Bakit Inusig ni Saulo ang mga Kristiyano?
‘AKO AY TALAGANG NAG-ISIP NA DAPAT akong gumawa ng maraming gawang pagsalansang laban sa pangalan ni Jesus na Nazareno; na, sa katunayan, ay ginawa ko sa Jerusalem. Marami sa mga banal ang ikinulong ko sa mga bilangguan, gaya ng tinanggap kong awtoridad mula sa mga punong saserdote. Kapag ang mga alagad ay papatayin na, ibinibigay ko ang aking boto laban sa kanila. Sa pagpaparusa sa kanila nang maraming ulit sa lahat ng mga sinagoga, sinikap kong pilitin silang gumawa ng pagtatakwil. Sapagkat sukdulan akong nagagalit laban sa kanila, pinag-usig ko sila maging hanggang sa mga lunsod na nasa labas.’—Gawa 26:9-11.
IYAN ang sinabi ni Saulo ng Tarso, na kilala rin bilang si apostol Pablo. Mangyari pa, nang sabihin niya ito, siya’y nagbago na. Hindi na siya mananalansang ng Kristiyanismo, kundi siya’y isa na ngayon sa masusugid na tagapagtaguyod nito. Ngunit ano nga ba ang nagtulak kay Saulo upang pag-usigin ang mga Kristiyano? Bakit niya inisip na ‘dapat niyang gawin’ ang mga bagay na iyon? At may aral bang makukuha sa kaniyang kasaysayan?
Ang Pagbato kay Esteban
Si Saulo ay napaulat sa Bibliya na kabilang sa mga pumatay kay Esteban. “Pagkatapon [kay Esteban] sa labas ng lunsod, ay pinasimulan nilang pagbabatuhin siya. At inilapag ng mga saksi ang kanilang mga panlabas na kasuutan sa paanan ng isang kabataang lalaki na tinatawag na Saulo.” “Si Saulo, sa ganang kaniya, ay sumasang-ayon sa pagpaslang sa kaniya.” (Gawa 7:58; 8:1) Ano ang umakay sa pag-atakeng ito? Ang mga Judio, pati ang ilan mula sa Cilicia, ay nakipagtalo kay Esteban ngunit hindi sila nakapanghawakan sa kanilang sarili laban sa kaniya. Hindi binabanggit kung si Saulo, isa ring taga-Cilicia, ay kabilang sa kanila. Sa paanuman, gumawa sila ng mga maling paratang upang akusahan si Esteban ng pamumusong at dinala siya sa Sanedrin. (Gawa 6:9-14) Ang kapulungang ito, na pinangungunahan ng mataas na saserdote, ang gumanap bilang mataas na hukuman ng mga Judio. Bilang pinakamataas na awtoridad ng relihiyon, iniingatan ng mga miyembro nito ang pinanghahawakan nilang diumano’y dalisay na turo. Para sa kanila, nararapat mamatay si Esteban. Nangahas siyang paratangan sila na hindi sumusunod sa Batas, hindi ba? (Gawa 7:53) Kung gayon ay ipakikita nila sa kaniya kung paano nila ito sinusunod!
Ang pagsang-ayon ni Saulo sa opinyong iyan ay nararapat lamang ayon sa kaniyang paninindigan. Siya’y isang Pariseo. Ang makapangyarihang sektang ito ay humihiling ng mahigpit na pagsunod sa batas at tradisyon. Ang Kristiyanismo ay itinuturing na kabaligtaran ng mga simulaing iyon, anupat nagtuturo ng isang bagong paraan ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus. Inaasahan ng unang-siglong mga Judio na ang Mesiyas ay isang maluwalhating Hari na magpapalaya sa kanila mula sa kinapopootang pamatok ng Romanong pamumuno. Ang ideya na maaaring ang Mesiyas na iyon nga ang isa na hinatulan ng Dakilang Sanedrin dahil sa paratang na pamumusong at pagkatapos ay ipinako sa isang pahirapang tulos na gaya ng isang kasumpa-sumpang kriminal kung gayon ay lubusang salungat, di-katanggap-tanggap, at nakaririmarim sa kanilang opinyon.
Sinasabi ng Batas na ang isang taong ibinayubay sa isang tulos ay “isinumpa ng Diyos.” (Deuteronomio 21:22, 23; Galacia 3:13) Ayon sa pananaw ni Saulo, “ang pananalitang ito ay maliwanag na kapit kay Jesus,” sabi ni Frederick F. Bruce. “Siya’y namatay sa ilalim ng sumpa ng Diyos, at samakatuwid ay hindi maaaring isipin na siya nga ang Mesiyas, na sumasakaniya, batay sa paniniwala noon, ang pagpapala ng Diyos sa isang namumukod-tanging antas. Kung gayon, ang pag-aangkin na si Jesus ang Mesiyas ay isa ngang pamumusong; yaong gumagawa ng ganitong balighong pag-aangkin ay nararapat magdusa bilang mga mamumusong.” Gaya ng sinabi mismo ni Saulo pagkaraan, ang mismong ideya tungkol sa ‘Kristo na ipinako, ay isang sanhi ng ikatitisod sa mga Judio.’—1 Corinto 1:23.
Ang naging reaksiyon ni Saulo sa gayong turo ay ang salansangin ito taglay ang napakatatag na determinasyon hangga’t maaari. Gumagamit pa nga ng makahayop na pagmamalupit sa pagsisikap na pawiin ito. Natitiyak niyang ito ang nais ng Diyos. Bilang paglalarawan sa iningatan niyang saloobin, sinabi ni Saulo: “Kung may kinalaman sa sigasig, pinag-uusig [ko] ang kongregasyon; kung may kinalaman sa katuwiran na sa pamamagitan ng batas, isa na nagpatunay sa kaniyang sarili na walang-kapintasan.” “Sa punto ng pagmamalabis ay patuloy kong pinag-usig ang kongregasyon ng Diyos at winasak iyon, at sumusulong ako sa Judaismo nang higit kaysa marami sa mga kasing-gulang ko sa aking lahi, palibhasa ako ay malayong higit na masigasig sa mga tradisyon ng aking mga ama.”—Filipos 3:6; Galacia 1:13, 14.
Pasimuno ng Pag-uusig
Pagkamatay ni Esteban, hindi na itinuturing si Saulo bilang isang kasabuwat lamang sa pag-uusig kundi bilang tagapagtanggol nito. Sa gawaing ito, malamang na napabantog siya, yamang kahit na siya’y nakumberte na, nang sikapin niyang makisama sa mga alagad, “silang lahat ay natakot sa kaniya, sapagkat hindi sila naniwalang siya ay isang alagad.” Nang maging maliwanag na siya nga’y isa nang Kristiyano, ang pagkakumberte sa kaniya ay naging dahilan ng pagsasaya at pagpapasalamat ng mga alagad, na nakarinig na, hindi basta isang dating mananalansang lamang ang nagbago ng saloobin, kundi na “ang tao na umuusig sa atin noong una ay nagpapahayag na ngayon ng mabuting balita tungkol sa pananampalataya na noong una ay winasak niya.”—Gawa 9:26; Galacia 1:23, 24.
Ang Damasco ay mga 220 kilometro—pito- o walong-araw na paglalakad—mula sa Jerusalem. Ngunit si Saulo, palibhasa’y “naghihinga pa ng banta at pagpaslang laban sa mga alagad,” ay pumaroon sa mataas na saserdote at humingi sa kaniya ng mga liham sa mga sinagoga sa Damasco. Bakit? Upang madala ni Saulo sa Jerusalem na nakagapos ang sinumang masumpungan niyang nasa “Daan.” Taglay ang opisyal na pagsang-ayon, siya ay ‘nagpasimulang makitungo nang malupit sa kongregasyon, anupat sinasalakay ang bawat bahay, na kinakaladkad palabas kapuwa ang mga lalaki at mga babae upang dalhin sila sa bilangguan.’ Ang iba naman ay kaniyang ‘hinampas sa mga sinagoga,’ at kaniyang ‘ibinibigay ang kaniyang boto’ (sa literal, ang kaniyang “mga bato sa pagboto”) na sumasang-ayong patayin sila.—Gawa 8:3; 9:1, 2, 14; 22:5, 19; 26:10, talababa sa Ingles.
Kung isasaalang-alang ang karunungang tinanggap ni Saulo sa pagtuturo ni Gamaliel at ang kapangyarihang hawak niya ngayon, naniniwala ang ilang iskolar na siya’y sumulong mula sa pagiging isang estudyante lamang ng Batas tungo sa punto na hawak na niya ang isang antas ng awtoridad sa Judaismo. Halimbawa, may nagpapalagay na si Saulo ay maaaring naging isang guro sa isang sinagoga sa Jerusalem. Gayunman, ang kahulugan ng ‘pagboto’ ni Saulo—bilang miyembro man ng isang hukuman o bilang isa na nagpapahayag ng kaniyang moral na pagsuporta sa pagpatay sa mga Kristiyano—ay hindi natin tiyak.a
Yamang sa pasimula ang lahat ng Kristiyano ay mga Judio o mga proselitang Judio, malamang na ang pagkaunawa ni Saulo sa Kristiyanismo ay isang kilusang apostata sa loob ng Judaismo, at itinuturing niyang pananagutan ng mga opisyal na Judaismo na ituwid ang mga tagatangkilik nito. Sinabi ng iskolar na si Arland J. Hultgren “na malamang na sinalansang ng mang-uusig na si Pablo ang Kristiyanismo dahil sa nakita niyang ito’y isang relihiyong hiwalay sa Judaismo, isang kalabang relihiyon. Maaaring nakikita niya at ng iba pa na ang kilusang Kristiyano ay sakop pa rin ng awtoridad ng mga Judio.” Ang kaniyang intensiyon noon ay upang pilitin ang sutil na mga Judio na tumalikod at manumbalik sa ortodokso, na ginagamit ang lahat ng posibleng paraan. (Gawa 26:11) Ang isang paraang maaari niyang gawin ay ang pagbibilanggo. Ang isa pa ay ang panghahampas sa mga sinagoga, isang karaniwang paraan ng pagdisiplina na maaaring ipataw bilang parusa sa pagsuway sa rabinikong awtoridad sa alinmang lokal na hukuman na may tatlong hukom.
Mangyari pa, ang pagpapakita ni Jesus kay Saulo sa daan patungong Damasco ay nagpahinto sa lahat ng iyan. Mula sa pagiging malupit na kaaway ng Kristiyanismo, si Saulo ay biglang naging masugid na tagapagtaguyod nito, at di-nagtagal ay hinangad ng mga Judio sa Damasco ang kaniyang kamatayan. (Gawa 9:1-23) Parang hindi kapani-paniwala, bilang isang Kristiyano, kinailangang pagdusahan ni Saulo ang maraming bagay na siya mismong ipinataw niya noon bilang mang-uusig, kaya nga pagkalipas ng mga taon ay nasabi niya: “Mula sa mga Judio ay limang ulit na tumanggap ako ng apatnapung hampas kulang ng isa.”—2 Corinto 11:24.
Maaaring Magkamali sa Pagiging Masigasig
“Ako ay dating isang mamumusong at isang mang-uusig at isang walang-pakundangang tao,” isinulat ni Saulo matapos na siya’y makumberte, noong mas nakilala siya bilang si Pablo. “Gayunpaman, ako ay pinagpakitaan ng awa, sapagkat ako ay walang-alam at kumilos sa kawalan ng pananampalataya.” (1 Timoteo 1:13) Samakatuwid, ang pagiging taimtim at aktibo sa relihiyon ng isa ay hindi garantiya ng pagsang-ayon ng Diyos. Si Saulo ay naging masigasig at kumilos ayon sa budhi, subalit hindi ito nagpangyari na siya’y maging tama. Mali ang kaniyang matinding sigasig. (Ihambing ang Roma 10:2, 3.) Dapat na maging dahilan iyan upang mag-isip-isip tayo.
Marami sa ngayon ang matatag na naniniwalang ang pagkakaroon ng mabuting paggawi ang tanging hinihiling ng Diyos sa kanila. Ngunit gayon nga ba? Makabubuti para sa bawat isa na makinig sa pangaral ni Pablo: “Tiyakin ninyo ang lahat ng mga bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.” (1 Tesalonica 5:21) Nangangahulugan iyan ng paggugol ng panahon upang matuto ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos ukol sa katotohanan at pagkatapos ay lubusang mamuhay na kaayon nito. Kung matanto natin sa ating pagsusuri ng Bibliya na kailangan pala tayong gumawa ng mga pagbabago, kung gayon ay gawin natin agad iyon sa anumang paraan. Marahil ang ilan sa atin ay napakatagal nang mga mamumusong, mang-uusig, o walang-pakundangang mga tao na gaya pa nga ni Saulo. Magkagayunman, sa pamamagitan lamang ng pagkilos ayon sa pananampalataya at tumpak na kaalaman matatamo natin, gaya niya, ang pagsang-ayon ng Diyos.—Juan 17:3, 17.
[Talababa]
a Ayon sa aklat na The History of the Jewish People in the Age of Jesus Christ (175 B.C.–A.D. 135), ni Emil Schürer, bagaman walang ulat sa Mishnah hinggil sa paraan ng Dakilang Sanedrin, o Sanedrin ng Pitumpu’t Isa, yaong mula sa nakabababang mga Sanedrin, na may 23 miyembro, ay dinetalye nang husto. Ang mga estudyante ng Batas ay maaaring dumalo sa mga kasong ang parusa’y kamatayan na nililitis sa nakabababang mga Sanedrin, kung saan sila’y pinahihintulutang magsalita nang pabor lamang at hindi laban sa akusado. Sa mga kasong di-nagsasangkot ng parusang kamatayan, puwedeng pareho nilang gawin iyon.