago sa Puwersa na Nagpapakilos sa Inyong Pag-iisip.’ Ang pag-iisip ng di-sakdal na tao ay likas na nakahilig sa maling kaisipan. Tinatawag ito ng Bibliya na “makalamang takbo ng pag-iisip.” (Col 2:18) Pinaalalahanan ang mga Kristiyano na sila ay dating mga kaaway ng Diyos dahil ang kanilang mga pag-iisip noon ay nasa mga gawang balakyot.—Col 1:21.
Ang pag-iisip ng taong “pisikal” (sa literal, “makakaluluwa”), na naiiba sa taong “espirituwal,” ay nakakiling sa materyal na mga bagay. Ang puwersa na nagpapakilos sa kaniyang pag-iisip ay resulta ng pagmamana at ng mga bagay na itinuro sa kaniya at naranasan niya. Kapag napapaharap siya sa isang pagpapasiya, ikinikiling ng puwersang ito ang kaniyang pag-iisip tungo sa pagiging materyalistiko o makalaman. Kaya naman, ang mga Kristiyano ay inuutusang “magbago . . . sa puwersa [espiritu] na nagpapakilos sa inyong pag-iisip.” (Efe 4:23) Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng katotohanan mula sa Diyos at sa pamamagitan ng pagkilos ng espiritu ng Diyos, ang nagpapakilos na puwersang ito ay maaaring baguhin upang ang nangingibabaw na pangkaisipang saloobin ng isang tao ay maikiling sa tamang direksiyon. Sa gayon, kapag napapaharap sa isang pagpapasiya ang taong iyon, ikikiling ng puwersang ito ang kaniyang pag-iisip sa isang angkop na landasing espirituwal. (1Co 2:13-15) Kaya naman ang taong iyon ay nagkakaroon ng “pag-iisip ni Kristo,” yamang si Kristo noon ay laging pinakikilos ng tamang puwersa, anupat laging espirituwal ang kaniyang hilig ng kaisipan.—1Co 2:16; Ro 15:5.
Hindi sapat ang basta kaalaman o talino upang ang isa ay magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Hindi sapat ang mga ito upang mabago ang pag-iisip tungo sa kung ano ang kalooban ng Diyos. (Ro 12:2) Sinasabi ni Jehova: “Paglalahuin ko ang karunungan ng mga taong marurunong, at ang katalinuhan ng mga taong matatalino ay itatakwil ko.” (1Co 1:19) Kailangan ang tulong ng espiritu ng Diyos upang magtamo ng tunay na pagkaunawa (Kaw 4:5-7; 1Co 2:11), karunungan, at katinuan.—Efe 1:8, 9.
Ang ‘Kautusan ng Pag-iisip.’ Ang kautusang pumapatnubay sa pagkilos ng binagong pag-iisip na ito ay tinatawag ng apostol na si Pablo bilang kautusan ng pag-iisip. Ito ang kumokontrol sa bagong pag-iisip ayon sa “kautusan ng Diyos,” at nalulugod ang bagong pag-iisip sa kautusang ito. Ngunit ang “kautusan ng kasalanan” na kumikilos sa makasalanang laman ay nakikipaglaban sa ‘kautusan ng pag-iisip,’ at dahil dito ay may patuluyang labanan sa loob ng isang Kristiyano. Maaari kaya siyang magtagumpay? Oo, “salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” Salig sa haing pantubos ni Kristo, ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay naglalaan ng kapatawaran para sa mga kasalanan ng laman at, gayundin, ng tulong ng banal na espiritu. Naiiba ang kalagayan ng Kristiyano kaysa sa di-Kristiyano, gaya ng sinabi ni Pablo: “Sa gayon nga, sa aking pag-iisip ay alipin ako ng kautusan ng Diyos, ngunit sa aking laman ay sa kautusan ng kasalanan.”—Ro 7:21-25; Gal 5:16, 17.
Paano magwawagi ang pag-iisip sa pagbabakang ito? Nililinaw pa ng apostol ang bagay na ito sa pagsasabing: “Yaong mga kaayon ng laman ay nagtutuon ng kanilang mga kaisipan sa mga bagay ng laman, ngunit yaong mga kaayon ng espiritu ay sa mga bagay ng espiritu. Sapagkat ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan, ngunit ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan; sapagkat ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng pakikipag-alit sa Diyos, sapagkat hindi ito [ang makasalanang di-sakdal na laman] napasasakop sa kautusan ng Diyos, ni maaari mang magkagayon. . . . Ngayon, kung ang espiritu niya na nagbangon kay Jesus mula sa mga patay ay tumatahan sa inyo, bubuhayin din niyaong nagbangon kay Kristo Jesus mula sa mga patay ang inyong mortal na mga katawan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu na nananahan sa inyo.”—Ro 8:5-11.
Ang “Pakahulugan” ng Espiritu. Sa Roma 8:26, 27, ipinakikita ni Pablo na kapag nananalangin ang mga lingkod ng Diyos, maaaring hindi nila laging nalalaman nang eksakto kung ano ang dapat nilang ipanalangin ayon sa kanilang pangangailangan. Ngunit batid ng Diyos na hangad nilang mangyari ang kaniyang kalooban. Alam din niya kung ano ang kailangan ng kaniyang mga lingkod. Pinangyari ng Diyos noon na maiulat sa kaniyang Salita ang maraming kinasihang panalangin, anupat ipinakikita ng mga ito kung ano ang kaniyang kalooban o pag-iisip para sa kanila. Samakatuwid, tinatanggap niya ang kinasihang mga panalanging ito bilang nagpapahayag ng mga bagay na nais hilingin at ipanalangin ng kaniyang bayan, kung kaya tinutupad niya ang mga ito. Kilala ng Diyos ang mga taong may matuwid na puso at alam din niya ang pakahulugan ng mga bagay na pinangyari niyang salitain ng kaniyang espiritu sa pamamagitan ng mga manunulat ng Bibliya. Alam niya kung ano ang “pakahulugan [pag-iisip, kaisipan] ng espiritu” kapag ang espiritu ay “nakikiusap,” o namamagitan, para sa kanila.
Pag-ibig sa Pamamagitan ng Pag-iisip. Inihula ni Jehova ang paggawa ng isang bagong tipan na sa ilalim niyaon ay kikilos ang banal na espiritu upang maisulat ang kaniyang mga kautusan sa mga pag-iisip at mga puso ng kaniyang bayan. (Heb 8:10; 10:16) Sa ganitong paraan, maaari nilang tuparin ang dalawang utos na dito ay nakasalalay ang buong Kautusan at ang mga Propeta, samakatuwid nga, na ‘iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip, at ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ (Mat 22:37-40; Luc 10:27, 28) Dapat ibigin ng isang tao ang Diyos nang kaniyang buong puso (ang mga pagnanasa, damdamin, at mga emosyon ng panloob na personalidad), nang kaniyang buong kaluluwa (ang kaniyang buhay at buong pagkatao), at nang kaniyang buong pag-iisip (ang kaniyang mental na mga kakayahan). Ang huling parirala ay nangangahulugan na hindi lamang dapat umibig ang mga lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga damdamin, emosyon, at lakas kundi dapat din nilang gamitin nang puspusan ang kanilang mga pag-iisip upang kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at kay Kristo (Ju 17:3), upang umunawa (Mar 12:33; Efe 3:18), upang paglingkuran ang Diyos at isagawa ang kaniyang mga layunin, at upang makibahagi sa paghahayag ng mabuting balita. Pinapayuhan sila na ‘panatilihing nakatuon ang kanilang mga pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas’ (Col 3:2), ‘bigkisan ang kanilang mga pag-iisip ukol sa gawain,’ at ‘panatilihing lubos ang kanilang katinuan.’ (1Pe 1:13) Natanto ng apostol na si Pedro na mahalagang ‘gisingin ang kanilang malinaw na kakayahan sa pag-iisip’ upang maingatan nila sa isipan ang mga bagay na kanilang natutuhan. (2Pe 3:1, 2) Dapat nilang ‘ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’—2Pe 3:11, 12.
Noong nagsasalita si Pablo tungkol sa makahimalang mga kaloob ng espiritu na isinasagawa sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, idiniin niya ang pangangailangang gamitin ang pag-iisip. Sinabi niya na kung mananalangin siya sa isang wika na hindi naman niya maisasalin, ang kaniyang pag-iisip ay di-mabunga. Bukod dito, kung aawit siya ng mga papuri sa gayunding paraan, paano nito matutulungan ang nakikinig na hindi nakauunawa sa wikang iyon? Dahil dito, sinabi niya na mas nanaisin niyang magsalita ng limang salita mula sa kaniyang pag-iisip, upang maturuan niya ang iba, kaysa sampung libong salita sa isang wika. Pagkatapos ay hinimok niya ang kaniyang mga kapatid na maging hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.—1Co 14:13-20.
Ang mga lingkod ni Jehova ay inuutusang ‘lubos na magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.’ (1Co 1:10; Fil 2:2; 1Pe 3:8) Sabihin pa, nangangahulugan ito ng pagkakaisa sa mga bagay na may kinalaman sa dalisay na pagsamba, ang mahahalagang bagay, at hindi sa indibiduwal na mga kagustuhan o sa maliliit na bagay na malulutas kapag naabot na ang pagkamaygulang. (Ro 14:2-6, 17) Dapat silang “magkaroon ng magkatulad na kaisipan sa Panginoon” (Fil 4:2), at huwag magtalu-talo, kundi “mag-isip nang magkakasuwato.”—2Co 13:11.
Dapat sikapin ng mga Kristiyano na makilala nang higit ang Diyos, ayon sa kung ano ang isinisiwalat niya hinggil sa kaniyang pag-iisip sa mga bagay-bagay. (Ro 11:33, 34; 16:25, 26) At dapat silang magkaroon ng pangkaisipang saloobin ni Jesu-Kristo sa pagkamasunurin at kapakumbabaan, sa gayo’y tataglayin nila “ang pag-iisip ni Kristo.” (1Co 2:15, 16) Nagpayo si Pedro: “Yamang si Kristo ay nagdusa sa laman, magsakbat din kayo sa inyong sarili ng gayunding disposisyon ng kaisipan.”—1Pe 4:1.
Pagpurol o Pagsamâ ng Pag-iisip. Palibhasa’y hindi lubusang nakatuon kay Jehova ang kanilang mga puso, ang mga Israelita sa Bundok Sinai ay naging mapurol sa mental na pang-unawa, gaya rin niyaong mga patuloy na nanghahawakan sa Kautusan matapos itong pawiin ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus. (2Co 3:13, 14) Hindi nila natanto na si Jesus ang isa na pinatutungkulan ng Kautusan. (Col 2:17) Kung tungkol sa mga taong tumangging kilalanin ang Diyos ayon sa tumpak na kaalaman kundi sumamba sa mga bagay na nilalang, “ibinigay sila ng Diyos sa isang di-sinang-ayunang kalagayan ng isip”; nasa kadiliman ang kanilang isip, anupat gumagawa ng lahat ng uri ng walang-pakinabang at di-angkop na mga bagay. (Ro 1:28; Efe 4:17, 18) Kahit noong panahon ni Moises, ang katotohanan ay sinalansang ng mga taong napasamâ ang pag-iisip, at nang maglaon, nilabanan ng gayong mga tao ang tunay na Kristiyanismo, anupat ang ilan ay nag-angkin pa ngang mga Kristiyano, samantalang nagsisikap na hati-hatiin at gambalain ang mga kongregasyon. (2Ti 3:8; Fil 3:18, 19; 1Ti 6:4, 5) Palibhasa’y nadungisan ang kanilang mga pag-iisip at ang kanilang mga budhi, walang anumang malinis sa kanila. Kaya naman nagsasalita sila ng di-mapakikinabangan sa pagsisikap na linlangin ang mga pag-iisip ng mga tunay na Kristiyano sa pamamagitan ng pagdadala sa mga ito sa pagkaalipin sa mga ideya ng mga tao. (Tit 1:10-16) Ito ang dahilan kung bakit mahalaga para sa lahat ng mga Kristiyano, at partikular na para sa mga may mabibigat na posisyon, na maging matino ang pag-iisip.—Ro 12:3; 1Ti 3:2; Tit 2:6; 1Pe 4:7.
“Ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” ang Diyablo, ang may-pananagutan sa pagbulag sa mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya upang hindi makatagos ang kaliwanagan ng mabuting balita tungkol sa Kristo. (2Co 4:4) Kung gayon, may panganib na madaya ng pangunahing kaaway na ito ng Diyos ang mga Kristiyano sa pamamagitan ng kaniyang katusuhan, upang pasamain ang kanilang mga pag-iisip palayo “sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” (2Co 11:3) Kaya naman ang mga Kristiyano ay kailangang magpakita ng pagkakaisa ng pag-iisip at pagkamakatuwiran, anupat patuloy na nananalangin, upang ang kapayapaan ng Diyos “na nakahihigit sa lahat ng kaisipan” ay magbantay sa kanilang mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.—Fil 4:2, 5-7.
Pagpapagaling at Pagbubukas ng Pag-iisip. Isinauli ni Jesus ang katinuan ng pag-iisip ng isang lalaking inaalihan ng mga demonyo, sa gayo’y ipinakita niya ang kaniyang kapangyarihang gawin ito kahit doon sa mga nabaliw dahil sa impluwensiya ng mga demonyo.—Mar 5:15; Luc 8:35.
Magagawa rin niyang buksan ang mga pag-iisip niyaong mga may pananampalataya upang maintindihan nila ang kahulugan ng Kasulatan. (Luc 24:45) Ang mga taong mahiyain o nakadaramang hindi sila matalino ay maaaring maaliw sa mga salita ng apostol na si Juan: “Alam natin na ang Anak ng Diyos ay dumating, at binigyan niya tayo ng talino upang tamuhin natin ang kaalaman sa isa na tunay [ang Diyos na Jehova].”—1Ju 5:20.
Ipinakita ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto na siya ay matino sa pag-iisip bagaman sa kanilang paningin ay tila ‘nasisiraan siya ng kaniyang isip’ (o, ‘wala sa sarili niya’) nang maghambog siya hinggil sa kaniyang mga kredensiyal bilang apostol, isang bagay na hindi karaniwang gagawin ng isang Kristiyano. Ipinaliwanag niya na napilitan siyang gawin ito upang maibalik sila sa Diyos, upang mailigtas sila at hindi sila mapalayo. Ito ay dahil nagtuon sila ng pansin sa mga bulaang apostol at naibaling sa maling direksiyon.—2Co 5:13; 11:16-21; 12:11, 12, 19-21; 13:10.