KABANALAN
Ang kalagayan o katangian ng pagiging banal. Ang kabanalan ay nangangahulugang “relihiyosong kalinisan o kadalisayan; pagiging sagrado.” Bukod diyan, ang Hebreong qoʹdhesh ay may diwa ng pagiging hiwalay, bukod-tangi, o pinabanal sa Diyos na banal; isang kalagayan ng pagiging ibinukod para sa paglilingkod sa Diyos. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga salitang isinalin bilang “banal” (haʹgi·os) at “kabanalan” (ha·gi·a·smosʹ [gayundin, “pagpapabanal”]; ha·gi·oʹtes; ha·gi·o·syʹne) ay nagpapahiwatig din ng pagiging inihiwalay para sa Diyos; ginagamit din ang mga ito upang tumukoy sa kabanalan bilang isang katangian ng Diyos at sa kadalisayan o kasakdalan ng personal na paggawi ng isa.
Si Jehova. Ang katangian ng kabanalan ay kay Jehova. (Exo 39:30; Zac 14:20) Tinawag siya ni Kristo Jesus na “Amang Banal.” (Ju 17:11) Yaong mga nasa langit ay nagpapahayag: “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo,” anupat tinutukoy siya na nagtataglay ng kabanalan, ng kalinisan sa sukdulang antas. (Isa 6:3; Apo 4:8; ihambing ang Heb 12:14.) Siya ang Kabanal-banalan, anupat nakahihigit sa lahat kung tungkol sa kabanalan. (Kaw 30:3; dito, ang anyong pangmaramihan ng salitang Hebreo na isinalin bilang “Kabanal-banalan” ay ginagamit upang magpahiwatig ng kadakilaan at karingalan.) Malimit maipaalaala sa mga Israelita na si Jehova ang Bukal ng lahat ng kabanalan kapag nakikita nila ang mga salitang “Ang kabanalan ay kay Jehova” na nakalilok sa kumikinang na laminang ginto na nasa turbante ng mataas na saserdote. Ang laminang ito ay tinatawag na “ang banal na tanda ng pag-aalay,” anupat nagpapakitang ang mataas na saserdote ay ibinukod ukol sa isang paglilingkod na may pantanging kabanalan. (Exo 28:36; 29:6) Sa awit ni Moises pagkatapos ng pagliligtas sa Dagat na Pula, umawit ang Israel: “Sino sa mga diyos ang tulad mo, O Jehova? Sino ang tulad mo, na dakila sa kabanalan?” (Exo 15:11; 1Sa 2:2) Bilang dagdag na garantiya na tutuparin niya ang kaniyang salita, sumumpa si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang kabanalan.—Am 4:2.
Ang pangalan ng Diyos ay sagrado, hiwalay sa lahat ng karungisan. (1Cr 16:10; Aw 111:9) Ang kaniyang pangalang Jehova ay dapat ituring na banal, anupat pinabanal nang higit sa lahat ng iba pang pangalan. (Mat 6:9) Ang kawalang-galang sa kaniyang pangalan ay dapat lapatan ng parusang kamatayan.—Lev 24:10-16, 23; Bil 15:30.
Yamang ang Diyos na Jehova ang Tagapagpasimula ng lahat ng matuwid na simulain at kautusan (San 4:12) at siya ang batayan ng lahat ng kabanalan, ang sinumang tao o alinmang bagay na banal ay nagiging gayon dahil sa kaugnayan nito kay Jehova at sa pagsamba nito sa kaniya. Hindi maaaring magkaroon ng unawa o karunungan ang isa malibang mayroon siyang kaalaman tungkol sa Kabanal-banalan. (Kaw 9:10) Maaari lamang sambahin si Jehova sa kabanalan. Ang isa na nag-aangking sumasamba sa kaniya ngunit nagsasagawa ng karumihan ay kasuklam-suklam sa kaniya. (Kaw 21:27) Nang ihula ni Jehova na hahawanin niya ang daan para makabalik sa Jerusalem ang kaniyang bayan mula sa pagkatapon sa Babilonya, sinabi niya: “Iyon ay tatawaging Daan ng Kabanalan. Ang marumi ay hindi daraan doon.” (Isa 35:8) Buong-puso itong ginawa ng munting nalabi na bumalik noong 537 B.C.E. upang isauli ang tunay na pagsamba, taglay ang tama at banal na mga motibo, at hindi para sa pulitikal o makasariling mga kadahilanan.—Ihambing ang hula sa Zac 14:20, 21.
Ang banal na espiritu. Ang aktibong puwersa ni Jehova, ang kaniyang espiritu, ay nasa ilalim ng kaniyang kontrol at laging tumutupad sa kaniyang layunin. Ito’y malinis, dalisay, sagrado, at nakabukod para gamitin ng Diyos. Kaya naman tinatawag itong “banal na espiritu” at “espiritu ng kabanalan.” (Aw 51:11; Luc 11:13; Ro 1:4; Efe 1:13) Ang banal na espiritung kumikilos sa isang tao ay isang puwersa ukol sa kabanalan o kalinisan. Ang anumang marumi o maling paggawi ay paglaban o ‘pagpighati’ sa espiritung iyon. (Efe 4:30) Bagaman hindi ito persona, nahahayag sa banal na espiritu ang banal na personalidad ng Diyos at sa gayo’y maaari itong ‘mapighati.’ Ang pamimihasa sa anumang masamang gawain ay ‘papatay sa apoy ng espiritu.’ (1Te 5:19) Kung magpapatuloy ang isa sa gayong pamimihasa, sa diwa ay ‘pinagdaramdam’ niya ang banal na espiritu ng Diyos, at dahil dito, ang Diyos ay magiging kaaway ng rebeldeng iyon. (Isa 63:10) Ang taong pumipighati sa banal na espiritu ay maaari pa ngang umabot sa punto ng pamumusong laban dito, isang kasalanan na ayon kay Jesu-Kristo ay hindi patatawarin sa kasalukuyang sistema ng mga bagay ni doon sa darating.—Mat 12:31, 32; Mar 3:28-30; tingnan ang ESPIRITU.
Si Jesu-Kristo. Sa pantanging diwa, si Jesu-Kristo ang Banal ng Diyos. (Gaw 3:14; Mar 1:24; Luc 4:34) Ang kabanalan niya ay nagmula sa kaniyang Ama nang lalangin siya ni Jehova bilang kaniyang bugtong na Anak. Pinanatili niya ang kaniyang kabanalan bilang ang pinakamatalik na kasama ng kaniyang Ama sa langit. (Ju 1:1; 8:29; Mat 11:27) Nang ang buhay niya ay ilipat sa bahay-bata ng dalagang si Maria, ipinanganak siya bilang isang banal na taong Anak ng Diyos. (Luc 1:35) Siya ang kaisa-isang tao na nakapag-ingat ng sakdal na kabanalan, anupat hanggang sa katapusan ng kaniyang buhay sa lupa ay nanatili siyang “matapat, walang katusuhan, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Heb 7:26) Siya’y ‘ipinahayag na matuwid’ sa kaniyang sariling merito. (Ro 5:18) Samantala, ang kabanalan sa harap ng Diyos ay maaari lamang makamit ng ibang mga tao salig sa kabanalan ni Kristo, at matatamo ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang haing pantubos. Iyon ay isang ‘banal na pananampalataya’ na dapat ingatan ng isa upang manatili siya sa pag-ibig ng Diyos.—Jud 20, 21.
Ibang mga Tao. Ang buong bansang Israel ay itinuring na banal dahil ito’y pinili at pinabanal ng Diyos, anupat bukod-tangi niyang dinala sa isang pakikipagtipan upang maging kaniyang pantanging pag-aari. Sinabi niya na kung susunod sila sa kaniya, sila’y magiging “isang kaharian ng mga saserdote . . . at isang banal na bansa.” (Exo 19:5, 6) Kung magiging masunurin sila, sila’y magiging ‘banal sa kanilang Diyos.’ Sinabi sa kanila ng Diyos: “Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Jehova na inyong Diyos ay banal.” (Bil 15:40; Lev 19:2) Ang mga kautusan hinggil sa pagkain, kalinisan, at moral na ibinigay sa kanila ng Diyos ay nagsilbing paalaala sa kanila na sila’y hiwalay at banal sa Diyos. Dahil sa mga pagbabawal sa kanila sa mga kautusang ito, lubhang nalimitahan ang kanilang pakikipagsamahan sa kanilang mga paganong kalapit-bayan, anupat nagsilbing proteksiyon upang manatiling banal ang Israel. Sa kabilang dako, maiwawala ng bansa ang banal na katayuan nito sa harap ng Diyos kung magiging masuwayin ito sa kaniyang mga kautusan.—Deu 28:15-19.
Bagaman banal ang Israel bilang isang bansa, may ilang indibiduwal sa loob ng bansa na itinuring na banal sa pantanging paraan. Ang mga saserdote, at partikular na ang mataas na saserdote, ay ibinukod upang maglingkod sa santuwaryo at nagsilbing kinatawan ng taong-bayan sa harap ng Diyos. Sa gayong katungkulan, sila ay banal at kinailangan nilang panatilihin ang kalagayan nila bilang pinabanal upang maisagawa nila ang kanilang paglilingkod at upang patuloy silang ituring ng Diyos bilang banal. (Lev 21; 2Cr 29:34) Ang mga propeta at ang iba pang kinasihang manunulat ng Bibliya ay mga taong banal. (2Pe 1:21) Ang mga babaing tapat sa Diyos noong sinaunang panahon ay tinawag ding “banal” ng apostol na si Pedro. (1Pe 3:5) Ang mga kawal ng Israel na nasa isang kampanyang pangmilitar ay itinuring na banal, sapagkat mga digmaan ni Jehova ang ipinakipaglaban nila. (Bil 21:14; 1Sa 21:5, 6) Ang bawat panganay na lalaki ng Israel ay banal kay Jehova, yamang, noong panahon ng Paskuwa sa Ehipto, iniligtas ni Jehova ang mga panganay mula sa kamatayan; ang mga ito ay sa kaniya. (Bil 3:12, 13; 8:17) Ito ang dahilan kung bakit ang bawat panganay na anak na lalaki ay dapat tubusin sa santuwaryo. (Exo 13:1, 2; Bil 18:15, 16; Luc 2:22, 23) Ang isang tao (lalaki o babae) na nanatang mamuhay bilang Nazareo ay banal sa panahon ng kaniyang panata. Ang panahong iyon ay ibinubukod upang lubusang gamitin sa isang uri ng pantanging paglilingkod kay Jehova. Kailangang sundin ng Nazareo ang ilang legal na kahilingan; magiging marumi siya kung lalabagin niya ang mga iyon. Kung magkagayo’y kailangan niyang maghandog ng isang pantanging hain upang maisauli ang kaniyang kabanalan. Ang mga araw bago siya naging marumi ay hindi ibibilang na kasama sa pagtupad niya ng kaniyang pagka-Nazareo; kailangan niyang simulang muli ang pagtupad sa kaniyang panata.—Bil 6:1-12.
Mga Lugar. Ang isang lugar ay nagiging banal dahil sa presensiya ni Jehova. (Kapag nagpapakita siya sa mga tao, kinakatawanan siya ng mga anghel; Gal 3:19.) Si Moises ay nakatayo noon sa banal na lupa habang pinagmamasdan niya ang nagniningas na palumpong na mula roo’y nakikipag-usap sa kaniya ang isang anghel na kumakatawan kay Jehova. (Exo 3:2-5) Pinaalalahanan si Josue na nakatayo siya sa banal na lupa nang ang isang anghel, ang prinsipe ng hukbo ni Jehova, ay magkatawang-tao at tumayo sa harap niya. (Jos 5:13-15) Sa pagtukoy ni Pedro sa pagbabagong-anyo ni Kristo at sa pagsasalita ni Jehova noong panahong iyon, tinawag niya ang lugar na iyon na “banal na bundok.”—2Pe 1:17, 18; Luc 9:28-36.
Ang looban ng tabernakulo ay banal na lupa. Ayon sa tradisyon, ang mga saserdote ay naglingkod doon nang nakatapak dahil naglilingkod sila sa santuwaryo, na iniuugnay sa presensiya ni Jehova. Ang dalawang silid ng santuwaryo ay tinatawag na “ang Dakong Banal” at “ang Kabanal-banalan,” yamang ang mga ito ay malapit sa kaban ng tipan. (Heb 9:1-3) Ang templong itinayo sa Jerusalem ay banal din. (Aw 11:4) Inilarawan din ang Bundok Sion at ang Jerusalem bilang banal dahil naroroon ang santuwaryo at ang “trono ni Jehova.”—1Cr 29:23; Aw 2:6; Isa 27:13; 48:2; 52:1; Dan 9:24; Mat 4:5.
Pinaalalahanan ang hukbo ng Israel na panatilihing malinis ang kampo mula sa dumi ng tao o iba pang kontaminasyon, sapagkat “si Jehova na iyong Diyos ay lumalakad sa loob ng iyong kampo . . . at ang iyong kampo ay dapat maging banal, upang wala siyang makitang anumang marumi sa iyo at humiwalay nga sa pagsama sa iyo.” (Deu 23:9-14) Dito, ang pisikal na kalinisan ay iniuugnay sa kabanalan.
Mga Yugto ng Panahon. May mga araw o mga yugto ng panahon na itinalaga bilang banal para sa Israel. Hindi naman ito dahil sa anumang likas na kabanalan ng mga yugtong iyon ng panahon. Sa halip, ang mga iyon ay magiging mga kapanahunan ng pantanging pangingilin para sa pagsamba kay Jehova. Nang italaga niya ang mga yugtong iyon, nasa isip ng Diyos ang kapakanan ng taong-bayan at ang pagpapatibay sa kanila sa espirituwal. Nagkaroon ng mga lingguhang Sabbath. (Exo 20:8-11) Sa mga araw na iyon, maitutuon ng taong-bayan ang kanilang pansin sa kautusan ng Diyos at sa pagtuturo nito sa kanilang mga anak. Ang iba pang mga araw ng banal na kombensiyon o Sabbath ay: ang unang araw ng ikapitong buwan (Lev 23:24) at ang Araw ng Pagbabayad-Sala sa ikasampung araw ng ikapitong buwan. (Lev 23:26-32) Ang mga yugto ng mga kapistahan, at partikular na ang ilang araw niyaon, ay ipinangingilin bilang “mga banal na kombensiyon.” (Lev 23:37, 38) Ang mga kapistahang ito ay ang Paskuwa at ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (Lev 23:4-8); ang Pentecostes, o Kapistahan ng mga Sanlinggo (Lev 23:15-21); at ang Kapistahan ng mga Kubol, o Pagtitipon ng Ani.—Lev 23:33-36, 39-43; tingnan ang KOMBENSIYON.
Bilang karagdagan, ang bawat ikapitong taon ay taon ng sabbath, isang buong taon ng kabanalan. Kapag taon ng sabbath, ang lupain ay hahayaang di-nabubungkal; ang probisyong ito, gaya ng lingguhang Sabbath, ay nagbigay sa mga Israelita ng higit na panahon upang pag-aralan ang kautusan ni Jehova, bulay-bulayin iyon, at ituro sa kanilang mga anak. (Exo 23:10, 11; Lev 25:2-7) Bilang panghuli, ang bawat ika-50 taon ay tinatawag na Jubileo, na itinuring ding banal. Ito rin ay taon ng sabbath, ngunit bilang karagdagan, isinasauli nito ang ekonomiya ng bansa sa teokratikong kalagayan nito na itinatag ng Diyos noong ang lupain ay hati-hatiin. Ito ay isang banal na taon ng kalayaan, kapahingahan, at kaginhawahan.—Lev 25:8-12.
Inutusan ni Jehova ang kaniyang bayan na ‘pighatiin ang kanilang mga kaluluwa’ sa Araw ng Pagbabayad-Sala, isang araw ng “banal na kombensiyon.” Nangangahulugan ito na dapat silang mag-ayuno, kilalanin at ipagtapat ang kanilang mga kasalanan, at makadama ng makadiyos na kalumbayan dahil sa mga iyon. (Lev 16:29-31; 23:26-32) Ngunit ang araw na banal kay Jehova ay hindi dapat maging araw ng pagtangis at kalungkutan para sa kaniyang bayan. Sa halip, ang mga araw na iyon ay dapat maging mga araw ng kasayahan at ng pagpuri kay Jehova dahil sa kaniyang kamangha-manghang mga paglalaan sa pamamagitan ng kaniyang maibiging-kabaitan.—Ne 8:9-12.
Ang banal na araw ng kapahingahan ni Jehova. Ipinakikita sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay nagpasimulang magpahinga mula sa kaniyang mga gawang paglalang mga 6,000 taon na ang nakararaan, anupat ipinahayag niyang sagrado, o banal, ang ikapitong “araw.” (Gen 2:2, 3) Ipinakita ng apostol na si Pablo na ang dakilang araw ng kapahingahan ni Jehova ay isang mahabang yugto ng panahon nang sabihin niya na ang araw na iyon ay nakabukas pa upang ang mga Kristiyano, sa pamamagitan ng pananampalataya at pagkamasunurin, ay makapasok sa kapahingahang iyon. Bilang isang banal na araw, iyon ay panahon ng kaginhawahan at pagsasaya para sa mga Kristiyano, kahit sa gitna ng isang sanlibutang nanghihimagod at lipos ng kasalanan.—Heb 4:3-10; tingnan ang ARAW, II.
Mga Bagay. May ilang bagay na ibinukod noon upang gamitin sa pagsamba. Ang mga ito ay naging banal din dahil pinabanal ang mga ito para sa paglilingkod kay Jehova; ang mga ito ay hindi banal sa ganang sarili para gamitin bilang anting-anting. Halimbawa, ang isa sa mga pangunahing banal na bagay, ang kaban ng tipan, ay hindi naging anting-anting nang dalhin ito ng dalawang balakyot na anak ni Eli sa pakikipagbaka sa mga Filisteo. (1Sa 4:3-11) Kabilang sa mga bagay na ginawang banal sa utos ng Diyos ang altar na pinaghahainan (Exo 29:37), ang langis na pamahid (Exo 30:25), ang espesyal na insenso (Exo 30:35, 37), ang mga kasuutan ng mga saserdote (Exo 28:2; Lev 16:4), ang tinapay na pantanghal (Exo 25:30; 1Sa 21:4, 6), at ang lahat ng muwebles ng santuwaryo. Kabilang sa huling nabanggit ang ginintuang altar ng insenso, ang mesa ng tinapay na pantanghal, at ang mga kandelero, kasama ang mga kagamitan ng mga ito. Marami sa mga bagay na ito ang nakatala sa 1 Hari 7:47-51. Banal din ang mga bagay na ito sa pantanging diwa yamang ang mga ito’y mga parisan ng makalangit na mga bagay at nagsilbing mga sagisag ukol sa kapakinabangan niyaong mga magmamana ng kaligtasan.—Heb 8:4, 5; 9:23-28.
Ang nasusulat na Salita ng Diyos ay tinatawag na “banal na Kasulatan [Scriptures],” o “banal na mga kasulatan [writings].” Ito’y isinulat sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu at may kapangyarihang pabanalin, o gawing banal, yaong mga sumusunod sa mga utos nito.—Ro 1:2; 2Ti 3:15.
Mga Hayop, mga Ani at Bunga. Ang mga panganay na lalaki ng mga baka, mga tupa, at mga kambing ay dapat ituring na banal kay Jehova at hindi tinutubos. Ang mga ito’y dapat ihain, at isang bahagi nito ang mapupunta sa mga saserdoteng pinabanal. (Bil 18:17-19) Ang mga unang bunga at ang ikapu ay banal, gayundin ang lahat ng mga hain at mga kaloob na pinabanal para sa paglilingkod sa santuwaryo. (Exo 28:38) Lahat ng mga bagay na banal kay Jehova ay sagrado at hindi maaaring waling-halaga o gamitin sa isang pangkaraniwan, o di-banal, na paraan. Ang isang halimbawa nito ay ang kautusan hinggil sa ikapu. Kapag ibinukod ng isang tao ang isang bahagi na kakaltasan ng ikapu, ipagpalagay na, ng kaniyang aning trigo, at pagkatapos, siya o isa sa kaniyang kasambahay ay di-sinasadyang kumuha ng ilang bahagi nito upang gamitin sa tahanan, gaya sa pagluluto, ang taong iyon ay nagkasala ng paglabag sa kautusan ng Diyos may kinalaman sa mga banal na bagay. Hinihiling ng Kautusan na magbayad siya sa santuwaryo ng katumbas na halaga at ng 20 porsiyento niyaon, bukod pa sa paghahandog ng isang malusog na barakong tupa mula sa kawan bilang hain. Sa gayon ay idiniriin na dapat na lubhang igalang ang mga banal na bagay na nauukol kay Jehova.—Lev 5:14-16.
Kabanalang Kristiyano. Ang Lider ng mga Kristiyano, ang Anak ng Diyos, ay banal nang isilang siya bilang tao (Luc 1:35), at napanatili niya ang pagpapabanal sa kaniya o ang kabanalang iyon sa buong buhay niya sa lupa. (Ju 17:19; Gaw 4:27; Heb 7:26) Ang kabanalang iyon ay lubusan, sakdal, anupat pumuspos sa bawat kaisipan, salita, at kilos niya. Dahil napanatili niya ang kaniyang kabanalan maging hanggang sa isang sakripisyong kamatayan, naging posible para sa iba na magtamo ng kabanalan. Dahil dito, yaong mga tinawag upang maging mga tagasunod sa kaniyang yapak ay tinawag sa “isang banal na pagtawag.” (2Ti 1:9) Sila’y nagiging mga pinahiran ni Jehova, espirituwal na mga kapatid ni Jesu-Kristo, at tinatawag na “mga banal” o “mga santo.” (Ro 15:26; Efe 1:1; Fil 4:21; ihambing ang KJ.) Natatamo nila ang kabanalan sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo. (Fil 3:8, 9; 1Ju 1:7) Kung gayon, ang kabanalan ay hindi likas na kanila o pag-aari nila sa sarili nilang merito, kundi ipinagkakaloob sa kanila sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Ro 3:23-26.
Maraming beses na tinutukoy ng Kasulatan ang nabubuhay na mga miyembro ng kongregasyon bilang “mga banal,” o “mga santo” (Dy, KJ), anupat ipinakikita nito na ang pagiging banal, o “santo,” ng isang tao ay hindi sa pamamagitan ng mga tao o ng isang organisasyon, ni kailangan pa niyang hintayin na siya’y mamatay bago siya maging isang “santo.” Sa halip, siya ay “banal” sa bisa ng pagtawag sa kaniya ng Diyos upang maging kasamang tagapagmana ni Kristo. Banal siya sa paningin ng Diyos samantalang siya ay nasa lupa, taglay ang pag-asang mabuhay sa langit sa dako ng mga espiritu, kung saan tumatahan ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, kasama ang mga banal na anghel.—1Pe 1:3, 4; 2Cr 6:30; Mar 12:25; Gaw 7:56.
Mahalaga ang malinis na paggawi. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, sinisikap niyaong mga may ganitong banal na katayuan sa harap ni Jehova na matamo ang kabanalan ng Diyos at ni Kristo. (1Te 3:12, 13) Dahil dito, dapat nilang pag-aralan ang Salita ng Diyos na katotohanan at ikapit iyon sa kanilang buhay. (1Pe 1:22) Dapat silang tumugon sa disiplina ni Jehova. (Heb 12:9-11) Kung ang isang tao ay tunay na banal, tatahak siya sa landasin ng kabanalan, kalinisan, at katapatan sa moral. Ang mga Kristiyano ay pinapayuhan na iharap sa Diyos ang kanilang katawan bilang haing banal, kung paanong ang kaayaayang mga hain na inihahandog sa sinaunang santuwaryo ay banal. (Ro 12:1) Ang kabanalan sa paggawi ay isang utos: “Ayon sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’”—1Pe 1:15, 16.
Yaong mga nagiging miyembro ng katawan ni Kristo ay “mga kapuwa mamamayan ng mga banal at mga miyembro ng sambahayan ng Diyos.” (Efe 2:19) Inihahalintulad sila sa isang banal na templo ng mga batong buháy para kay Jehova at bumubuo sila ng “isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.” (1Pe 2:5, 9) Dapat nilang linisin ang kanilang sarili mula sa “bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.” (2Co 7:1) Kung ang isang Kristiyano ay nagsasagawa ng mga gawaing nagpaparungis o nakapipinsala sa kaniyang katawang laman, o nagpaparumi rito, o kung sinasalungat niya ang Bibliya sa doktrina o moralidad, hindi niya iniibig o kinatatakutan ang Diyos at tinatalikuran niya ang kabanalan. Ang isa ay hindi maaaring mahirati sa karumihan at manatili pa ring banal.
Dapat igalang ang mga banal na bagay. Kung gagamitin ng isang miyembro ng uring templo ang kaniyang katawan sa maruming paraan, dinudungisan at ginigiba niya hindi lamang ang kaniyang sarili kundi pati ang templo ng Diyos, at “kung gigibain ng sinuman ang templo ng Diyos, gigibain siya ng Diyos; sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, na ang templong iyon ay kayo nga.” (1Co 3:17) Tinubos na siya ng dugo ng Banal ng Diyos. (1Pe 1:18, 19) Kung gagamitin ng sinuman sa maling paraan yaong bagay na banal kay Jehova, iyon man ay ang sarili niyang katawan o anupamang bagay na inialay, o kung pipinsalain niya o magkakasala siya sa isang taong banal sa Diyos, daranas siya ng kaparusahan mula sa Diyos.—2Te 1:6-9.
Isiniwalat ng Diyos sa Israel ang kaniyang saloobin hinggil sa gayong di-banal na paggamit sa kaniyang banal na mga pag-aari. Makikita ito sa kaniyang kautusan na nagbabawal sa pangkaraniwan, o di-banal, na paggamit ng mga bagay na ibinukod bilang banal para roon sa mga nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, halimbawa, ang mga unang bunga at ang ikapu. (Jer 2:3; Apo 16:5, 6; Luc 18:7; 1Te 4:3-8; Aw 105:15; Zac 2:8) Pansinin din ang kaparusahang pinasapit ng Diyos sa Babilonya dahil sa maling paggamit nito sa mga sisidlan ng kaniyang templo at sa pag-abuso nito sa taong-bayan ng kaniyang banal na bansa. (Dan 5:1-4, 22-31; Jer 50:9-13) Dahil sa ganitong saloobin ng Diyos, ang mga Kristiyano ay paulit-ulit na pinapupurihan sa kanilang maibiging pakikitungo sa mga banal ni Jehova, ang espirituwal na mga kapatid ni Jesu-Kristo. Pinaaalalahanan din sila na dapat nilang ipagpatuloy ang gayong mabait na pakikitungo.—Ro 15:25-27; Efe 1:15, 16; Col 1:3, 4; 1Ti 5:9, 10; Flm 5-7; Heb 6:10; ihambing ang Mat 25:40, 45.
Itinuring na banal sa paningin ng Diyos. Bago pumarito si Jesus sa lupa at maging tagapagpauna at tagapagbukas ng daan patungo sa makalangit na buhay, may tapat na mga lalaki’t babae na itinuring na banal. (Heb 6:19, 20; 10:19, 20; 1Pe 3:5) Kaya naman, maaari ring magtamo ng kabanalan sa harap ng Diyos ang “isang malaking pulutong” na hindi kabilang sa 144,000 na “tinatakan.” Ang mga ito ay nakitang nadaramtan ng malilinis na kasuutan, na nilabhan sa dugo ni Kristo. (Apo 7:2-4, 9, 10, 14; tingnan ang MALAKING PULUTONG.) Sa takdang panahon, ang lahat niyaong nabubuhay sa langit at sa lupa ay magiging banal, sapagkat “ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Ro 8:20, 21.
Pinagpapala ni Jehova ang kabanalan. Ang kabanalan ng isang indibiduwal ay may kalakip na merito mula sa Diyos sa ugnayang pampamilya ng indibiduwal na iyon. Kaya naman, kung ang isang taong may asawa ay Kristiyano, anupat banal sa Diyos, ang kaniyang asawa at ang mga anak na bunga ng kanilang pagsasama, kung hindi man naaalay na mga lingkod ng Diyos, ay nakikinabang sa merito ng isa na banal. Ito ang dahilan kung bakit inirerekomenda ng apostol: “Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-sumasampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon ito na tumahang kasama niya, huwag niya itong iwan; at ang isang babae na may asawang di-sumasampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon ito na tumahang kasama niya, huwag niyang iwan ang kaniyang asawang lalaki. Sapagkat ang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay napababanal may kaugnayan sa kaniyang asawa, at ang di-sumasampalatayang asawang babae ay napababanal may kaugnayan sa kapatid na lalaki; kung hindi, ang inyong mga anak ay talagang magiging marurumi, ngunit ngayon ay mga banal sila.” (1Co 7:12-14) Kaya naman, ang malinis at nananampalatayang kabiyak ay hindi nagiging marumi sa pagsiping niya sa di-sumasampalatayang kabiyak, at ang pamilya bilang isang yunit ay hindi itinuturing ng Diyos bilang marumi. Karagdagan pa, dahil sa pakikisalamuha ng mananampalataya sa kaniyang pamilya, ang mga di-sumasampalataya ay nagkakaroon ng mainam na oportunidad upang maging mga mananampalataya, baguhin ang kanilang personalidad, at iharap ang kanilang katawan na “isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos.” (Ro 12:1; Col 3:9, 10) Sa malinis at banal na kapaligirang naitataguyod ng mananampalatayang naglilingkod sa Diyos, ang pamilya ay pinagpapala.—Tingnan ang PAGPAPABANAL (Sa Pag-aasawa).