Nagawa Nilang Mas Makabuluhan ang Kanilang Buhay—Magagawa Mo Rin Ba?
SI Marc, isang kapatid sa Canada, ay empleado sa isang kompanya na gumagawa ng sopistikadong mga kagamitan na ginagamit ng mga ahensiyang pangkalawakan. Nagtatrabaho siya nang part-time at naglilingkod bilang regular pioneer. Isang araw, isang superbisor ang nag-alok kay Marc ng promosyon—buong-panahong trabaho na malaki ang suweldo. Ano ang ginawa ni Marc?
Si Amy, isang kapatid sa Pilipinas, ay naglilingkod bilang regular pioneer habang nag-aaral sa haiskul. Nang makatapos siya, inalok siya ng buong-panahong trabaho na uubos ng malaking oras pero mataas ang sahod. Ano ang ipinasiya ni Amy?
Magkaiba ang ginawang pasiya nina Marc at Amy, at ang resulta ng kanilang mga pagpapasiya ay nagdiriin sa karunungan ng payong ibinigay sa mga Kristiyano sa sinaunang Corinto. Sumulat si apostol Pablo: “Yaong mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan.”—1 Cor. 7:29-31.
Gamitin ang Sanlibutan, Pero Huwag Lubusan
Bago natin alamin kung ano ang nangyari kina Marc at Amy, tingnan muna natin sa maikli ang kahulugan ng salitang “sanlibutan” (o, koʹsmos sa Griego) na ginamit ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto. Sa talatang iyan ng Bibliya, ang koʹsmos ay tumutukoy sa sistema ng sanlibutan na kinabubuhayan natin—ang lipunan ng mga tao—at kasama rito ang mga karaniwang bagay na bahagi ng pang-araw-araw na buhay, gaya ng tirahan, pagkain, at pananamit. Para magkaroon ng mga ito, marami sa atin ang kailangang magtrabaho. Oo, obligado tayong gamitin ang sanlibutan para maisakatuparan natin ang ating maka-Kasulatang pananagutang maglaan para sa ating mga sarili at sa ating pamilya. (1 Tim. 5:8) Pero kasabay nito, alam nating “ang sanlibutan ay lumilipas.” (1 Juan 2:17) Kaya ginagamit natin ang sanlibutan pero hindi “nang lubusan.”—1 Cor. 7:31.
Udyok ng payong iyan ng Bibliya na limitahan hangga’t maaari ang paggamit sa sanlibutan, sinuri ng maraming kapatid ang kanilang kalagayan, binawasan nila ang oras na ginugugol sa trabaho, at pinasimple ang kanilang buhay. Sa paggawa nito, nakita nila na talagang naging mas makabuluhan ang kanilang buhay dahil mas marami silang panahong nagugugol sa kanilang pamilya at sa paglilingkod kay Jehova. Bukod diyan, dahil simple ang kanilang buhay, mas umaasa na sila kay Jehova at hindi na gaanong dumedepende sa sanlibutan. Magagawa mo rin ba ito—gawing simple ang iyong buhay para higit mong mapaglingkuran si Jehova?—Mat. 6:19-24, 33.
“Mas Malapít Kami Ngayon kay Jehova”
Si Marc, na binanggit sa pasimula, ay sumunod sa payo ng Bibliya na huwag gamitin ang sanlibutan nang lubusan. Tinanggihan niya ang iniaalok na promosyong malaki ang suweldo. Pagkaraan ng ilang araw, mas malaking suweldo ang inialok kay Marc ng kaniyang superbisor para mahikayat siyang tanggapin ang bagong trabahong iyon. “Pagsubok iyon sa akin,” ang sabi ni Marc, “pero tumanggi uli ako.” Ipinaliwanag niya kung bakit: “Gusto namin ni Paula na iukol ang aming buhay sa paglilingkod kay Jehova nang lubusan hangga’t maaari. Kaya napagpasiyahan naming mag-asawa na gawing simple ang aming buhay. Nanalangin kami kay Jehova na bigyan kami ng karunungan upang maabot namin ang aming tunguhin at nagtakda kami ng petsa kung kailan kami magsisimulang gumugol ng mas maraming panahon sa paglilingkod kay Jehova.”
Sinabi ni Paula: “Nagtatrabaho ako nang tatlong araw sa isang linggo bilang sekretarya sa isang ospital at sapat naman ang suweldo ko. Naglilingkod din ako bilang regular pioneer. Pero tulad ni Marc, gusto ko ring maglingkod kay Jehova kung saan may higit na pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Pero nang magbibitiw na ako sa trabaho, sinabi sa akin ng aking superbisor na kuwalipikado ako sa kababakante lamang na posisyong executive secretary. Iyon ang may pinakamataas na suweldo para sa mga sekretarya sa ospital, pero determinado akong magbitiw. Nang ipaliwanag ko sa aking superbisor kung bakit hindi ako interesadong mag-aplay sa posisyong iyon, pinapurihan niya ako sa aking pananampalataya.”
Di-nagtagal, tumanggap si Marc at Paula ng atas na maglingkod bilang mga special pioneer sa isang maliit na kongregasyon sa liblib na bahagi ng Canada. Ano ang naging bunga ng kanilang pagpapasiya? Sinabi ni Marc: “Matapos kong bitawan ang posisyong malaki ang suweldo na naging trabaho ko sa halos kalahati ng aking buhay, nag-alala ako sa magiging kinabukasan namin, pero pinagpala ni Jehova ang aming ministeryo. Nakadama kami ng malaking kagalakan mula sa pagtulong sa iba na maglingkod sa Diyos. Pinatibay rin ng buong-panahong paglilingkod ang ugnayan naming mag-asawa. Ang aming pag-uusap ay palaging nakasentro sa mga bagay na talagang mahalaga—espirituwal na mga paksa. Mas malapít kami ngayon kay Jehova.” (Gawa 20:35) Idinagdag pa ni Paula: “Kapag iniwan mo ang iyong trabaho at maalwang tirahan, kailangang buo ang pagtitiwala mo kay Jehova. Ganiyan ang ginawa namin, at pinagpala kami ni Jehova. Ipinadama sa amin ng magiliw na mga kapatid sa aming bagong kongregasyon na mahal nila kami at mahalaga kami sa kanila. Ang aking lakas na dati’y inuubos ko sa aking trabaho ay ginagamit ko na ngayon sa pagtulong sa mga tao na makilala ang Diyos. Tuwang-tuwa akong maglingkod sa atas na ito.”
‘Mayaman Nga Pero Hindi Maligaya’
Iba naman ang piniling landasin ni Amy na binanggit sa pasimula. Tinanggap niya ang buong-panahong trabaho na may malaking suweldo. Sinabi ni Amy: “Sa unang taon, aktibo pa rin ako sa ministeryo pero unti-unting napupunta sa trabaho ang atensiyon ko at napapabayaan ko na ang paglilingkod kay Jehova. Sunud-sunod ang magagandang alok sa akin at inubos ko ang aking lakas para lalo pang tumaas ang posisyon ko. Habang palaki nang palaki ang responsibilidad ko sa trabaho, paunti naman nang paunti ang oras ko sa ministeryo. Hanggang sa tuluyan na akong tumigil sa pangangaral.”
Sa pagbabalik-tanaw, sinabi ni Amy: “Marami akong pera noon. Madalas akong magbiyahe at tinitingala ako dahil sa posisyon ko sa trabaho. Pero hindi ako masaya. Kahit may pera, napakarami ko namang problema. Nagtataka ako kung bakit. Hanggang sa napag-isip-isip ko na dahil sa paghahabol sa karera sa sanlibutang ito, muntik na akong ‘mailigaw mula sa pananampalataya.’ Kaya gaya ng pagkakasabi mismo sa Bibliya, dumaranas ako ng ‘maraming kirot.’”—1 Tim. 6:10.
Ano ang ginawa ni Amy? Sinabi niya: “Humiling ako sa mga elder na tulungan akong mapanumbalik ang aking espirituwalidad at dumalo uli ako sa mga pulong. Minsan, habang umaawit, napaiyak ako. Naalaala ko na masaya ako sa aking limang taóng pakikibahagi sa pangangaral bilang pioneer, kahit mahirap lang ako noon. Hindi na ako dapat mag-aksaya ng panahon sa pagkita ng pera at kailangan ko nang unahin ang kapakanan ng Kaharian. Kumuha ako ng mas mababang posisyon sa trabaho, na ang kikitain ay kalahati lamang ng dati kong suweldo, at muli akong nakibahagi sa pangangaral.” Masayang ikinukuwento ni Amy: “Naging maligaya ako sa paglilingkod ko bilang pioneer nang ilang taon. Masayang-masaya na ako ngayon, di-gaya noong subsob ako sa trabaho para umasenso.”
Puwede ka bang gumawa ng mga pagbabago at gawin mong simple ang iyong buhay? Kung ang panahong makukuha mo sa pagpapasimple ng iyong buhay ay gagamitin mo sa pagpapasulong ng kapakanan ng Kaharian, magiging mas makabuluhan din ang iyong buhay.—Kaw. 10:22.
[Blurb sa pahina 19]
Puwede ka bang gumawa ng mga pagbabago at gawin mong simple ang iyong buhay?
[Kahon/Larawan sa pahina 19]
“Agad Ko Itong Nagustuhan!”
Gusto rin ni David, isang Kristiyanong elder sa Estados Unidos, na maglingkod nang buong-panahon kasama ng kaniyang asawa at mga anak. Nakakuha siya ng part-time na trabaho sa kompanyang pinapasukan niya, at nagsimula siyang maglingkod bilang regular pioneer. Naging mas makabuluhan ba ang kaniyang buhay? Pagkalipas ng ilang buwan, sumulat si David sa isang kaibigan: “Wala nang hihigit pa sa kasiyahang dulot ng paglilingkod kay Jehova nang buong-panahon kasama ng pamilya. Akala ko’y matatagalan pa bago ako mawili sa pagpapayunir, pero agad ko itong nagustuhan! Ang sarap ng pakiramdam.”
[Larawan sa pahina 18]
Sina Marc at Paula sa ministeryo