Pagiging Walang Asawa—Pintuan sa Gawaing Walang Abala
“Nangangahulugan [iyon] ng palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.”—1 CORINTO 7:35.
1. Anong nakababahalang balita ang nakarating kay Pablo tungkol sa mga Kristiyano sa Corinto?
NABABAHALA si apostol Pablo tungkol sa kaniyang mga Kristiyanong kapatid sa Corinto, Gresya. Mga limang taon bago nito, itinatag niya ang kongregasyon sa maunlad na lunsod na iyan na bantog dahil sa imoralidad nito. Ngayon, mga 55 C.E., samantalang nasa Efeso, sa Asia Minor, nakatanggap siya ng nakababahalang mga ulat buhat sa Corinto tungkol sa pagkakabaha-bahagi at pagkukunsinti sa isang malubhang kaso ng imoralidad. Isa pa, nakatanggap si Pablo ng isang liham mula sa mga Kristiyanong taga-Corinto na humihingi ng patnubay tungkol sa seksuwal na mga ugnayan, pagiging walang asawa, pag-aasawa, paghihiwalay, at muling pag-aasawa.
2. Paanong ang imoralidad na palasak sa Corinto ay lumilitaw na nakaaapekto sa mga Kristiyano sa lunsod na iyan?
2 Ang malubhang imoralidad na palasak sa Corinto ay waring nakaaapekto sa kongregasyon doon sa dalawang paraan. Napadaraig ang ilang Kristiyano sa kapaligirang maluwag sa moral at nagkukunsinti sa imoralidad. (1 Corinto 5:1; 6:15-17) Lumilitaw na ang ilan, bilang reaksiyon sa kahalayan na kitang-kita sa lunsod, ay umabot pa sa punto na nagrerekomendang iwasan ang lahat ng uri ng pagsisiping, kahit na yaong para sa mag-asawa.—1 Corinto 7:5.
3. Anong mga bagay ang tinalakay muna ni Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto?
3 Sa mahabang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, tinalakay muna niya ang suliranin tungkol sa pagkakabaha-bahagi. (1 Corinto, kabanata 1-4) Masidhing pinayuhan niya sila na iwasang sundin ang mga tao, na hahantong lamang sa nakapipinsalang pagkakabaha-bahagi. Dapat silang magkaisa bilang “mga kamanggagawa” ng Diyos. Pagkatapos ay binigyan niya sila ng mga espesipikong tagubilin hinggil sa pagpapanatiling malinis sa moral ang kongregasyon. (1Co Kabanata 5, 6) Sumunod ay bumaling ang apostol sa kanilang liham.
Inirekomenda ang Pagiging Walang Asawa
4. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang banggitin niyang “mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo sa babae”?
4 Sinimulan niya: “Ngayon may kinalaman sa mga bagay na isinulat ninyo, mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo sa babae.” (1 Corinto 7:1) Dito ang pananalitang “huwag humipo sa babae” ay nangangahulugang iwasan ang pisikal na ugnayan sa isang babae upang mapalugdan ang laman. Yamang hinatulan na ni Pablo ang pakikiapid, ang tinutukoy niya ngayon ay ang pagsisiping ng mag-asawa. Samakatuwid, inirerekomenda ngayon ni Pablo ang pagiging walang asawa. (1 Corinto 6:9, 16, 18; ihambing ang Genesis 20:6; Kawikaan 6:29.) Isinulat pa niya: “Ngayon ay sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti para sa kanila na manatiling gaya ko rin naman.” (1 Corinto 7:8) Walang asawa si Pablo, marahil isang balo.—1 Corinto 9:5.
5, 6. (a) Bakit maliwanag na hindi inirerekomenda ni Pablo ang mapagkait-sa-sariling istilo ng pamumuhay? (b) Bakit inirekomenda ni Pablo ang pagiging walang asawa?
5 Malamang na ang mga Kristiyano sa Corinto ay may kabatiran sa Griegong pilosopiya, na ang ilang grupo ay pumupuri sa labis na pagpapakasakit, o pagkakait-sa-sarili. Maaari kayang ito ang dahilan kung kaya tinanong ng mga taga-Corinto si Pablo kung magiging “mabuti” para sa mga Kristiyano na umiwas sa lahat ng uri ng pagsisiping? Ang sagot ni Pablo ay hindi nagpahayag ng Griegong pilosopiya. (Colosas 2:8) Di-tulad ng mga teologong Katoliko, hindi niya kailanman inirekomenda ang isang buhay na walang-asawa at pagpapakasakit sa isang monasteryo o kumbento, na para bang ang mga walang asawa ay lalong banal at makapagdudulot ng kanilang sariling kaligtasan sa pamamagitan ng kanilang istilo ng pamumuhay at mga panalangin.
6 Inirekomenda ni Pablo ang di-pag-aasawa “dahilan sa pangangailangan na narito sa atin.” (1 Corinto 7:26) Maaaring tinutukoy niya ang mahirap na panahon na nararanasan ng mga Kristiyano, na lalo pang mapalulubha ng pag-aasawa. (1 Corinto 7:28) Ganito ang payo niya sa mga Kristiyanong walang asawa: “Mabuti para sa kanila na manatiling gaya ko rin naman.” Sa mga biyudo ay sinabi niya: “Nakakalagan ka ba mula sa isang asawang babae? Tumigil ka sa paghahanap ng isang asawang babae.” Tungkol sa isang biyuda, ganito ang isinulat niya: “Siya ay mas maligaya kung mananatili siyang gaya ng kung ano siya, ayon sa aking opinyon. Iniisip ko na talagang taglay ko rin ang espiritu ng Diyos.”—1 Corinto 7:8, 27, 40.
Hindi Pinipilit na Manatiling Walang Asawa
7, 8. Ano ang nagpapakita na hindi pinipilit ni Pablo ang sinumang Kristiyano na manatiling walang asawa?
7 Tiyak na inaakay ng banal na espiritu ni Jehova si Pablo nang ipayo niya ito. Timbang at may kahinahunan ang kabuuan ng paghaharap niya ng tungkol sa di-pag-aasawa at sa pag-aasawa. Iyon ay hindi niya ginagawang tungkol sa katapatan o di-katapatan. Sa halip, iyon ay tungkol sa malayang pagpili, na ang timbangan ay mas pabor sa pagiging walang asawa para sa makapananatiling malinis sa gayong kalagayan.
8 Karaka-raka pagkatapos sabihing “mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo sa babae,” idinagdag ni Pablo: “Gayunman, dahil sa pagiging laganap ng pakikiapid, ang bawat lalaki ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa at ang bawat babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa.” (1 Corinto 7:1, 2) Pagkatapos payuhan ang mga walang asawa at mga balo na “manatiling gaya ko rin naman,” agad niyang idinagdag: “Ngunit kung wala silang pagpipigil-sa-sarili, mag-asawa sila, sapagkat lalong mabuti ang mag-asawa kaysa magningas sa pagnanasa.” (1 Corinto 7:8, 9) Muli, ang payo niya sa mga biyudo ay: “Tumigil ka sa paghahanap ng isang asawang babae. Ngunit kahit na nag-asawa ka, hindi ka nakagawa ng kasalanan.” (1 Corinto 7:27, 28) Masasalamin sa timbang na payong ito ang kalayaang pumili.
9. Ayon kina Jesus at Pablo, paanong mga kaloob mula sa Diyos kapuwa ang pag-aasawa at pagiging walang asawa?
9 Ipinakita ni Pablo na kapuwa ang pag-aasawa at pagiging walang asawa ay mga kaloob mula sa Diyos. “Nais ko sanang ang lahat ng tao ay gaya ko mismo. Gayunpaman, ang bawat isa ay mayroong kaniyang sariling kaloob mula sa Diyos, ang isa ay sa ganitong paraan, ang iba naman ay sa gayong paraan.” (1 Corinto 7:7) Tiyak na nasa isip niya ang sinabi ni Jesus. Matapos patunayan na ang pag-aasawa ay buhat sa Diyos, ipinakita ni Jesus na ang pagkukusa na manatiling walang asawa alang-alang sa interes ng Kaharian ay isang pantanging kaloob: “Hindi lahat ng mga tao ay naglalaan ng dako para sa kasabihan, kundi yaong mga may kaloob lamang. Sapagkat may mga bating na ipinanganak na gayon mula sa bahay-bata ng kanilang ina, at may mga bating na ginawang bating ng mga tao, at may mga bating na ginawang bating ang kanilang mga sarili dahil sa kaharian ng mga langit. Siya na makapaglalaan ng dako rito ay maglaan ng dako rito.”—Mateo 19:4-6, 11, 12.
Paglalaan ng Dako Para sa Kaloob ng Pagiging Walang Asawa
10. Paanong ang isang tao ay ‘makapaglalaan ng dako’ para sa kaloob ng pagiging walang asawa?
10 Bagaman kapuwa sina Jesus at Pablo ay bumanggit na ang pagiging walang-asawa ay isang “kaloob,” wala ni isa ang nagsabi na iyon ay makahimalang kaloob na taglay lamang ng ilan. Sinabi ni Jesus na “hindi lahat ng mga tao ay naglalaan ng dako” para sa kaloob na iyan, at hinimok niya yaong makagagawa nito na “maglaan ng dako rito,” gaya ng ginawa nina Jesus at Pablo. Totoo, sumulat si Pablo: “Lalong mabuti ang mag-asawa kaysa magningas sa pagnanasa,” ngunit ang tinutukoy niya ay yaong mga ‘walang pagpipigil-sa-sarili.’ (1 Corinto 7:9) Sa kaniyang naunang isinulat, ipinakita ni Pablo na maiiwasan ng mga Kristiyano na magningas sa pagnanasa. (Galacia 5:16, 22-24) Ang paglakad sa espiritu ay nangangahulugan ng pagpapahintulot na ang espiritu ni Jehova ang umakay sa bawat hakbang natin. Magagawa kaya ito ng mga kabataang Kristiyano? Oo, kung maingat nilang susundin ang Salita ni Jehova. Sumulat ang salmista: “Paano lilinisin ng isang kabataang lalaki [o babae] ang kaniyang landas? Sa pamamagitan ng pag-iingat alinsunod sa iyong salita.”—Awit 119:9.
11. Ano ang ibig sabihin ng ‘lumakad ayon sa espiritu’?
11 Nasasangkot dito ang pag-iingat laban sa mahalay na mga ideya na itinatawid sa pamamagitan ng maraming programa sa TV, pelikula, mga artikulo sa magasin, aklat, at titik ng mga awitin. Makalaman ang gayong mga ideya. Ang sinumang kabataang Kristiyano na nagnanais maglaan ng dako para sa pagiging walang asawa ay dapat na “lumalakad, hindi ayon sa laman, kundi ayon sa espiritu. Sapagkat yaong mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang mga kaisipan sa mga bagay ng laman, ngunit yaong mga ayon sa espiritu ay [nagtutuon ng kanilang mga kaisipan] sa mga bagay ng espiritu.” (Roma 8:4, 5) Ang mga bagay ng espiritu ay matuwid, malinis, kaibig-ibig, may kagalingan. Makabubuti sa mga Kristiyano, bata man o matanda, na “patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8, 9.
12. Ano ang pangunahing nasasangkot sa paglalaan ng dako para sa kaloob na pagiging walang asawa?
12 Ang paglalaan ng dako para sa kaloob na pagiging walang asawa ay pangunahin nang may kinalaman sa pagtatalaga ng puso ng isa sa tunguhing iyan at pananalangin kay Jehova ukol sa tulong na maabot iyon. (Filipos 4:6, 7) Sumulat si Pablo: “Ngunit kung ang sinuman ay nakatayong panatag sa kaniyang puso, na walang pangangailangan, kundi may awtoridad sa kaniyang sariling kalooban at ginawa na ang pasiyang ito sa kaniyang sariling puso, na ingatan ang kaniyang sariling pagkabirhen, siya ay mapapabuti. Dahil dito siya rin na nagbibigay ng kaniyang pagkabirhen sa pag-aasawa ay napapabuti, ngunit siya na hindi nagbibigay nito sa pag-aasawa ay lalong mapapabuti.”—1 Corinto 7:37, 38.
Pagiging Walang Asawa na May Layunin
13, 14. (a) Anong paghahambing ang ginawa ni apostol Pablo sa pagitan ng mga Kristiyanong walang asawa at may-asawa? (b) Paano lamang nagiging ‘lalong mabuti’ ang isang Kristiyanong walang asawa kaysa sa mga may-asawa?
13 Ang pagiging walang asawa ay hindi kapuri-puri sa ganang sarili nito. Sa anong diwa, kung gayon, ito ay ‘lalong mabuti’? Ito ay talagang depende sa kung paano ginagamit ng isang tao ang kalayaang dulot nito. Sumulat si Pablo: “Nais ko ngang maging malaya kayo mula sa kabalisahan. Ang lalaking walang asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng Panginoon. Ngunit ang lalaking may-asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng kaniyang asawang babae, at siya ay nababahagi. Karagdagan pa, ang babaing walang asawa, at ang birhen, ay nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon, upang siya ay maging banal kapuwa sa kaniyang katawan at sa kaniyang espiritu. Gayunman, ang babaing may-asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng kaniyang asawang lalaki. Ngunit sinasabi ko ito para sa inyong personal na kapakinabangan, hindi upang maglagay ng panilo sa inyo, kundi upang pakilusin kayo tungo sa bagay na angkop at doon sa nangangahulugan ng palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.”—1 Corinto 7:32-35.
14 Ang isang Kristiyanong walang asawa na gumagamit ng kaniyang kalagayang walang asawa upang magtaguyod ng mapag-imbot na mga tunguhin ay hindi gumagawa ng ‘lalong mabuti’ kaysa sa mga Kristiyanong may asawa. Nananatili siyang walang asawa, hindi “dahil sa kaharian ng mga langit,” kundi dahil sa personal na mga kapakanan. (Mateo 19:12) Ang binata o dalaga ay dapat na “nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon,” nababalisa na ‘makamit ang pagsang-ayon ng Panginoon,’ at nasa “palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.” Nangangahulugan ito ng pag-uukol ng di-nababahaging pansin sa paglilingkod kay Jehova at kay Kristo Jesus. Tanging sa paggawa nito ang mga Kristiyanong lalaki at babaing walang asawa ay gumagawa ng ‘lalong mabuti’ kaysa sa mga Kristiyanong may asawa.
Gawaing Walang Abala
15. Ano ang pangunahing punto sa pangangatuwiran ni Pablo sa 1 Corinto kabanata 7?
15 Ganito ang kabuuang pangangatuwiran ni Pablo sa kabanatang ito: Samantalang ang pag-aasawa ay nararapat at, sa ilang kalagayan, makabubuti para sa ilan, ang pagiging walang asawa ay di-maikakailang kapaki-pakinabang sa Kristiyanong lalaki o babae na ibig maglingkod kay Jehova nang walang gaanong abala. Samantalang ang taong may asawa ay “nababahagi,” ang Kristiyanong walang asawa ay malayang magbuhos ng pansin sa “mga bagay ng Panginoon.”
16, 17. Paano higit na makapagtutuon ng pansin ang isang Kristiyanong walang asawa sa “mga bagay ng Panginoon”?
16 Ano ang mga bagay ng Panginoon na mas malayang mapagtutuunan ng pansin ng isang Kristiyanong walang asawa kaysa sa mga taong may asawa? Sa ibang konteksto, bumanggit si Jesus ng “mga bagay na sa Diyos”—mga bagay na hindi maaaring ibigay ng mga Kristiyano kay Cesar. (Mateo 22:21) Ang mga bagay na ito ay pangunahin nang may kinalaman sa buhay, pagsamba, at ministeryo ng isang Kristiyano.—Mateo 4:10; Roma 14:8; 2 Corinto 2:17; 3:5, 6; 4:1.
17 Karaniwan nang mas malaya ang mga walang asawa na mag-ukol ng panahon sa paglilingkod kay Jehova, na kapaki-pakinabang sa kanilang espirituwalidad at sa lawak ng kanilang ministeryo. Mas maraming panahon ang magugugol nila sa personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay. Madalas na mas madaling maipasok ng mga Kristiyanong walang asawa sa kanilang iskedyul ang pagbabasa ng Bibliya kaysa sa mga may asawa. Mas makapaghahanda silang mabuti para sa mga pulong at paglilingkod sa larangan. Lahat ng ito ay para sa kanilang “personal na kapakinabangan.”—1 Corinto 7:35.
18. Paano maipakikita ng maraming binatang kapatid na ibig nilang maglingkod kay Jehova “nang walang abala”?
18 Maraming kapatid na binata na naglilingkod na bilang mga ministeryal na lingkod ay malayang magsabi kay Jehova: “Narito ako! Suguin mo ako.” (Isaias 6:8) Maaari silang mag-aplay upang makapag-aral sa Ministerial Training School, na inilalaan para sa mga binatang ministeryal na lingkod o matatanda na malayang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Kahit ang mga kapatid na hindi malayang lumisan sa kanilang kongregasyon ay makapaglalaan ng kanilang sarili upang maglingkod sa kanilang mga kapatid bilang mga ministeryal na lingkod o matatanda.—Filipos 2:20-23.
19. Paano pinagpapala ang maraming dalagang kapatid, at ano ang isang paraan na sila’y isang pagpapala sa mga kongregasyon?
19 Palibhasa’y walang asawang lalaki bilang ulo na pagsasanggunian at pagtatapatan, ang mga dalagang kapatid na babae ay mas madaling ‘maghagis ng kanilang mga pasanin kay Jehova.’ (Awit 55:22; 1 Corinto 11:3) Ito ay lalo nang mahalaga sa mga kapatid na babae na dahil sa pag-ibig kay Jehova ay nananatiling walang asawa. Kung pagsapit ng panahon ay mag-asawa sila, iyon ay “tangi lamang sa Panginoon,” alalaong baga, tanging sa isa na nakaalay kay Jehova. (1 Corinto 7:39) Nagpapasalamat ang matatanda sa pagkakaroon ng mga dalagang kapatid na babae sa kanilang kongregasyon; ang mga ito ang siyang malimit na dumadalaw at tumutulong sa mga maysakit at sa matatanda na. Nagdudulot ito ng kaligayahan sa lahat ng nasasangkot.—Gawa 20:35.
20. Paano ipinakikita ng maraming Kristiyano na sila’y ‘palagiang naglilingkod sa Panginoon nang walang abala’?
20 Maraming kabataang Kristiyano ang nagsaayos ng kanilang kalagayan upang ‘palagiang makapaglingkod sa Panginoon nang walang abala.’ (1 Corinto 7:35) Sila ay naglilingkod kay Jehova bilang buong-panahong mga ministrong payunir, misyonero, o sa isa sa mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. At anong ligayang grupo nila! Totoong nakagiginhawang makasama sila! Aba, sa mga mata ni Jehova at ni Jesus, sila ay “tulad ng hamog.”—Awit 110:3.
Walang Panatang Hindi Mag-aasawa Kailanman
21. (a) Bakit maliwanag na hindi inirerekomenda ni Pablo ang panatang hindi mag-aasawa? (b) Ano ang ipinahihiwatig niya nang bumanggit siya tungkol sa pagiging “lampas na sa kasibulan ng kabataan”?
21 Ang pangunahing punto sa payo ni Pablo ay na “mabuti” sa mga Kristiyano na paglaanan ng dako sa kanilang buhay ang pagiging walang asawa. (1 Corinto 7:1, 8, 26, 37) Gayunman, sa anumang paraan ay hindi niya sila inaanyayahang gumawa ng panatang hindi mag-aasawa. Sa kabaligtaran, sumulat siya: “Kung iniisip ng sinuman na gumagawi siya nang di-wasto sa kaniyang pagkabirhen, kung iyan ay lampas na sa kasibulan ng kabataan, at sa ganitong paraan dapat maganap, gawin niya kung ano ang ibig niya; hindi siya nagkakasala. Mag-asawa sila.” (1 Corinto 7:36) Ang isang salitang Griego (hy·peʹra·kmos) na isinaling “lampas na sa kasibulan ng kabataan” ay literal na nangangahulugang “lampas na sa pinakamataas na antas” at tumutukoy sa paglipas ng kasukdulan ng seksuwal na pagnanasa. Kaya yaong mga hindi nag-asawa sa loob ng maraming taon at sa dakong huli ay nakadaramang dapat silang mag-asawa ay lubusang malaya na magpakasal sa isang kapananampalataya.—2 Corinto 6:14.
22. Bakit kapaki-pakinabang buhat sa lahat ng punto de vista na ang isang Kristiyano ay huwag mag-asawa nang napakabata pa?
22 Ang mga taon na ginugugol ng isang kabataang Kristiyano sa paglilingkod kay Jehova nang walang abala ay isang matalinong hakbang. Ito’y nagpapangyari sa kaniya na magtamo ng praktikal na karunungan, karanasan, at malalim na unawa. (Kawikaan 1:3, 4) Ang isang tao na nanatiling walang asawa dahil sa Kaharian ay makapupong higit na nasa kalagayan sa dakong huli, kung ipasiya niya, na bumalikat ng mga pananagutan ng isang may-asawa at marahil ng isang magulang.
23. Ano ang marahil nasa isip ng ilan na nagbabalak mag-asawa, subalit anong tanong ang tatalakayin sa susunod na mga artikulo?
23 Ang ilang Kristiyano na gumugol ng ilang taon sa paglilingkod kay Jehova nang buong-panahon bilang isang walang asawa ay maingat na pumipili ng kanilang makakasama sa buhay taglay ang layuning makapagpatuloy sa buong-panahong paglilingkod. Ito ay totoong kapuri-puri. Baka malasin pa ng ilan ang pag-aasawa taglay ang ideya na huwag hayaang maging hadlang ang pag-aasawa sa kanilang paglilingkod sa anumang paraan. Subalit dapat bang isipin ng isang may-asawang Kristiyano na malaya siyang makapagbubuhos ng panahon sa kaniyang paglilingkuran kay Jehova na kagaya noong siya’y wala pang asawa? Tatalakayin ang tanong na ito sa susunod na mga artikulo.
Bilang Repaso
◻ Bakit nadama ni apostol Pablo ang pangangailangang sulatan ang kongregasyon sa Corinto?
◻ Bakit natin nalalaman na hindi inirerekomenda ni Pablo ang mapagkait-sa-sariling istilo ng pamumuhay?
◻ Paanong ang isang tao ay ‘makapaglalaan ng dako’ para sa pagiging walang asawa?
◻ Paano makikinabang ang mga dalagang kapatid sa kanilang kalagayang walang asawa?
◻ Sa anu-anong paraan maaaring samantalahin ng mga binatang kapatid ang kanilang kalayaan na maglingkod kay Jehova “nang walang abala”?