Matalinong Payo sa Pag-aasawa at Pananatiling Walang Asawa
“Sinasabi ko ito . . . upang pakilusin kayo tungo sa bagay na nararapat at doon sa nangangahulugan ng palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.”—1 COR. 7:35.
1, 2. Bakit kailangan natin ang payo ng Bibliya hinggil sa pag-aasawa at pananatiling walang asawa?
MAGKAKAHALONG kaligayahan, kabiguan, at kabalisahan ang madalas nating madama sa pakikitungo sa mga di-kasekso. Dahil dito, kailangan natin ng patnubay ng Diyos. Pero may iba pang dahilan kung bakit kailangan natin ito. Baka kontento nang manatiling dalaga o binata ang isang Kristiyano pero pinipilit siyang mag-asawa ng mga kapamilya at kaibigan. Gusto naman ng iba na mag-asawa, pero wala silang makitang angkop na mapapangasawa. Ang ilan naman ay nangangailangan ng patnubay bago balikatin ang mga responsibilidad ng buhay may-asawa. At lahat ng Kristiyano, may asawa man o wala, ay napapaharap sa tukso ng imoralidad.
2 Ang ating pagpapasiya hinggil sa mga bagay na ito ay makaaapekto hindi lang sa ating kaligayahan kundi pati sa kaugnayan natin sa Diyos na Jehova. Sa kabanata 7 ng kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, nagbigay si Pablo ng payo hinggil sa pag-aasawa at pananatiling walang asawa. Gusto niyang pakilusin ang kaniyang mga mambabasa na gawin ang “bagay na nararapat at . . . nangangahulugan ng palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.” (1 Cor. 7:35) Habang tinatalakay natin ang kaniyang payo, pag-isipan kung paano mo magagamit ang iyong sitwasyon—may asawa ka man o wala—para higit na makapaglingkod kay Jehova.
Isang Mabigat na Pagpapasiya
3, 4. (a) Kapag masyadong nag-aalala ang iba sa isang kaibigan o kamag-anak na hindi pa nag-aasawa, ano ang posibleng maging problema? (b) Paano makatutulong ang payo ni Pablo para magkaroon tayo ng timbang na pangmalas sa pag-aasawa?
3 Gaya ng mga Judio noong unang siglo, napakaimportante para sa maraming tao ngayon ang makapag-asawa. Kapag lampas na sa kalendaryo ang isang binata o dalaga, baka mag-alala ang kaniyang mga kaibigan at kamag-anak. Baka payuhan nila siyang magpursige sa paghahanap ng mapapangasawa. Maaaring may ireto sila sa kaniya at baka gumawa pa nga sila ng tusong paraan para magkakilala sila. Kung minsan, nauuwi ito sa pagkapahiya, sama ng loob, at pagkasira ng pagkakaibigan.
4 Hindi kailanman pinilit ni Pablo ang iba na mag-asawa o manatiling walang asawa. (1 Cor. 7:7) Bagaman kontento na siyang maglingkod kay Jehova nang walang asawa, iginalang niya ang karapatan ng iba na mag-asawa. Sa ngayon, karapatan din ng bawat Kristiyano na gumawa ng sariling pasiya tungkol sa bagay na ito. Hindi sila dapat diktahan ng iba.
Matagumpay Kahit Walang Asawa
5, 6. Bakit inirekomenda ni Pablo ang pagiging walang asawa?
5 Sa liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, positibo ang mga komento niya tungkol sa pagiging walang asawa. (Basahin ang 1 Corinto 7:8.) Pero di-gaya ng ilang klero ng Sangkakristiyanuhan, hindi itinuring ni Pablo na nakahihigit siya sa iba dahil wala siyang asawa. Sa halip, idiniin ng apostol ang bentaha na taglay ng maraming Kristiyanong walang asawa. Ano iyon?
6 Karaniwan na, ang mga walang-asawang Kristiyano ay maaaring tumanggap ng mga atas sa paglilingkod kay Jehova na hindi bukás sa mga may-asawa. Halimbawa, tumanggap si Pablo ng pribilehiyo na maging “apostol sa mga bansa.” (Roma 11:13) Sa Gawa kabanata 13 hanggang 20, mababasa natin ang mga karanasan ni Pablo. Naglakbay siya kasama ng mga kapuwa misyonero para mangaral at magtatag ng maraming kongregasyon. Nagbata siya ng mahihirap na kalagayan sa ministeryo na hindi mararanasan ng marami sa ngayon. (2 Cor. 11:23-27, 32, 33) Pero sulit ang mga iyon dahil marami siyang natulungang maging mga alagad. (1 Tes. 1:2-7, 9; 2:19) Magagawa kaya ni Pablo ang lahat ng ito kung mayroon siyang asawa’t mga anak? Malamang na hindi.
7. Paano sinamantala ng dalawang dalagang Saksi ang kanilang kalagayan para maipangaral ang Kaharian?
7 Sinasamantala ng maraming Kristiyanong walang asawa ang kanilang kalagayan alang-alang sa Kaharian. Sina Sara at Limbania, mga dalagang payunir sa Bolivia, ay lumipat sa isang nayon na maraming taon nang hindi napangangaralan. Walang kuryente sa lugar na iyon. Sinabi nila: “Walang radyo o TV rito, kaya pagbabasa ang pangunahing libangan ng mga tao.” Ipinakita ng ilang taganayon sa mga payunir ang mga lumang publikasyon natin na binabasa pa rin nila hanggang sa ngayon. Dahil halos lahat ng pinupuntahan nila ay interesado, hindi nila madalaw ang bawat bahay sa teritoryo. Sinabi ng isang matandang babae: “Siguro malapit na ang katapusan dahil narating na tayo ng mga Saksi ni Jehova.” Dumadalo na sa pulong ang ilang taganayon.
8, 9. (a) Ano ang nasa isip ni Pablo nang irekomenda niya ang pananatiling walang asawa? (b) Anong mga bentaha ang taglay ng mga Kristiyanong walang asawa?
8 Siyempre, may magagandang karanasan din naman ang mga may-asawang Kristiyano na nangangaral sa mahihirap na teritoryo. Pero ang ilang atas na bukás sa mga walang asawang payunir ay maaaring maging hamon para sa mga may asawa o anak. Nang lumiham si Pablo sa mga kongregasyon, alam niya na napakalaki pa ng gawaing pangangaral. Gusto rin niyang maranasan ng lahat ang kagalakan sa paggawa ng alagad. Kaya naman inirekomenda niya ang pananatiling walang asawa habang naglilingkod kay Jehova.
9 Isang dalagang payunir sa Estados Unidos ang sumulat: “Iniisip ng ilan na hindi magiging maligaya ang mga walang asawa. Pero alam kong ang tunay na kaligayahan ay nakasalalay sa ating personal na kaugnayan kay Jehova. Mahirap din ang walang asawa, pero maituturing itong isang kaloob kung gagamitin sa mabuting paraan.” Sinabi pa niya: “Alam kong mahal na mahal ni Jehova ang lahat ng lingkod niya, may asawa man o wala.” Sa ngayon ay maligaya siyang naglilingkod sa isang bansa kung saan malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Kung wala ka pang asawa, puwede mo bang samantalahin ang iyong kalayaan para higit pang makapagturo ng katotohanan sa iba? Makikita mong ang pagiging walang asawa ay isang napakahalagang kaloob mula kay Jehova.
Gusto Nang Mag-asawa
10, 11. Paano inaalalayan ni Jehova ang mga hindi pa makakita ng angkop na mapapangasawa?
10 Maraming tapat na lingkod ni Jehova ang nagpasiyang maghanap ng mapapangasawa pagkatapos ng maraming taon ng pananatiling walang asawa. Dahil alam nilang kailangan nila ng patnubay, hiniling nila kay Jehova na tulungan silang makahanap ng angkop na kabiyak.—Basahin ang 1 Corinto 7:36.
11 Kung gusto mong makapag-asawa ng isa na naglilingkod kay Jehova nang buong puso, patuloy mo itong ipanalangin sa Kaniya. (Fil. 4:6, 7) Huwag kang masisiraan ng loob kahit parang matagal ka nang naghihintay. Alam ni Jehova ang kailangan mo, at kung magtitiwala ka sa kaniya, tutulungan ka niyang magbata.—Heb. 13:6.
12. Bakit dapat pag-isipang mabuti ng isang Kristiyano ang alok na pagpapakasal?
12 Paano kung gusto mo nang mag-asawa at isang mahina sa espirituwal, o mas masahol pa, isang di-kapananampalataya, ang mag-alok sa iyo ng kasal? Tandaan, kung magkakamali ka sa pagpapasiya, mas matindi ang mararamdaman mong sakit ng kalooban kaysa sa kalungkutang nararanasan mo ngayong wala ka pang asawa. At kapag ikinasal na kayo, nakatali ka na sa kaniya habambuhay. (1 Cor. 7:27) Huwag maging desperado. Pagsisisihan mo ito balang-araw.—Basahin ang 1 Corinto 7:39.
Maghanda sa Realidad ng Pag-aasawa
13-15. Anong posibleng mga problema ang dapat pag-usapan ng magkasintahan bago magpakasal?
13 Bagaman inirekomenda ni Pablo ang pagiging walang asawa habang naglilingkod kay Jehova, hindi naman niya hinusgahan ang mga nagpapasiyang mag-asawa. Sa halip, ang kinasihang payo niya ay tumutulong sa mga indibiduwal na harapin ang realidad ng pag-aasawa at patibayin ang kanilang pagsasama.
14 Kailangang baguhin ng iba ang kanilang konsepto sa buhay may-asawa. Habang nagliligawan, baka madama ng magkasintahan na ang kanilang pag-ibig ay espesyal at hindi sila magkakaproblema kailanman. Sa araw ng kasal, sila’y punung-puno ng mga pangarap at kumbinsido na walang anumang makasisira sa kanilang kaligayahan. Pero hindi makatotohanan iyan. Totoo, nagdudulot ng kaligayahan sa mag-asawa ang romantikong pag-ibig, pero hindi sapat iyan para maharap ang mga kapighatiang kaakibat ng buhay may-asawa.—Basahin ang 1 Corinto 7:28.a
15 Maraming bagong-kasal ang nagugulat, o nadidismaya pa nga, kapag natuklasan nilang hindi sila magkasundo sa mahahalagang bagay—paghawak ng pera, paglilibang, kung saan sila titira, at kung gaano kadalas sila dadalaw sa mga biyenan. Baka may mga ugali sila na nakaiirita sa isa’t isa. Habang nagliligawan, baka ipinagkikibit-balikat lang nila ito, pero puwede itong pagmulan ng problema pagdating ng panahon. Kaya naman makabubuting pag-usapan nila ito bago magpakasal.
16. Bakit dapat magkasundo ang mag-asawa sa pagharap sa mga hamon?
16 Para maging matagumpay at maligaya ang mag-asawa, dapat nilang magkasamang harapin ang mga hamon. Dapat silang magkasundo kung paano didisiplinahin ang kanilang mga anak at kung paano aalagaan ang kanilang matatanda nang magulang. Hindi nila dapat hayaang paglayuin sila ng mga problema sa pamilya. Kung ikakapit nila ang payo ng Bibliya, malulutas nila ang maraming problema, mababata ang mga hindi masolusyonan, at mananatili silang maligaya sa kanilang pagsasama.—1 Cor. 7:10, 11.
17. Bakit “nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan” ang mga mag-asawa?
17 May binanggit pa si Pablo tungkol sa realidad ng buhay may-asawa sa 1 Corinto 7:32-34. (Basahin.) Ang mga may-asawa ay “nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan,” gaya ng pagkain, pananamit, tirahan, at iba pang pangangailangan. Bakit? Noong binata pa ang isang brother, baka ibinubuhos niya ang kaniyang panahon at lakas sa ministeryo. Pero ngayong may-asawa na siya, kailangan na niyang gamitin ang ilan sa panahon at lakas na iyon para paglaanan ang kaniyang asawa at sa gayo’y makamit ang pagsang-ayon nito. Ganiyan din ang gagawin ng asawang babae. Nauunawaan ni Jehova na gusto ng mag-asawa na mapaligaya ang isa’t isa. Alam din niya na maaaring hindi na mailalaan ng mag-asawa ang katulad na panahon at lakas na ginagamit nila sa paglilingkod noong dalaga’t binata pa sila. Kailangan na nilang gamitin ang ilan sa panahon at lakas na ito para patibayin ang kanilang pagsasama.
18. Anong mga pagbabago ang kailangang gawin ng ilang mag-asawa sa paggamit nila ng panahon sa paglilibang?
18 Pero narito ang isa pang mahalagang punto. Kung kailangang gamitin ng mag-asawa ang ilan sa panahon at lakas na ginagamit nila sa paglilingkod sa Diyos para alagaan ang isa’t isa, hindi ba ganito rin ang dapat nilang gawin sa panahon at lakas na dati nilang ginagamit sa paglilibang noong dalaga’t binata pa sila? Ano kaya ang magiging epekto sa asawang babae kung puro sports pa rin ang inaatupag ng kaniyang asawa kasama ng mga kaibigan nito? O ano naman ang madarama ng asawang lalaki kung malaking panahon pa rin ang ginagamit ng kaniyang asawa sa paglilibang kasama ng mga kaibigan nito? Di-magtatagal, ang asawang napabayaan ay malulungkot at madarama niyang hindi siya minamahal. Pero maiiwasan ito kung gagawin ng mag-asawa ang buong makakaya nila para patibayin ang kanilang pagsasama.—Efe. 5:31.
Kahilingan ni Jehova ang Kalinisan sa Moral
19, 20. (a) Bakit hindi ligtas sa tuksong gumawa ng imoralidad ang mga may-asawa? (b) Ano ang panganib kapag nagkakalayo ang mag-asawa sa loob ng mahabang panahon?
19 Determinado ang mga lingkod ni Jehova na manatiling malinis sa moral. Ang ilan ay nagpasiyang mag-asawa para maiwasan ang problema sa bagay na ito. Pero hindi ito garantiya na protektado na ang isa sa karumihan sa sekso. Noong panahon ng Bibliya, magiging proteksiyon lamang sa mga tao ang isang nakukutaang lunsod kung mananatili sila sa loob nito. Kung ang isang tao ay lalabas sa lunsod at nagkataon na may gumagalang masasamang-loob, maaari siyang pagnakawan o patayin ng mga ito. Sa katulad na paraan, protektado lamang sa imoralidad ang mga may-asawa kung susundin nila ang mga batas at limitasyon hinggil sa sekso na itinakda ng Tagapagpasimula ng pag-aasawa.
20 Inilarawan ni Pablo ang limitasyong iyon sa 1 Corinto 7:2-5. Ang asawang lalaki lamang ang may karapatang makipagtalik sa kaniyang asawa. At ang asawang babae lamang ang may karapatang makipagtalik sa kaniyang asawa. Dapat nilang ibigay sa isa’t isa ang “kaukulan,” o seksuwal na pakikipag-ugnayan, na karapatan ng kanilang asawa. Pero may mga mag-asawa na nagkakalayo sa loob ng mahabang panahon—nagbabakasyon nang kani-kaniya o nawawalay sa isa’t isa dahil sa trabaho, kung kaya napagkakaitan nila ang isa’t isa ng “kaukulan.” Dahil sa “kawalan ng pagsupil sa sarili,” ang isa ay maaaring madaig ng tukso ni Satanas at makagawa ng pangangalunya. Gayunman, tiyak na pagpapalain ni Jehova ang mga ulo ng pamilya na naglalaan para sa kanilang sambahayan nang hindi isinasapanganib ang kanilang buhay may-asawa.—Awit 37:25.
Sundin ang Payo ng Bibliya
21. (a) Bakit mahirap magdesisyon kung mag-aasawa o hindi? (b) Bakit kapaki-pakinabang ang payo sa 1 Corinto kabanata 7?
21 Ang pagpapasiya kung mag-aasawa o hindi ay isa sa pinakamahihirap na desisyon sa buhay. Tayong lahat ay apektado ng di-kasakdalan, na siyang ugat ng karamihan sa mga problema sa ugnayan ng tao. Kaya naman kahit ang mga may pagpapala ni Jehova ay hindi ligtas sa kabiguan, may asawa man o wala. Kung ikakapit mo ang matalinong payo sa 1 Corinto kabanata 7, mababawasan ang gayong mga problema. Mapalulugdan mo si Jehova, may asawa ka man o wala. (Basahin ang 1 Corinto 7:37, 38.) Ang pinakamakabuluhang tunguhin ay ang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa gayon, maaari tayong mabuhay sa bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos. Pagdating ng panahong iyon, mawawala na ang mga problemang laganap ngayon sa ugnayan ng mga lalaki at babae.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, kabanata 2, parapo 16-19.
Masasagot Mo Ba?
• Bakit hindi natin dapat pilitin ang iba na mag-asawa?
• Paano maaaring samantalahin ng isang walang-asawang lingkod ni Jehova ang kaniyang sitwasyon?
• Paano mapaghahandaan ng magkasintahan ang mga hamon ng buhay may-asawa?
• Bakit ang pag-aasawa ay hindi garantiya na protektado na ang isa sa seksuwal na imoralidad?
[Mga larawan sa pahina 14]
Maligaya ang mga Kristiyanong walang asawa na nagpapalawak ng kanilang ministeryo
[Larawan sa pahina 16]
Anong mga pagbabago ang kailangang gawin ng ilang bagong kasal?