Sino Talaga ang mga “Escapists”?
“ESCAPE from reality.” (Tumakas buhat sa totoo.) Ganiyan ang sinabi ng kamag-anak ng isang kabataang ministro na naparoon sa Timog Pasipiko upang maging isang misyonero roon. At marami ang magkakaroon ng ganitong kaisipan. Halimbawa, isang komentarista sa radyo sa New Zealand ang nagmungkahi kamakailan na pagka patuloy na lumubha ang mga kalagayan sa pamumuhay, maraming mga tao ang bumabaling sa paniniwala sa Diyos bilang isang anyo ng escapism.a
Ngunit iyon bang mga nagtatalaga ng kanilang buhay sa pagtataguyod ng espirituwal na mga kapakanan ay talagang mga escapist? Hindi kung ayon sa kay Jesu-Kristo. Hindi niya minalas na ang paniniwala sa Diyos ay isang haka-haka, imbento, o talsik ng guniguni. Sa Juan 7:28 sinabi niya: “Hindi ako naparito sa ganang aking sarili, datapuwat ang nagsugo sa akin ay tunay.”
Subalit, sa kaso ni Jesus ang paniwala sa Diyos ay may aktibong epekto sa kaniya. Siya’y napakilos na ihandog ang kaniyang buhay sa Diyos, na ang sabi: “Narito! Ako’y naparito . . . upang gawin ang iyong kalooban, Oh Diyos.” (Hebreo 10:7) Ang mga tunay na Kristiyano ngayon ay naaapektuhan din na kagaya niyan. Bilang halimbawa, pansinin ang payo na isinulat ni Pablo kay Timoteo, isang prominenteng hinirang na matanda sa kongregasyon noong unang siglo. Batid ni Pablo na mayroong ilan sa kongregasyon na mayayaman. Subalit dahilan sa kanilang pananampalataya na nakasalig sa katotohanan, sila’y kumilos upang gamitin ang mga kayamanang ito. Sinabi ni Pablo: “Pagbilinan mo ang mayayaman sa kasalukuyang sanlibutan na huwag nilang hamakin ang iba, at huwag ilagak ang kanilang pagtitiwala sa lumilipas na kayamanan kundi sa Diyos na buháy, na saganang nagbibigay sa atin ng lahat ng bagay na ikasisiya natin. Pagbilinan mo sila na gumawa ng mabuti, maging sagana sa mabubuting gawa, laging handang magbigay sa iba at makiramay sa mga nasa kahirapan. Ang kanilang kasiguruhan ay dapat na nakalagak sa buhay na darating, upang kanilang matiyak na mayroon silang bahagi sa buhay na tunay at namamalagi.”—1 Timoteo 6:17-19, Phillips.
Samakatuwid ang pagka-Kristiyano ay hindi pagtakas buhat sa totoo. Ito’y isang magiting na pagharap sa pananagutan. Ang Diyos na sinasamba natin ay hindi isang guniguni kundi siya’y tunay. Ang buhay sa paglilingkod na sinusunod natin ay may kabuluhan at katuparan. Ang ating pag-asa sa isang panghinaharap na gantimpala, na hindi isang walang batayang haka-haka, ay may tiyak na pundasyon sa mga pangako ng Diyos na hindi maaaring magsinungaling.—Hebreo 6:18.
Datapuwat, kumusta naman iyong mga nagtatatwa ng pangangailangan na maglingkod sa Diyos at ang kanilang mga buhay ay nakasentro sa materyal na mga ari-arian o sa isang mapag-imbot na karera? Hindi kaya sila ang mga talagang escapist?
Ang pantas na si Solomon ay gumamit ng mga pananalita na gaya ng “walang kabuluhan” at “paghabol sa hangin” upang ilarawan ang isang buhay na doo’y materyal na mga bagay at mga kalayawan sa buhay ang pangunahin. Kaniyang binanggit ang kahihinatnan nito, na ang sabi: “At anumang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait. Hindi ko pinigil ang aking puso sa anumang kagalakan, sapagkat ikinagalak ng aking puso ang lahat ng aking pagpapagal, at ito ang aking bahagi sa lahat kong pinagpagalan. Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at ang gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at hindi mapakinabangan sa ng silong araw.”—Eclesiastes 2:10, 11.
Oo, ang isang materyalistikong paraan ng pamumuhay ay nagdadala ng isang uri ng kagalakan. Ngunit ito’y walang dulot na tunay na kasiyahan at namamalaging kaligayahan. Ang gayong buhay ay “walang kabuluhan.” Oo, ang salitang Hebreo para sa “walang kabuluhan” ay may literal na kahulugan na “hininga” at samakatuwid tumutukoy sa isang bagay na walang katatagan at di-permanente. Ang The New English Bible ay gumagamit ng salitang “emptiness” (walang laman).
Samakatuwid, tungkol sa isang taong namumuhay nang “walang kabuluhan” gaya ng pagkasabi ni Solomon, kaniya bang mapararatangan ang isang Kristiyano ng pagtakas tungo sa isang katayuan ng guniguning kasiyahan? Hindi. Ang totoo, ipinakikita pa ni apostol Pablo na “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Dito ang balakyot na sanlibutan ay itinutulad niya sa isang entablado na doo’y may mga tanawin na laging nagbabago. Sa ngayon ang mga bagay na tinging magaganda, kaakit-akit, kagila-gilalas pa nga, ay baka wala na bukas. Ang kasalukuyang “mga artista” ay baka balang araw mahalinhan ng iba. Sa kabila ng lahat ng kanilang mga pagpapagal, ang kanilang buhay ay walang anumang namamalaging kabutihan. Sila’y walang tunay na pag-asa para sa hinaharap.
Yao’y gaya nga ng pagkasabi ni Philip Chesterfield, isang Ingles na naglilingkod sa palasyo at orador noong ika-18 siglo: “Ako’y nagpasasa sa lahat ng kalayawan na walang kabuluhan, at iniwanan ko nang lahat. Tinamasa ko ang lahat ng kalayawan ng daigdig, at tinataya ko ito ayon sa talagang halaga, na ang totoo’y pagkababa-baba . . . Pagka pinag-iisipan ko ang aking nasaksihan, . . . at ang aking nagawa, hindi ko mahikayat ang aking sarili na maniwalang lahat ng kasayahan at kalayawan sa daigdig ay tunay.”
Subalit, ang mga Kristiyano ay katulad ni Abraham na “nagsisipaghintay ng lunsod na may tunay na mga pundasyon na ang nagtayo at gumawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.” (Hebreo 11:10) Dahilan sa tiyak naman ang kanilang pag-asa, hindi na kailangang sila’y tumakas kundi ang kailangan ay punuin ang kanilang mga buhay ng kasiya-siyang gawain. Ano ba ang iyong buhay? Ito ba’y wala kundi pagtakas, o ito ba’y matatag na nakatayo sa mga bagay na totoo?
[Talababa]
a Ang “escapism” (pagtakas) ay may katuturan na ang “patuloy na pagbabaling ng isip sa guniguni bilang pagtakas buhat sa totoo,” o “ang pag-iwas sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtutuon ng isip sa . . . guniguning kalagayan, gawain, atb.”