Tinawag ba Kayo ng Diyos sa Kapayapaan?
“Kung humiwalay ang di-nananampalataya, pahiwalayin siya; hindi alipin ang kapatid na lalaki o babae ng ganiyang mga pangyayari, ngunit tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan.”—1 CORINTO 7:15.
1. Batay sa Kasulatan, paano dapat malasin ang pag-aasawa?
KAILANMAN ay hindi nilayon ni Jehova na ang pag-aasawa’y humantong sa nakababagbag-pusong paghihiwalay o diborsiyo. Ang pag-aasawa ay inilaan na maging isang namamalaging buklod ng ‘pag-iisang-laman’, na ang resulta’y kagalakan, kapahingahan, at kapayapaan. (Genesis 2:24; Ruth 1:9) Sa pangkalahatan, ipinapayo ng Kasulatan sa mga mag-asawa na manatiling nagsasama, kahit na kung ang isa sa kanila ay Kristiyano at ang isa naman ay di-sumasampalataya. (1 Corinto 7:12-16) At, ang kataksilan na ang resulta’y pagkasira ng relasyon ng mag-asawa ay naglalagay sa isang tao na managot sa harap ng Diyos, na ‘napopoot sa paghihiwalay.’—Malakias 2:13-16.
2. Ano ang pagkakilala ng mga Kristiyano sa paghihiwalay at diborsiyo?
2 Dahil sa di-kasakdalan ng tao at iba pang mga dahilan kahit na ang bautismadong mga lingkod ng Diyos ay kung minsan nahihila na maghiwalay o magdiborsiyo. Gayunman, dahilan sa mataas na pagtingin ng mga Kristiyano sa pag-aasawa, kadalasan ang mga hakbang na ito ay ginagawa lamang pagkatapos ng matinding pagsisikap na huwag magkahiwalay ang mag-asawa. Sa bagay na ito, ang Diyos mismo ang nagpapakita ng pinakadakilang halimbawa. Bilang ang “pinaka-asawa” ng sinaunang Israel, daan-daang taon na pinagtiisan niya ang katigasan ng ulo, paghihimagsik, at espirituwal na pangangalunya ng kaniyang bayan. (Isaias 54:1-5; Jeremias 3:14-17; Oseas 1:10, 11; 3:1-5) Pagkatapos lamang na sila’y lumampas sa punto na kung saan sila’y hindi na mababawi pa saka lamang itinakwil sila ni Jehova bilang isang bansa.—Mateo 23:37, 38.
3. (a) Sa anong maka-Kasulatang mga dahilan makahihiwalay ang isang Kristiyano sa isang pinakasalang asawa? (b) Ang maka-Kasulatang diborsiyo ay posible sa ilalim ng anong mga kalagayan?
3 Kung minsan, ang matatanda sa kongregasyon ay nilalapitan ng kanilang mga kapananampalataya na ibig patulong tungkol sa kanilang malulubhang mga suliraning pangmag-asawa. Ang matatanda ay walang karapatan na sabihin kaninuman na lisanin o hiwalayan ang asawa, ngunit maaari nilang ituro buhat sa Salita ng Diyos ang sinasabi nito tungkol sa mga bagay na ito. Gaya ng ipinakita sa naunang artikulo, ang paghihiwalay ay maka-Kasulatan kung ang dahilan ay kusang pagkakait ng sustento, sobrang pisikal na pag-aabuso, o lubusang pagsasapanganib ng espirituwalidad. Binanggit din na ang maka-Kasulatang diborsiyo na posibleng ang isa’y muling makapag-asawa sa iba ay maaari kung ang kabiyak ay nagkasala ng “pakikiapid,” na sumasaklaw sa mga ilang anyo ng imoral na pakikipagtalik. (Mateo 19:9) Kung minsan, posible na hindi matuloy ang paghihiwalay o diborsiyo, sapagkat baka magkasundo uli ang mag-asawa, at maging ang pangangalunya o iba pang uri ng pakikiapid ay maaaring patawarin ng isang pinagkasalahang asawa.—Mateo 5:31, 32; ihambing ang Oseas 3:1-3.
4. (a) Magbigay ng maikling sumaryo ng sinabi ni Pablo sa may asawang mga Kristiyano sa 1 Corinto 7:10-16. (b) Kailan masasabi: “Tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan”?
4 Gaya ng napansin natin sa naunang artikulo, ipinayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong may asawa na huwag nilang lisanin ang kanilang mga kabiyak. (1 Corinto 7:10-16) Sa liwanag ng mga salita ni Pablo, kung ibig ng di-sumasampalatayang asawa na manatiling kapisan ng kaniyang asawang Kristiyano, ang sumasampalataya ay dapat na magsikap na tulungan siya sa espirituwal. (1 Pedro 3:1-4) Ang kaniyang pagkakumberte ay malaki ang magagawa upang ang tahanan ay gawing isang dako ng kapahingahan at kapayapaan. Subalit, kung ang di-sumasampalataya ay matindi ang pagtutol sa pananampalataya ng kaniyang sumasampalatayang kabiyak kung kaya’t siya’y humiwalay, ano ba ang magagawa ng Kristiyano? Kung sisikapin ng sumasampalataya na puwersahin siyang manatili roon sa kaniyang piling, baka ang situwasyon ay maging napakasama ng dahil sa kagagawan ng di-sumasampalataya kung kaya’t ang Kristiyano ay lubusang nawawalan ng kapayapaan. Kaya sa kapakanan ng kapayapaan, ang sumasampalataya ay maaaring pumayag nang lumisan ang di-sumasampalataya. (Mateo 5:9) Tangi lamang kung ang isang di-sumasampalatayang asawa ay lumisan masasabing: “Tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan.” Ang mga salitang ito ay hindi matuwid na magagamit upang ipangatuwiran ang paghihiwalay ng dalawang mag-asawang Kristiyano batay sa di-maka-Kasulatang, walang kabuluhang mga dahilan.
5. Anong mga tanong ngayon ang nararapat na isaalang-alang natin?
5 Bawat paghihiwalay o diborsiyo ay mayroong kaniyang indibiduwal na mga dahilan, at walang “pormula” na sumasakop sa bawat kaso. Subalit anong mga problema ang maaaring mapaharap sa isang Kristiyanong humiwalay o nakipagdiborsiyo? Ano ang maaaring gawin tungkol sa mga iyan? At paanong ang iba ay makatutulong?
Emosyonal o Seksuwal na mga Pangangailangan
6. Kung tungkol sa mga problema, ano ang masasabi tungkol sa paghihiwalay o diborsiyo?
6 Ang pinapayagan ng Kasulatan na paghihiwalay o diborsiyo ay lulutas sa mga ilang problema. Subalit hindi ibig sabihin na komo nalutas na ang mga ilang problema ay wala nang lilitaw na mga ibang problema. Halimbawa, isang nakipagdiborsiyong Kristiyano ang nagsabi: “Pinasasalamatan ko si Jehova na ngayon ay tahimik na ako.” Subalit inamin niya: “Hindi madali ang magpalaki ng mga anak kung nag-iisa kang magulang. At kung minsan ang isa ay nakadarama ng matinding kalungkutan at kalumbayan. Maging sa seksuwal na mga bagay man ay hindi madali ang magtagumpay. Ang isa’y kailangang makibagay sa isang lubusang naiibang pamumuhay.”a
7. Bakit dapat pag-isipang maingat ng isang Kristiyano ang tungkol sa magiging resulta ng paghihiwalay o diborsiyo?
7 Samakatuwid, kung ang isang Kristiyano’y may pagpipilian, nararapat niyang maingat na pag-isipan ang tungkol sa posibleng maging resulta ng paghihiwalay o diborsiyo. Halimbawa, isaalang-alang ang emosyonal na mga pangangailangan, baka ang kagustuhan ng isang babae ay may makapiling siyang lalaki. (Ihambing ang Genesis 3:16.) Ang isang babaing diborsiyada ay baka may matinding pag-asa na muling makapag-asawa. Mayroong iba na naghahangad na makalaya sa isang mahirap pagtiisan na pagkapag-asawa, subalit sila ba ay handa na tanggapin ang posibilidad na baka hindi na sila magkaroon ng pagkakataon na muling makapag-asawa pa?
8. (a) Sa liwanag ng 1 Corinto 7:11, ano ang dapat may lakip-panalanging pag-isipan ng naghiwalay na mag-asawang Kristiyano? (b) Anong mga pangangailangan ang hindi dapat ipagwalang-bahala pagka pinag-iisipan ang paghihiwalay o diborsiyo?
8 Si Pablo ay sumulat: “Kung siya’y aktuwal na humiwalay, siya’y manatiling walang asawa o kaya’y makipagkasundong muli sa kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:11) Sa pamamagitan ng pagsisikap, baka posible na ang isang babae’y “makipagkasundong muli” sa kaniyang asawa o ‘muling makipag-ayos’ sa kaniya. Kapag ang mga mag-asawang Kristiyano ay naghiwalay, kung gayon, ang muling pagkakasundo ay dapat nilang buong ingat na pag-isipan kasabay ng panalangin. Isa pa, huwag nilang ipagwalang-bahala ang bagay na ang silakbo ng pita ng sekso ay maaaring magsilbing panganib. Ano kaya ang magiging pangmalas sa kanila ng Diyos pagka ang hindi nila pagkakasundo ay humantong sa pagkahulog sa imoralidad? Bilang halimbawa ng panganib na ito ay nariyan ang karanasan ng isang babaing nabautismuhan. Pagkatapos na makipagdiborsiyo, sinimulan niya ang pagsama-sama sa isang lalaking makasanlibutan, hindi nagtagal at siya’y nagdalang-tao, at natiwalag. Bagaman nang malaunan ay nakabalik siya, idiniriin lamang ng kaniyang karanasan na kailangan ang pag-iingat at ang may kasamang-panalanging pagtitiwala kay Jehova upang maiwasan ang ‘pagkakasala sa Diyos.’ (Genesis 39:7-12) Malinaw na ang emosyonal at seksuwal na pangangailangan ay di-dapat ipagwalang-bahala pagka sa pasimula’y isinasaalang-alang ang paghihiwalay o diborsiyo.
Maaaring Mabawasan ang Kalungkutan
9. Paano natin matutulungan ang naghiwalay o nagdiborsiyong mga Kristiyano upang mapagtagumpayan ang kalungkutan?
9 Kung hindi maiiwasan ang paghihiwalay o diborsiyo, ang ibinungang mga problema ay kailangang harapin. Halimbawa, ang kalungkutan ay isang malubhang problema para sa mga ilang Kristiyano na humiwalay o nakipagdiborsiyo. Ano ba ang magagawa ng iba tungkol dito? Bueno, ang mga matatanda sa kongregasyon at ang mga iba pa ay makapagpapakita ng espirituwal na interes sa gayong mga tao, taglay ang hangarin na mapatibay-loob sila. (Ihambing ang 1 Tesalonica 5:14.) Kabilang sa mga iba pang bagay, baka maaaring manakanaka’y anyayahan natin ang mga taong ito at ang kanilang mga anak para pumunta sa ating tahanan at tayo’y magsalu-salo sa isang katamtamang pananghalian at sila’y makisali sa nakapagpapatibay na mga pakikipag-usap sa ating pamilya. Hindi naman kailangan na tayo’y maghanda ng isang bangkete, sapagkat “maigi ang pagkaing gulay na may pag-ibig kaysa matabang baka at may pagkakapootan.” (Kawikaan 15:17) Kung gabi ay maaaring magkuwentuhan ng mga karanasan sa ministeryo o magkaroon ng panggrupong pag-aaral bilang paghahanda para sa isang pulong Kristiyano.
10, 11. (a) Sa anong iba pang paraan matutulungan ang isang hiwalay o diborsiyadong Kristiyano? (b) Bakit dapat magpakaingat?
10 Pagka ang diborsiyado o hiwalay na magulang at ang kaniyang mga anak ay nakisama sa inyong pamilya sa ministeryo sa larangan, ito’y makatutulong din sa kanila upang madaig ang kalungkutan. Kung sa bagay, ang iba’y hindi maihahalili sa di-kapiling na magulang, ngunit isang diborsiyadang Kristiyano ang nagsabi: “Ang mga hirap ng pagpapalaki sa aking mga anak nang wala kaming kapiling na lalaki sa bahay ay nabawasan nang malaki dahil sa tulong ng hinirang na matatanda at ng mga ministeryal na lingkod sa kongregasyon na nangagsikap na tulungan ako sa praktikal na mga paraan.”
11 Gayunman, may dahilan na magpakaingat. Inamin ng isang sister: “Palibhasa’y walang tatay ang aking anak na lalaki, isang brother ang may kabaitang nagmalasakit sa kaniya. . . . Unti-unting nakita ko ang kaniyang kabaitan at kagandahang-loob sa aking anak, at mga maling hangarin ang unti-unting umusbong sa akin. Katulad iyon ng pag-uusbong kay David ng isang maling hangarin para sa isang bagay na hindi naman kaniya.” (2 Samuel 11:1-4) Bagama’t walang nangyaring seksuwal na imoralidad, ikinahiya ng babaing ito ang kaniyang mga iniisip at pag-alembong, siya’y humingi ng tawad kay Jehova, at inihinto niya ang pakikipagmalapitan sa kapatid na lalaking iyon. Anong inam na ipinaghahalimbawa nito ang pangangailangan na tanggihan ang mga maling hangarin at “iwasan ang anumang kasamaan”!—1 Tesalonica 5:22, The New American Bible: Galacia 5:24.
12. Anong positibong pagkilos ang maaaring makabawas ng kalungkutan ng isang tao?
12 Maaaring mabawasan ang kalungkutan ng isang tao sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay-bagay para sa iba. “Kung ikaw ay abala ng pagsisikap upang matulungan ang iba, walang dako para sa pagkahabag sa sarili at kalungkutan,” ang sabi ng isang sister na hiwalay sa asawa. Sa gayong ‘pagsisikap na makatulong’ ng isang hiwalay o diborsiyado ay maaaring kasali ang pag-aanyaya sa isang pamilya na pumaroon sa inyong tahanan para doon magpalipas ng gabi sa pakikihalubilo sa mga makapagpapatibay ng espirituwalidad. Kung ito ay bihirang mangyari dahil sa kakulangan ng magagastos o sa iba pang mga dahilan, baka maaari mong dalawin at patibayin-loob ang mga maysakit o ang mga iba pa. Baka matutulungan mo rin ang mga taong may edad sa kanilang pamimili o sa iba pang mga gawain. Maging bukas-palad ka sa pagtulong sa ganiyang mga paraan, at lalo mong madarama na “may higit na kaligayahan ang pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
13. Ano ang isa pang tulong upang mapagtagumpayan ang kalungkutan?
13 Ang isa pang tulong upang mapagtagumpayan ang kalungkutan ay ang regular na pagkukusang makisama sa mga kapananampalataya upang makibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. “Kung minsan, ako’y nalulungkot at naghahangad na magkaroon ng isang asawa,” inamin ng isang sister, “subalit dahil sa aking lumalaking aktibidad sa paglilingkod sa larangan at sa bagong kalayaan ko ngayon na makisama sa mga kapatid, ang mga panahon ng pagkadama ko ng gayon ay totoong madalang at panandalian lamang.” Ang regular na pagpapatotoo sa bahay-bahay ay maaaring magbigay-daan sa pagkakaroon ng mga pagdalaw-muli at mga pantahanang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga taong interesado, na ang ilan sa kanila ay maaaring maging nag-alay na mga lingkod ni Jehova. Kung sabagay, hindi dahilan ang pakikibahagi sa ministeryo para mapagtagumpayan ang kalungkutan ngunit baka iyan ang isang epekto ng nakagagalak at pinagpalang aktibidad na ito.—Kawikaan 10:22.
14. Anong mga aktibidades ang dapat na may mabuting epekto sa naghiwalay o diborsiyadong mga Kristiyano?
14 Lahat ng mga lingkod ni Jehova ay makikinabang sa espirituwal sa pakikibahagi sa ministeryo, sa mga pulong Kristiyano, at sa ‘paghanap muna sa kaharian.’ (Mateo 6:33) Yamang ang kapaki-pakinabang na mga aktibidades na ito ay may mainam na epekto sa mga lingkod ni Jehova sa pangkalahatan, ang ganiyang mga gawain ay maaaring magpatibay din naman sa hiwalay o diborsiyadong mga Kristiyano. Hindi, ang mga aktibidades na ito ay hindi lulutas sa lahat ng kanilang mga problema, ngunit dahil dito’y mapabubuti ang kanilang pangmalas sa buhay.
Mahalagang Bahagi ang Ginagampanan ng Panalangin
15. Anong bahagi ang maaaring gampanan ng panalangin sa buhay ng mga taong minsan pa’y kailangang bumagay sa buhay ng isang taong walang asawa?
15 Ang isang Kristiyanong sister na minsan pa’y kailangang bumagay sa buhay ng isang taong walang asawa ay natulungan sa pamamagitan ng “laging pagiging abala sa paglilingkod sa larangan. . . . at pagdalaw sa mga maysakit, may mga edad na, at sa mga di-aktibo.” Subalit kaniyang isinusog: “Kailanma’t ako’y nalulungkot, ako’y gumagawa ng mga pagdalaw at nananalangin na bigyan ako ng lakas, sapagkat alam ko na si Satanas ay totoong abala sa gawain.” Oo, ang taos-pusong panalangin ay mahalaga kung ibig na ang isa’y makapanatili sa katapatan sa Diyos. Sa mga panalangin ng hiwalay o mga diborsiyadong Kristiyano ay maaaring kasali ang paghiling ng espiritu ni Jehova at ng bunga nito na pagpipigil-sa-sarili upang masupil ang silakbo ng sekso. (Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23; Colosas 3:5, 6) Isa pa, yamang ang mga disisyon na ginawa noong nakaraan ng asawang lalaki ay baka magharap ng mga problema para sa ibang hiwalay o diborsiyadang mga babae, marahil ay kailangang manalangin sila na tulungan sila ng Diyos sa matalinong pagpapasiya sa mga bagay-bagay at sa pagharap sa sarisaring pagsubok.—Santiago 1:2-8.
16. May kaugnayan sa paghihiwalay o diborsiyo, ano ang masasabi tungkol sa pagkadama ng isang tao ng pagkakasala?
16 Ang pagkadama na ika’y nagkasala ay isang malaking pagsubok. Inamin ng isang Kristiyano: “Ang pagkakasalang nadarama mo sa panahon ng pakikipagdiborsiyo, kahit na hindi ikaw ang nagkasala, ay labis na nakapanlulumo.” Kung sa bagay, natural na makadama ng kasalanan ang isang tao kung ang paghihiwalay o diborsiyo ay dahilan sa ang isa’y tumanggi nang walang kadahilanan na tupdin ang kaniyang mga obligasyon bilang isang asawa. (1 Corinto 7:3-5) Subalit kung ang paghihiwalay o diborsiyo ay bunga ng maka-Kasulatang dahilan pagkatapos na pag-isipan iyon kalakip ng panalangin, angkop na manalangin kay Jehova na tulungan ka niya na madaig ang walang-dahilang pagkadama ng pagkakasala. Ang mga matatanda sa kongregasyon ay dapat na pakaingat sa pagbibigay ng salig-Bibliyang payo at huwag pasobrahan ang kanilang payo sa paraan na ipinadarama sa isang Kristiyano na siya’y nagkasala tungkol sa pagkuha o pagpapahintulot ng pinapayagan ng Bibliya na paghihiwalay o pagdidiborsiyo.
“Ang Kapayapaan ng Diyos” ang Tagapag-ingat
17. Ano ang makatutulong sa lahat ng Kristiyano na maging maligaya at matatag sa maligalig na sanlibutang ito?
17 Ang hiwalay o nagdiborsiyong mga Kristiyano ay kadalasan may kakatuwang mga problema. Gayunman sa isang paraan, “ang gayunding mga hirap ay dinaranas sa buong kapatiran ng mga kapatid [natin] sa sanlibutan.” (1 Pedro 5:6-11) Halimbawa, ang pag-uusig ay may epekto sa lahat ng naglilingkod kay Jehova, at karamihan ng mga Kristiyano ay napapaharap sa mga suliranin sa pananalapi o sa kalusugan, sa mga kabiguan, tukso, at iba pa. Samakatuwid, tulad ng mga ibang saksi ni Jehova, ang Kristiyanong hiwalay o diborsiyado ay kailangang patuloy na makatustos sa espirituwal na mga pangangailangan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, regular na pagdalo sa mga pulong, aktibong ministeryo sa larangan, isang buhay na lipos ng banal na paglilingkod, at laging pananalangin upang makapanatiling malapit kay Jehova. (Mateo 5:3) Ang hindi paggawa ng gayon ay magsasapanganib sa espirituwalidad ng sinumang Kristiyano, samantalang ang ‘paghanap muna sa Kaharian’ ay nagbibigay sa bawat tapat na saksi ni Jehova ng malaking kaligayahan at katatagan sa maligalig na sanlibutang ito.
18. Anong mga tanong at mga hakbang ang karapatdapat na taimtim na pag-isipan ng naghiwalay na mga mag-asawang Kristiyano?
18 Ang ating espirituwal na katatagan ay depende sa personal na pagkakapit ng Salita ng Diyos. Samakatuwid, kung ikaw ay isang Kristiyanong hiwalay sa isang asawa na nag-alay rin sa Diyos, iyo bang isinapuso ang payo ni Pablo sa 1 Corinto 7:10-16? Lalo na kung ang paghihiwalay ay nagpatuloy ng ilang panahon, makabubuting taimtim na manalangin ka upang kayo’y magkasundong muli. Maitatanong mo rin sa iyong sarili: Ano ba ang inaasahan ni Jehova sa akin bilang isang taong may-asawa? Hindi ba dapat sa mga mag-asawang Kristiyano na iayon ang kanilang buhay sa mga banal na kahilingan para doon sa mga pumasok sa gawang pag-aasawa? Baka kaya hindi natin nakakamit ang pagpapala ni Jehova ay dahilan sa hindi natin tinutupad ang ating mga panata sa pag-aasawa? Isip-isipin lamang ang kabutihan na maaaring maging resulta kung tayo’y mapakumbabang mag-uusap ng mga bagay-bagay, mananalangin nang taimtim, at gagawang masikap upang ikapit sa ating buhay ang Salita ng Diyos. Anong inam nga kung malulutas ninyong dalawa ang inyong mga suliraning pangmag-asawa at muli na namang maligayang magsasama sa isang tahanan na dako ng kapahingahan at kapayapaan!
19. Sang-ayon sa Filipos 4:6, 7, anong mahalagang bagay ang maaaring tamasahin ng lahat ng lingkod ni Jehova?
19 Lahat ng tapat na lingkod ni Jehova ay nangangailangan ng isang bagay na mahalaga at maaari nilang tamasahin ito—“ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip.” Bilang mga Kristiyano, maaari nating kamtin ang mahalagang kapayapaang ito kung tayo’y makikinig sa mga salita ni Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
20. (a) Ano “ang kapayapaan ng Diyos”? (b) Tayo’y may-asawa man o wala, ano ang dapat nating gawin?
20 Ang kapayapaang iyan ay ang bigay-Diyos na katahimikan at kahinahunan, kahit sa gitna man ng pinakamatitinding kalagayan ng pagsubok. Ito’y nanggagaling sa isang matalik na kaugnayan kay Jehova at sa pagkaalam na ang ginagawa natin ay kalugud-lugod sa kaniyang paningin. Iyung mga mayroong “kapayapaan ng Diyos” ay nagbibigay-daan sa kaniyang espiritu upang magpakilos sa kanila, at sila’y hindi nadadaig ng pagkabalisa. Bakit? Sapagkat batid nila na walang anumang bagay na pinahihintulutang mangyari sa kanila kung hindi sa kapahintulutan ng Diyos.” (Efeso 4:30; ihambing ang Gawa 11:26.) Kaya tayo man ay may asawa o wala, hiwalay o diborsiyado, pakamahalin natin “ang kapayapaan ng Diyos.” At harinawang taglay natin ang gayunding pagtitiwala na gaya ng tinaglay ni David, na nagpahayag: “Mapayapa akong hihiga at gayundin, matutulog, sapagkat ikaw lamang, Oh Jehova, pinatatahan mo akong mag-isa sa katiwasayan.”—Awit 4:8.
[Talababa]
a Tinatalakay ang tungkol sa mga pamilyang iisang magulang, pakisuyong tingnan ang The Watchtower ng Setyembre 15, 1980, pahina 15-26.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Sa ilalim ng anong mga kalagayan masasabi: “Tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan”?
◻ Paano maaaring mabawasan ang kalungkutan?
◻ Anong bahagi ang dapat gampanan ng panalangin sa buhay ng isang hiwalay o diborsiyadong Kristiyano?
◻ Paano mo ipaliliwanag kung ano “ang kapayapaan ng Diyos” na nag-iingat ng mga puso ng mga lingkod ni Jehova sila man ay walang asawa, may-asawa, hiwalay, o diborsiyado?
[Larawan sa pahina 29]
Sa lahat ng tapat ng mga Kristiyano ang panalangin ang makapagdadala ng “kapayapaan ng Diyos” na mag-iingat sa kanilang mga puso at mga kaisipan