Pakikipagpayapaan sa Diyos sa Pamamagitan ng Pag-aalay at Bautismo
“At sinabi ni Jehova: ‘ . . . Huwag lalapit sa kaninumang tao na may tanda.’”—EZEKIEL 9:4, 6.
1, 2. (a) Bakit ang mga tao sa pangkalahatan ay walang pakikipagpayapaan sa Diyos? (b) Bakit mahalaga para sa lahat na tamuhin ang gayong kapayapaan?
PAKIKIPAGPAYAPAAN sa Diyos? Subalit bakit? Kakaunting mga tao ang nag-iisip na sila’y kaaway ng Diyos. Subalit, posible ba na maging isang aktuwal na kaaway ng Diyos at hindi mo namamalayan iyon? Si apostol Pablo ay nagpaliwanag sa mga Kristiyano noong unang siglo: “Tayo rin naman nang minsan ay namumuhay ayon sa mga pita ng ating laman, na ginagawa ang mga pita ng laman at ng kaisipan, at tayo noon ay katutubong mga anak ng galit gaya rin ng iba.”—Efeso 2:3.
2 Gayundin naman sa ngayon, bagaman ikaw ay marahil interesado sa pagbibigay-lugod sa Diyos, ang kasalanan na minana kay Adan ay may epekto sa iyong pangmalas at maaaring humila sa iyo na gawin “ang mga pita ng laman.” Kahit na kung ikaw ay isang taong nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova o isa kang di-bautismadong kabataan na ang mga magulang ay mga Saksi, baka ang malaking bahagi ng iyong buhay ay dominado ng nakasentro sa sarili na saloobing gawin-ang-aking-balang-maibigan at patuloy na mapalayo ka sa Diyos. Ang isang taong lumalakad sa ganiyang landasin ay ‘nagtitipon ng poot para sa kaniyang sarili.’ (Roma 2:5; Colosas 1:21; 3:5-8) Lubusang ibubuhos ng Diyos ang kaniyang galit sa panahon ng mabilis na dumarating na “araw ng kapootan at ng pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos.” (Roma 1:28–2:6) Paano ka makapagtatamo ng pakikipagpayapaan sa Diyos at makaligtas sa “araw ng kapootan” na ito?
Ang Saligan Ukol sa Kapayapaan
3. Paano nagbigay ang Diyos ng saligan ukol sa pagkakasundo?
3 Si Jehova ang nagkusa na tumulong. “Siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang isang pampalubag-loob na hain ukol sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 4:10) Ang sakripisyong kamatayan ni Jesus ang nagpapalubag-loob, samakatuwid baga, pumapayapa o nagbibigay-kasiyahan sa katarungan ni Jehova. Ito’y nagbibigay ng isang legal na saligan para sa pagpapatawad sa mga kasalanan at, sa wakas, sa lubusang pagkaalis ng alitan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Oo, posible na “makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak,” gaya ng isinulat ni apostol Pablo.—Roma 5:8-10.
4. Anong kaugnay na pangitain ang ibinigay kay Ezekiel, at bakit ito mahalaga sa atin?
4 Ngunit upang personal na makinabang sa hain ni Kristo, kailangang gumawa tayo ng mga ilang hakbang. Ang mga ito ay ipinakikita sa isang dramatikong pangitain na ibinigay kay propeta Ezekiel, isang pangitain na natutupad sa ating panahon na napipinto na ang “araw ng kapootan” ng Diyos. Ang mga hukbong inatasan ng Diyos na tagapuksa ay inilalarawan sa pangitain ng anim na mga lalaking armado. Bago ipatupad ng mga ito ang poot ng Diyos, isang ikapitong lalaki, na may tintero ng manunulat, ang pinagsabihan: “ ‘Pumaroon ka sa gitna ng lunsod, . . . at maglagay ka ng tanda sa mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa sa gitna niyaon.’ At sa [anim na armadong mga lalaki] ay sinabi niya sa aking pakinig: ‘Pumaroon kayo sa lunsod kasunod niya at mamuksa. . . . Ngunit huwag lalapit sa kaninumang tao na may tanda.’ ”—Ezekiel 9:1-6.
5. Ano ang umaakay tungo sa pagsisisi?
5 Ang protektadong mga taong ito na “may tanda” ay nasusuklam sa kung paanong ang mga taong nag-aangking sumasamba sa tunay na Diyos ang ‘nagpalaganap sa lupain ng karahasan,’ napalulong sa imoralidad sa sekso, idolatriya, at lahat ng uri ng iba pang mga kasamaan. (Ezekiel 8:5-18; Jeremias 7:9) Gayundin naman sa ngayon, yaong mga nalagyan ng “tanda” ay kailangan munang matuto, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, na pahalagahan ang mga pamantayan ng Diyos at maghinagpis sa kanilang puso, oo, ‘magbuntong-hininga at magsidaing,’ dahil sa mga turo at mga gawain na lumalapastangan sa kaniya. Marahil dahilan sa kawalang-alam ang iba ay nahulog sa gawang masama o umayon sa gayong kasamaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang suporta. Subalit, ngayon ay nagsisimula silang malasin ang gayong mga gawain ayon sa pangmalas ng Diyos—nakasusuklam! (Roma 1:24-32; Isaias 2:4; Apocalipsis 18:4; Juan 15:19) Ang ganitong higit pang pagpapahalaga ay umaakay tungo sa isa sa mga unang hakbang upang matamo ang pakikipagpayapaan sa Diyos: pagsisisi. Si apostol Pablo ay nagpayo: “Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang dumating ang mga panahon ng kaginhawahan [imbis na kapootan] buhat sa personang si Jehova.” (Gawa 3:19) Anong laking kaginhawahan ang gayong pagpapatawad!
Pagkakamit ng “Tanda”
6. Sa anong mga dahilan may mga taong nilagyan ng tanda noong sinaunang mga panahon?
6 Upang makaligtas sa kapootan ng Diyos, yaong mga ‘nagbubuntong-hininga at dumadaing’ ay kailangang lagyan ng tanda sa kanilang mga noo. (Ezekiel 9:4) Noong sinaunang mga panahon ang mga alipin ay malimit na nilalagyan ng tanda sa noo upang malinaw na makita sila. Ang kapuna-punang mga tanda sa noo at sa anumang parte ng katawan ay maaari ring magpakita na ang isang tao ay sumasamba sa ganoo’t ganitong diyos.a (Ihambing ang Isaias 44:5.) Kung gayon, sa kaarawan natin, ano ba ang kapuna-puna, nagliligtas-buhay na tanda na maliwanag na nagpapakilala sa mayroon nito bilang mga tunay na mananamba at alipin ni Jehova?
7. Ano ang simbolikong tanda?
7 Ang simbolikong tanda ay siyang ebidensiya, na para bagang nagpapakilala at naroon sa iyong noong nakahantad, (1) na ikaw ay isang nag-alay, bautismadong alagad ni Jesu-Kristo at (2) ikaw ay nagbihis na ng tulad-Kristong bagong pagkatao. (Efeso 4:20-24) Yamang yaong mga ‘tinandaan’ ay kailangan munang mag-alay, kailangang malaman natin kung ano ba ang kasangkot dito. Ganito ang paliwanag ni Jesus: “Kung sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at sumunod sa akin nang patuluyan.”—Marcos 8:34.
8, 9. (a) Ano ang kahulugan ng ‘pagtatakwil sa sarili’? (b) Paano maipaghahalimbawa ang kahilingan sa pag-aalay?
8 Ang salitang Griego na isinaling “itakwil” ay nangangahulugan ng “lubusang tanggihan” o “talikdan.” Samakatuwid, ang ‘pagtatakwil sa iyong sarili’ ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagkakait sa iyong sarili ng isang kaluguran o kalayawan ngayon at sa darating. Bagkus, ito’y nangangahulugan na handa kang pahindian ang iyong sarili kung tungkol sa pagpayag na ang iyong buhay ay maging dominado ng iyong personal na mga hangarin at ambisyon. Tayo’y natutulungan na makita ang lawak ng mga salita ni Jesus sa pamamagitan ng pagpansin kung paano ang ideyang ito ay isinasalin sa iba’t ibang wika: “Ihinto ang paggawa ng ibig ng sariling puso ng isa” (Tzeltal, Mexico), “ikaw ay hindi na pag-aari ng iyong sarili” (K’anjobal, Guatemala), at “tumalikod sa kaniyang sarili” (Javanese, Indonesia). Oo, ito’y nangangahulugan ng isang bukod-tanging dedikasyon, hindi lamang isang pangakong magagawa tungkol sa mga ilang bagay.
9 Isang Kristiyanong nagngangalang Susan, na dati-rati ay mahilig magsarili, ang nagpapaliwanag kung ano ang kahulugan sa kaniya ng pag-aalay: “Noon ay isinusuko ko ang aking buong sarili sa iba. Si Jehova ngayon ang nagpapasiya kung alin ang dapat kong sundin, sinasabi niya sa akin kung ano ang dapat kong gawin, at siya ang nagtatakda ng kung ano ang mga dapat kong unahin.” Ikaw ba ay handang gumawa ng ganito ring bukod-tanging pag-aalay na gawin ang kalooban ni Jehovang Diyos? Tandaan, ang simbolikong tanda ay nagpapakilala sa iyo bilang ang ‘nagmamay-ari’ sa iyo ay ang Diyos, na isa kang maligayang alipin ng kaniyang Panginoon.—Ihambing ang Exodo 21:5, 6; Roma 14:8.
10. Anong mga bagay ang dapat pag-isipan ng isa bago gumawa ng pag-aalay?
10 “Sino ba sa inyo ang kung ibig magtayo ng isang moog ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol, upang alamin kung mayroon siyang sapat na magugugol hanggang sa matapos?” ang tanong ni Jesus. (Lucas 14:28) Kaya’t ikaw ba ay handa na: Dumalo nang palagian sa mga pulong Kristiyano? (Hebreo 10:25) Sumunod sa mataas na pamantayan ng asal na itinakda ng Diyos para sa kaniyang mga lingkod? (1 Tesalonica 4:3, 4, 7) Magkaroon ng lubos na bahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian hangga’t magagawa mo? Unahin ang kalooban ng Diyos pagka pumipili ng isang karera o nagtatakda ng mga tunguhin sa buhay? (Mateo 6:33; Eclesiastes 12:1) Mag-asikaso ng iyong pampamilyang mga obligasyon? (Efeso 5:22–6:4; 1 Timoteo 5:8) Minsang nakagawa ka ng isang personal na pag-aalay sa panalangin, ang susunod na hakbang ay ang hayaang malaman ito ng iba sa opisyal na paraan.
Bautismo—Para Kanino?
11. Ano ang isinasagisag ng bautismo, at ano ang nagagawa nito?
11 Iniutos ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay bautismuhan. (Mateo 28:19, 20) Sila’y kailangang lubusang ilubog sa tubig at ibangon doon. Tulad ng isang paglilibing at pagkabuhay-muli, ito’y mainam na lumalarawan sa pagkamatay ng isang tao sa isang nakasentro-sa-sariling paraan ng pamumuhay at pagkabuhay-muli upang gawin ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng bautismo ipinakikilala mo na ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova na kasama ng pandaigdig na kongregasyon ng Diyos.b Ang bautismo ang nagbibigay-bisa sa isang mahalagang pakikipagkasunduan sa Diyos. (Ihambing ang Exodo 19:3-8.) Ang iyong buhay ay kailangang maging kasuwato ng kaniyang mga batas. (Awit 15; 1 Corinto 6:9-11) Ang bautismo, na nagbibigay sa iyo ng ordinasyon bilang isang ministro ng Diyos, ay nagpapaaninaw rin ng isang “paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi” dahilan sa pagkaalam na ikaw ay may pakikipagpayapaan sa Diyos.—1 Pedro 3:21.
12. Kailan protektado ang mga bata ng “tanda” ng kanilang mga magulang?
12 Kahit ba ang mga kabataan ay dapat pag-isipan ang bautismo? Bueno, tandaan na ang anim na armadong lalaki na nakita sa pangitain ay pinagsabihan ni Jehova: “Ang matandang lalaki, binata at dalaga at munting bata at mga babae ay inyong patayin—lipulin. Ngunit huwag lalapit sa sinumang tao na may tanda.” (Ezekiel 9:6) Kung sa bagay, ang mga bata na napakabata upang mag-alay ng sarili ay protektado ng “tanda” ng isang magulang kung ang magulang na iyon ay nagsisikap na palakihin ang mga anak ayon sa pag-ibig ni Jehova at kung sila naman ay masunuring tumutugon. (1 Corinto 7:14) Gayunman, kung ang isang bata ay may sapat na talino upang gumawa ng isang personal na pagpapasiya at narating na niya ang punto na kung saan kaniyang “nalalaman kung paano gagawin ang matuwid,” huwag akalain na siya’y magpapatuloy hanggang kailanman sa ilalim ng bisa ng “tanda” ng kaniyang magulang.—Santiago 4:17.
13. Ano ang ilan sa mga dapat isaalang-alang sa pagtiyak kung handa na ang isang kabataan para sa bautismo?
13 Bago gumawa ng pag-aalay, ang isang kabataan ay dapat magkaroon ng sapat na kaalaman upang maintindihan kung ano baga ang kasangkot at siya’y dapat na naghahangad ng isang personal na kaugnayan sa Diyos. Dapat niyang maunawaan at sundin ang mga simulain ng Bibliya, sa pagkaalam na siya’y mananagot sa anumang paglabag doon. Dapat ding magkaroon siya ng sapat na karanasan sa pamamahagi sa iba ng kaniyang pananampalataya at makilala na ito ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba; dapat na siya’y talagang naghahangad na maglingkod sa Diyos. Natural, hindi siya maaasahan na makakitaan ng pagkamaygulang na gaya ng isang may-edad, subalit ang kaniyang pagsulong sa espirituwal ay dapat na patuloy.
14. Bakit itinuring ng isang kabataan ang kaniyang bautismo na isang proteksiyon?
14 Kung ‘tinaya ng isa ang halagang magugugol,’ ang isa ay hindi napapalagay sa alanganin sa pag-aalay bilang isang kabataan. Sa halos lahat ng baguhang Kristiyano, pagkatapos ng bautismo ay lalong tumitindi ang pagpapahalaga. “Ang pagpapabautismo bilang isang kabataan ay isang proteksiyon para sa akin,” ang paliwanag ni David. “Habang ako’y nagkakaedad, napansin ko na may mga ilang di-bautismadong mga tin-edyer sa kongregasyon na ibig makaalpas sa awtoridad ng hinirang na matatanda at sa gayo’y napahilig sa masamang pamumuhay. Subalit sa tuwina’y tinatandaan ko na aking inialay na ang aking buhay sa Diyos. Kinuha na niya ang aking buhay, kaya’t hindi ako tutulad sa gayong mga tin-edyer.”
15. (a) Paano natin nalalaman na posible para sa mga kabataan na magkaroon ng isang seryosong pangmalas sa tunay na pagsamba? (b) Paano makatutulong nang malaki ang mga magulang?
15 ‘Bueno, ano naman kung ang aking anak, lalaki man o babae, ay nagpabautismo nang siya’y nasa kabataan at pagkatapos ay nanlamig’? marahil ay iisipin ng mga ibang magulang. Tunay, ang isang kabataan ay hindi dapat pabautismo upang makalugod lamang sa isang magulang o dahil sa nagpapabautismo ang ilan niyang mga kaibigan. Subalit si Jose, Samuel, Haring Hosea, at si Jesus nang sila’y mga tin-edyer ay pawang nagkaroon ng seryosong pangmalas sa pagsamba sa Diyos at nanatili sila roon. (Genesis 37:2; 39:1-3; 1 Samuel 1:24-28; 2:18-21; 2 Cronica 34:3; Lucas 2:42-49) Sa modernong panahon, isang Kristiyano na nagngangalang Jean ang binautismuhan nang siya’y sampung taong gulang lamang. Nang tanungin siya pagkalipas ng ilang taon kung talagang naiintindihan niya ang hakbang na ito, si Jean ay tumugon: “Ang alam ko’y iniibig ko si Jehova, pinahahalagahan ko ang ginawa ni Jesus para sa akin, at ibig kong maglingkod kay Jehova.” Siya’y naglingkod nang buong katapatan sa loob ng mga 40 taon magmula nang siya’y magpabautismo. Bawat kabataan ay isang indibiduwal; walang sinuman na makapagtatakda ng isang pamantayang takdang edad. Dapat sikapin ng mga magulang na maabot ang puso ng kanilang anak, tulungan siya na paunlarin ang maka-Diyos na debosyon.c Hindi lamang na dapat laging itawag-pansin sa kanilang mga anak ang pribilehiyo ng pag-aalay at bautismo kundi gayundin patibayin sila na maging matatag na mga mananamba.
Pananaig sa mga Hadlang
16. Bakit higit pa ang kailangan kaysa lamang kaalaman na nasa ulo?
16 Bagaman ang kaalaman sa Bibliya ay kailangan, sa “tanda” ay nasasangkot ang higit pa kaysa kaalaman na nasa ulo. Halimbawa, sa pangitain na ibinigay kay Ezekiel, marahil ang matatanda na pinatay dahil sa paghahandog ng kamangyan sa mga diyus-diyosan ay may malawak na kaalaman sa nasusulat na Salita ni Jehova. Subalit ang kanilang gawi sa lihim ay nagpapakita na sila ay hindi mga tunay na mga mananamba. (Ezekiel 8:7-12; 9:6) Samakatuwid, upang ‘matandaan’ ukol sa kaligtasan ay kailangan ang pagbibihis ng “bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na kabanalan at katapatan.”—Efeso 4:22-24.
17. (a) Anong hadlang ang pumipigil sa iba sa pagpapabautismo? (b) Paano maikakapit ang payo ng Santiago 4:8?
17 Ang isang mabigat na hadlang ay ang impluwensiya ng iyong makasalanang laman. (Roma 8:7, 8) Ang iba ay napipigil sa pagpapabautismo dahilan sa hindi nila masupil ang isang malubhang kahinaan ng laman o dahilan sa ibig nilang magpakasawa sa di-nararapat na makasanlibutang mga kalayawan. (Santiago 4:1, 4) Ang gayong mga tao ay hindi nakapagtatayo ng isang mahalagang relasyon. Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong kamay, kayong makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong puso, kayong may dalawang akala.” (Santiago 4:8) Kailangan ang matatag na pagpapasiya. Bilang halimbawa, isang lalaki na nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang nagmalabis sa alak at mga droga nang may 16 na taon at nasa malubhang pagkakasakit dahil dito. Siya’y naging disididong madaig ang masasamang kaugaliang ito. “Subalit nang ako’y sumusulong na tungo sa pag-aalay, isang babae ang nagsimula naman na manghikayat sa akin na kami ay magkaroon ng relasyon. Tunay na isang tukso iyon,” ang sabi niya. “Bagaman inakala ng babae na ako’y nababaliw, sinabi ko sa kaniya: ‘Ako’y nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at hindi ko magagawa iyan.’” Ano ba ang nag-udyok sa kaniya upang tumugon ng gayon? “Nakita ko ang ginawa ni Jehova sa aking buhay sapagkat tinulungan niya ako upang maihinto ang pagmamalabis sa alak. Kaniyang tinulungan ako sa mga iba pang paraan. Ito ang tumulong sa akin upang maging lalong malapit sa kaniya. Hindi ko maaaring biguin siya.” Ang lalaking ito ay naging malapit sa Diyos.
18. Ano ang susi sa pananaig sa mga hadlang?
18 Ang mahalaga ay hindi kung gaano kalaki ang nalalaman mo kundi kung gaanong kalaki ang pag-ibig mo sa nalalaman mo. Ang Awit 119:165 ay nagsasabi: “Saganang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig [hindi lamang nakakaalam] sa iyong kautusan, at sila’y walang kadahilanang ikatitisod.” Ang susi ay pag-ibig sa kautusan ng Diyos, na matinding pinahahalagahan iyon sa iyong buhay.—Isaias 48:17, 18.
19, 20. (a) Anong mga hadlang ang kailangang daigin, at anong katiyakan mayroon tayo? (b) Ano ang resulta ng matagumpay na pananaig sa lahat ng hadlang?
19 Kung sa bagay, baka may bumangong mga ibang hadlang o mga katitisuran. “Ang pinakamahirap para sa akin,” ang sabi ng kapatid na lalaking binanggit na, “ay takot sa mga tao. Noon ay mayroon akong mga makasanlibutang ‘kaibigan’ na kasa-kasama ko sa pag-iinuman. Naging pinakamahirap para sa akin na sabihin sa kanila na pinuputol ko na ang aking pakikisama sa kanila dahil sa ang aking buhay ay iaalay ko na sa Diyos.” (Kawikaan 29:25) Ang mga iba naman ay napaharap sa pang-uuyam ng mga miyembro ng kanilang pamilya. Isang bagong kababautismong Saksi, na nanaig sa pananalansang ng kaniyang asawang lalaki, ang nagsabi ng ganito: “Imbis na isang malaking hadlang, napaharap sa akin ang maraming maliliit na hadlang na kinailangang daigin ko isa-isa.” Ang patuloy na pananaig sa bawat hadlang habang napapaharap iyon ay magpapatibay sa iyong puso. Tiyak na walang hadlang na hindi maaaring di madaig ng mga nagsisiibig sa kautusan ng Diyos!—Lucas 16:10.
20 Samantalang nananaig ka sa bawat balakid, tatamuhin mo ang “saganang kapayapaan.” (Awit 119:165) Oo, “lalakad ka nang tiwasay sa iyong lakad . . . Ang iyong tulog ay magiging mahimbing. Hindi ka matatakot ng biglang pagkatakot, ni mabubuwal man ng pagkabuwal ng masama, pagka dumarating. Sapagkat si Jehova nga ang magiging iyong pagtitiwala.”—Kawikaan 3:23-26.
[Mga talababa]
a Mga 150 taon pagkatapos ng pangitain ni Ezekiel, ang Griegong historyador na si Herodotus, sa pagkakita niya na ang mga tanda sa mga deboto ng diyos na si Hercules ang nagbigay sa kanila ng proteksiyon, ay sumulat: “Kung ang alipin ng sinuman ay nanganlong sa anumang paraan [sa templo ni Hercules] at siya’y nilagyan ng mga banal na tanda, upang magtalaga ng kaniyang sarili sa diyos na iyon, labag sa kautusan na siya’y pagbuhatan ng kamay.”
b Kamakailan ang dalawang tanong na inihaharap sa mga kandidato sa bautismo ay ginawang simple upang ang mga kandidato ay makasagot nang may buong unawa sa kung ano ang kasangkot sa pagpasok sa matalik na relasyon sa Diyos at sa kaniyang makalupang organisasyon.
c Tingnan ang “Sanayin ang Inyong Anak na Pagyamanin ang maka-Diyos na Debosyon” sa labas ng Gumising!, Mayo 8, 1986.
Mga Punto sa Repaso
◻ Paano tayo tinutulungan ng Diyos upang makipagpayapaan sa kaniya?
◻ Ano ang simbolikong nagliligtas-buhay na tanda?
◻ Ano ang kahulugan ng pag-aalay at bautismo?
◻ Anong uri ng mga hadlang ang kailangang harapin, at paano madadaig ang mga ito?
[Kahon sa pahina 13]
Paglulubog o Pagwiwisik?
Ang ulat ng bautismo ni Jesus ay bumabanggit ng kanyang “pag-ahon sa tubig.” (Marcos 1:10) Si Jesus ay inilubog at ito’y katugma ng kahulugan ng salitang Griego na isinaling bautismo (baʹpti·sma). Ito’y galing sa salitang ba·ptiʹzo, na ang ibig sabihin ay “itubog, ilubog.” Kung minsan ay ginagamit ito na tukuyin ang paglubog ng isang barko. Ang manunulat na si Lucian noong ikalawang siglo ay gumamit ng isang kaugnay na salita upang tukuyin ang isang tao na lumulunod sa iba: “Siya’y inihahagis sa napakalalim [ba·ptiʹzon·ta] kung kaya’t hindi na siya makaahon doon.” Ang The New International Dictionary of New Testament Theology ay may ganitong konklusyon: “Sa kabila ng mga sabi-sabi na iba rito, wari nga ang baptizō, kapuwa sa kontekstong Judio at Kristiyano, ay normal na nangangahulugang ‘ilubog’, at kahit na noong ito’y maging isang teknikal na termino para sa bautismo, nananatili pa rin ang diwa na paglulubog.”