Gawing Matagumpay ang Kristiyanong Pag-aasawa
‘Ibigin ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.’—EFE. 5:33.
1. Kahit masaya ang simula ng buhay may-asawa, ano ang aasahan ng mga nag-aasawa? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
KAPAG nagkita na ang magkasintahan sa araw ng kanilang kasal, hindi mailarawan ang kanilang kaligayahan. Lumalim ang pagmamahalan nila kung kaya handa na silang manata na magiging tapat sila sa isa’t isa bilang mag-asawa. Siyempre pa, kapag nagsama na sila at bumuo ng pamilya, kailangan nilang mag-adjust. Pero ang Salita ng Diyos ay naglalaan ng mahusay na payo para sa mga nag-aasawa. Gusto kasi ng maibiging Tagapagpasimula ng pag-aasawa na magtagumpay at maging maligaya ang pagsasama nila. (Kaw. 18:22) Gayunman, malinaw na sinasabi ng Kasulatan na ang mga nag-aasawa ay “magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1 Cor. 7:28) Paano mababawasan ang kapighatiang iyon? At paano magiging matagumpay ang Kristiyanong pag-aasawa?
2. Ano-anong uri ng pag-ibig ang dapat ipakita ng mag-asawa?
2 Ipinakikita ng Bibliya na mahalaga ang pag-ibig. Ang magiliw na pagmamahal (sa Griego, phi·liʹa) ay kailangan sa pagsasama ng mag-asawa. Ang romantikong pag-ibig (eʹros) ay nagdudulot ng kasiyahan, at ang pag-ibig para sa pamilya (stor·geʹ) ay mahalaga kapag nagkaanak na sila. Pero ang pag-ibig na nakasalig sa simulain (a·gaʹpe) ang makatutulong para magtagumpay ang pag-aasawa. Tungkol sa pag-ibig na ito, isinulat ni apostol Pablo: “Ibigin . . . ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”—Efe. 5:33.
ANG KANI-KANIYANG PAPEL NG MAG-ASAWA
3. Gaano dapat katibay ang pagmamahalan ng mag-asawa?
3 Isinulat ni Pablo: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efe. 5:25) Bilang pagtulad sa halimbawa ni Jesus, kailangang ibigin ng kaniyang mga tagasunod ang isa’t isa kung paanong inibig niya sila. (Basahin ang Juan 13:34, 35; 15:12, 13.) Kaya naman dapat na maging napakatibay ng pagmamahalan ng mag-asawang Kristiyano, at handa pa nga silang mamatay para sa isa’t isa kung kinakailangan. Pero baka hindi ganiyan ang madama ng isa kapag nagkakaroon sila ng matinding problema. Gayunman, “tinitiis [ng pag-ibig na a·gaʹpe] ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay.” Oo, “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Cor. 13:7, 8) Kung aalalahanin ng mag-asawa ang panata nilang ibigin ang isa’t isa at maging tapat sa isa’t isa, magkasama nilang lulutasin ang anumang problema ayon sa mga simulain ni Jehova.
4, 5. (a) Ano ang pananagutan ng asawang lalaki bilang ulo ng pamilya? (b) Ano ang dapat na maging pananaw ng asawang babae sa pagkaulo? (c) Paano nag-adjust ang isang mag-asawa?
4 Tinukoy ni Pablo ang kani-kaniyang pananagutan ng mag-asawa nang isulat niya: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon.” (Efe. 5:22, 23) Hindi naman ibig sabihin nito na ang asawang babae ay mas nakabababa. Nakatutulong pa nga ito para magampanan niya ang papel na gusto ng Diyos para sa asawang babae: “Hindi mabuti para sa lalaki [si Adan] na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” (Gen. 2:18) Kung paanong si Kristo, ang “ulo ng kongregasyon,” ay nagpapakita ng pag-ibig, ang Kristiyanong asawang lalaki ay dapat ding magpakita ng maibiging pagkaulo. Kapag ginagawa niya ito, magiging panatag ang kaniyang asawa at magiging madali para dito na magpakita ng paggalang, suporta, at pagpapasakop.
5 Inamin ni Cathy:[1] “Noong dalaga pa ako, independent ako at tumatayo sa sariling paa. Malaking adjustment sa akin ang pag-aasawa kasi kailangan kong matutong umasa sa mister ko. Hindi laging madali iyon, pero naging napakalapít namin sa isa’t isa habang ginagawa namin ang mga bagay-bagay ayon sa daan ni Jehova.” Sinabi naman ng mister niyang si Fred: “Hiráp akong magdesisyon, lalo na nang mag-asawa ako dahil dalawang tao na ang isasaalang-alang ko. Pero nananalangin ako kay Jehova para sa patnubay at pinakikinggan ang mungkahi ng misis ko, kaya araw-araw, mas nagiging madali na ito. Talagang magka-team kami!”
6. Paano nagsisilbing “sakdal na bigkis ng pagkakaisa” ang pag-ibig kapag nagkakaproblema ang mag-asawa?
6 Ang isang matatag na pag-aasawa ay binubuo ng dalawang taong nagpapasensiya sa di-kasakdalan ng bawat isa. ‘Patuloy nilang pinagtitiisan ang isa’t isa at lubusang pinatatawad ang isa’t isa.’ Oo, pareho silang nagkakamali. Pero may matututuhan sila sa mga iyon. Pagkakataon din iyon para maging mapagpatawad sila at hayaang ang pag-ibig ay magsilbing “sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Col. 3:13, 14) Bukod diyan, “ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. . . . Hindi ito nagbibilang ng pinsala.” (1 Cor. 13:4, 5) Ang mga di-pagkakaunawaan ay dapat ayusin agad. Kaya dapat sikapin ng mag-asawang Kristiyano na lutasin ang anumang isyu nila bago magtapos ang araw. (Efe. 4:26, 27) Kailangan ng kapakumbabaan at lakas ng loob para masabing “Sorry, nasaktan kita,” pero malaki ang magagawa nito para malutas ang mga problema at maging malapít sa isa’t isa ang mag-asawa.
KAILANGAN ANG HIGIT NA PAGKAMAGILIW
7, 8. (a) Ano ang payo ng Bibliya hinggil sa seksuwal na relasyon ng mag-asawa? (b) Bakit kailangang maging magiliw sa isa’t isa ang mag-asawa?
7 May magagandang payo ang Bibliya para maging balanse ang pananaw ng mag-asawa sa pagbibigay ng kaukulan ng bawat isa. (Basahin ang 1 Corinto 7:3-5.) Napakahalagang maging maibigin at makonsiderasyon sa damdamin at pangangailangan ng kabiyak. Kung hindi magiging makonsiderasyon at magiliw ang lalaki sa asawa niya, baka hindi maging kasiya-siya sa babae ang aspektong ito ng pag-aasawa. Pinapayuhan ang mga lalaki na makitungo sa kanilang asawa “ayon sa kaalaman.” (1 Ped. 3:7) Ang seksuwal na relasyon ng mag-asawa ay hindi dapat maging sapilitan kundi bukal sa kalooban. Kadalasan, mas madaling tumugon ang lalaki kaysa sa babae, pero dapat na pareho silang handa sa emosyonal na paraan.
8 Hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng mag-asawa kapag ibinibigay nila ang kaukulan ng isa’t isa. Pero may binabanggit itong mga kapahayagan ng pagmamahal. (Sol. 1:2; 2:6) Dapat na maging magiliw sa isa’t isa ang mag-asawa.
9. Bakit hindi dapat magkaroon ng seksuwal na interes ang isa sa hindi niya asawa?
9 Kung iniibig ng mag-asawa ang Diyos at ang kanilang kapuwa, hindi nila hahayaan na may sinuman o anuman na makasira sa pagsasama nila. Nagkaproblema ang pagsasama ng ilang mag-asawa, o nasira pa nga, nang maadik sa pornograpya ang isa sa kanila. Anumang tendensiya na maakit dito o magkaroon ng anumang uri ng seksuwal na interes sa hindi asawa ay dapat paglabanan. Hindi rin maibigin, at dapat iwasan, ang anumang pagkilos na mukhang nakikipag-flirt tayo sa hindi natin asawa. Tandaan na alam ng Diyos ang lahat ng iniisip at ginagawa natin. Mapatitibay nito ang pagnanais natin na pasayahin siya at manatiling malinis.—Basahin ang Mateo 5:27, 28; Hebreo 4:13.
KAPAG PROBLEMADO ANG PAGSASAMA
10, 11. (a) Gaano kapalasak ang pagdidiborsiyo ngayon? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paghihiwalay? (c) Ano ang makatutulong sa isa na huwag makipaghiwalay agad sa kaniyang asawa?
10 Kapag parang hindi na matapos-tapos ang mga problema ng mag-asawa, baka isipin nilang maghiwalay o magdiborsiyo na lang. Sa ilang lupain, mahigit kalahati ng mga ikinakasal ay nagdidiborsiyo. Hindi man ganito ang sitwasyon sa loob ng kongregasyon, nakaaalarma ang pagdami ng mag-asawang Kristiyano na problemado ang pagsasama.
11 Sinasabi ng Bibliya: “Ang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa; ngunit kung talaga ngang hihiwalay siya, manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli sa kaniyang asawa; at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa.” (1 Cor. 7:10, 11) Hindi dapat ituring na simpleng bagay ang pakikipaghiwalay. Kahit parang ito ang solusyon sa mahirap na sitwasyon, kadalasan ay dumarami ang problema dahil dito. Matapos ulitin ni Jesus ang sinabi ng Diyos na iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at magsasama silang mag-asawa, sinabi niya: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat. 19:3-6; Gen. 2:24) Kaya wala ring karapatan ang mag-asawa na ‘paghiwalayin ang pinagtuwang ng Diyos.’ Para kay Jehova, panghabambuhay ang pagsasama ng mag-asawa. (1 Cor. 7:39) Lagi nating isipin na lahat tayo ay magsusulit sa Diyos. Makatutulong ito para magsikap ang mag-asawa na lutasin agad ang kanilang problema para hindi na ito lumala pa.
12. Bakit naiisip ng ilan na makipaghiwalay sa kanilang asawa?
12 Baka hindi makatuwiran ang inaasahan ng mag-asawa sa isa’t isa kung kaya nagkakaproblema sila. Kapag hindi nangyari ang pinapangarap ng isa na masayang pag-aasawa, maaaring madismaya siya, madamang niloko siya, o magalit pa nga. Baka maging isyu ang magkaibang ugali at kinalakhan ng mag-asawa. Baka pagtalunan din nila ang pera, mga biyenan, at kung paano palalakihin ang kanilang anak. Gayunman, nakatutuwang makita na nalulutas ng karamihan sa mag-asawang Kristiyano ang mga problema nila dahil nagpapagabay sila sa Diyos.
13. Ano ang makatuwirang mga dahilan para maghiwalay ang mag-asawa?
13 Kung minsan, baka may makatuwirang dahilan para maghiwalay ang mag-asawa. Ang sadyang di-pagbibigay ng suporta, labis-labis na pananakit sa pisikal, at lubos na pagsasapanganib ng espirituwalidad ng isa ay mga sitwasyon na itinuturing ng ilan na dahilan para makipaghiwalay. Ang mag-asawang Kristiyano na may matitinding problema ay dapat humingi ng tulong sa mga elder. Matutulungan ng makaranasang mga brother na ito ang mag-asawa na ikapit ang payo ng Salita ng Diyos. Sa paglutas sa mga problema, dapat din tayong manalangin kay Jehova na bigyan tayo ng kaniyang espiritu at tulungan tayong maikapit ang mga simulain sa Bibliya at maipakita ang bunga ng kaniyang espiritu.—Gal. 5:22, 23.[2]
14. Ano ang sinasabi ng Bibliya sa mga Kristiyano na may asawang hindi sumasamba kay Jehova?
14 May mga Kristiyano na ang asawa ay hindi lingkod ni Jehova. Ipinakikita ng Bibliya kung bakit dapat silang manatiling magkasama. (Basahin ang 1 Corinto 7:12-14.) Alam man o hindi ng di-sumasampalatayang asawa, siya ay “napababanal” dahil isang mananampalataya ang asawa niya. Ang kanilang mga anak ay itinuturing din na “banal” at sa gayon ay nasa ilalim ng proteksiyon ng Diyos. Nangatuwiran si Pablo: “Asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? O, asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?” (1 Cor. 7:16) Sa halos lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, may mga Kristiyano na naging instrumento para ‘mailigtas’ ang kanilang asawa.
15, 16. (a) Ano ang payo ng Bibliya sa mga Kristiyanong asawang babae na may asawang hindi lingkod ng Diyos? (b) Ano ang pananaw ng isang Kristiyano “kung yaong di-sumasampalataya ay humiwalay”?
15 Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyanong asawang babae na magpasakop sa kanilang asawa “upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” Sa pamamagitan ng “tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos,” mas posibleng mawagi ng asawang babae ang kaniyang asawa sa tunay na pagsamba kaysa kung lagi niya itong pangangaralan tungkol sa kaniyang mga paniniwala.—1 Ped. 3:1-4.
16 Paano kung makipaghiwalay ang di-sumasampalatayang asawa? Sinasabi ng Bibliya: “Kung yaong di-sumasampalataya ay humiwalay, hayaan siyang humiwalay; ang isang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi natatalian sa ilalim ng gayong mga kalagayan, kundi tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan.” (1 Cor. 7:15) Hindi ibig sabihin nito na ang isang Kristiyano ay mayroon nang makakasulatang kalayaan na mag-asawang muli. Sa halip, hindi niya kailangang pilitin ang kaniyang asawa na manatili. Sa paanuman, maaaring magdulot ng kapayapaan ang paghihiwalay. At sa hinaharap, baka bumalik ang asawang nakipaghiwalay para ayusin ang kanilang pagsasama at maging lingkod pa nga ni Jehova.
PAG-AASAWA AT ANG ATING PANGUNAHING PRIYORIDAD
17. Ano ang dapat na maging pangunahing priyoridad ng mga mag-asawang Kristiyano?
17 Dahil nabubuhay na tayo sa dulong bahagi ng “mga huling araw,” nakararanas tayo ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1-5) Pero malaking tulong ang malakas na espirituwalidad para malabanan natin ang negatibong impluwensiya ng sanlibutang ito. “Ang panahong natitira ay maikli na,” ang isinulat ni Pablo. “Mula ngayon yaong mga may asawang babae ay maging tulad sa wala, . . . at yaong mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan.” (1 Cor. 7:29-31) Hindi sinasabi ni Pablo na puwede nang pabayaan ng mag-asawa ang kanilang mga pananagutan sa isa’t isa. Pero dahil sa maikli na ang panahon, kailangan nilang gawing priyoridad ang espirituwal na mga bagay.—Mat. 6:33.
18. Bakit posible na maging masaya at matagumpay ang pag-aasawa ng mga Kristiyano?
18 Totoong mahirap ang panahong kinabubuhayan natin. Maraming mag-asawa ang nabibigo, pero posibleng maging masaya at matagumpay ang ating pag-aasawa. Kapag ang mag-asawa ay nananatiling malapít sa bayan ni Jehova, ikinakapit ang mga payo ng Bibliya, at tinatanggap ang patnubay ng banal na espiritu ni Jehova, hindi nila mapaghihiwalay “ang pinagtuwang ng Diyos.”—Mar. 10:9.
^ [1] (parapo 5) Binago ang mga pangalan.
^ [2] (parapo 13) Tingnan ang apendise ng aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos, sa paksang “Ang Pananaw ng Bibliya sa Diborsiyo at Paghihiwalay.”