Sa Lahat ng Bagay ay May Takdang Panahon”
“Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit.”—ECLESIASTES 3:1.
1. Anong problema ang taglay ng mga di-sakdal na tao, at sa ano ito umakay sa ilang pagkakataon?
MADALAS sabihin ng mga tao, “Noon ko pa sana ginawa iyon.” O posibleng sabihin kapag nangyari na, “Naghintay muna sana ako.” Ipinakikita lamang ng ganitong mga reaksiyon ang problemang taglay ng mga di-sakdal na tao sa pagtiyak kung kailan ang tamang panahon para gawin ang ilang bagay. Ang limitasyong ito ang dahilan ng pagguho ng mga ugnayan. Umakay ito sa pagkabigo at pagkasiphayo. At ang pinakamalubha sa lahat, pinahina nito ang pananampalataya ng ilan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.
2, 3. (a) Bakit isang landas ng karunungan na tanggapin ang pagtiyak ni Jehova sa itinakdang mga panahon? (b) Anong timbang na pangmalas ang dapat nating taglayin kung tungkol sa katuparan ng hula sa Bibliya?
2 Palibhasa’y may karunungan at kaunawaang di-taglay ng mga tao, may kakayahan si Jehova na patiunang alamin, kung nais niya, ang kahihinatnan ng bawat gawa. Alam niya ang “wakas mula pa sa pasimula.” (Isaias 46:10) Kaya naman, hindi siya magkakamali sa pagpili sa angkop na panahon na gawin ang anumang bagay na gusto niyang gawin. Kung gayon, sa halip na magtiwala sa ating pamali-maling tiyempo, isang katalinuhan para sa atin na tanggapin ang pagtiyak ni Jehova sa itinakdang mga panahon!
3 Halimbawa, buong-katapatang naghihintay ang maygulang na mga Kristiyano sa itinakdang panahon ni Jehova ng pagtupad sa ilang hula sa Bibliya. Sila’y nananatiling abala sa paglilingkod sa kaniya, anupat palaging nasa isipan ang simulain sa Panaghoy 3:26: “Mabuti kung ang isa ay maghihintay, nang tahimik, sa pagliligtas ni Jehova.” (Ihambing ang Habacuc 3:16.) Kasabay nito, kumbinsido sila na ang ipinahayag na pagpapataw ni Jehova ng kahatulan, “kung iyon man ay magluwat, . . . walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.”—Habacuc 2:3.
4. Paano tayo matutulungan ng Amos 3:7 at Mateo 24:45 na buong-tiyagang maghintay kay Jehova?
4 Sa kabilang dako naman, kung hindi natin lubusang nauunawaan ang ilang teksto sa Bibliya o ang mga paliwanag na inilalaan sa mga publikasyon ng Watch Tower, dahilan ba ito para tayo mainip? Ang paghihintay sa itinakdang panahon ni Jehova upang liwanagin ang mga bagay-bagay ay isang landas ng karunungan. “Sapagkat ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anumang bagay malibang naisiwalat na niya ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.” (Amos 3:7) Tunay na isang kamangha-manghang pangako! Ngunit dapat nating maunawaan na isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang lihim na mga bagay sa panahong inaakala niyang nararapat. Dahil diyan ay binigyan ng Diyos ng awtoridad ang “tapat at maingat na alipin” na maglaan sa kaniyang bayan ng “kanilang [espirituwal na] pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Kung gayon, walang dahilan para sa atin na lubhang mabahala, o matigatig pa nga, sakali mang ang ilang bagay ay hindi lubusang naipaliliwanag. Sa halip, makapagtitiwala tayo na kung tayo’y buong-tiyagang maghihintay kay Jehova, maglalaan siya, sa pamamagitan ng tapat na alipin, ng kinakailangan “sa takdang panahon.”
5. Ano ang pakinabang ng pagsasaalang-alang ng Eclesiastes 3:1-8?
5 Ang marunong na si Haring Solomon ay bumanggit ng 28 iba’t ibang bagay, na bawat isa’y may “takdang panahon.” (Eclesiastes 3:1-8) Ang pagkaunawa sa kahulugan at mga pahiwatig ng sinabi ni Solomon ay tutulong sa atin na matiyak ang tamang panahon at maling panahon para sa ilang gawa, ayon sa pangmalas ng Diyos. (Hebreo 5:14) Kung gayon, pahihintulutan tayo nito na isaayos ang ating buhay sa angkop na paraan.
“Panahon ng Pagtangis at Panahon ng Pagtawa”
6, 7. (a) Ano ang dahilan ng “pagtangis” ng nababahalang mga tao? (b) Paano sinisikap ng daigdig na paglabanan ang malubhang kalagayan na kinasadlakan nila?
6 Bagaman may “panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa,” mayroon kayang sinuman na mas pipiliin ang una kaysa sa huli? (Eclesiastes 3:4) Nakalulungkot sabihin, tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na pangunahin nang nagbibigay sa atin ng dahilan upang tumangis. Nangingibabaw ang mga nakapanlulumong balita sa media. Nanliliit tayo sa takot kapag nababalitaan natin ang mga kabataan na namamaril ng kanilang mga kaeskuwela sa paaralan, ang mga magulang na nang-aabuso sa kanilang mga anak, ang mga teroristang pumapatay o pumipinsala sa mga inosenteng biktima, at ang mga tinatawag na likas na mga sakunang namiminsala sa buhay at ari-arian ng mga tao. Ang nagugutom na mga bata na nangangalumata at ang mga tumatakas na mga nagsilikas ay nag-aagawan sa ating atensiyon sa mga palabas sa TV. Ang dating di-kilalang mga termino na gaya ng etnikong paglilinis, AIDS, mga mikrobyong sandata sa digmaan, at El Niño ay lumilikha na ngayon ng pagkabalisa sa ating isip at puso—bawat isa ayon sa paraan nito.
7 Walang alinlangan, ang daigdig sa ngayon ay batbat ng trahedya at dalamhati. Gayunman, upang sa wari’y mapahupa ang kaselangan ng kalagayan, karaniwan na sa industriya ng paglilibang ang mag-alok ng mabababaw, magagaspang, kadalasa’y imoral at mararahas na palabas, na sinadya upang maalis ang ating pansin sa kahapisang dinaranas ng iba. Subalit ang walang-pakialam at mangmang na pagbibiro at walang-kabuluhang pagtatawa na bunga ng gayong paglilibang ay hindi dapat ipagkamali sa tunay na kagalakan. Ang kagalakan na isang bunga ng espiritu ng Diyos ay isang bagay na hindi basta mailalaan ng sanlibutan ni Satanas.—Galacia 5:22, 23; Efeso 5:3, 4.
8. Alin ang dapat unahin ng mga Kristiyano sa ngayon, ang pagtangis o ang pagtawa? Ipaliwanag.
8 Palibhasa’y nakikita natin ang nakalulungkot na kalagayan ng daigdig, nauunawaan natin na hindi ito ang panahon upang unahin ang pagtawa. Hindi ito ang panahon upang mabuhay para lamang mag-aliw at maglibang o unahin ang “pagkakatuwaan” kaysa sa pagtataguyod sa espirituwal na mga bagay. (Ihambing ang Eclesiastes 7:2-4.) “Yaong mga gumagamit sa sanlibutan” ay dapat na maging “gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan,” sabi ni apostol Pablo. Bakit? Sapagkat “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Ang tunay na mga Kristiyano ay nabubuhay bawat araw taglay ang lubos na pagkaunawa sa kaselangan ng mga panahong kinabubuhayan natin.—Filipos 4:8.
Bagaman Tumatangis, Tunay na Maligaya Naman!
9. Anong nakalulungkot na kalagayan ang umiral noon bago ang Delubyo, at ano ang kahulugan nito sa atin ngayon?
9 Ang mga taong nabuhay noong panahon ng pangglobong Delubyo ay walang seryosong pangmalas sa buhay. Nagpatuloy sila sa kanilang pang-araw-araw na rutin at hindi sila tumangis sa “kasamaan ng tao [na] laganap sa lupa,” anupat hindi nababahala na “napuno ang lupa ng karahasan.” (Genesis 6:5, 11) Tinukoy ni Jesus ang nakalulungkot na kalagayang iyan, at inihula niya na gayundin ang magiging saloobin ng mga tao sa ating kaarawan. Nagbabala siya: “Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:38, 39.
10. Paano ipinakita ng mga Israelita na nabuhay noong kaarawan ni Hagai na wala silang pagpapahalaga sa itinakdang panahon ni Jehova?
10 Mga 1,850 taon matapos ang Baha, noong kaarawan ni Hagai, marami sa mga Israelita ang nagpakita ng gayunding kawalan ng seryosong pagkabahala sa espirituwal na mga bagay. Palibhasa’y abala sa pagtataguyod ng personal na mga kapakanan, hindi nila naunawaan na panahon na pala upang unahin ang mga kapakanan ni Jehova. Mababasa natin: “Kung tungkol sa bayang ito, kanilang sinabi: ‘Ang panahon ay hindi pa dumarating, ang panahon ng bahay ni Jehova, upang iyon ay itayo.’ At ang salita ni Jehova ay patuloy na dumating sa pamamagitan ni Hagai na propeta, na nagsasabi: ‘Ito ba ang panahon upang kayo ay tumahan sa inyong mga bahay na may mga entrepanyo, samantalang ang bahay na ito ay giba? At ngayon ay ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, “Ituon ninyo ang inyong puso sa inyong mga lakad.”’”—Hagai 1:1-5.
11. Ano ang nararapat nating itanong sa ating sarili?
11 Bilang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, na taglay ang mga pananagutan at mga pribilehiyo sa harapan ni Jehova na gaya niyaong mga Israelita noong panahon ni Hagai, makabubuti rin para sa atin na dibdibin ang ating mga lakad, na ginagawa ito nang buong kataimtiman. Tayo ba’y “tumatangis” sa kalagayan ng daigdig at sa kahihiyang dulot nito sa pangalan ng Diyos? Tayo ba’y nasasaktan kapag itinatanggi ng mga tao ang pag-iral ng Diyos o walang-pakundangang nagwawalang-bahala sa kaniyang matuwid na mga simulain? Tayo ba’y kumikilos na gaya ng ginawa ng minarkahang mga indibiduwal na nakita ni Ezekiel sa isang pangitain 2,500 taon na ang nakalipas? Ganito ang mababasa natin tungkol sa kanila: “Si Jehova ay nagsabi sa [lalaking may tintero ng kalihim]: ‘Dumaan ka sa gitna ng lunsod, sa gitna ng Jerusalem, at lalagyan mo ng marka ang mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay na ginagawa sa gitna nito.’”—Ezekiel 9:4.
12. Anong kahalagahan mayroon ang Ezekiel 9:5, 6 para sa mga tao sa ngayon?
12 Nagiging maliwanag ang kahalagahan ng ulat na ito para sa atin sa ngayon kapag binabasa natin ang mga instruksiyon sa anim na lalaking may mga sandatang pandurog: “Magdaan kayong kasunod niya sa lunsod at manakit. Huwag maawa ang inyong mata, at huwag kayong mahabag. Ang matandang lalaki, binata at dalaga at maliit na bata at mga babae ay patayin ninyo—hanggang sa malipol. Ngunit sa sinumang tao na may marka ay huwag kayong lumapit, at sa aking santuwaryo kayo magsimula.” (Ezekiel 9:5, 6) Ang ating kaligtasan sa mabilis na dumarating na malaking kapighatian ay nakasalalay sa ating pagkilala na ngayon ay pangunahin nang panahon ng pagtangis.
13, 14. (a) Anong uri ng mga tao ang ipinahayag ni Jesus na maligaya? (b) Ipaliwanag kung bakit masasabi mong ang paglalarawang ito ay angkop na angkop sa mga Saksi ni Jehova.
13 Mangyari pa, ang bagay na ang mga lingkod ni Jehova ay “tumatangis” dahil sa nakapanghihina-ng-loob na kalagayan ng mga gawain sa daigdig ay hindi nakahahadlang sa kanilang pagiging maligaya. Kabaligtaran pa nga! Ang totoo’y sila ang pinakamaligayang grupo ng mga tao sa lupa. Inilaan ni Jesus ang batong-panukat sa kaligayahan nang sabihin niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, . . . yaong mga nagdadalamhati, . . . ang mga mahinahong-loob, . . . yaong mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, . . . ang mga maawain, . . . ang mga dalisay ang puso, . . . ang mga mapagpayapa, . . . yaong mga pinag-usig dahil sa katuwiran.” (Mateo 5:3-10) Napakarami ng katibayan na nagpapakitang ang paglalarawang ito ay mas angkop sa mga Saksi ni Jehova, sa panlahatan, kaysa sa alinmang organisasyon ng relihiyon.
14 Lalo nang nagkaroon ng dahilan ang maligayang bayan ni Jehova na ‘tumawa’ mula nang maisauli ang tunay na pagsamba noong 1919. Sa espirituwal na paraan, nakibahagi sila sa masayang karanasan niyaong mga nagbalik mula sa Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E.: “Nang tipuning muli ni Jehova ang mga nabihag sa Sion, tayo ay naging tulad niyaong mga nananaginip. Nang panahong iyon ay napuno ng pagtawa ang ating bibig, at ng sigaw ng kagalakan ang ating dila. . . . Si Jehova ay gumawa ng dakilang bagay sa ginawa niya sa atin. Tayo ay nagalak.” (Awit 126:1-3) Gayunman, kahit sa gitna ng espirituwal na pagtawa, buong-katalinuhan pa ring isinasaisip ng mga Saksi ni Jehova ang kaselangan ng mga panahon. Kapag natupad na ang bagong sanlibutan at ang mga naninirahan sa lupa ay ‘nakapanghawakan nang mahigpit sa tunay na buhay,’ kung gayon ay sumapit na ang panahon na papalitan na ng pagtawa ang pagtangis magpakailanman.—1 Timoteo 6:19; Apocalipsis 21:3, 4.
“Panahon ng Pagyakap at Panahon ng Pag-iwas sa Pagyakap”
15. Bakit pihikan ang mga Kristiyano sa pagpili ng kanilang kakaibiganin?
15 Pihikan ang mga Kristiyano sa pagpili ng kanilang kakaibiganin. Tinatandaan nila ang babala ni Pablo: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) At sinabi ng marunong na si Haring Solomon: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
16, 17. Paano minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang pakikipagkaibigan, pakikipag-date, at pag-aasawa, at bakit?
16 Pinipili ng mga lingkod ni Jehova bilang mga kaibigan ang mga indibiduwal na umiibig kay Jehova at sa kaniyang katuwiran na gaya nila. Habang nagpapahalaga sila at nasisiyahan sa pakikisama sa kanilang mga kaibigan, may-katalinuhan nilang naiiwasan ang maluwag at napakaliberal na pangmalas tungkol sa pakikipag-date na palasak na sa ilang bansa ngayon. Sa halip na magpakasasa rito anupat itinuturing na ito’y di-nakapipinsalang katuwaan lamang, minamalas nila ang pakikipag-date bilang isang maselan na hakbang tungo sa pag-aasawa na gagawin lamang kapag ang isa’y handa na sa pisikal, mental, at espirituwal na paraan—at malaya rin ayon sa Kasulatan—na pumasok sa isang permanenteng pagsasama.—1 Corinto 7:36.
17 Baka ituring ng ilan na ang gayong pangmalas sa pakikipag-date at pag-aasawa ay lipas na sa moda. Ngunit hindi pinapayagan ng mga Saksi ni Jehova na maimpluwensiyahan sila ng panggigipit ng kasamahan sa kanilang pagpili ng kakaibiganin o sa kanilang pasiya may kinalaman sa pakikipag-date at pag-aasawa. Alam nila na “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa.” (Mateo 11:19) Si Jehova lamang ang nakaaalam ng pinakamabuti, kaya dinidibdib nila ang payo niya na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39; 2 Corinto 6:14) Iniiwasan nilang magmadali sa pag-aasawa na taglay ang maling kaisipan na maaari namang makipagdiborsiyo o makipaghiwalay kung sakaling lumamig na ang pagsasama. Hindi sila nagmamadali sa paghanap ng makakasama sa buhay, yamang alam nila na kapag nakapanumpa na bilang mag-asawa, ang batas ni Jehova ay magkakabisa: “Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:6; Marcos 10:9.
18. Ano ang maaaring magsilbing pasimula para sa isang maligayang pag-aasawa?
18 Ang pag-aasawa ay isang panghabang-buhay na sumpaan na nangangailangan ng maingat na pagpaplano. Dapat tanungin ng isang lalaki ang kaniyang sarili, ‘Siya na ba talaga ang nararapat sa akin?’ Ngunit mahalaga rin naman na itanong niya, ‘Ako na ba talaga ang nararapat sa kaniya? Ako ba’y isang maygulang na Kristiyano na makapangangalaga sa kaniyang espirituwal na pangangailangan?’ Ang dalawang magpapakasal ay kapuwa may pananagutan sa harap ni Jehova na maging malakas sa espirituwal, na may kakayahang makabuo ng isang matatag na pag-aasawa na karapat-dapat sa pagsang-ayon ng Diyos. Libu-libong mag-asawang Kristiyano ang makapagpapatunay na dahil sa idiniriin nito ang pagbibigay kaysa sa pagtanggap, ang pambuong-panahong ministeryo ay isang napakagaling na pasimula para sa isang maligayang pag-aasawa.
19. Bakit nananatiling walang asawa ang ilang Kristiyano?
19 Ang ilang Kristiyano ay ‘umiiwas sa pagyakap’ sa pamamagitan ng pananatiling walang asawa alang-alang sa mabuting balita. (Eclesiastes 3:5) Ipinagpapaliban ng iba ang pag-aasawa hanggang sa madama nilang kuwalipikado na sila sa espirituwal upang maging kaakit-akit sa isang nababagay na asawa. Subalit alalahanin din naman natin ang mga Kristiyanong walang asawa na nananabik din namang maranasan ang matalik na pagsasamahan at ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng asawa ngunit nabibigong makatagpo ng kakasamahin sa buhay. Makatitiyak tayo na natutuwa si Jehova sa kanilang pagtanggi na ikompromiso ang banal na mga simulain sa kanilang pagtataguyod sa pag-aasawa. Makabubuti rin na pahalagahan natin ang kanilang katapatan at bigyan sila ng naaangkop na pampatibay na karapat-dapat sa kanila.
20. Bakit kahit ang mag-asawa kung minsan ay ‘umiiwas sa pagyakap’?
20 Paminsan-minsan ba’y dapat ding ‘umiwas sa pagyakap’ maging ang mga may asawa na? Malamang na sa diwa’y gayon nga, sapagkat sinabi ni Pablo: “Sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahong natitira ay pinaikli. Mula ngayon yaong mga may asawang babae ay maging para bang sila ay wala.” (1 Corinto 7:29) Samakatuwid, ang kagalakan at mga pagpapala ng pag-aasawa ay dapat na pumangalawa lamang sa mga teokratikong pananagutan kung minsan. Ang isang timbang na pangmalas sa bagay na ito ay hindi magpapahina sa pagsasama kundi magpapatatag pa nga dahil sa tumutulong ito na paalalahanan ang mag-asawa na si Jehova ang dapat na maging pangunahing tagapagpatatag sa kanilang ugnayan.—Eclesiastes 4:12.
21. Bakit hindi natin dapat hatulan ang mga mag-asawa may kinalaman sa pagiging magulang?
21 Isa pa, ang ilang mag-asawa ay umiiwas na magkaanak upang maging mas malaya sa paglilingkod sa Diyos. Nangangahulugan ito ng pagsasakripisyo sa kanilang bahagi, ngunit gagantimpalaan naman sila ni Jehova. Gayunpaman, bagaman ipinapayo ng Bibliya ang di-pag-aasawa alang-alang sa mabuting balita, wala naman itong tuwirang sinasabi hinggil sa pananatiling walang anak sa gayunding dahilan. (Mateo 19:10-12; 1 Corinto 7:38; ihambing ang Mateo 24:19 at Lucas 23:28-30.) Samakatuwid, dapat gumawa ng sariling pasiya ang mga mag-asawa batay sa personal na kalagayan at sa iniuudyok ng kanilang budhi. Anuman ang pasiyang iyon, hindi dapat punahin ang mga mag-asawa.
22. Ano ang mahalaga para sa atin na matiyak?
22 Oo, “sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit.” Mayroon pa man ding “panahon para sa digmaan at panahon para sa kapayapaan.” (Eclesiastes 3:1, 8) Ipaliliwanag sa susunod na artikulo kung bakit mahalaga para sa atin na tiyakin kung panahon na ngayon para sa alinman sa dalawa.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Bakit mahalaga para sa atin na malaman na “sa lahat ng bagay ay may takdang panahon”?
◻ Bakit ngayon higit sa lahat ang “panahon ng pagtangis”?
◻ Bakit ang mga Kristiyano, bagaman “tumatangis,” ay tunay na maligaya naman?
◻ Paano ipinakikita ng ilang Kristiyano na minamalas nila ang kasalukuyan bilang “panahon ng pag-iwas sa pagyakap”?
[Mga larawan sa pahina 6, 7]
Bagaman ang mga Kristiyano ay “tumatangis” dahil sa kalagayan ng daigdig . . .
. . . sila sa totoo ang pinakamaliligayang tao sa daigdig
[Larawan sa pahina 8]
Ang pambuong-panahong ministeryo ang pinakamagaling na saligan para sa isang maligayang pag-aasawa